Isang gabay sa pampulikang diskusyon ng PLM
1. Marami nang mga puna sa SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang iba ay tumutukoy sa mga hindi natupad na pangako, sa mga estatistikang hindi tumutugma sa tunay na kalagayan ng mamamayan, at sa mga programang inilalahad na tila para sa lahat, ngunit ang pangunahing nakikinabang lamang ay ang malalaking negosyo at naghaharing uri.
2. Bilang isang sosyalistang organisasyon, dapat mas malalim ang ating pagsusuri. Hindi lamang sinusuri ang administration record ng pangulo.
3. Sinusuri natin ang uri ng estadong kanyang pinamumunuan, ang interes nitong pinaglilingkuran, at bakit paulit-ulit na hindi nalulutas ng mga nagdaan at kasalukuyang administasyon ang krisis ng kahirapan, pagsasamantala, at pang-aapi na gumagapos sa sambayanan?
4. Ang direktang sagaot ay sapagkat hindi ito bunga lamang ng paghahari ni Marcos Jr., kundi ng sistemang kanyang kinakatawan. Sistema ang ugat, subalit anumang kapalpakan at panghuhudas ng nasa administrasyon ay nagpapalala lamang sa mga krisis na dulot ng sistema.
5. Ang SONA ni Marcos Jr. ay hindi nanggaling sa bayan. Walang konsultasyong naganap sa masa kaugnay ng kalagayan nila. Kathang-isip ng pangulo at ng kanyang mga tagasulat ang SONA para muling paglaruan ang tunay na kalagayan ng lipunan. Gayunman, nabungyangyang pa rin mismong sa mga bibig ni Marcos ang tunay na katangian ng estado.
UNA, ang korapsyon ay hindi lamang gawa ng ilang politiko kundi bahagi ng buong sistema sa gobyerno
1. Ang mga pahayag ni Marcos Jr. hinggil sa hayaan nang sampahan ng mg akaso ang pinsan niyang si Martin Romualdez kaugnay ng korapsyon ay palabas lamang at paghahanap ng masisisi. Si Romualdez ang fall guy, para ligtas ang marami pa, kabilang si Marcos.
2. Alam ng marami na si Marcos ay involved din sa korapsyon. Pati ang buong gobyerno. Dahil ang korapsyon ay hindi simpleng usapin ng mga magnanakaw sa gobyerno. Ito ay bunga at nilikha ng isang sistemang ginawang negosyo ang estado.
3. Ang gobyerno, mula sa itaas hanggang sa ibaba, ay matagal nang kontrolado ng mga dinastiyang pampulitika at kanilang mga kroni, ng oligarkiya at malalaking may-ari ng lupa. Ang burukrasya ay ginagamit upang magkamal ng yaman, magbigay ng pabor sa mga kroni at alyado, pondohan ang makinaryang pampulitika at elektoral, at panatilihin ang kanilang paghahari.
4. Sa ganitong diwa, ang political dynasty ang kongkretong anyo ng burukratikong paghahari ng elite. Hindi lamang sila mga pamilya sa pulitika; sila ang mekanismong nagpapanatili ng kontrol ng oligarkiya sa buong estado. Habang nananatili ang sistemang ito, paulit-ulit na lilitaw ang korapsyon kahit sino pa ang maupong pangulo.
5. Hindi aksidente na halos lahat ng paksyon ng naghaharing uri ay may sariling dinastiya. Ito ang paraan ng reproduksyon ng kanilang kapangyarihan.
6. Kaya para sa mga sosyalista, hindi sapat ang kampanya laban sa mga korap na opisyales at para sa ‘good governance’. Walang patutunguhan ito kung hindi wawakasan ang kapangyarihan ng dinastiya at oligarkiya.
IKALAWA, nabungyang sa SONA na ang tunay na programa ng estado ay neoliberalismo
1. Ipinagmalaki ni Marcos Jr. ang sinasabing paglago ng ekonomiya, imprastraktura, at pagpasok ng pamumuhunan. Ngunit hindi nito binabago ang direksiyon ng ekonomiya na sinusunod ng lahat ng administrasyon mula pa noong administrasyon ni Corazon Aquino. Ang programa ng kapitalistang sistema na inadopt ng sunud-sunod na estado mula noon ay neoliberalismo.
2. Ang neoliberalismo ay paniniwalang dapat ipaubaya sa pribadong kapital ang mahahalagang bahagi ng ekonomiya at ilimita ang papel ng gobyerno, laluna ang pagtatanggal ng serbisyo-publiko at pagkakaloob nito sa oligarkiya. Ang serbisyo publiko na dating papel ng estado para tugunan ang karapatan ng mamamayan sa trabaho, pabahay, kalusugan, edukasyon, tubig, koryente, at iba pa ay ipinagkaloob na sa mga kapitalista para pagtubuan.
3. Makikita ito sa limang pangunahing patakaran ng gobyerno (para madaling tandaan, isipin ang acronym na PLDT Co.):
- Privatization — pagbebenta o pagsasapribado ng mga pampublikong serbisyo;
- Liberalization — malayang pagpasok ng dayuhang kapital at produkto;
- Deregulation — pagbawas ng kontrol ng gobyerno sa malalaking negosyo;
- Taxation (regressive na pagbubuwis) — pagpapataw ng mas mabigat na buwis sa ordinaryong mamamayan at konsyumer sa pamamagitan ng VAT at iba pang indirect taxes;
- Contractualization at labor flexibilization — pagpapahina sa seguridad sa trabaho at kapangyarihan ng mga manggagawa.
5. Kung babalikan natin ang mga buladas ni Marcos sa SONA na marami siyang nagawang serbisyo sa masa, heto ang ilan:
- Nagkaloob ng mga ayuda sa iba’t ibang pangalan (AICS, YAKAP, at iba pa, pero pangunahing ginagamit lamang ito para sa political patronage ng mga trapo, kabilang si Marcos.
- Nakiusap siya sa mga kompanya ng langis kaya tinilad-tilad at hindi binigla ang pagtaas ng presyo, pero hindi tunay na naibababa nito ang presyo ng gasolina. Ang tanging solusyon na ayaw niyang buksan ay ang pagbabalik ng pampublikong pagmamay-ari ng Petron at pagbasag sa kontrol ng mga oil cartel.
- Pansamantalang sinuspinde ang excise tax sa LPG at kerosene noong krisis, pero bumalik ito ngayon sa mataas na presyo. Paano’y ang kailangang gawin ay permanenteng tanggalin ang VAT at excise tax.
- Nagsagawa ng sunud-sunod na job fair, pero hindi nalulutas ang higit dalawang milyong unemployed at milyon-milyong underemployed.
- Ipinagmalaki ang Benteng Bigas sa ilang piling lugar, pero nananatiling P40-P50 kada kilo ang presyo nito sa mga pamilihan ng masa.
- Aalisin daw ang systems loss sa koryente, pero pumalag na si Manny Pangilinan ng PLDT dahil hindi sila kikita, gayong bilyon-bilyon ang kinikita nila dahil ang presyo ng kanilang koryente ang pinakamahal sa Asya. Ang kailangan ay kunin ito ng gobyerno bilang tunay na serbisyo-publiko.
- Bubuksan ang North-South Commuter Railway at MRT 7 sa susunod na taon. Ang una ay nasa ilalim ng PPPP (Public-Private Partnership) kung saan pribadong korporasyon ang magpapatakbo at magtatakda ng presyo nito. Ang MRT 7 ay direktang pag-aari nina Ramon Ang ng SMC. Ang transportasyon ay dapat pag-aari at pinatatakbo ng gobyerno bilang serbisyo-publiko.
- Pinuri ang waste-to-energy (WTE) program, kahit magtatayo ito ng mga incinerator na magbubuga ng lason sa kapaligiran. Magreresulta rin ng demolisyon ng mga komunidad, kabilang ang mga nasa Tondo. Sa programang ito, nakatakdang tumubo ang malalaking korporasyon (gaya ng R2 Builders ni Reghis Romero). Tandaan na isa si Romero ang nagpatigil sa ibinigay nang wage increase sa mga manggagawa na P60-P25 (first and second year) dahil sa apela nila sa korte.
- Sinabing tagumpay ang repormang agraryo, pero patuloy namang binabawi ng mga asendero ang lupa sa pamamagitan ng mga desisyon ng korte at ng land conversion. Kamakailan lang ay nagkampo ng adaan-daang magsasaka sa harap ng DAR para tutulan ito.
- Palalawigin ang Malampaya drilling operation, pero ang pangunahing makikinabang ay mga oligarko gaya nina Enrique Razon, Jr. ng Prime Energy at Dennis Uy ng Udenna Group. May korapsyon dito, dahil inaward ito nang walang competitive bidding process.
- Isusulong ang nuclear energy na magbubunga ng malaking panganib sa bansa, laluna kung bubuksang muli ang Bataan nuclear plant na proyekto ng kanyang ama at ipinasara dahil sa pagtutol ng masa.
- Ipinagmalaki ang 4PH housing program, pero hindi nilulutas ang backlog sa pabahay dahil ipinasa ang pagtatayo nito sa pribadong developers. Ang halaga nito ay P1.2 milyon sa maliit na unit na hindi kayang bilhin ng maralita kahit hulugan. Hindi ito serbisyo-publiko, kundi negosyo.
- Pinanatili ang Contract of Service at Job Order workers, pero kontraktwal pa rin sila at walang seguridad sa trabaho at benepisyo bilang regular na empleyado ng gobyerno. Kasama na sa nagsasamantala sa manggagawa ang gobyerno sa ilalim ng mga dinastiya.
- Ibinando ang Universal Health Care, pero nananatiling malaki ang gastos ng mga pasyente at hindi tunay na libre at komprehensibo ang serbisyong pangkalusugan, kahit ikumpara sa maraming bansa at sa Thailand halimbawa.
- 6. Ito ay ilan lamang sa mga binanggit ni Marcos Jr. sa kanyang SONA. Maraming isyu na nagka-amnesya na ang pangulo at hindi na isinama sa kanyang talumpati. Paano’y doon siya maliwanag na pumalpak, gaya ng mababang pasahod kumpara sa Asya; patuloy na kontraktwalisasyon; krisis sa agrikultura at kawalan ng solusyon ng kanyang gobyerno; kakulangan ng pambansang industrialisasyon; kawalan ng programa para tugunan ang tumitinding krisis sa klima; at marami pang usapin na idinadaing ng masa.
6. Paalala natin sa mga binanggit ni Marcos Jr.: ang tunay na solusyon hindi pakikiusap sa mga oligarko, hindi pagkakaloob sa kanila ng serbisyo publiko para pagtubuan, at hindi bagong investments na gagamit sa ating murang paggawa at hilaw na materyal – kundi pagsasabansa ng mga mahahalagang industriya at serbisyo-publiko at pagpapatakbo nito na may workers’ at people’s control (isang transisyonal na sistema kung saan ang manggagawa at people’s organizations ay nasa management at may kapangyarihang i-veto ang mga hindi makamasang pagpapasya nito).
IKATLO, ang patuloy na pagpapailalim sa imperyalismong Amerikano
1. Heto naman ang mga binigkas ni Marcos Jr. sa kanyang SONA na mga pag-amin sa Pagpapailalim ng Pilipinas sa strategic at geopolitical interests ng United States:
- Ipinagmalaki ang proyektong Pax Silica, pero ang itatayong AI industrial hub sa New Clark City, Tarlac ay nakaugnay sa estratehikong interes ng United States sa AI, semiconductors, at military industrial complex. Magmimina ito sa Pilipinas ng critical minerals, gagamitin ang ating lupa, enerhiya, at tubig. Pero wala tayong soberanya o kontrol sa operasyon nito at may kaakibat na panganib sa ating kalikasan.
- Tinapos ni Marcos ang kanyang SONA sa paninindigan sa West Philippine Sea. Ang hindi binanggit ay ang lalong pagpapailalim ng Pilipinas sa estratehiya ng U.S. laban sa China.
- Sa ilalim ni Marcos Jr. ay pinalawak sa siyam ang ‘EDCA sites’ mula sa limang binuksan ng dating pangulong Noynoy Aquino. Ang mga ‘lokasyon’ na ito, sa tutuo, ay mga base ng U.S. sa loob ng 9 na kampo ng AFP. Sa ilalim ni Marcos Jr., hinayaan na lagyan ito ng mga missiles at sandatang pandigma na nakatutok sa China.
- Kamakailan, pinalawak din ang mga kasunduang pangseguridad sa U.S. gaya ng GSOMIA, na nagsusulong ng palitan ng intelligence information sa U.S. Inihahanda ang katulad na agreement sa Japan. Mga hakbang ito na naglalapit sa posibilidad ng digmaan sa Indo-Pacific na hindi para sa interes ng sambayanang Pilipino.
2. Ang sosyalistang pananaw ay hindi dapat kumampi ang bayan sa anumang dayuhang kapangyarihan. Hindi alternatiba ang simpleng paglapit sa China kapalit ng United States na ipinatupad ng rehimeng Duterte, hindi dahil independent foreign policy ang isinusulong nito, kundi hinabol ang malaking pera at investment na marami rin ang maibubulsa nito.
3. Isinusulong ng mga sosyalista na magkaroon ang Pilipinas ng tunay na malayang patakarang panlabas na nakabatay sa pambansang interes at kapayapaan, at mutwal na pagtutululungan – at hindi pagpapagamit sa kompetisyon ng mga imperyalistang kapangyarihan.
4. Gayundin, ang pagpapagamit sa ating teritoryo bilang bahagi ng paghahanda sa digmaan ay kagyat na naglalagay sa sambayanang Pilipino sa panganib.
Bakit hindi sapat na humingi ng reporma lamang
1. Hindi tinututulan ng mga sosyalista ang bawat reporma. Mahalaga ito dahil sinusuportahan natin ang anumang ikabubuti sa kagyat ng kalagayan ng masa. Ngunit ipinakikita rin ng kasaysayan na ang mga repormang hindi sinasabayan ng pagbabago sa istruktura ng kapangyarihan ay laging nababawi.
2. Gaya nang paulit-ulit na ipinangako ang reporma sa lupa, maraming lupa ang kalauna’y nabawi muli ng malalaking asendero. Nagkaroon ng ilang pagtaas sa sahod, ngunit kinakain ito ng implasyon, mataas na presyo, at iba’t ibang legal at administratibong paraan para bawasan ang benepisyo ng manggagawa.
Ang sosyalistang alternatiba: system change, hindi lang regime change
1. Hindi sapat ang pagpapalit lamang ng pangulo o ng paksyon ng naghaharing elite. Paulit-ulit nang napatunayan na hanggat hindi binabago ang sistemang pampulitika, panlipunan, at pang-ekonomiya ay nagreregodon lamang ang mga kinatawan ng naghaharing uri at mga paksyon nila sa gobyerno.
2. Ang tungkulin ng mga sosyalista ay hindi lamang batikusin ang kasalukuyang administrasyon. Ang tungkulin natin ay ipakita ang pangangailangan ng pagbabago ng sistema.
Gobyerno ng Masa
1. Dapat ding ipanawagan ng mga sosyalista na ang tunay na solusyon ay pagtatayo ng Gobyerno ng Masa.
2. Ito ang demokratikong gobyerno na nakabatay sa organisadong lakas ng mamamayan. Bubuuin ito mula sa hanay ng mga pinagsasamantalahan at inaaping uri, at ng mga panlipunang kilusan, gaya ng uring manggagawa, magsasaka at mangingisda, maralitang lungsod, kababaihan, kabataan at estudyante, mga katutubo, LGBTQIA+, makabayang propesyonal, progresibong taong-simbahan, kilusan sa environment, at iba pang demokratikong pwersa.
3. Sila ang bubuo ng demokratikong gobyerno sapagkat ang kanilang uri at kilusan ay pinanday na sa mahabang panahon ng pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan. Kinikilala ng mga sosyalista ang mga karapatan at pakikibakang ito.
4. Ang itatayong Gobyerno ng Masa ang siyang magsusulong ng transisyonal na programang magpapalawak ng demokratikong karapatan, magwawakas sa paghahari ng mga dinastiya at oligarkiya, magtatatag ng demokratikong kontrol sa ekonomiya, at maghahanda sa mapayapa ngunit malalim na transpormasyon ng lipunan tungong sosyalismo.
Pangwakas
1. Ang PLM ay sosyalistang organisasyon. Ang laban ng PLM ay hindi lamang para sa ‘good governance’ o pamamaraan ng pamumuno sa pamahalaan, kundi para sa Gobyerno ng Masa na magluluklok sa mga pinagsasamantalahan at inaaping uri at mga kilusang panlipunan sa sentrong pamahalaan hindi para sa mas makataong kapitalismo – kundi para sa lipunang sosyalista na nakapundar sa tunay na demokrasya ng mamamayan, may pagkakapantay-pantay, at wawakas sa anumang klase ng pagsasamantala at pang-aapi ng tao sa tao/
2. Ito ang ating tungkulin. Ito ang ating landas. Ito ang ating hinaharap.
Partido Lakas ng Masa
July 31, 2026
