By: Partido Lakas ng Masa (PLM) via Facebook
MULING ginamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang State of the Nation Address upang ilarawan ang isang bansang diumano’y patuloy na umuunlad. Binigyang-diin niya ang pagkakaisa, paglaban sa korapsyon, at pagtatanggol sa soberanya.
Ngunit ang tunay na kalagayan ng bansa ay hindi nasusukat sa haba ng talumpati kundi sa buhay ng sambayanan.
Habang ipinagmamalaki ng administrasyon ang mga nagawa nito, patuloy na dinaranas ng milyun-milyong Pilipino ang mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng disenteng trabaho, krisis sa pabahay at agrikultura, at lumalalim na agwat ng mayaman at mahirap.
Ang korapsyon ay dulot ng sistema
Tama ang panawagang labanan ang korapsyon. Ngunit hindi ito dapat maging selektibo. Dapat managot ang lahat ng nagnakaw sa kaban ng bayan – Duterte man, Marcos, o ang kanilang mga kapanalig.
Ngunit higit pa sa usapin ng mga tiwaling opisyal, ang korapsyon ay bunga ng isang sistemang pinaghaharian ng mga dinastiyang pampulitika, trapo, oligarkiya, at malalaking interes na kumokontrol sa estado.
Hangga’t hindi binabago ang sistemang ito, mananatiling paulit-ulit ang korapsyon.
Mga pambobola sa SONA
Marami sa ipinagmalaki ni Marcos ay hindi tumutugon sa ugat ng krisis.
• Ang mga ayuda ay nananatiling instrumento ng patronage system sa halip na tunay na serbisyong panlipunan.
• Hindi mapipigil ng pakikiusap sa mga oil companies o pansamantalang suspensyon ng buwis ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
• Hindi malulutas ng mga job fair ang milyun-milyong unemployed at underemployed.
• Ang Benteng Bigas ay limitado habang nananatiling ₱50 kada kilo ang presyo ng bigas sa pamilihan.
• Nananatiling kabilang sa pinakamahal sa Asya ang presyo ng koryente, habang pribadong negosyo pa rin ang transportasyon, pabahay, at iba pang batayang serbisyo.
• Patuloy na nawawalan ng lupa ang mga magsasaka sa kabila ng ipinagmamalaking repormang agraryo.
• Ang 4PH housing, Malampaya extension, nuclear energy, at waste-to-energy projects ay higit na pakinabang sa malalaking korporasyon kaysa sa mamamayan.
• Patuloy na kontraktwal ang mga Contract of Service at Job Order workers.
• Hindi rin tunay na libre at komprehensibo ang Universal Health Care.
Pagpapailalim sa estratehiya ng United States
Hindi rin binanggit ni Marcos na lalo niyang inilalapit ang Pilipinas sa estratehikong interes ng United States.
Ang Pax Silica hub sa New Clark City, Tarlac ay nakaugnay sa U.S.-led AI at military-industrial supply chain. Kasabay nito ang pagpapalawak ng EDCA, GSOMIA, at iba pang kasunduang panseguridad sa U.S. at Japan.
Sa halip na isang tunay na independent foreign policy, lalong inilalagay ang Pilipinas sa gitna ng tunggalian ng Estados Unidos at China, na nagdaragdag sa panganib na madamay ang bansa sa isang digmaang hindi para sa interes ng sambayanang Pilipino.
Mga hindi sinabi
Hindi binanggit ni Marcos ang mga kagyat na suliraning kinakaharap ng mamamayan, gaya ng mababang sahod at kontraktwalisasyon; krisis sa agrikultura at pambansang industriyalisasyon; paghahari ng mga dinastiyang pampulitika; lumalawak na konsentrasyon ng yaman sa kamay ng iilan; at pangangailangan ng batayang demokratikong reporma.
Ang krisis ay nasa sistema
Ipinakita ng SONA na ang problema ay hindi lamang kung sino ang nasa Malacañang.
Ang tunay na problema ay ang sistemang pinaghaharian ng mga dinastiya, oligarkiya, at elite habang ang ekonomiya ay nananatiling nakasalalay sa murang paggawa, pagluwas ng manggagawa, pag-aangkat ng mahahalagang produkto, at pagdepende sa dayuhang kapital.
Hangga’t hindi ito binabago, paulit-ulit lamang na lilitaw ang kahirapan, korapsyon, at hindi pagkakapantay-pantay.
Ang alternatibo: Gobyerno ng Masa
Naninindigan ang Partido Lakas ng Masa na ang tunay na pagbabago ay hindi makakamit sa simpleng pagpapalit ng mga naghaharing paksyon.
Ang kailangan ay isang Gobyerno ng Masa na nakabatay sa pagkakaisa ng uring manggagawa, maralitang magsasaka, maralitang lungsod, kababaihan, kabataan, katutubo, mangingisda, progresibong gitnang uri, at iba pang demokratikong pwersa.
Isusulong nito ang isang transisyonal na programa para ipagbawal ang mga dinastiyang pampulitika, wakasan ang sistematikong korapsyon, itaas ang sahod at wakasan ang kontraktwalisasyon, isulong ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, palawakin ang serbisyong panlipunan, at ipatupad ang isang tunay na independent foreign policy.
Ito ang landas tungo sa isang lipunang ang ekonomiya at estado ay nagsisilbi sa nakararami – hindi sa iilang naghaharing pamilya at korporasyon.
Panawagan
Ang tunay na State of the Nation ay matatagpuan sa mga pagawaan, komunidad ng maralita, bukirin, paaralan, at lansangan—kung saan araw-araw na nakikibaka ang mamamayan para mabuhay.
Panahon nang wakasan ang paghahari ng mga dinastiya, oligarkiya, at trapo. Panahon nang itayo ang Gobyerno ng Masa.
Makibaka para sa tunay na pagbabago!
Itayo ang Gobyerno ng Masa!
Isulong ang Sosyalismo!
July 28, 2026
