By: Partido Lakas ng Masa (PLM) via Facebook Page
1. Ang malawakang rally na isinasagawa ng Iglesia ni Cristo (INC) ay malinaw na nagpapakita ng lalong paglala ng tunggalian sa pagitan ng dalawang naglalabang paksyon ng naghaharing uri – ang paksyon nina Marcos at Duterte.
2. Hindi na ito simpleng hidwaan sa loob ng gobyerno. Isa na itong malalim na krisis pampulitika na nagmumula sa banggaan ng mga dinastiya at trapo na kapwa nag-aagawan sa kapangyarihan, impluwensya, at kontrol sa estado.
3. Habang pangunahing isyu ang protesta sa planong pag-aresto kay Senador Rodante Marcoleta sa kasong plunder, hayagang nananawagan na rin ang ilang tagasuporta ng kampong Duterte na mag-resign na si Marcos Jr. sa pwesto, at halinhan na siya ni VP Sara (Sara, takeover). Magpapatuloy ito sa napipintong impeachment trial ng Senado laban kay VP Sara.
4. Ang paglahok ng isang malaking organisasyong panrelihiyon tulad ng INC ay nagpapakita na ang tunggaliang ito ay pumihit na sa paglulunsad ng malawakang mobilisasyong pampulitika na kahawig ng naganap sa mga People Power sa EDSA.
5. Sa ngayon, ang tunay na pinangangambahan ni Marcos Jr. sa pagkukumahog nitong depensahan ang Malakanyang ay hindi lamang ang dami ng mga maaaring magmartsa mula EDSA, kundi ang posibilidad na likhain nito ang kondisyon para sa withdrawal of support ng AFP at PNP, at iba pang institusyon ng gobyerno, laban kay Pangulong Marcos.
6. Subalit hindi dapat palinlang ang masa. Ang bangayang ito ay banggaan ng dalawang paksyon na kapwa may mahabang rekord ng korapsyon sa gobyerno, pagpapanatili ng paghahari ng dinastiya, at pagtatanggol sa sistemang patuloy na pinahihirapan at pinagsasamantalahan ang masa.
7. Kapwa ginagamit ng magkabilang paksyon ang paglalantad ng korapsyon laban sa isa’t isa. Ang mga kontrobersiya sa maanomalyang proyekto ng gobyerno, laluna sa ‘ghost flood control projects’, ay sumasaklaw sa pananagutan ng parehong administrasyong Duterte at Marcos. Gayundin, ang pagbubunyag ng 18 ex-Marines sa male-maletang pera na ipinagkaloob ng Flood Control Corruption King na si dating Kongresman Zaldy Co.
8. Sa halip magtulakan ang dalawang panig sa pag-iimbestiga sa walang-humpay na mga kaso ng korapsyon – kabilang na ang confidential at intelligence funds ng Pangulo at ni VP Sara, ang unprogrammed appropriations ni Marcos, ang corrupted budget ng Pilipinas noong 2024 hanggang 2026, at marami pang iba — nararapat na masusing imbestigahan ito ng isang tunay na independyenteng komisyon sa isang transparent na proseso na walang sasantuhin sa sinumang panig ng mga kawatan sa pondo ng bayan.
9. Sa dalawang nag-uumpugang bato, pinipitpit sa gitna ang inaabusong mamamayan. Ang mga away na ito ay dumadagdag pa sa krisis ng walang-patumanggang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, langis, at koryente; mababang sahod; kawalan ng trabaho; at krisis sa pabahay at kalusugan.
10. Naninindigan ang Partido Lakas ng Masa na ang sagot sa mga krisis na ito ay hindi ang pagpanig kina Marcos o Duterte. Ang kailangan ay ang pagtatayo ng isang malayang kilusan na may sariling pagpapasya para tunay na wakasan ang korapsyon, kahirapan at pagsasamantala, at walang anumang nadaramang utang-na-loob sa lahat ng paksyon ng naghaharing uri.
11. Nanawagan din ang PLM sa iba’t ibang simbahan, relihiyosong organisasyon, at lahat ng institusyong may impluwensya sa lipunan na huwag hayaang magamit ang kanilang moral na otoridad sa pagpanig sa mga paksyon ng naghaharing uri.
12. Walang masama na gamitin ang lakas ng simbahan at pakilusin ang milyon-milyong nananampalataya. Subalit ang mahalagang papel ng simbahan ay makiisa at pakilusin ang mga nanalampalataya sa pakikibaka ng sambayanan para sa katarungang panlipunan, karapatang pantao, disenteng kabuhayan, at tunay na demokrasya.
13. Sa pinakahuli, dapat patindihin pa ang pagsusulong ng ating panawagan sa pagtatayo ng Gobyerno ng Masa! Maliwanag na walang aasahan sa gobyerno ng dinastiya, trapo, at mayayaman. Tanging ang Gobyerno ng Masa – isang gobyernong binubuo at pinatatakbo ng masa – ang magwawakas sa walang-habas na korapsyon, pagsasamantala, at pagpapahirap sa lahat.
Marcos-Duterte, Panagutin!
Wakasan ang Korapsyon, Dinastiya at Paghaharing Trapo!
Itayo ang Gobyerno ng Masa!
July 1, 2026
