[TAGALOG] Posisyon ng PLM sa Krisis sa Kuryente

Hindi Dapat Ikalakal ang Kuryente, Gawing Serbisyo sa Mamamayan!

Isabansa ang Industriya ng Enerhiya sa Ilalim ng Workers’ Control

1. Estruktural, hindi teknikal, ang dahilan ng krisis sa kuryente.

Ang paulit-ulit na red at yellow alert sa mga grid sa Luzon at Visayas ay hindi simpleng pagkabigo sa teknikal na aspeto nito, kundi bunga ng malalim na krisis-estruktural dulot ng deka-dekadang neoliberal na patakaran sa enerhiya sa Pilipinas.

Nakaugat ang krisis sa privatization at commodification ng kuryente sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Ang kuryente — isang pangunahing serbisyong pampubliko na mahalaga sa buhay, kalusugan, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, at produksyon — ay ginawang kalakal na ipinagpapalit sa merkado para sa tubo.

2. Ang sistema ng WESM na nagpapataas ng presyo ng kuryente habang may kakulangan nito sa merkado.

Kapag tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa geopolitical na tunggalian — halimbawa ang US-Israel na gyera laban sa Iran na nagresulta ng krisis sa Strait of Hormuz — malaki ang epekto nito sa singil sa kuryente sa ilalim ng market-based na sistema ng enerhiya sa Pilipinas.

Sa ganitong sistema, laluna sa ilalim ng WESM, ang mga pagtaas sa global fuel prices ay naisasalin sa mas mataas na gastos sa paglikha ng kuryente at sa pagtaas ng presyo sa spot market. Naipapasa sa mga konsyumer ang external shocks kumpara sa isang regulated o planadong sistema kung saan maaaring pigilin o i-absorb ng estado ang biglaang pagtaas ng presyo.

Ang pagbabawas sa dependence ng bansa sa imported na fossil fuels sa pamamagitan ng paglipat sa renewable energy ay makatutulong para mapatatag ang sistema ng enerhiya sa Pilipinas, ngunit magagawa lamang ito kung ipatutupad sa isang planadong panlipunan at pampublikong balangkas, sapagkat walang purong technological fix sa problemang ito.

Sa mekanismo ng WESM, ang kakulangan sa kuryente ay pinagkakakitaan lamang ng mga kumpanya.

Bawat red alert, bawat forced outage, at bawat paghigpit ng reserve margin ay pagkakataon para sa mga power oligarchs at energy corporation na kumita nang malaki sa pamamagitan ng WESM pricing, emergency dispatch, at scarcity-driven na singil sa kuryente.

Habang ang mamamayan ay dumaranas ng brownout, pagtaas ng singil sa kuryente, pagmamahal ng presyo ng mga bilihin – ang mga fossil-fuel conglomerates ang kumikita nang malaki. Hindi ito makatarungan.

Ang WESM ay isang ‘marginal pricing system’ — ibig sabihin, ang pinakamahal na kailangang megawatt (MW) ng kuryente nito ang nagtatakda ng presyo sa lahat.

Sa panahon ng red alert, ang mataas na presyo sa spot market ay kadalasang itinutulak ng fuel-based marginal plants (laluna ng diesel at LNG). Ang estrukturang ito ay nagpapahintulot sa mga generator companies (na pinatatakbo ng murang coal at hydro) na kumita ng ‘scarcity rents’ — o ang dagdag-kita na adjusted sa pagtaas ng presyo sa WESM dahil sa kakulangan sa kuryente.

Batay sa pinakahuling datos ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), ang spot market sa Pilipinas ay nasa humigit-kumulang ₱12/kWh sa Luzon hanggang mahigit ₱30/kWh sa ilang bahagi ng Mindanao, na nagpapakita ng matinding stress sa supply.

Ang mga coal plants ay maaaring makaranas ng hanggang 200%+ pagtaas sa kita sa ilalim ng scarcity pricing, kapag ang market price ay sumisikad higit sa relatibong mababang production cost ng kuryente.

3. Ang Mga Kumikita sa Krisis sa Enerhiya

Ang estruktura ng WESM ay nagpapahintulot sa malalaking kumpanya na humamig ng windfall profits habang may kakulangan sa kuryente.

Pangunahing nakikinabang sa panahon ng red alert ang malalaking generators tulad ng San Miguel Corporation at Aboitiz Power Corporation, na may malawak na exposure sa coal at flexible generation assets. Kasama rin dito ang First Gen Corporation ng mga Lopez, ACEN Corporation ng mga Zobel de Ayala, at Team Energy Corporation na pag-aari ng mga Hapon (Marubeni at Jera).

Kumukontrol sila sa malaking bahagi ng coal, gas, LNG, at iba pang imprastraktura ng enerhiya na may direktang epekto sa grid stability at presyo ng kuryente.

Habang may windfall profits ang mga ito, ang ang sambayanang konsyumer at iba pang industriya sa bansa ang sumasalo ng gastos sa pagtaas ng singil sa kuryente.

4. Ang Problema ay ang Estruktura ng Merkado

Ang krisis sa kuryente ay hindi lamang simpleng problema ng fossil fuel dependence. Ang mas malalim na problema ay ang market-driven na estruktura ng sektor ng enerhiya.

Hindi solusyon ang pagpapalit sa fossil-fuel oligarchy ng renewable-energy capitalists. Ang renewable energy sa ilalim ng sistemang nakabatay sa merkado ay magpapatuloy lamang sa lohika ng pagkakamal ng tubo ng oligarkiya na pumipinsala sa mamamayan.

Gayundin, kailangan ding tiyakin na ang mga proyektong renewable energy sa kasalukuyan ay walang malaking negatibong epekto sa lipunan at kalikasan — kabilang ang paglikas ng mga katutubo sa lugar na pinaglalagyan ng energy system, ang pagkasira ng kabundukan at ancestral lands, ang pag-abala sa pangingisda at kabuhayan ng mangingisda, at ang kakulangan ng seryosong plano sa basura at disposal ng solar panels at iba pang teknolohiya.

Hindi lamang mahalaga kung anong uri ng enerhiya ang ginagawa, kundi sino ang may kontrol dito, para saan ito, at ang pananagutan sa pangangalaga sa kalikasan at ekolohiya sa mga magpapatakbo nito.

Ang renewable energy ay hindi tunay na makapaglilingkod sa masa hangga’t ang enerhiya ay nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng merkado, pinagtutubuan at pinatatakbo ng dambuhalang pribadong empresa.

5. Decommodification ng Kuryente

Ang sentral na isyu ay ang decommodification ng kuryente.

Ang kuryente ay hindi dapat ituring na kalakal na ipinagbibili sa pinakamataas na presyo sa pamamagitan ng WESM. Dapat itong ituring na pampublikong serbisyo at karapatang panlipunan.

Ang sektor ng enerhiya ay dapat pagsilbihin sa pangangailangang panlipunan, may demokratikong pagpaplano, may pangangalaga sa kalikasan at ekolohiya, at may unibersal na akses sa lahat — hindi batay sa scarcity pricing at pagkamal ng tubo ng mga korporasyon.

Ang paulit-ulit na pagkabigo ng privatized system ng mahahalagang serbisyo sa masa ay patunay ng limitasyon ng pribadong kapital para sa pagsulong ng estratehikong imprastraktura. Hindi maisusulong ng pribadong pamumuhunan ang pagtatayo ng long-term reserve capacity sa enerhiya, smart grids, transmission modernization, at 100% full renewable transition. Kailangan ito ng state planning.

6. Programa ng Transpormasyon

Ang solusyon sa krisis sa kuryente ay nangangailangan ng:

• pagbabalik sa pampublikong pagmamay-ari ng sektor ng enerhiya
• pag-aalis ng market-driven na sistema sa pamamagitan ng pagbuwag sa WESM
• nasyonalisasyon ng malalaking power assets
• pagpapalawak ng pampublikong pagmamay-ari at kontrol ng manggagawa
• pamumuhunan ng estado sa grids, storage, transmission, at renewable infrastructure
• pagpopondo ng transisyon sa pamamagitan ng pampublikong kita at wealth tax
• at planadong transisyon tungo sa 100% renewable energy

7. Kontrol ng Manggagawa sa Sistemang Enerhiya

Ang transisyon tungo sa sistemang pampubliko at panlipunan ay dapat may kasamang kontrol ng manggagawa sa sektor ng kuryente — hindi lamang sa pagpalit ng pagmamay-ari nito kundi demokratikong kontrol sa operasyon, pagpaplano, at pagsusulong ng serbisyong pampubliko sa lahat.

Kabilang dito ang agarang pagbabalik-trabaho ng mga retrenched, casualized, at subcontracted na teknisyan, inhinyero, at administrative staff na naapektuhan ng privatization at outsourcing sa sektor na ito. Ang mga manggagawang nabanggit ay may mahalagang kaalaman sa operasyon ng generation, transmission, at distribution ng enerhiya na kritikal sa pagpapatatag ng buong sistema.

Dapat ding palawakin ang workforce sa sektor ng enerhiya, baliktarin ang deka-dekada ng cost-cutting, contractualization, at understaffing na nagpapahina sa maintenance capacity at nagpapataas ng vulnerability sa brownout at red alert.

Ang isang sistemang kontrolado ng manggagawa ay magpapatupad ng:

• regularisasyon ng lahat ng manggagawa
• pagbabalik ng outsourced at contractual sa core operations
• pagpapalawak ng technical staffing para sa maintenance at grid management
• demokratikong partisipasyon ng manggagawa sa desisyon
• paglalagay ng interes ng publiko sa unahan kaysa sa tubo
Sa ganitong sistema, hindi lean privatization kundi sapat, ligtas, at empowered na paggawa ang magpapalakas sa seguridad ng enerhiya.

8. Pangunahing Prinsipyo

Unahin ang tao kaysa sa tubo at merkado.
Ang kuryente ay serbisyong pampubliko, hindi kalakal.
Ang enerhiya ay dapat planuhin nang demokratiko para sa pangangailangang panlipunan, hindi para sa interes ng korporasyon.

May 16, 2026

Leave a comment