By Partido Lakas ng Masa via Facebook
MATUTO SA MGA ARAL NG KASAYSAYAN!
WAKASAN ANG KAHIRAPAN, PANG-AAPI AT PAGSASAMANTALA!
ITAYO ANG GOBYERNO NG MASA!
SULONG, SOSYALISMO!
IPINATAW ang martial law noong September 21, 1972. Pinirmahan ni Ferdinand Marcos, Sr. ang Presidential Decree 1081, subalit isinapubliko dalawang araw pagkatapos noong September 23, para bigyan ng panahon ang diktador na hulihin at ikulong muna ang lahat ng mga oposisyon at mga kabataan at manggagawang lider ng radikal na kilusan.
Sa ilalim ng martial law, sinaklot ang natitirang demokrasya. Isinara ang buong Kongreso at tinanggal ang eleksyon. Ipinagbawal ang lahat ng mga samahang tumututol sa diktadura. Dinukot ang iba at pinaslang. Naganap ang masaker sa mga manggagawa at magsasaka sa kanayunan.
Ayon sa Amnesty International, may 70,000 katao ang ikinulong sa panahon ng martial law; marami ay walang kaso pero nanatili sa kulungan. 34,000 ang tinortyur. 3,200 ang pinatay.
Sa loob ng 14 na taon, namuno si Marcos Sr. bilang diktador at naibagsak lamang siya sa pamamagitan ng EDSA Uprising noong February 1986.
Subalit kahit naibalik ang pormal at liberal na demokrasya, nanatili pa ring walang demokrasya at hustisya para sa nakararaming mamamayan. Walang nakulong, walang nagdusa sa mga militar sa ilalim ni Marcos Sr. na gumawa ng mga karumaldumal na krimen.
Pitong administrasyon pagkatapos ng Edsa
Sa pagbagsak ng diktador, sumunod na pitong administrasyon mula Cory Aquino hanggang ngayon kay Marcos Jr.. Walang tunay na pinagbago sa ating kalagayan at marami pa ang naniniwalang lalo pang lumubha ang ating kahirapan.
Ang pitong administrasyong nagsunod-sunod ay nagpatuloy ng mga patakarang neoliberal ng gobyerno – privatization ng natitirang korporasyon at ariarian ng gobyerno; liberalisasyon ng buong ekonomiya na pabor sa dayuhan; deregulasyon para sa walang patumanggang pagkakamal ng tubo ng malalaking kompanya; at patung-patong na pagbubuwis sa masa sa anyo ng 12% VAT, excise tax, at iba pa.
Kasabay nito, ipinatupad din ang neoliberal na patakaran ng malawakang kontraktwalisasyon. Winakasan nito ang dati-rating regularisasyon sa trabaho ng mga manggagawa pagkatapos ng anim na buwang trabaho.
Gobyerno ng dinastiya: anak at kamag-anak
Ngayon, ang nakaupo na pangulo ay ang anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Namamayagpag din sa gobyerno ang buong angkan ni Marcos, kabilang ang kapatid na si Imee, ang anak na si Sandro, ang pinsan na si Martin Romualdez, at iba pang mga kabilang sa angkan na nakakalat sa Ilocos Norte at Leyte at sa Kongreso.
Marami tayong katanungan sa pag-ikot ng kasaysayan mula pagbagsak ng diktador at pagbabalik sa gobyerno ng mga Marcos.
— Paano nangyari na nakabalik sa poder hindi lamang ang mga Marcos, kundi ang kanilang mga kroni na tumatayo ngayong oligarkiya at may hawak ng malalaking korporasyon – mula kina Henry Sy, Lucio Tan, Ramon Ang, Tony Floirendo, at iba’t iba pa.
— Paano nangyari na nakakulong ngayon si Martin Romualdez sa kasong plunder pero nakalalaya pa rin si Marcos Jr. samantalang parehas lamang ang kanilang mga kaso? Parehas silang involved sa delivery ng malemaletang pera at sa pagsikwat sa flood control projects.
— Kung tutuusin, hindi ba dapat ma-impeach pareho sina Sara Duterte at Marcos Jr.? Nalalapit na ang susunod na taon at dapat sampahan na ng panibagong impeachment case si Marcos Jr.
— Paano nangyari na tinanggal na natin at inilagay sa Konstitusyon ang pagbabawal sa U.S. military bases, pero ngayon sa ilalim ng EDCA ay mayroon na muling practically U.S. bases sa bansa, na may mga Typhon launcher pa sa pagbomba ng Tomahawk missiles na nakatutok sa China?
— Paano nangyari na ang ibang grupo ay nangangampanya lamang laban sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (dapat lamang gawin ito), pero tahimik sa panghihimasok ng U.S., sa mga missiles nito sa EDCA sites na kontrolado nila, at nakapasok tayo sa pagpapalakas ng makinaryang pandigma ng U.S. mula sa bases nito, sa kasunduan sa paniniktik, hanggang sa Pax Silica na bahagi rin ng intelligence at military buildup ng U.S. at mga alyado nito.
— Paano nangyari na ipinagbawal na ang political dynasties sa 1987 Constitution, at hanggang ngayon pinaghaharian pa rin tayo ng dynasties sa national government, sa LGUs sa mga syudad, probinsya, at munisipalidad, at sa bawat malalaking ahensya ng ating gobyerno?
Balikan natin ang mga tanong na ito at suriin kung bakit at paano nagaganap pa rin ang mga ito.
System change, hindi regime change
Sa 40 taon pagbagsak ni Marcos, Sr., ganito pa rin tayo.
Maliwanag ang aral: hindi makukuha ang pagbabago kung pinapalitan lamang natin ang presidente sa katulad ring naghaharing uri at angkan. Ngayon, nakatuon sila sa labanan ng mga paksyong Marcos at Duterte. Sa ganitong labanan, nakaamba na manatili ang paghahari ng sinuman sa kanila, lalo’t kung wala tayong gagawin.
Isigaw natin na ang ating kinabukasan ay wala sa mga dinastiya, trapo, oligarkiya, at lahat ng elite. Nasa ating mga kamay ang paglutas ng ating kahirapan, ng pang-aapi, at pambubusabos ng mga makapangyarihang pamilya.
Wastong ikampanya ang pagtatayo ng Gobyerno ng Masa. Subalit ang gobyernong ito ay hindi dapat nakapundar sa kasalukuyang kapitalistang sistema na pinaghaharian ng kapitalista, asendero, oligarkiya, at dinastiya.
Kung hindi natin wawakasan ang ganitong sistema, sinumang kinatawan ng masa na uupo sa sistemang bulok na umiiral ngayon ay lalamunin ng sistema at mananatili ang walang katapusang kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala.
Ang Gobyerno ng Masa ay nakapundar sa pagpapalit ng sistema na tutungo sa pagwawakas ng kapitalista at bulok na sistema tungo sa alternatibo at bagong sistema ng sosyalismo.
Dito lamang makakaahon ang masa sa lahat ng krisis na kinakaharap ng bayan – mula sa krisis sa ekonomiya. krisis sa pulitika, krisis sa klima, at krisis sa matinding inekwalidad sa lipunan.
September 21, 2026
