By Partido Lakas ng Masa via Facebook
Ang First Day Fight (FDF)—isang taunang militanteng protesta ng mga estudyante sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na isinasagawa sa unang araw ng akademikong taon—ay nakatuon ngayong taon sa patuloy na kinahaharap na budget cuts ng unibersidad; isang suliraning hindi na bago at hindi na rin dapat ituring na normal.
Batay sa proposed at approved budgets ng PUP System mula 2021, nakararanas ang unibersidad ng average na ₱5.65 bilyong budget cut kada taon. Hindi maliit na halaga ang ganitong kakulangan. Sa bawat pondong hindi naibibigay, nababawasan ang kakayahan ng unibersidad na tugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyante—mula sa classrooms at laboratoryo hanggang sa kagamitan, research, faculty, at iba pang serbisyong pang-estudyante.
Ngunit hindi lamang PUP ang nakararanas nito.
Bahagi ang kalagayan ng PUP sa mas malawak na problema ng underfunding ng pampublikong edukasyon sa bansa. Sa proposed 2027 national budget, 49 sa 113 State Universities and Colleges (SUCs) ang nakatakdang makatanggap ng mas mababang pondo. Maging ang PUP ay muling haharap sa panibagong budget cut.
Ipinapakita nito na hindi simpleng problema ng isang unibersidad ang usapin ng budget cuts. Ito ay problema ng isang sistemang patuloy na hindi naglalaan ng sapat na pampublikong pondo para sa edukasyon.
At kapag kinukulang ang pondo ng pampublikong edukasyon, hindi naman nawawala ang pangangailangan ng mga estudyante.
May classroom na kailangan pa ring gamitin kahit kulang. May laboratoryong kailangang pasok-an kahit hindi sapat ang kagamitan. May mga libro, computers, learning materials, at iba pang resources na kailangan pa ring bilhin. May mga estudyanteng kailangang pumasok araw-araw kahit patuloy na tumataas ang pamasahe at presyo ng mga pangunahing bilihin.
𝗞𝗮𝗽𝗮𝗴 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝘀𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮𝗯𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮𝗮𝗻, 𝘀𝗶𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝘀𝘂𝗺𝗮𝘀𝗮𝗹𝗼 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻?
Ang estudyante. Ang pamilya. Ang masa.
Sa halip na maibsan ang bigat na pasan ng ordinaryong mamamayan, lalo itong nadaragdagan. At habang patuloy na kinukulang ang pampublikong paaralan at pamantasan, mas nagiging mahalaga ang kakayahang magbayad upang makakuha ng mas maayos na edukasyon.
Dito natin nakikita ang mas malalim na epekto ng budget cuts.
𝗨𝗻𝘁𝗶-𝘂𝗻𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗴𝗶𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝘆 𝘀𝗮 𝗽𝗿𝗶𝗯𝗶𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗺𝗶𝘀𝗺𝗼.
Ang may kakayahang magbayad ay may opsyong lumipat sa pribadong institusyon, bumili ng sariling kagamitan, kumuha ng dagdag na learning resources, at humanap ng alternatibong oportunidad. Ngunit para sa anak ng manggagawa, maralita, at ordinaryong pamilya, kadalasan ay walang ganitong pagpipilian.
Kaya ang usapin ng budget cuts ay usapin din ng class inequality. Kapag pinapahina natin ang pampublikong edukasyon, mas lalo nating nilalagay sa alanganin ang mga kabataang higit na umaasa rito.
Hindi sapat na ipagmalaki ang “free tuition” kung ang estudyante naman ay pumapasok sa silid-aralang kulang, gumagamit ng kagamitang luma o hindi sapat, at gumagastos mula sa sariling bulsa para sa mga pangangailangang dapat ay sinusuportahan ng pamahalaan.
Ang libreng edukasyon ay hindi lamang kawalan ng tuition fee.
Kailangan nito ng sapat na classrooms, maayos na laboratoryo, kumpletong learning materials, sapat na faculty at personnel, accessible na student services, at suporta sa mga estudyanteng nagmumula sa mahihirap na pamilya.
Para sa Partido Lakas ng Masa (PLM), malinaw na 𝗮𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘆 𝗸𝗮𝗿𝗮𝗽𝗮𝘁𝗮𝗻, 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗽𝗿𝗶𝗯𝗶𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼.
Alinsunod sa Plataporma ng Gobyerno ng Masa, isinusulong natin ang isang pampublikong sistema ng edukasyon na tunay na libre, accessible, at nakatuon sa pangangailangan ng sambayanan—kabilang ang libreng edukasyon mula primarya hanggang kolehiyo at sapat na suporta para sa mga kabataang mula sa mahihirap na pamilya.
Hindi dapat ipinapasa sa mga estudyante at kanilang pamilya ang gastos ng kakulangan sa pampublikong pondo. Hindi dapat kailangang mamili ang isang kabataan kung kakain ba siya nang maayos o bibili ng learning materials. Hindi dapat maging sukatan ng kalidad ng edukasyong matatanggap ng isang estudyante ang kakayahan ng kanyang pamilya na magbayad.
𝗔𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝗮𝗻 𝗮𝘆 𝗿𝗲𝘀𝗽𝗼𝗻𝘀𝗶𝗯𝗶𝗹𝗶𝗱𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗲𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼.
Kaya ang laban para sa dagdag na pondo sa PUP at SUCs ay hindi lamang laban ng mga estudyante. Ito ay laban ng bawat pamilyang umaasa sa pampublikong edukasyon bilang daan tungo sa mas magandang buhay.
Sa halip na budget cuts, kailangan natin ng mas malaking pampublikong pamumuhunan sa edukasyon. Sa halip na edukasyong para sa may kaya, kailangan natin ng edukasyong tunay na para sa lahat. At sa halip na sistemang nagpapasa ng gastos sa masa, kailangan natin ng pamahalaang handang akuin ang pananagutan nito sa karapatan ng bawat mamamayan sa edukasyon.
𝗣𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗿𝘁𝗶𝗱𝗼 𝗟𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗻𝗴 𝗠𝗮𝘀𝗮, 𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝘁𝘂𝗻𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝘂𝗻𝗹𝗮𝗿𝗮𝗻 𝗸𝘂𝗻𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘆 𝗻𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝘁𝗶𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗶𝗯𝗶𝗹𝗲𝗵𝗶𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗶𝗶𝗹𝗮𝗻.
Kaya kaisa ang PLM sa mga estudyante, guro, kawani, at iba pang sektor ng pamantasan sa panawagan na:
IBASURA ANG BUDGET CUTS SA SUCs!
DAGDAGAN! DAGDAGAN! HUWAG BAWASAN!
IPAGLABAN ANG KARAPATAN NG MGA ISKOLAR NG BAYAN!
EDUKASYON AY KARAPATAN, HINDI PRIBILEHIYO!
IPAGLABAN ANG EDUKASYONG TUNAY NA PARA SA MASA!
August 26, 2026
