By: Partido Lakas ng Masa via Facebook
Ang kanyang deklarasyong “bloodied but unbowed” ay malinaw na pagtatangkang gawing personal na drama ang isang usaping may malalim na implikasyon sa demokrasya at pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan. Sa halip na harapin ang mga akusasyon ng katiwalian, pang-aabuso ng kapangyarihan, at kawalan ng pananagutan, pinipili ni Duterte na balutin ang sarili sa retorika ng pagiging biktima.
Para sa Partido Lakas ng Masa, ang impeachment laban kay Sara Duterte ay hindi simpleng banggaan ng mga paksyon ng naghaharing-uri. Ito ay pagkakataon para ilantad ang kabulukan ng sistemang pampulitika na pinatatakbo ng dinastiya, patronage, at impunidad. Ang kanyang pahayag ay hindi nagtatanggal sa bigat ng mga paratang, kundi lalo pang nagpapakita ng kawalan ng tunay na tugon sa hinaing ng mamamayan.
Habang abala ang mga nasa kapangyarihan sa drama at retorika, patuloy na nagdurusa ang masa sa mataas na presyo ng bilihin, kakulangan sa trabaho, mababang pasahod, at krisis sa serbisyong panlipunan. Ang tunay na “bloodied” ay ang sambayanang Pilipino na araw-araw na pinahihirapan ng sistemang trapo at dinastiya.
Nanawagan ang PLM sa mamamayan: huwag tayong malinlang sa mga retorika ng pagiging biktima ng mga nasa kapangyarihan. Ang tunay na laban ay ang pagtataguyod ng isang gobyernong makamasang nagsisilbi sa interes ng nakararami, hindi sa iilang pamilya.
Marcos-Duterte, Panagutin!
Korapsyon, Dinastiya, Kahirapan — Wakasan!
Itayo ang Gobyerno ng Masa!
July 8, 2026
