Pahayag ng PLM sa Pagpaslang sa Negros 19

Kinokondena Namin ang Pagpaslang sa Negros 19 at Nakikiisa Kami sa mga Komunidad na Inaatake

Mariin naming kinokondena ang pagpaslang sa ‘Negros 19’ sa isinagawang operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Salamanca at Barangay San Jose, Toboso, Negros Occidental.

Iniulat ng Bombo Radyo Cebu ang 11 nakilalang mga biktima:

1. Alyssa Alano, konsehal ng student council ng University of the Philippines, Diliman
2. RJ Ledesma, isang community journalist at regional coordinator ng Altermidya
3. Maureen Keil Santuyo, guro sa UP Manila;
4. Maria Clarita Branzuel Blanco, guro sa Tabogon, Cebu
5. Pedro Bonghanoy
6. Rene Villarin Sr.,
7. Alejandro Montoya
8. Ruel Sabillo
9. Sonny Boy Caramihan Manayon
10. Arnel Javoc
11. a certain Fabillar

Sinabi rin ng Kilusang Magsasaka sa Pilipinas na isang kaanak ng biktima sa lugar ay lumantad na upang igiit na ang namatay ay isang magsasaka, hindi mandirigma.

Ipinahayag ng AFP na ang lahat ng 19 na napatay ay mga kasapi ng New People’s Army. Subalit itinatatwa ito ng maraming samahan sa unibersidad na pinagmulan ng mga student leaders, teachers, at community journalists, gayundin ng mga taga-komunidad.

Ang operasyong militar sa nasabing mga lugar ay sapilitang nagpalikas sa higit 650 residente mula sa 168 na kabahayan mula Abril 19. Tumakas ang mga residente sa gitna ng putukan at takot, at iniwan ang kanilang mga tahanan, sakahan, at kabuhayan.

Sa kasalukuyan, hindi pa mailabas ng mga awtoridad ang listahan ng lahat ng napatay – na nagbibigay ng duda sa transparency at pananagutan ng militar. At dahil sapilitang pinalikas ang mga komunidad, mahirap beripikahin kahit ang pangalan ng mga nasawi.

Ang ganitong padron ng dislokasyon – na dulot ng armadong operasyon, panggigipit, pananakot, at pagbabanta ng mga pwersa ng estado – ay matagal nang naitatala. Hindi ito hiwalay na insidente. Bahagi ito ng nagpapatuloy na padron ng karahasang ipinapataw sa kanayunan.

Ipinakikita ng mga pagpatay na ito ang lumalala, indiscriminate, at walang pinipiling operasyong militar na nakatuon hindi lamang sa NPA kundi sa mga komunidad sa kanayunan na matagal nang nabubuhay sa ilalim ng kawalang-hustisya, pagsasamantala, at pang-aapi.

Ang aming tindig

Maliwanag ang aming tindig: ipinagtatanggol namin ang karapatan ng mga komunidad na lumaban sa harap ng kawalan ng lupa, kahirapan, at karahasang ipinapataw ng mga panginoong maylupa at ng estado. Hindi ito mga abstraktong kalagayan ng mahihirap – ito ay kongkretong realidad na patuloy na nagpapaliyab ng kaguluhan sa kanayunan.

Kinokondena namin ang selebrasyon ng AFP matapos ang mga pagpaslang na ito. Anumang selebrasyon ng kamatayan ay nagpapakita ng malalim na pagwawalang-bahala sa buhay ng tao at sumasalamin sa isang kultura ng kawalang-pananagutan at impunity.

Iginigiit namin ang agaran, independyente, at credible na imbestigasyon sa pagkamatay ng 19. Dapat busisiin ang chain of command ng AFP, at panagutin ang lahat ng may sala – mula sa mga direktang sangkot at ang mga nag-utos at nagbigay-daan sa mga aksyong ito.

Kinikilala rin namin ang karapatang mag-assert ng sariling depensa ang mamamayan kapag patuloy na inuulos ng mga atake at abuso ng mga makapangyarihan.

Ang padron ng karahasan ay nagsisilbi lamang sa mga nakikinabang sa patuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Panawagan

Nananawagan din kami sa lahat ng organisasyon ng karapatang pantao at lahat ng samahang tumututol sa karahasan ng estado, at saanman ito nagmumula, na magkaisa para kondenahin ang pagpaslang sa Negros 19.

Itigil na ang pagdanak ng dugo ngayon. Wakasan ang militarisasyon ng mga komunidad na tinatratong parang teritoryo ng kaaway.

Tugunan ang mga ugat ng problema: tunay na reporma sa lupa; kabuhayan at trabaho; hustisya; at demokratikong partisipasyon ng masa sa mga mga ahensyang dapat tumugon sa kanilang mga karaingan.

Abril 23, 2026

Photo from Bulatlat: UP Diliman Protests on the Negros Killings

Leave a comment