[TAGALOG] Ecosocialism: System Change, Not Climate Change

Prepared by: Khyl Ramos

  1. Historikal na konteksto: Mula climate change tungo sa climate crisis
  1. Ang pag-usbong ng fossil fuel capitalism 
    1. Ang rebolusyong industriyal ang naghudyat ng transisyon mula sa pyudalismo patungong kapitalismo, na radikal na nagpabago sa mga sistema ng produksyon. Sa mga lipunang pyudal, ang produksyon ay nakabatay sa paggawa ng mga magsasakang nakatali sa lupa at kontrolado ng mga panginoong maylupa. Sa pagpatak ng industriyalisasyon, lumipat ang produksyon sa mga pabrika, kung saan ang mga manggagawa ay tinipon sa mga sentralisadong lugar ng trabaho.
    2. Noong una, ang mga sistema sa pabrika ay kinapapalooban ng sama-samang pagbuo ng mga produkto ng mga manggagawa. Sa paglipas ng panahon, nagbago ito tungo sa isang napaka-espesyalisadong dibisyon ng paggawa (division of labor), kung saan ang produksyon ay hinati sa magkakahiwalay na gawain sa mga assembly line. Ang sistema ng pabrika ang naging pangunahing istruktura ng kapitalistang produksyon at nagpalawak nang husto sa produksyon at akumulasyon ng mga bilihin.
  1. Transisyon sa enerhiya: Mula tubig patungong karbon
    1. Ang mga unang makina sa industriya, partikular sa industriya ng koton, ay pinapatakbo ng tubig, kaya naman ang mga pabrika ay matatagpuan malapit sa mga ilog at lawa. Gayunpaman, sa pagsapit ng unang bahagi ng ika-19 na siglo, ang lakas mula sa tubig ay napalitan ng mga steam engine na pinapatakbo ng karbon, na nagmarka ng isang malaking transisyon sa enerhiya sa ilalim ng kapitalismong industriyal.
    2. Ang mga steam engine na pinapatakbo ng karbon ay nagbigay-daan sa:
      1. Malawakang produksyong industriyal
      2. Paglawak ng mga riles ng tren at mga pabrika
      3. Higit na kadaliang nalilipat ang mga pinagkukunan ng enerhiya
    3. Hindi tulad ng tubig, ang karbon ay maaaring i-transport, na nagpahintulot sa pagtatayo ng mga pabrika malapit sa mga sentro ng paggawa sa halip na sa mga likas na pinagkukunan ng enerhiya. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, ang mga bansa tulad ng Estados Unidos ay nalampasan na ang Britanya sa pagkonsumo ng karbon dahil sa mabilis na paglawak ng industriya.
  1. Steam power at kolonyalismo
    1. Ang teknolohiyang steam na gamit ang karbon ay nagpabago rin sa pandaigdigang kalakalan at imperyal na dominasyon. Ang mga steamship ay nagpahintulot sa mga imperyong Europeo, lalo na ang Britanya, na ipakita ang kanilang pwersang militar at pang-ekonomiya sa mga kolonya.
    2. Halimbawa, ang mga pandigmang barko (steamships) ng Britanya ay ipinadala noong dekada 1840 sa mga operasyong militar sa Eastern Mediterranean, na nag-ambag sa paghina ng mga karibal na imperyo gaya ng Imperyong Ottoman. Ipinapakita ng panahong ito kung paano naging kasangkapan ng kolonyal na kontrol ang mga sistema ng enerhiya mula sa fossil fuel.
    3. Ang mga steam engine ay nangailangan ng malaking halaga ng karbon na kinuha mula sa mga imperyal na pagkuha ng likas na yaman. Kasama sa mga unang pinagkukunan ng langis ang mga plantasyon ng palm oil sa West Africa, partikular sa Niger Delta, na nagpapatunay kung paano malalim na nakaugat ang mga sistema ng fossil fuel sa kolonyal na eksploytasyon.
  1. Ang pag-usbong ng produksyon ng langis at fossil fuel economy
    1. Sa pagtatapos ng ika-19 at simula ng ika-20 siglo, pinalitan ng langis ang karbon bilang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya sa mundo, na nagpabago sa transportasyon, industriya, at pakikidigma.
    2. Noong una ay ginagamit lamang para sa pag-iilaw (gas/kerosene), ang petrolyo ay nakakuha ng bagong kahalagahan dahil sa:
      1. Imbensyon ng internal combustion engine (1880s)
      2. Pag-usbong ng industriya ng aviation (1903)
      3. Pagsisimula ng malawakang produksyon ng sasakyan
    3. Ang mga hango sa langis gaya ng gasolina (na dati ay itinuturing na basura) ay naging mahahalagang panggatong para sa mga sistemang industriyal at militar.
    4. Noong World War I, ang mga tangke, eroplano, barko, at submarino na pinapatakbo ng langis ay naging mapagpasyang instrumento ng digmaan, na nagpapakita kung paano naging sentro ang fossil fuels sa modernong militarismo.
  1. Sa kasalukuyan, ang pandaigdigang produksyon ng langis ay pinamamahalaan ng maliit na bilang ng mga multinasyunal na korporasyon (“Big Oil”), na sa kasaysayan ay kinabibilangan ng “Seven Sisters” gaya ng: Shell, BP (Anglo-Iranian Oil Company), Chevron, ExxonMobil (dating mga kumpanya ng Standard Oil), Texaco, at Gulf Oil.
  1. Ang pagsunog ng karbon, langis, at gas ay naglalabas ng carbon dioxide at methane, na kumukulong sa init sa atmospera at nagiging sanhi ng global warming. Ang paglawak ng mga sistema ng fossil fuel ang pangunahing dahilan ng krisis sa klima.
    1. Sa ngayon, maging ang mga sistemang militar ay malaking kontribyutor:
      1. Ang militar ng U.S. ang pinakamalaking institusyonal na mamimili ng petrolyo sa mundo.
      2. Kung ituturing itong isang bansa, mapapabilang ito sa mga nangungunang nagkakalat ng emisyon.
      3. Noong 2017, kumonsumo ito ng halos 269,000 bariles ng langis bawat araw at naglabas ng mahigit 25,000 kilotons ng CO₂ (Neimark et al., 2019).
  1. Sa mas malawak na pananaw, ang pagdepende sa fossil fuel ay malalim na nakatanim sa mga sistema ng transportasyon, produksyong industriyal, at pambansang ekonomiya, kaya naman mahirap itong alisin sa istruktura (decarbonize).
  1. Oil capitalism at pagbabago sa pang-araw-araw na pamumuhay
    1. Binago ng langis ang modernong lipunan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng:
      1. Industriya ng sasakyan (disenyo ng lungsod na nakasentro sa kotse at mga sistema ng mobilidad)
      2. Industriyal na paggawa (mga sistema ng produksyon sa assembly line)
      3. Kultura ng pagkonsumo (malawakang pagkonsumo at mga istilo ng buhay na mabilis magtapon o disposable)
    2. Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ang produksyon ng sasakyan ang naging pinakamalaking industriya sa Estados Unidos. Sinundan ito ng pag-usbong ng mga petrochemical, synthetic fiber, at plastik, na nagbaon sa langis nang malalim sa pang-araw-araw na pamumuhay.
    3. Noong panahon at pagkatapos ng World War II:
      1. Malaki ang ipinuhunan ng mga gobyerno sa mga industriya ng petrochemical para sa produksyong militar (hal., pampasabog, synthetic rubber, nylon).
      2. Matapos ang digmaan, marami sa mga pasilidad na ito ang isinapribado, na nagbunsod sa pandaigdigang pagdami ng paggamit ng plastik (plastics boom).
      3. Ang pandaigdigang konsumo ng enerhiya ay higit na nadoble nang tatlong beses, na nagpabilis sa pagdepende sa fossil fuel.
  2. Ang petrochemicals at modernong kapitalismo
    1. Ang sistemang petrochemical ay sentro ng kontemporaryong kapitalismo dahil pinalalawak nito ang gamit ng langis—hindi lamang bilang enerhiya kundi bilang mga materyales na humuhubog sa buhay.
    2. Ang mga petrochemical ay lumilikha ng:
      1. Plastik
      2. Pataba (fertilizers)
      3. Synthetic fibers (mga telang gawa sa kemikal)
      4. Mga kemikal na pang-industriya
    3. Lumilikha ito ng istruktural na pagdepende sa fossil fuels, na nagbabaon sa langis sa mga pandaigdigang sistema ng produksyon, supply chain, at mga kagamitan ng mamimili. Dahil dito, ang langis ay hindi lamang isang pinagkukunan ng enerhiya kundi isang pundasyong sangkap sa modernong kapitalismo, na nagpapatatag sa kapangyarihan ng mga korporasyon at hindi pagkakapantay-pantay.
  3. Fossil fuels sa mga pangunahing sektor ng pandaigdigang ekonomiya
    1. Industriyal na agrikultura: Sa ilalim ng kompetisyong kapitalista, ang mga sakahan ay pinipilit na lumawak at paigtingin ang produksyon. Madalas silang umaasa sa mga kemikal na nakaaapekto sa mga ekosistema, nagpapalit-gamit ng mga kagubatan at damuhan tungo sa mga monoculture, at nag-aambag sa deporestasyon at pagkawala ng biodiversity.
    2. Industriyal na pangingisda: Nagdudulot ng kawalang-katatagan sa mga marine ecosystem at binabawasan ang likas-kayang produksyon ng populasyon ng mga isda.
    3. Industriyal na produksyon ng plastik: Mula sa isang kritikal na pananaw, hinihikayat ng kapitalismo ang produksyon ng mga materyales na panandalian at madaling itapon (hal., single-use plastics), kahit na maaari naman itong gawing matibay. Sumasalamin ito sa isang sistematikong kawalan ng katwiran na itinutulak ng kita sa halip na likas-kaya.
  4. Kontemporaryo at siyentipikong pag-unawa sa krisis sa klima
    1. Inilalarawan ng modernong siyensya ng klima ang kasalukuyang sitwasyon bilang isang global climate emergency, na kinatatampukan ng:
      1. Mabilis na pag-init ng mundo (global warming)
      2. Madalas na paghataw ng mga matitinding sakuna (extreme weather events)
      3. Mga babala ng IPCC tungkol sa “code red for humanity”
      4. Panganib ng paglagpas sa mga hindi na maibabalik na tipping points sa mga sistema ng daigdig (hal., planetary boundaries)
  1. Ang mga ito ay nagpapatunay na ang pagbabago ng klima ay hindi na isang malayong banta kundi isang nagpapatuloy na krisis sa sistema na pangunahing itinutulak ng kapitalismong nakabatay sa fossil fuel.
  2. Malubhang epekto ng krisis sa klima
  1. Pandaigdigang epekto
    1. Mas matinding init: Habang tumataas ang konsentrasyon ng greenhouse gas, tumataas din ang temperatura ng mundo. Sa ngayon, ang panahong 2015-2024 ang naitalang pinakamainit sa kasaysayan. Dumarami ang mga araw na sobrang init at pagkakaroon ng heat wave; ang mataas na temperatura ay nagpapalala sa mga sakit na may kaugnayan sa init, at nagiging sanhi ng mas mabilis na pagsiklab at pagkalat ng mga wildfire.
    2. Mas malalakas na bagyo: Ang pagtaas ng temperatura ay nagdudulot ng mas mabilis na pag-evaporate ng tubig, na nagpapalala sa matinding pag-ulan at pagbaha. Nagreresulta ito sa mga mapanirang bagyo na nagwawasak ng mga tahanan at komunidad, na humahantong sa kamatayan at malaking pagkalugi sa ekonomiya.
    3. Paglala ng tagtuyot: Pinapalala ng global warming ang kakulangan ng tubig sa mga rehiyong dati nang nakararanas nito, dahil binabago ng climate change ang daloy ng suplay ng tubig. Ang tagtuyot ay nakakaapekto sa mga pananim, nagpapahina sa mga ekosistema, at nagbabanta sa mga tao dahil sa kakulangan ng tubig.
    4. Pagtaas ng karagatan o sea-level rise: Habang umiinit ang karagatan, lumalaki ang bolyum nito dahil ang tubig ay lumalawak kapag uminit. Ang pagtunaw ng mga ice sheet ay nagdudulot din ng pagtaas ng antas ng dagat, na nagbabanta sa mga komunidad sa baybayin at mga isla.
    5. Pagkaubos ng mga species: Ang climate change ay banta sa kaligtasan ng mga species sa lupa at sa karagatan. Nagreresulta ito ngayon sa bilis ng pagkawala ng mga species na 1,000 beses na mas mataas kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan.
    6. Kakulangan sa pagkain, panganib sa kalusugan, at kahirapan: Nagdudulot ang krisis sa klima ng gutom dahil sa pagkasira ng mga pananim at likas na yaman. Ang polusyon, mga sakit, at matinding lagay ng panahon ay malaking banta sa kalusugan ng tao. Ang mga epektong ito ay nagreresulta sa mga sakuna na nakamamatay, kasabay ng pagkawasak ng mga tirahan at kabuhayan, na nagpapataas sa antas ng kahirapan at paglikas (displacement).
  1. Rehiyonal na epekto (Asya at Timog-Silangang Asya)
    1. Noong 2022, ang bilang ng mga sakunang may kaugnayan sa klima at tubig sa Asya ay umabot sa 81-83% na mula sa pagbaha at mga bagyo. Humigit-kumulang 5,000 ang namatay habang 50 milyong tao ang direktang naapektuhan, at ang pinsala sa ekonomiya ay umabot sa PHP 2 trilyon. Samantala, nagkaroon ng matitinding dust storm sa mga tuyong rehiyon.
    2. Temperatura: Ang karaniwang temperatura sa Asya noong 2022 ay humigit-kumulang 0.72 °C na mas mataas kaysa sa average ng mula 1991 hanggang 2020.
    3. Tagtuyot: Nabawasan ang suplay ng tubig sa maraming rehiyon. Sa China, ang pagkalugi sa ekonomiya ay tinatayang nasa PHP 455 bilyon.
    4. Pagbaha: Sa Pakistan, ang malubhang pagbaha ay nagdulot ng malaking pinsala sa buhay at kabuhayan. Natanggap ng bansa ang 60% ng normal na kabuuang ulan ng habagat sa loob lamang ng tatlong linggo. Mahigit 33 milyong tao (14% ng kabuuang populasyon) ang naapektuhan.
    5. Pagkatunaw ng mga glacier: Sa rehiyon ng High Mountain Asia, malaking tipak ng mga glacier ang natunaw sa nakalipas na 40 taon, at bumibilis ito taon-taon.
    6. Pag-init ng karagatan: Sa bandang hilagang-kanluran ng Arabian Sea, Philippine Sea, at mga dagat sa silangan ng Japan, ang bilis ng pag-init ay lumagpas sa 0.5 °C bawat dekada, na halos tatlong beses na mas mabilis kaysa sa pandaigdigang average na datos.
    7. Malalakas na hangin at ulan: Ang Bagyong Nanmadol sa Japan ay nakaapekto sa mahigit 1,300 katao. Sa Thailand (Nobyembre 2025), nakaranas ang timog na bahagi ng bansa ng baha na umabot sa dalawa hanggang tatlong metro ang taas, na nakaapekto sa mahigit isang milyong tao, partikular na sa lungsod ng Hat Yai.
    8. Malalaking pagkalugi sa ekonomiya noong 2022:
      1. Pakistan – mahigit PHP 898 bilyon
      2. China – mahigit USD 300 bilyon
      3. India – mahigit USD 252 bilyon
  1. Lokal na epekto (isang case study mula sa Pilipinas)
    1. Ang Odette Case ay isang makasaysayang usapin sa hustisyang pangklima (climate justice lawsuit) na isinampa ng mahigit 100 Pilipinong nakaligtas sa Super Typhoon Odette (Typhoon Rai, 2021) laban sa kumpanya ng fossil fuel na Shell. Ipinapangatwiran nila na ang mahabang kasaysayan ng kumpanya sa malawakang emisyon ng greenhouse gas ay nag-ambag sa climate change, na nagpalakas naman sa mga kondisyong nagpapalala sa mga super typhoon na mas nagdudulot ng kamatayan.
    2. Gamit ang umuusbong na attribution science, iniuugnay ng kaso ang produksyon ng fossil fuel ng Shell sa pagtaas ng global warming at dahil dito, sa mas malalakas na bagyo tulad ng Odette na nagwasak sa mga komunidad sa Visayas at Mindanao. Ang mga kumikilos ay humihingi ng pananagutan at kompensasyon para sa paglabag sa kanilang karapatan sa buhay at maayos na kapaligiran.
    3. Itinuturing itong landmark case dahil isa ito sa mga unang direktang nag-ugnay sa isang partikular na korporasyon ng fossil fuel sa mga pinsala mula sa isang partikular na sakuna sa klima, at isinampa ng mga biktima mula sa Global South laban sa kumpanyang nakabase sa Global North. Ito ay isang malaking hakbang sa pandaigdigang pananagutan ng mga korporasyon sa pinsalang dulot ng krisis sa klima.
  1. Mga tugon sa krisis sa klima ng mga institusyon, estado, at kilusan
  1. Pamamahala sa klima sa ilalim ng United Nations at mga multilateral na tugon
    1. UNFCCC at ang mga naunang global climate frameworks
      1. Ang United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) ang nagsilbing pangunahing pandaigdigang plataporma para sa pag-uugnay ng mga tugon sa pagbabago ng klima. Ginawa nitong opisyal ang mga internasyonal na negosasyon sa pagbabawas ng emisyon ng greenhouse gas at pamamahala sa mga pandaigdigang panganib sa klima.
      2. Mga mahahalagang kaganapan:
        1. Earth Summit (1992) – itinatag ang pagbabago ng klima bilang isang pandaigdigang isyu sa polisiya na nangangailangan ng sama-samang pagkilos.
        2. Kyoto Protocol (1997) – ipinakilala ang mga mandatoryong target sa pagbabawas ng emisyon para sa mga industriyalisadong bansa at mga mekanismong nakabatay sa merkado gaya ng carbon trading.
  1. Ang Paris Agreement
    1. Noong 2015, pinalitan ng Paris Agreement ang Kyoto Protocol bilang pangunahing pandaigdigang kasunduan sa klima. Nilagdaan ng 196 na bansa, layunin nito na limitahan ang global warming nang mas mababa sa 2°C, at magsikap na panatilihin ito sa loob ng 1.5°C kumpara sa antas bago ang industriyalisasyon.
    2. Pinalawak din ng kasunduan ang mga mekanismong nakabatay sa merkado gaya ng carbon trading at mga estratehiya para sa “likas-kayang pag-unlad” (sustainable development).
    3. Ang Paris Agreement ay nananatiling pangunahing balangkas sa klima o climate framework sa buong mundo, ngunit ang pandaigdigang progreso ay nananatiling kulang:
      1. Ang mundo ay hindi nasa tamang landas upang maabot ang 1.5°C na target; ipinapakita ng mga pagtatantya ang posibleng pansamantalang paglagpas (overshoot) dito sa 2030 kung walang mas matinding pagkilos.
      2. Ang Estados Unidos ay nagpabago-bago ng posisyon (Obama → pag-alis ni Trump → muling pagsali ni Biden), na sumasalamin sa kawalan ng katatagang politikal sa pagpapatupad nito.
      3. Lumawak ang mga carbon market ngunit nananatiling kontrobersyal dahil sa mga pag-aalinlangan sa pagiging epektibo nito at sa kredibilidad ng mga “offset.
    4. Bagama’t pormal na nangangako ang mga bansa na magbawas ng emisyon, walang malakas na mekanismo para sa pagpapatupad nito (enforcement mechanisms), kaya ang pagsunod ay halos boluntaryo at hindi pantay-pantay.
  1. Conference of Parties (COP)
    1. Ang Conference of the Parties (COP) ay ang taunang pandaigdigang summit sa klima ng UNFCCC, na nagtitipon ng humigit-kumulang 25,000 delegado mula sa mga gobyerno, NGO, at civil society.
      1. COP26 (Glasgow, 2021): Nakilala dahil sa malawakang mga protesta sa klima at mobilisasyon ng mamamayan. Nagbigay ito ng babala na mayroon na lamang humigit-kumulang isang dekada para radikal na bawasan ang emisyon.
      2. COP27 (Egypt, 2022): Itinatag ang mga framework para sa “loss and damage” na pondo para sa mga bansang pinaka-bulnerable sa sakuna.
      3. COP28 (UAE, 2023): Ipinakilala ang Global Stocktake, na kumumpirmang ang mundo ay hindi makaaabot sa 1.5°C na target at nagsimula ng mga diskusyon na pagwakas sa fossil fuel.
      4. COP29-30 (Azerbaijan, 2024; Belem, 2025): Nakatutok sa pinansya para sa klima (climate finance), pagpapalawak ng renewable energy, at pagtugon sa mga pagkukulang sa pagpapatupad ng mga polisiya.
  1. Mga limitasyon at pangunahing isyu sa kasalukuyan
    1. Mga mekanismong “walang ngipin”
      1. Ang mga Nationally Determined Contributions (NDCs) ay nakasalalay lamang sa kusang-loob na pangako ng bawat bansa. Dahil walang tunay na mekanismo ng kaparusahan sa patuloy na paglabag o hindi pagsunod, ang mga kasunduan ay madalas na nananatili sa papel lamang. Ito ay nagreresulta sa weak accountability na nagsisilbing proteksyon lamang sa status quo sa halip na maging mekanismo ng tunay na pagbabago.
    2. Proteksyon sa fossil fuel capitalism
      1. Sa loob ng maraming dekada, naging mailap ang mga COP sa direktang pagbasura sa coal, oil, at gas. Dahil dito, nananatiling protektado ang interes ng mga korporasyon at hindi natitigil ang extractivism na siyang ugat at nagpapalala ng krisis sa klima.
    3. Climate finance bilang utang sa halip na hustisya
      1. Isang malaking usapin ang pondo. Sa halip na ituring itong porma ng hustisya o reparasyon, ang climate finance ay madalas na ibinibigay bilang mga loan o utang. Pinapasan ng Global South ang bigat ng krisis sa pamamagitan ng pagbabayad ng utang para sa mga sakunang hindi naman nila nilikha.
    4. Pagpapanatili ng historical injustice
      1. Hindi sapat ang pagkilala at pananagutan ng Global North sa kanilang historical emissions at ecological debt. Ang agwat na ito ay nagpapakita na ang pandaigdigang sistema ay hindi pa rin patas sa pagtrato sa mga bansang pinaka-bulnerable sa epekto ng krisis sa klima.
  1. Mga kapitalisang “solusyon” sa krisis sa klima
  1. Ekonomiyang nakabatay sa kita (profit-driven climate economy)
    1. Sa ilalim ng kapitalismo, inuuna ng produksyon ang akumulasyon ng kita kaysa sa pagpapanatili ng ekolohiya. Ang mga industriya ng fossil fuel ay lumilikha ng mga “superprofit” dahil sa kanilang kontrol sa mga sistema ng enerhiya at sa patuloy na pandaigdigang pagdepende sa langis, karbon, at gas.
    2. Kahit ang mga naratibo ng “peak oil” ay madalas gamitin hindi para iwanan ang fossil fuels, kundi para bigyang-katwiran ang pinaigting na pagkuha ng yaman sa pamamagitan ng fracking, pagmimina, at pagpapalawak sa mga bagong teritoryo (frontier expansion).
  2. Istruktura ng pagmamay-ari ng fossil fuel
    1. Ang mga industriya ng fossil fuel ay kontrolado ng:
      1. Mga pribadong korporasyon
      2. Mga kumpanya ng langis na pag-aari ng estado
      3. Mga kumpanya ng enerhiya na pinatatakbo ng gobyerno
    2. Magkakasama nilang pinananatili ang pandaigdigang pagdepende sa fossil fuels habang hinuhubog ang mga polisiya sa enerhiya at hinahadlangan ang mabilis na dekarbonisasyon.
  1. Green capitalism at market-based environmentalism
    1. Ang green capitalism ay itinuturing ang kalikasan bilang “natural capital” (likas na puhunan) na maaaring pamahalaan sa pamamagitan ng merkado at mga mekanismong pinansyal.
    2. Itinataguyod nito ang mga solusyon tulad ng:
      1. Carbon trading at mga sistemang cap-and-trade
      2. Mga buwis sa karbon (carbon taxes)
      3. Bioenergy at mga programa pagtitipid sa enerhiya (energy efficiency)
      4. Geoengineering at enerhiyang nukleyar
      5. Mga pinansyal na mekanismo para sa kalikasan
    3. Mga kritisismo:
      1. Ang mga paraang ito ay muling lumilikha ng kapitalistang akumulasyon sa halip na lutasin ang krisis sa ekolohiya.
      2. Umaasa sila sa lohika ng merkado na inuuna ang panandaliang kita kaysa sa pangmatagalang katatagan ng kalikasan.
      3. Dekada na ng mga kumperensya sa klima ang nabigong magbawas ng emisyon sa makabuluhang antas.
  2. Carbon markets at mga “false solutions”
    1. Ang mga sistema ng carbon trading (hal., mga mekanismo ng Kyoto Protocol) ay nagpapahintulot sa pagbili at pagbenta ng emisyon, kung saan itinuturing ang polusyon bilang isang gastos sa halip na isang limitasyon sa kalikasan.
    2. Iba pang mga kontrobersyal na solusyon:
      1. Enerhiya mula sa biomass
      2. Enerhiyang nukleyar
      3. Geoengineering (mga teknolohiyang nagmamanipula sa klima)
      4. Mga programa sa energy efficiency na walang kasamang pagbabago sa istruktura
      5. Mga teknolohiya sa pagtanggal ng karbon (carbon removal technologies)
  3. Mga limitasyon ng adaptasyon at mitigasyon sa ilalim ng kapitalismo
    1. Ang mga mainstream na pamamahala sa klima ay tumutukoy sa adaptasyon at mitigasyon bilang pamamahala lamang sa emisyon sa loob ng kasalukuyang sistema sa halip na baguhin ito.
    2. Ang mga diskarte na ito ay hindi hinahamon ang mismong produksyon ng fossil fuel.
    3. Pinapanatili nila ang mga kapitalistang relasyon sa produksyon at akumulasyon.
    4. Hangga’t kontrolado ng mga korporasyon ang mga sistema ng enerhiya, ang krisis sa ekolohiya ay lalalim sa paraang istruktural.
    5. Dahil dito, ang mga polisiya sa klima ay madalas na nakatuon sa pagtugon sa mga sintomas sa halip na tugunan ang mga ugat na sanhi.
  1. Mga karahasan at represyon sa kilusang pangklima
    1. Ang mga tugon sa krisis sa klima ay nagaganap din sa loob ng mga sistemang may kasamang karahasang pampulitika:
      1. Ang mga environmental defenders ay nakararanas ng pananakot, kriminalisasyon, at maging pagpaslang.
      2. Sa Pilipinas: Ang mga aktibistang katulad ni Gloria Capitan (mula sa Kilusan at PMCJ) ay pinatay kaugnay ng mga laban sa karbon, na nagpapakita ng mga panganib na kinakaharap ng mga tagapagtanggol ng klima.
  1. Ang kilusan para sa hustisyang pangklima
    1. Ang kilusan para sa hustisyang pangklima ay nag-uugnay sa pakikibakang ekolohikal at sa mga politikang anti-imperyalista at anti-kapitalista.
      1. Binibigyang-diin nito na:
        1. Ang Global North ang may historikal na pananagutan sa mga emisyon.
        2. Ang Global South ang nagdurusa sa mga epekto ng krisis sa klima.
        3. Ang mga solusyon sa klima ay dapat maglaman ng pananagutan, reparasyon, at sistematikong pagbabago.
      2. Gayunpaman, may panganib na ang kilusang ito ay magamit lamang (co-optation) kapag tinanggap nito ang mga solusyong nakabase sa merkado o itinutulak ng mga korporasyon. Ang Ecosocialism o Ekososyalismo ay itinuturing na isang pampulitikang sistema sa loob ng mas malawak na kilusang ito, na nagbibigay-diin sa sistematikong transpormasyon sa halip na mga repormistang paraan lamang.
    2. Makatarungang transisyon (just transition) at reparative climate justice
      1. Ang just transition ay tumutukoy sa paglipat mula sa ekonomiyang nakasandig sa fossil fuel patungo sa mga renewable energy systems habang tinitiyak ang:
        1. Seguridad sa trabaho at proteksyon sa kabuhayan
        2. Demokratikong partisipasyon ng mga manggagawa at komunidad
        3. Mas maayos na akses sa enerhiya para sa mga mahihirap na bansa.
      2. Para sa civil society, ang just transition ay dapat ding maglaman ng muling pamamahagi ng kapangyarihan (redistribution of power), hindi lamang ng mga sistema ng enerhiya.
      3. Reparativeclimate justice frameworks
        1. Pondo para sa klima (climate finance) mula sa mga industriyalisadong bansa.
        2. Pagkansela ng utang ng mga bansa sa Global South.
        3. Pagtigil sa mga neoliberal na kondisyon mula sa mga institusyong katulad ng IMF at World Bank.
        4. Patas at demokratikong pamamahala sa mga likas na yaman.
        5. Paglikha ng mga trabaho sa pagpapanumbalik ng ekolohiya (ecological restoration).
        6. Reparasyon para sa mga katutubo at mga marhinalisadong komunidad.
    3. Renewable energy at istruktural na transisyon
      1. Ang mga sistema ng renewable energy ay kinabibilangan ng:
        1. Solar (araw)
        2. Wind (hangin)
        3. Hydro (tubig)
        4. Geothermal iInit mula sa lupa)
        5. Tidal and wave energy (enerhiya mula sa daluyong at alon)
      2. Smart grids at demokratisasyon ng enerhiya
        1. Ang mga smart grid ay kumakatawan sa mga desentralisadong sistema ng enerhiya na gumagamit ng digital na komunikasyon upang mas epektibong pamahalaan ang pangangailangan at distribusyon ng kuryente.
        2. Mga benepisyo:
          1. Pagbabawas ng nasasayang na enerhiya.
          2. Mas mababang gastusin para sa mga kabahayan.
          3. Mas matatag na sistema sa panahon ng krisis.
          4. Potensyal ng komunidad para sa likas-kayang enerhiya.
        3. Sa konteksto ng Pilipinas:
          1. Sa kabila ng mga unang plano ng gobyerno para sa mga smart grid (DOE 2013-2030 roadmap), limitado pa rin ang pagpapatupad nito. Ang kasalukuyang mga sistema ay nananatiling sentralisado, at limitado ang akses sa mga programa ng renewable energy gaya ng net metering dahil sa mataas na gastos at mga burukratikong hadlang.
  1. Ecosocialism: The system we need
  1. Ano ang Ecosocialism o Ekososyalismo? 
    1. Ito ay isang politikal at ekolohikal na balangkas na umuunawa sa mga krisis panlipunan at pangkalikasan bilang malalim na magkakaugnay, na kapwa nag-uugat sa lohika ng sistema ng kapitalismo (Foster & Clark, 2020).
    2. Ipinapangatwiran nito na ang mga tugon ng kapitalismo sa pagkasira ng ekolohiya (hal., tulad ng mga “green solutions” na nakabatay sa merkado) ay kulang dahil hindi nito tinutugunan ang mga istruktural na sanhi ng pagkasira ng kalikasan. Sa halip, nagmumungkahi ang Ekososyalismo ng isang sistematikong transpormasyon na direktang humahamon sa mga pundasyon ng produksyon, pagkonsumo, at paglago (growth) ng kapitalismo.
  1. Mga layunin
    1. Ang Ekososyalismo ay isang radikal na sistema na naglalayong tugunan ang mga ugat na sanhi ng krisis sa ekolohiya sa halip na ang mga sintomas lamang nito. Iba ito sa mga tradisyunal na sosyalistang pamamaraan na nagbigay-priyoridad sa industriyal na paglago (hal., ilang anyo ng social democracy) at sa mga pangkalikasang pananaw na sumusubok sa loob ng kapitalismo.
    2. Nilalayon nitong baguhin hindi lamang ang mga istrukturang pang-ekonomiya kundi pati na rin ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, palayo sa nangingibabaw na lohika ng modernong kapitalista-industriyal na sibilisasyon.
    3. Tinutukoy ng Ekososyalismo ang apat na pangunahing istruktural na problema sa loob ng kapitalismo, na nagpapakita na ang krisis sa ekolohiya ay hindi aksidente kundi bahagi ng paraan ng produksyong kapitalista:
      1. Pag-uuna sa abstraktong yaman kaysa sa tunay na yaman (kita kaysa sa kapakanan ng tao at kalikasan)
      2. Akumulasyon kaysa sa distribusyon (konsentrasyon ng yaman sa halip na patas na pagbabahagi)
      3. Mapagsamantalang panlipunang relasyon sa produksyon (pagsasamantala sa paggawa at hindi pagkakapantay-pantay)
      4. Mapanirang sosyo-ekolohikal na relasyon (pagkasira ng kapaligiran bilang istruktural na bunga ng produksyon)
    4. Sa ugat niyo, nilalayon ng Ekososyalismo ang isang lipunang nakabatay sa:
      1. Ekolohikal na rasyonalidad (produksyong nakaayon sa limitasyon ng kalikasan)
      2. Demokratikong kontrol ng mga komunidad at manggagawa
      3. Panlipunang pagkakapantay-pantay at kolektibong kapakanan\
    5. Binibigyang-priyoridad nito ang use-value (pagtugon sa pangangailangan ng tao) kaysa sa exchange-value (paglikha ng kita), upang muling ituon ang produksyon sa mga panlipunan at ekolohikal na pangangailangan.
    6. Ang transpormasyong ito ay nangangailangan ng:
      1. Kolektibong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon (mga sistemang pampubliko, kooperatiba, o nakabase sa komunidad)
      2. Demokratikong pagpaplanong pang-ekonomiya, kung saan ang mga komunidad ay kalahok sa mga desisyon tungkol sa produksyon at pamumuhunan
      3. Sustainable at abanteng mga sistema ng produksyon na nagbabawas ng pinsala sa kalikasan habang tinutugunan ang pangangailangan ng lipunan
    7. Panghuli, nananawagan ang Ekososyalismo para sa isang rebolusyonaryong pag-istruktura at muling pagbubuo ng lipunan at ng ekonomiya.
  2. Historikal na batayan
  1. Umusbong ang Ekososyalismo mula sa pagsasanib ng Marxistang kritika at ekolohikal na kamalayan.
  2. Mga pundasyon: (1970s-1980s):
    1. Manuel Sacristán (Spain) – Itinatag ang journal na Mientras Tanto (1979) at ipinakilala ang ideya ng “destructive-productive forces,” na nagbibigay-diin kung paano ang kapitalistang produksyon ay sabay na lumilikha at sumisira.
    2. Raymond Williams (United Kingdom) – Isang iskolar sa kultura na bumuo ng mga unang ideya ng isang “ecologically conscious socialism” na nag-uugnay sa kultura, lipunan, at kalikasan.
    3. André Gorz (France) – Ipinangatwiran na ang politikang ekolohikal ay dapat bumatikos sa mismong pang-ekonomiyang rasyonalidad at nanawagan para sa pagbabago ng paggawa, lipunan, at buhay ng tao. Barry Commoner (USA) – Binigyang-diin na ang pagkasira ng kalikasan ay pangunahing itinutulak ng mga kapitalistang sistema at teknolohiya at hindi ng paglaki ng populasyon.
  1. Kontemporaryong Ecosocialist thinkers: bagong henerasyon ng mga eco-Marxist na lalong nagpaunlad sa teorya ng Ekososyalismo:
    1. John Bellamy Foster – Pinalawak ang konsepto ni Marx na metabolic rift, na nagpapaliwanag sa rupture sa ekolohiya na dulot ng kapitalistang produksyon.
    2. Joel Kovel at Michael Löwy – Sinulat ang Ecosocialist Manifesto (2007), na pormal na nagpahayag sa Ekososyalismo bilang isang politikal na programa. Isinulat din nila ang Belem Ecosocialism Manifesto (2008) kasama si Ian Angus—na nagpalawak sa ideya ng Ekososyalismo sa buong mundo, na siya ring sinuportahan ng daan-daang aktibista at iskolar mula sa maraming bansa.
  2. Mga teoretikal na batayan
  1. Marx at Engels bilang mga intelektwal na pundasyon
    1. Bagama’t ang Ekososyalismo ay isang relatibong bagong kaisipan, ang mga teoretikal na ugat nito ay matutunton pabalik sa mga sinulat nina Karl Marx at Friedrich Engels. Ang kanilang kritika sa kapitalismo ay naglalaman na ng malalakas na pananaw na ekolohikal, partikular sa kung paano nila naintindihan ang produksyon, kalikasan, at pag-unlad ng tao.
  2. Marx tungkol sa pag-unlad ng tao at teknolohiya
    1. Para kay Karl Marx, ang layunin ng teknolohikal at produktibong pag-unlad ay hindi ang walang katapusang akumulasyon ng materyal (having), kundi ang pagpapalawak ng kalayaan ng tao—lalo na sa pamamagitan ng pagbabawas ng oras sa pagtatrabaho at pagdagdag ng libreng oras (being) (Löwy, 2015).
    2. Tinanggihan ni Marx ang mga kapitalistang konsepto ng pag-unlad na nakabatay sa mga indicator ng paglago ng ekonomiya gaya ng GDP at GNP, dahil ang mga sukatang ito ay pangunahing sumasalamin sa akumulasyong kapitalista at nagtatago sa malalim na hindi pagkakapantay-pantay ng mga uri. Sa halip, tinukoy niya ang progreso ng tao bilang isang kondisyon kung saan: “Ang malayang pag-unlad ng bawat isa ay ang kondisyon para sa malayang pag-unlad ng lahat.”
    3. Sa diwang ito, ang pag-unlad ay hindi sinusukat sa dami ng produkto o kita, kundi sa pag-usbong ng mga kakayahan ng tao sa isang makatarungang panlipunan.
  3. Ang ekolohikal na pananaw ni Marx sa produksyon
    1. Mariing tinutulan ni Marx ang tinatawag ngayong productivism—ang lohikang kapitalista na itinuturing ang walang katapusang akumulasyon ng mga kalakal at kapital bilang dulo ng lahat.
    2. Sa kabaligtaran, ang isang sosyalistang ekonomiya ay nakatuon sa: use-values (mga produkto na tumutugon sa pangangailangan at kapakanan ng tao) at hindi exchange-values (mga produkto na ginawa para sa kita at palitan sa merkado)
    3. Para kay Marx, ang teknolohikal na progreso ay hindi dapat humantong sa walang hanggang produksyon, kundi sa pagbabawas ng trabahong kinakailangan ng lipunan at pagpapalawak ng libreng oras para sa pag-unlad ng tao. Binigyang-diin niya na ang kalikasan (nature) at paggawa (labor) ang mga orihinal na pinagmumulan ng lahat ng yaman.
  1. Metabolic rift: Ang ekolohikal na kritika ni Marx sa kapitalismo
    1. Ang konsepto ng metabolic rift
      1. Isa sa pinakamahalagang kontribusyon ni Marx sa kaisipang ekolohikal ay ang konsepto ng metabolic rift, na kalaunang binuo ng mga iskolar na eco-Marxist kagaya ni John Bellamy Foster. Tumutukoy ito sa pagkasira ng materyal na palitan (metabolism) sa pagitan ng mga tao at ng likas na kapaligiran sa ilalim ng kapitalismo.
      2. Sa isang maayos na sistema, ang paggawa ng tao at ang kalikasan ay nag-uugnayan sa isang siklikal na proseso ng pagpapanibago. Gayunpaman, sa ilalim ng kapitalismo, ang siklong ito ay nagagambala.
    2. Kapitalismo bilang ecological disruption
      1. Inilalarawan ni Marx kung paano ang kapitalistang produksyon ay:
        1. Nanggagambala sa natural na siklo ng sustansya (nutrient cycle) sa pagitan ng mga tao at ng lupa.
        2. Pumipigil sa pagbabalik ng mga mahahalagang elemento sa lupa (dahil sa basura, pagkuha ng yaman, at industriyal na agrikultura).
        3. Nagpapahina sa pangmatagalang katabaan ng lupa at katatagan ng ekolohiya.
      2. Ipinapangatwiran niya na ang kapitalistang agrikultura ay nagiging proseso hindi lamang ng pagsasamantala sa mga manggagawa kundi pati na rin ng pagpiga at pagpapasama sa kalidad ng lupa.
    3. Sabay na pananamantala sa paggawa at kalikasan
      1. Sa balangkas na ito, ang kapitalismo ay lumilikha ng dalawahang krisis:
        1. Pinagsasamantalahan nito ang paggawa, na nagpapababa sa kalidad ng mga kondisyon sa pagtatrabaho
        2. Pinagsasamantalahan nito ang kalikasan, na umuubos sa mga ekosistema at likas na yaman
      2. Ipinapakita nito ang likas na tendensya ng kapitalismo na pahinain ang kapwa “orihinal na pinagmumulan ng yaman”: ang lupa at ang manggagawa.
      3. ​​Ang teorya ng paggawa (labor theory) ni Marx ang nagbibigay ng pundasyon sa pag-unawa sa sosyo-ekolohikal na metabolismo (Stoffwechsel), kung saan ang paggawa ang nagsisilbing tagapamagitan sa palitan ng tao at ng kalikasan. Gaya ng paliwanag ni Marx:
        1. Ang paggawa ay ang proseso kung saan kinokontrol at pinamamahalaan ng mga tao ang kanilang pakikipag-ugnayan sa kalikasan, gamit ang kanilang pisikal at mental na kakayahan upang gawing mga produkto ang mga likas na materyales na tutugon sa pangangailangan ng tao.
        2. Nangangahulugan ito na ang pamumuhay ng tao ay pundamental na nakadepende sa isang balanseng metabolikong relasyon sa kalikasan.
  1. Kontemporaryong interpretasyon ng Metabolic Rift
    1. Binibigyang-diin ng mga modernong kaisipan ng Ekososyalismo na ang metabolic rift ay pinatitindi ng:
      1. Industriyal na agrikultura na umuubos sa katabaan ng lupa
      2. Kapitalistang sistema ng pagkain na inuuna ang tubo kaysa sa pagpapanatili (sustainability)
      3. Pagbaba ng kalidad ng mga kondisyon sa paggawa na nakatali sa ekolohikal na eksploytasyon
    2. Habang nasisira ang mga ekosistema, ang produksyon mismo ng pagkain ay nagiging mabuway, na nagpapatunay kung paano direktang pinahihina ng pagkasira ng kalikasan ang mga sistema para sa pamumuhay ng tao.
    3. Binibigyang-diin ng pagsusuri ni Marx na ang kapitalismo ay hindi lamang isang sistemang pang-ekonomiya kundi isa ring ekolohikal na sistemang naglalayo (alienates) sa tao mula sa kalikasan. Ang konsepto ng metabolic rift ay nagpapakita kung paano ginagambala ng produksyong nakatuon sa tubo ang balanseng ekolohikal, na humahantong sa pangmatagalang pagkasira ng kapaligiran at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
  2. Mga praktikal na aplikasyon
    1. Imperyalismo at “oil capitalism”
      1. Sa pagbatay sa pagsusuri ni Hanieh (2024), ang metabolic rift ay pinapalubha ng paglawak ng mga sistemang petrochemical. Ang mga kalakal na base sa langis gaya ng plastik at synthetic fibers ay pumapalit sa mga natural na materyales, na lumilikha ng mga basurang sumisira sa kalikasan.
      2. Ang lamat na ito ay lalong pinalalalim ng mga imperyal na istruktura: ang pagkuha ng yaman (extraction) ay nakasentro sa Global South, habang ang konsumo at kita ay nakasentro sa Global North. Ang mga ekolohikal na gastos ay ipinapapasan sa mga bansang naghihirap na lalo pang maghihirap dahil dito.
      3. Ang langis ay nagiging bahagi na rin ng pang-araw-araw na buhay, na siya ring nakatali sa militarismo at kapangyarihang geopolitikal. Ito ay nagpapatibay sa mga sistema ng dependency sa halip na palitan ang mga istrukturang nakabatay sa fossil fuel. Dahil dito, ang ekolohikal na lamat (ecological rupture) ay hindi aksidente kundi patuloy na muling nililikha sa pamamagitan ng pandaigdigang kapitalista at imperyal na relasyon.
    2. Geopolitikal na tunggalian
      1. Ang mga kaso ng sanksyon at interbensyon ng U.S. sa mga bansang katulad ng Venezuela at Iran ay nagpapakita kung paano ang metabolic rift sa ilalim ng oil capitalism ay aktibong ipinapatupad sa pamamagitan ng imperyal na kapangyarihan.
      2. Ang mga bansang mayaman sa likas na yaman ay sistematikong pinagkakaitan ng ganap na kontrol sa kanilang sariling mga mapagkukunan ng enerhiya at landas ng pag-unlad. Sa halip, ang pandaigdigang daloy ng langis ay muling inoorganisa sa mga paraang pabor sa mga imperyal na sentro, habang ang pagkasira ng ekolohiya, kawalan ng katatagang pang-ekonomiya, at mga krisis panlipunan ay nakasentro sa Global South.
      3. Dito, ang langis ay hindi lamang nagsisilbing mapagkukunan ng enerhiya kundi bilang isang geopolitikal na instrumento. Ang pagdepende sa enerhiya ay nagiging isang mekanismo ng kontrol, kung saan ang pamumuwersa (coercion) at interbensyon ay nagpapanatili ng hindi pantay na ekolohikal at pang-ekonomiyang palitan sa pandaigdigang antas.
    3. Mga lokal na isyu:
  1. Kapitalistang urbanisasyon at pagkuha ng yaman sa Laguna de Bay
    1. Inilalarawan ng Laguna de Bay kung paano gumagana ang metabolic rift sa lokal na antas sa pamamagitan ng interaksyon ng pagkuha ng yaman, mga sistema ng pamamahala, at pagpapalawak ng imprastruktura.
    2. Ang sosyo-ekolohikal na sistema ng lawa ay lalong hinuhubog ng mga kapitalistang “spatial fixes,” kung saan ang urban expansion ay lumulutas sa mga krisis sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapalawig ng pagkuha ng yaman sa mga nakapaligid na probinsya. Nagreresulta ito sa hindi pantay na pag-unlad at pagkawala ng ari-arian ng mga lokal na komunidad, lalo na ng mga mangingisda.
    3. Mga pangunahing anyo ng pagkuha ng yaman:
      1. Produksyon ng isda sa pamamagitan ng malalaking sistema ng aquaculture.
      2. Pagkuha ng tubig para sa konsumo ng Metro Manila (hal. sa pamamagitan ng mga korporasyon kaulad ng Maynilad at Manila Water
      3. Produksyon ng enerhiya (hal. floating solar projects na humaharang sa mga pangisdaan) na pinangungunahan ng malalaking kumpanya
      4. Pagpapalawak ng imprastruktura sa paligid ng lawa kagaya ng Laguna Lakeshore Road Network
    4. Ang mga interbensyong ito ay patuloy na nagpapabago sa ekolohiya ng lawa habang naglilimita sa akses sa mga tradisyunal na pangisdaan. Habang ang mga ito ay itinatayo para sa pangangailangan ng lungsod, ang kabuhayan ng mga mangingisda ay nagagambala, at ang kanilang lokal na kaalaman sa ekolohiya (local ecological knowledge o LEK) ay unti-unting napapahina.
    5. Lumilikha ito ng tunggalian sa pagitan ng pangangailangan ng lungsod at lokal na ecological sustainability, kung saan ang mga sistema ng pamamahala ay madalas na nagbibigay-priyoridad sa kapitalistang pag-unlad kaysa sa kabuhayan ng masa at balanseng ekolohikal.
  1. Kaliwa Dam at watershed dispossession 
    1. Ang proyektong Kaliwa Dam ay nagpapakita ng isang metabolic rift sa pamamagitan ng pagpapatindi sa paghihiwalay ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila at ang ekolohikal na integridad ng watershed ng Sierra Madre.
    2. Ang pagkuha ng tubig para sa konsumo ng lungsod ay nangyayari sa kapinsalaan ng biodiversity, kalusugan ng watershed, at mga lokal na sistema ng pamumuhay. Sumasalamin ito sa isang istruktural na kawalan ng balanse kung saan ang imprastrukturang para sa lungsod ay naglilipat ng mga ekolohikal na pasanin sa kanayunan.
    3. Ang proyekto ay nagreresulta din sa pagpapalayas (displacement) sa mga katutubong komunidad at pagkaantala ng downstream ecosystems, na nagpapakita kung paano ang kapitalistang imprastruktura ay madalas na lumulutas sa mga pangangailangan ng lungsod sa pamamagitan ng paglikha ng mga bagong ekolohikal at panlipunang krisis sa ibang lugar sa halip na ibalik ang ekolohikal na balanse ng kalikasan at tao.
  1. Waste-to-Energy (WTE) systems at krisis sa basura ng lungsod
    1. Ang panukalang Waste-to-Energy (WTE) facility sa Maynila ay nagpapakita ng isa pang anyo ng metabolic rift sa pamamagitan ng pagtingin sa basura ng lungsod bilang isang teknikal na problema na dapat lutasin sa pamamagitan ng insinerasyon (incineration).
    2. Sa halip na tugunan ang ugat na sanhi (hal., labis na produksyon, disposable pagkonsumo, at kapitalistang materyal), pinapatatag ng sistema ang siklo ng produksyon at pagtatapon nang hindi hinahamon ang pinagbabatayang istruktura nito.
    3. Ang mga epekto sa kapaligiran at kalusugan ay hindi rin pantay na nahahati, dahil ang mga nakalalasong emisyon at abo ay madalas na nakasentro malapit sa mga marhinalisadong komunidad tulad ng sa Tondo at mga nakapaligid na lugar na pinaninirahan ng maralitang lungsod. Sa paraang ito, ang ekolohikal na pinsala ay ipinapapasan sa mga bulnerableng populasyon habang ang mga benepisyo ng konsumo ay nananatiling nakasentro sa ibang lugar.
  1. Radikal na transpormasyon patungo sa isang alternatibong sistema
    1. Pangunahing bisyon ng isang Ekososyalistang lipunan
      1. Ang Ekososyalismo ay naglalayon ng isang lipunang may ekolohikal na rasyonalidad na nakasandig sa demokratikong kontrol, panlipunang pagkakapantay-pantay, at pagbibigay-priyoridad sa use-value (halaga sa paggamit) kaysa sa tubo. Iminumungkahi nito ang isang pundamental na muling pagbubuo ng ekonomiya sa pamamagitan ng kolektibong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon, participatory at demokratikong pagpaplano, at ang pagbuo ng isang bago at ekolohikal na sustenableng teknolohikal na base. Sa sistemang ito, ang lipunan ang kolektibong nagtatakda ng mga layunin sa produksyon at priyoridad sa pamumuhunan, tinitiyak na ang aktibidad sa ekonomiya ay nakaayon sa mga ekolohikal na limitasyon at panlipunang pangangailangan sa halip na sa tubo sa merkado.
    2. Pangunahing argumento ng Ekososyalismo
      1. Hindi sustenable ang pagpapalawak ng kapital
        1. Ang kasalukuyang kapitalistang paraan ng produksyon at pagkonsumo, lalo na sa mga abanteng industriyal na ekonomiya, ay nakabatay sa walang limitasyong akumulasyon ng kapital, kalakal, at tubo. Katangian din nito ang mapang-aksayang pagkonsumo at pagkasira ng ekolohiya.
        2. Ang modelong ito ay hindi maaaring ipatupad sa buong mundo nang hindi nagdudulot ng pagkasira ng ekolohiya. Halimbawa, kung ang pandaigdigang konsumo ng enerhiya ay tutumbas sa konsumo ng Estados Unidos, ang mga kilalang reserba ng langis ay mauubos sa loob ng wala pang isang buwan. Ipinapakita nito na ang sistema ay nakadepende sa malalim na pandaigdigang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng Global North at South upang mapanatili ito.
      2. Ekolohikal na limitasyon at pamumuhay ng tao
        1. Anuman ang anyo nito, ang patuloy na kapitalistang “progreso” at paglawak na itinutulak ng merkado ay banta sa pangmatagalang pamumuhay ng tao. Kahit manatili ang hindi pagkakapantay-pantay, ang ekolohikal na bunga ng walang kontrol na paglago ay kalaunang magpapahina sa mga kondisyon para mabuhay. 
        2. Mula sa pananaw na ito, ang proteksyon sa kalikasan ay hindi opsiyonal kundi isang pundamental na pangangailangan ng tao at isang etikal na tungkulin.
      3. Transpormasyong sosyo-ekonomiko
        1. Sistema ng enerhiya: Palitan ang mga fossil fuel at biofuel ng mga renewable energy (solar, hangin, geothermal, enerhiya mula sa alon). Tiyakin na ang mga sistema ng enerhiya ay nasa ilalim ng kontrol ng publiko o komunidad sa halip na pribado.
        2. Sistema ng transportasyon: Bawasan ang pagdepende sa mga pribadong sasakyan at mga sistemang pangkargamento (freight systems). Palawakin ang libre, maayos, at abot-kayang pampublikong transportasyon.
        3. Produksyon at pagkonsumo: Itigil ang mga mapang-aksayang gawain tulad ng planned obsolescence (disenyong madaling masira). Lumipat patungo sa mga produktong matibay, pwedeng i-recycle, at sustainable. Itaguyod ang ekolohikal na disenyo at green infrastructure. 
        4. Sistema ng pagkain: Patatagin ang lokal na soberanya sa pagkain at mga sistemang agro-ekolohikal. Bawasan ang polusyon mula sa mga industriyal na agribusiness. Ibalik ang katabaan ng lupa sa pamamagitan ng ekolohikal na regenerasyon.
      4. Transpormasyong politikal
        1. Democratic ecological planning (Löwy, 2018)
          1. Iminumungkahi ng Ekososyalismo ang demokratikong kontrol sa ekonomiya, kung saan ang lipunan ay kolektibong nagpapasya kung ano ang gagawin, paano ipapamahagi ang mga resources, at aling mga sektor ang dapat bawasan o unti-unting alisin (hal., fossil fuel).
          2. Kabilang dito ang:
            1. Isang makatarungang transisyon (just transition) para sa mga manggagawa na may garantisadong kondisyon sa trabaho.
            2. Muling pamamahagi ng yaman at resources
            3. Public investment sa kalusugan, edukasyon, at kultura na ginagabayan ng panlipunang pangangailangan sa halip na tubo.
            4. Ang mga desisyong pang-ekonomiya ay hindi na ididikta ng mga elite o techno-bureaucracies kundi ng demokratikong partisipasyon.
        2. Pagbasag sa “iron laws” ng merkado
          1. Hinahamon ng Ekososyalismo ang ideya na ang mga merkado ay kumikilos ayon sa mga hindi nababago at hindi makontrol na “batas pang-ekonomiya” (iron cage ni Weber). Sa halip:
            1. Ang mga presyo at produksyon ay isinasaayos ng lipunan.
            2. Ang progresibong pagbubuwis at mga subsidiya ay ginagamit upang suportahan ang mga layuning panlipunan at ekolohikal.
            3. Ang mga mapaminsalang industriya ay hindi hinihikayat habang ang mga sektor na kapaki-pakinabang sa lipunan ay pinalalawak.
        3. Pagpapalawak ng libreng oras at kalayaan ng tao
          1. Isang pangunahing layunin ay ang malaking pagbabawas ng oras sa pagtatrabaho, upang bigyang-daan ang mas malawak na pakikilahok sa mga demokratikong proseso sa lipunan. Sinasalamin nito ang ideya ni Marx ng “kingdom of freedom,” kung saan ang pag-unlad ng tao (hindi ang paggawa para lamang mabuhay) ang pundasyon ng lipunan.
      5. Transpormasyong kultural
        1. Nangangailangan din ang Ekososyalismo ng malalim na pagbabago sa kultura sa ng pagkonsumo:
          1. Ang kapitalismo ay lumilikha ng mga artipisyal o “counterproductive” na pangangailangan sa pamamagitan ng patalastas at consumer culture
          2. Ang pagkonsumo ay hinuhubog ng media, branding, at komodipikasyon ng pang-araw-araw na buhay
          3. Iminumungkahi ng ecosocialism ang mga alternatibong institusyon tulad ng mga samahan ng mamimili na nagsusuri sa mga produkto batay sa halagang panlipunan at ekolohikal
        2. Gayunpaman, ang kritikang kultural lamang ay hindi sapat. Ang pagbabago sa pagkonsumo ay nangangailangan ng transpormasyon sa mismong paraan ng produksyon.
  2. Ecosocialism in practice
  1. Cuba
    1. Ipinapakita ng Cuba ang mabilis na paglawak ng renewable energy sa ilalim ng mga kondisyon ng pang-ekonomiyang blokeyo at sanksyon ng Estados Unidos:
      1. Paglago ng solar energy sa mga nakaraang taon (hal. transisyon ng sistema ng kuryente sa loob lamang ng 12 buwan, kung saan ang solar power ay tumaas mula 5.8% patungong 20% ng kabuuang produksyon).
      2. Pagpapalawak ng mga solar park sa pamamagitan ng internasyonal na kooperasyon (hal., pagkonekta ng 49 na bagong solar park nitong 2025 at simula ng 2026, na nagdagdag ng mahigit 1,000 megawatts sa kapasidad)
      3. Kinakatawan nito ang isa sa pinakamabilis na transisyon sa renewable energy na nakamit ng isang papaunlad pa lamang na bansa.
      4. Pagsisikap na bawasan ang pagdepende sa imported na langis sa gitna ng geopolitikal na presyon [mula sa U.S., lalo na sa ilalim ng administrasyong Trump, na nagpaigting ng imperyalistang agresyon sa pamamagitan ng pagpataw ng karagdagang taripa sa mga import mula sa anumang bansang direkta o hindi direktang nagpapadala ng langis sa Cuba (Boyle, 2026)].
    2. Isinasagawa rin sa Cuba ang pagbuo ng mga organopónicos (urban organic gardens) at mga agro-ekolohikal na sistema ng pagsasaka. Binabawasan nito ang pagdepende sa mga imported na pataba at industriyal na monoculture. Ang mga sistemang ito ng pagkain na suportado ng komunidad at estado ay nagbibigay-priyoridad sa lokal na produksyon at low-input farming bilang tugon sa mga krisis pang-ekolohiya at pang-ekonomiya.
    3. Binibigyang-priyoridad din ng Cuba ang kolektibo at low-energy mobility, kabilang ang pinalawak na pampublikong bus, shared taxi, at malawakang paggamit ng bisikleta. Ang pagbabagong ito ay nagpapakita ng bahagyang de-komodipikasyon ng mobilidad, kung saan ang pagpaplanong batay sa pangangailangan ay nagbabawas sa pagdepende sa fossil fuel habang binibigyang-diin ang akses kaysa sa pribadong pagmamay-ari ng kotse.
  1. Bolivia
    1. Lideratong katutubo: Pamumuno ng mga katutubo at pagpapatupad ng mga repormang anti-neoliberal.
    2. Nasyonalisasyon: Pagbawi sa kontrol ng bansa sa natural gas at mga sektor ng hydrocarbon mula sa mga dayuhang korporasyon.
    3. Programang panlipunan: Ang kita mula sa likas na yaman ay direktang napupunta sa edukasyon, pensyon, at imprastraktura matapos kumawala sa dikta ng World Bank.
    4. Law of Mother Earth: Kinilala ang “Pachamama” (Inang Kalikasan) bilang isang legal na entidad na may sariling mga karapatan (2012).
  2. Ecuador
    1. Ang “Buen Vivir” (living well) bilang balangkas ng pag-unlad.
    2. Konstitusyonal na pagkilala sa mga karapatan ng kalikasan, na nanguna sa mga legal na proteksyong ekolohikal.
  3. Mga kilusan para sa Ekososyalismo
  1. International Ecosocialist Network (IEN)
  2. Mga network na Ecosocialist sa Latin America (Brazil, Mexico)
  3. Australia (Socialist Alliance, Green Left)
  4. Pilipinas: Ang kampanya at kilusan ay pinamumunuan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa pamamagitan ng green communities program.

Ang krisis sa ekolohiya ay hindi mahihiwalay sa sistemang kapitalista na lumilikha nito. Samakatuwid, ang mga pakikibaka para sa kalikasan ay dapat ding maging pakikibaka para sa sistematikong transpormasyon. Ang Ekososyalismo ay hindi lamang isang kritika sa kasalukuyan, kundi isang batayan ng mga posibilidad—isang anti-imperyalista at anti-kapitalistang sistema na nakaugat sa ekolohikal na pamumuhay, demokratikong kontrol, at katarungang panlipunan. Ang katuparan nito ay nakasalalay sa kolektibong mobilisasyon mula sa hanay ng masa, kung saan ang mga komunidad ang aktibong humuhubog sa isang alternatibong kinabukasan.

Mga Sanggunian:

Boyle, B. (2026, March 24). How to help Cuba in its hour of need. Green Left. https://www.greenleft.org.au/2026/1450/analysis/how-help-cuba-its-hour-need

Foster, J. B. (2000). Marx’s Ecology: Materialism and Nature. New York: Monthly Review Press.

Foster, J. B. & Clark, B. (2020). The Robbery of Nature: Capitalism and the Ecological Rift. New York: Monthly Review Press.

Hanieh, A. (2024). Crude capitalism: Oil, corporate power, and the making of the world market. Verso Books.

Hanieh, A. & Wilt, J. (2025, April 15). ‘The green transition is a myth’: Adam Hanieh on the ongoing centrality of oil to capitalism. Links International Journal of Socialist Renewal. https://links.org.au/green-transition-myth-adam-hanieh-ongoing-centrality-oil-capitalism

Löwy, M. (2015). Ecosocialism: A radical alternative to capitalist catastrophe. Haymarket Books.

Marx, K. ([1867] 1976). Capital: A Critique of Political Economy (Vol. 1). Penguin Books.

Melencio, S. (2022, November 26). [Opinion] The failure of COP27 and the alternative to capitalism. Rappler. https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-failure-cop27-alternative-capitalism/

Neimark, B., Belcher, O., & Bigger, P. (2019, June 24). US military is a bigger polluter than as many as 140 countries – shrinking this war machine is a must. The Conversation. https://theconversation.com/us-military-is-a-bigger-polluter-than-as-many-as-140-countries-shrinking-this-war-machine-is-a-must-119269

Price, S. (2022, October 25). Philippines: Ecosocialism launched. Green Left. https://www.greenleft.org.au/2022/1371/world/philippines-ecosocialism-launched

Ramos, K. & Boyle, P. (2025, November 26). Philippines: Typhoon impacts made worse by putting profits ahead of human life. Green Left. https://www.greenleft.org.au/2025/1443/world/philippines-typhoon-impacts-made-worse-putting-profits-ahead-human-life

Toohey, C. (2025, February 18). Ecosocialism: A Post-Capitalist Alternative and the Challenges of Transition. Common Alternatives. https://thecommonalts.com/eco-socialism/

Vian, J. E. (2025). Operationalising an Ecosocialist Approach to Sustainability Transition: A Socio-Metabolic Analytical Framework. Capitalism Nature Socialism, 37(1). https://doi.org/10.1080/10455752.2025.2561778

WhyHunger. (2025, August 26). Ecosocialism, Bolivian agroecology and anti-imperialist tradition. https://whyhunger.org/ecosocialism-bolivian-agroecology-and-anti-imperialist-tradition/blog/

Leave a comment