Marso 8, 2021
Isang taon na ang pandemyang dulot ng COVID. At kasabay nito ang krisis pang-ekonomiya sa pagtirik ng produksyon at kalakal sa buong daigdig dahil sa pangkalahatang lockdown. Samantala, nangyari ang lahat ng ito sa harap ng naririyan nang krisis sa klima na nananalasa na sa buong daigdig dala ng patuloy na pagtaas ng green house gas emission.
Ang pagsalu-salubong ng krisis sa kalusugan, sa ekonomiya at sa klima ay nagging sanhi ng pagkalugmok ng mamamayan, lalo ng manggagawa at maralita, sa matinding pahirap at pasakit.
Sa pagtala ng World Health Organization, umabot na ng mahigit 54.77 milyon kaso ng nagka Covid 19, at 1.32 milyon na namatay sa daigdig dahil dito. [Nobyembre 17, 2020, WHO] Nagpapatuloy ito dahil wala pa ring lunas sa Covid 19, sa kabila ng mga bakunang nagawa, na sinusubukan pa lang subalit malawakan nang ibinibigay sa ibang parte ng daigdig sa pagsisikap na sugpuin ang covid. Pinapakita ng ganap sa pagkalat ng Covid na, matapos ng 6 na buwan ng pagtapan ng bilang ng mga kaso sa daigdig, ay may panibagong sikad ang pagkalat at tumataas na muli ang bilang ng mga kaso. Dulot ito ng paglitaw ng mga bagong variant ng covid, nang pagbubukas muli ng mga ekonomiya ng mga bansa, at pagluluwag sa mga health protocol. Para sa WHO, kahit sa lagay ng mga bakunang ipinamamahagi ngayon, malaking bagay na ang mabawasan ang mga kaso ng pagkaka-ospital at pagkamatay dulot ng Covid.
Subalit sa Pilipinas, wala pang katiyakan ang suplay ng kahit anong bakuna (maliban sa donasyon ng Tsina, at sa mga pinamimili ng pribadong sector) na sasapat para sa malawakang pagbibigay sa mamamayan. Ito sa kabila ng milyon-milyong pangungutang ng gobyerno ni Duterte sa ngalan ng pagtugon sa Covid, at sa kabila ng napakarami niyang patalastas. Kung kaya’t di katakataka na sa huling tala, sa Southeast Asia, ang Pilipinas ngayon ang may pinakamataas na tala ng bilang ng kaso ng Covid (568,680) at pinakamataas na bilang ng namatay (12,201) dahil dito [Peb 26, 2021, WHO].
Hindi na tayo dapat magulat sa ganitong sitwasyon natin, dahil simula pa lamang sa pagdating ng Covid sa atin, nalantad na ang dalawang bagay, una, na ang sistemang pangkalusugan, sampu ng mga programa at patakarang umiiral ay hindi talaga nakalaan sa pampublikong pangangalaga ng kalusugan. Halos pawala nanga ang mga ospital at pasilidad na datirati’y nakalaan sa pampubliko at nasa pribado na o nasa pamamahala ng mga korporasyon. Pangalawa, bukod sa pagpapatumpik-tumpik na tugon sa ng pamahalaang Duterte, pawang pangkalahatang lockdown at malupit na pagpaparusa o tahasang pagkulong sa mga tinatawag na pasaway na mamamayan ang kagyat na tugon sa paglaganap ng Covid. Kundi pa sa pag-iingay ng masa at ng mga frontliners para sa mass testing at pagtatayo ng mga pasilidad para dito, pangangalaga ng mga may sintoma at may sakit ng Covid. Kahit ang kinomander na pondo mula sa kaban ng bayan nung kasagsagan ng lockdown (sa pagpasa ng Bayanihan 1 sa Kongreso) para sa mga ito at para sa pagbibigay ng ayuda ay naantala at bumara na nang tuluyan (magpahanggang ngayon ay marami pang di nakatanggap ng ayuda – first tranche man o second tranche).
Samantala, nagdulot ng malawakang pagdausdos ng kabuhayan, at pagtindi ng hirap at gutom sa mamamayan, lalo sa mga manggagawa at maralita dahil sa pagtirik ng produksyon at malawakang tanggalan sa trabaho. Ayon sa World Bank at Philippine Statistics Authority, sa kasagsagan ng pinakamahabang lockdown, ang unemployment rate sa Pilipinas ay tumaas ng 17.7% noong Abril (ang antas na ito ay halos kahalintulad nung kawalan ng trabaho matapos ang World War II). Katumas ng 7.1 milyong walang trabaho. Sa pagluwag ng mga restriksyon sa kwarantina bumaba man ito sa 10% nitong Hulyo, katumbas pa rin ito sa 4.6 milyong walang trabaho.
Pagsipa ng pang-ekonomiyang recession sa daigdig kasunod ng Covid at pangkalahatang lockdown, kung kaya’t pinipilit ng mga pamahalaan na magbukas ng ekonomiya sa kabila ng nagpapatuloy pandemya. Ganito ngayon ang patakaran na bagong ipatutupad ng pamahalaang Duterte tungo sa pagdeklara ng pangkalahatang pagluluwag sa kwarantina sa buong bansa.
Subali’t hindi simpleng pagluluwag sa kwarantina ang pagbawi sa idinausdos ng mga ekonomiya o ang pagpapabalik ng trabaho ng manggagawa. Sa Pilipinas sinasabing 99.5% ng mga establisamento ay mga micro-small-medium enterprise (MSME) at nag-eempleyo ng 5.7 milyon katao o 63.2% ng kabuuang employment noong 2018 [Congressional Policy and Budget Research Dept, House of Representatives]. At kahit na nagpasa ang Kongreso ng Bayanihan 2 at Bayanihan 3 para bigyang suhay ang mga establisamento sa pamamagitan ng pagluwag ng rekisito sa pangungutang para sa pagpapatuloy ng operasyon, naging matumal ang pagdulog ng mga MSME dito. Ang totoo’y maraming MSME ang nasa peligro nang hindi na muling magbukas sa harap ng kawalan ng katiyakan sa hinaharap ng ekonomiya sa nagpapatuloy na banta ng Covid.
Para sa ating mga manggagawa, ang malawakang tanggalan sa trabaho at sitwasyon ng permanenteng pagsasara ng mga empresa ay matinding dagok higit pa sa dati nang iniinda na no-work-no-pay at kontraktwalisasyon.
Sa taong 2020, pinaramdam muli ng sunod-sunod na bagyo (Quinta, Rolly, Ulysses, at nitong huli lang si Auring) na sumalanta sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, kumitil ng ilang bilang ng buhay at nagpa bakwit sa daang libong mamamayan, ang nananatiling peligro sa buhay at kalikasan, ang realidad ng krisis sa klima. Pawang naging normal na ang pagdapo ng super typhoon dala ng pag-init ng karagatan. At sa kabila ng pagtanggap ng pamahalaang Duterte sa krisis sa klima, patuloy na hinaharap ng mamamayan ang ganitong peligro sa buhay, tirahan at kabuhayan. Ang mga backlog sa rehabilitasyon at mga programa sa pagsanggalang sa mga bulnerableng lugar at sector ng mamamayan ay nagkakapatong-patong lang sa kada taon na pagdaan ng humigit kumulang 20 bagyo. Tulad ng sa pandemya at sa krisis sa ekonomiya, hindi sinasalamin ng mga patakaran at programa ng pamahalaang Duterte ang malinaw na pabalat-bungang pagkilala niya sa Emergency sa Klima. Higit pa, patuloy niyang pinababayaan ang pagtatayo ng dagdag na mga mapaminsalang plantang karbon (coal) na matinding naghahasik ng green house gas emission.
Ang masahol pa, sa harap ng mga banta dulot ng pandemya, krisis sa kabuhayan at klima, nitong nakaraang taon pinasa ng pamahalaang Duterte ang batas na Anti-Terror Act. Batas na higit pang nagpa-bigat ng naunang batas (Human Security Act) na tahasang yumuyurak sa mga karapatang pampulitika at sibil, kumikitil sa batayang karapatan ng isang tao laban sa malayang pagsasalita, pag-oorganisa at pagkilos, nagtatanggal ng karapatang di maaresto at makulong nang walang warrant sa loob ng mas pinahabang panahon. Para saan pa nga ba at isinulong ang ganitong batas sa harap ng sala-salabat na krisis, kundi pangsugpo sa maaring maging protesta ng mamamayan sa harap ng lumalalang kalagayan ng buhay, kabuhayan at karapatan, at sa palpak na mga patakaran at programa ng pamahalaang Duterte. Hindi din dapat magulat sapagkat sapul ng pag upo ni Duterte, dahas at panunupil ang pinaka una at mabilis na tugon o remedyo sa anumang problema, mapa sa problema sa droga, sa suliranin ng insurgency, at kahit sa malayang pagprotesta sa lehitimo at makatarungang isyu. Di nga ba’t kahit sa Covid militar na solusyon ang kagyat na ginamit sa Covid na isang problemang pangkalusugan.
Para sa Kababaihan, ang nakakasiphayong kalagayang ito ay nagpatingkad sa katotohanang higit lalong dinadanas ng kababaihan ang matinding pasanin para sa pangangalaga at pagpapanatiling buhay sa gitna ng krisis, delubyo, pandemya at may terror pa mula sa estado.
- Sa pag harap sa covid kababaihan ang malaking porsyento ng mga manggagawang pangkalusugan ay araw-araw na nahaharap sa peligro ang mga buhay. Matinding sakripisyo ang magtrabaho na may takot na baka ikaw mismo ay mahawa sa virus naito. Dagdag pa ang kawalan ng sapat na kompensasyong katapat ng sinusuong nilang panganib na ito.
- Sa pagkawala ng hanapbuhay, si Nanay ang siyang tuliro kung saan kukuhanin ang pang araw-araw na pangangailangan ng pamilya. Saan kukunin ang isasaing, pambayad ng bahay, ilaw at tubig. Nandyan din ang dagdag gastusin sa online classes ng mga anak at dagdag pa ang pasakit na dala ng module na sila na rin mismo ang nagiging guro ng mga anak nila.
- Sa gitna ng nagpapatuloy na krisis pang-ekonomiya at pandemyang dala ng covid, nandyan pa rin ang takot ng mga nanay na baka ma biktima ang sinuman sa myembro ng pamilya sa matinding panunupil ng estado, ang pangamba sa pagsabay pa sa pandemyang malalakas na bagyo na nagdudulot ng mga pagbaha at pinsala sa buhay at sa kakaunti na ngang kabuhayan.
- Ang pananatili ng lahat ng myembrong pamilya sa tahanan dahil sa lockdown ay isang dating hinahangad ng isang ina pero nagiging bangungot nya ngayon. Kumpleto nga ang pamilya pero solong pinapasan pa rin ng kababaihan ang mga gawaing-bahay. Kung may tumutulong man kay Nanay ay kalimitang ang mga anak na babae lamang.
- Ang sabay sabay na pag katuliro sa pag iisip saan kukunin nag pangangailangan, bigat ng gawaing bahay dahil mas marami ang pinagsisilbihan ka sabay ng pag sasawalang kibo na lamang sa mga sigaw, panunumbat at pagmumura ng asawa o partner ay nagdudulot ng matinding stress sa kababaihan.
- Dahil sa pandemya, nalimitahan din lalo ang access ng kababaihan sa serbisyong pangkalusugan, pati sa pangangailangan sa kanilang reproduktibong kalusugan. Isinakripisyo ang pagpunta sa mga clinic at health center dahil sa pangamba na mag uuwi lamang silang Covid 19 virus at pahirapan pa sa transportasyon dahil sa mga restriksyon.
- Isang nakakabahalang kalagayan na hindi maganda ang epekto sa kalusugan ng kababaihan, pisikal, emosyunal at mental.
Sa Araw ng Kababaihan ngayong Marso 8, 2021, pagsamahin natin ang ating mga tinig at pagkilos para manindigan at isulong ang sariling kapasyahan sa pagharap sa magkakasabay na krisis sa kalusugan, ekonomiya at kalamidad. Pinatutunayan ng karanasan natin sa pamamalakad at pamumuno ng pamahalaang Duterte na hindi natin maiaasa dito ang pangangalaga ng ating kagalingan at interes, at ng higit na nakararaming manggagawa, maralita at bulnerableng sector sa ating lipunan. Lalo’t higit, hindi natin maaaring ipapaubaya dito ang ating kaligtasan mula sa pananalasa ng magkakasabay na krisis na ito.
