Ang Laban ng Masa, isang malawak na koalisyon ng mga progresibong organisasyon at indibidwal na may tunguhing sosyalista, ay nikikiisa sa Oriang sa kanyang mga panawagan at pagkilos sa Araw ng Kababaihan sa ika-8 ng Marso.
Sa aming “Sosyalistang Manipesto sa Pilipinas Matapos ang Covid-19”, na inilahad sa kasagsagan ng pandemya at sa kabit-kabit na krisis na niluwal nito, nakita namin ang yugtong ito bilang oportunidad upang tuluyan nang kumawala sa mabibigat na bagahe ng kasulukuyang Sistema kung saan pumapangibabaw ang layunin ng pagkamal ng dambuhalang tubo, kung saan lahat na lang ng bagay ay pinipiga upang pagkakitaan, at lahat ng taong kayang pagsamantalahan ay binibiktima upang panghawakan ang pang-ekonomiko at pampulitikong kapangyarihan.
Sa halip, napakahusay sana kung mamulat ngayon ang lahat sa katotohanang hindi dapat sinakripisyo sa mahabang panahon ang kalusugan, social protection, edukasyon, iba pang serbisyo sosyal, at ang pangkalahatang kagalingan para lang makabayad ng pambansang utang sa mga bangko at maabswelto sa buwis ang mga namumuhunan bilang insentibo.
Bulag at bingi pareho ang pribadong sector at ang mga nakaluklok sa poder, kung kaya’t gaya ng sinabi ni Oriang, lumala pang higit ang mga pasakit sa mga kababaihan dulot ng terror ni Duterte, ng pandemya, ng mga krisis pang-ekonomiko at ng sunud-sunod na delubyo.
Halimbawa na lamang ay ang biglang pagtaas ng singil ng kuryente ni MERALCO sa mga pangkaraniwang tao dahil bumaba ang kita nila sa mga nagsarang negosyo at planta sa panahon ng lockdown. Ngunit kinuhanan lamang ng gobyerno ng penalty ang MERALCO, at hindi isinauli sa mga tao (na siyang higit na nangangailangan) ang sobra nilang singil. Nag-moratorium kuno sa pagsingil ng mga utang at renta ngunit sa huling banda ay utang pa rin lahat nun at nagpapatong-patong sa takbo ng mga buwan, at ngayon ay kabundok na mga bayarin ang kinakaharap ng marami.
So lola, si nanay, si tiya, si ate – siya ang napipilitang sumalo sa mga epekto ng mga krisis at terror. Siya ang nababalo at inang namamatayan, siya ang napupuyat at balisa sa higit na maraming lalaking tinamaan ng Covid-19, siya ang pumipila sa Palawan at LLuiller upang mangutang ng pandugtong sa badyet ng pamilya lalo na sa sitwasyon ng mga delubyo, siya ang huli na kakain ng tira-tira sa pamilya gawa ng nagtataasang presyo ng pagkain dulot ng pagbulusok pababa ng agrikultura. Ang huli ay makakawing sa pagpapaprayoridad ng importasyon sa halip ng pagbibigay ng sapat na tulong ang mga magsasakat at mangingisda. Hindi pa natatapos dun ang mga pasakit, ang mga kababaihan din ang pinagbubuntunan ng hampas ng umigting na karahasan sa gitna ng pamamalagi sa mga bahay ng mga pamilya at pagkawala ng trabaho ng maraming kalalakihan, at hindi sapat ang proteksiyon na binibigay sa kanila.
Hinahamon ng Laban ng Masa ang lahat ng kababaihan at ang buong publiko na isulong ang paraan ng pag-oorganisa at pamamahala ng lipunan at ang mga salik nitong pampulitika at pang-ekonomiya. Kung hindi tinutugunan ng mga nakapwesto sa poder ang mga krisis na sumasakal sa mga kababaihan ay dapat pa bang itanong kung ano ang dapat gawin? Kung ang mga nasa kapangyarihan ang siya mismong nagtataguyod ng talamak na patriyarka at misogyny, pambabastos at pagwawalang-halaga sa mga kababaihan, paano ito lalabanan?
Isa sa mga pangunahing sagot ng Laban ng Masa diyan ay ang pagsulong ng “GOBYERNO NG MASA – ANG GOBYERNO PARA SA MASANG KABABAIHAN”!
Laban ng Masa
Ika-8 ng Marso, 2021