[PRAYMER] PAX SILICA, IMPERYALISTANG DIGMAAN, AT SOSYALISTANG TINDIG SA ARTIFICIAL INTELLIGENCE (AI)

Inihanda ni Sonny Melencio para sa Socialist School

I. Ang Pax Silica bilang geoeconomic, geopolitical, at geomilitary na proyekto ng imperyalismong U.S.

A. Ano ang Pax Silica?

  1. Ang Pax Silica ay isang proyekto at inisyatibang pinamumunuan ng United States na inilunsad noong December 2025 para palakasin ang kontrol at impluwensiya nito sa pandaigdigang industriya ng artificial intelligence (AI), semiconductor, kritikal na mineral, enerhiya, at iba pang abanteng teknolohiya.
  2. Opisyal itong inilalarawan bilang programa para sa seguridad ng supply chains,
    kooperasyong teknolohikal, at kaunlarang pang-ekonomiya. Ngunit kung malalim na susuriin, bahagi ito ng mas malawak na estratehiya ng imperyalismong U.S. para mapanatili ang pandaigdigang pamumuno nito sa harap ng lumalakas na kompetisyon sa China.
  3. Ang AI ay nagiging mahalagang larangan ng akumulasyon ng kapital, pagtaas ng
    produktibidad, pagkontrol sa impormasyon, at pagpapaunlad ng makabagong sandata ngayon. Dahil dito, ang kompetisyon sa AI ay hindi lamang tunggalian ng mga korporasyon kundi tunggalian din ng mga makapangyarihang estado.
  4. May tatlong magkakaugnay na dimensyon ang estratehiyang ito:

Una, Geoeconomic — pagkontrol sa pandaigdigang produksyon at estratehikong
industriya.

Layunin ng U.S. na tiyakin ang access sa kritikal na mineral, enerhiya, advanced
semiconductor, data centers, at iba pang imprastrukturang kailangan sa AI. Kasama rito ang paggamit ng pamumuhunan, export restrictions, teknolohikal na kalamangan, at mga alyansa upang bawasan ang pagdepende sa China at limitahan ang kakayahan nitong makipagkompitensya.

Makikita rito ang malaking konsentrasyon ng kapital at teknolohiya sa iilang korporasyon. Halimbawa, ang NVIDIA ng U.S. ay pangunahing nagdidisenyo ng AI processors; ang TSMC ng Taiwan ay gumagawa ng mga advanced chip; at ang ASML ng Netherlands ay gumagawa ng mahahalagang makina para sa semiconductor manufacturing.

Ikalawa, Geopolitical — pagpapanatili ng pandaigdigang impluwensiya at pagbuo ng mga alyansa.

Pinag-uugnay ng U.S. ang mga kaalyadong bansa upang mapanatili ang impluwensiya nito sa pandaigdigang ekonomiya at hadlangan ang pag-angat ng mga estratehikong karibal, partikular ang China.

Sentral dito ang rehiyon ng Indo-Pacific, na sumasaklaw sa Indian Ocean, malaking bahagi ng Pacific Ocean, at mga bansang nakapaligid sa mga ito. Dito matatagpuan ang malalaking sentro ng produksyon, semiconductor industries, lumalaking pamilihan, at mahahalagang ruta ng pandaigdigang kalakalan tulad ng Strait of Malacca at South China Sea.

Ang mga relasyon ng U.S. sa Japan, South Korea, Australia, India, Pilipinas, at iba pang bansa ay mahalagang bahagi ng estratehikong kompetisyon nito sa rehiyon.

Ikatlo, Geomilitary — pagpapanatili ng superyoridad at estratehikong posisyong militar.

Kabilang dito ang mga base at access agreement, deployment ng tropa, alyansang militar, at pagpapaunlad ng makabagong sandata na gumagamit ng AI, satellites, drones, cyberwarfare, at missile systems.

Hindi isang kasunduang militar ang Pax Silica. Gayunman, ang mga teknolohiyang saklaw nito ay may gamit sa parehong sibilyan at militar. Kaya may kaugnayan ito sa mas malawak na estratehiya ng U.S. sa pambansang seguridad.

B. Ano ang papel ng Pilipinas dito?

  1. Noong April 16, 2026, sumali ang Pilipinas sa Pax Silica. Inihayag ang planong paggamit nito ng 4,000-acre (1,619 ektarya) na industrial at economic security zone sa Luzon Economic Corridor.
  2. Mahalaga ang Pilipinas dahil sa mga deposito ng kritikal na mineral sa bansa, bukod sa umiiral nang industriya ng semiconductor assembly at electronics, at may estratehikong lokasyon malapit sa Taiwan at South China Sea.
  3. May mga pagtutol na agad nang sumalubong sa planong ito. Tumututol ang mga
    katutubong Aeta, magsasaka, environmental organizations, siyentipiko, mga lider-simbahan, at iba pang organisasyong sibiko. Pangunahing usapin ang mga sumusunod:

Pagpapalayas ng mga Aeta sa Sitio Sapang Kawayan at iba pang bahagi ng Capas, Tarlac.

Nanganganib silang mawalan ng tirahan, sakahan, at lupang ninuno. Ayon sa mga lider-Aeta, may mga nakatanggap na ng abiso mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) tungkol sa relokasyon. Sinabi nilang hindi sila sapat na kinonsulta gayong ilang dekada nang nakabinbin ang kanilang aplikasyon para sa pormal na pagkilala sa ancestral domain.

Pagkawala ng lupang sakahan at kabuhayan.

Nangangamba ang mga magsasaka sa mga barangay ng Sta. Lucia, O’Donnell, at Aranguren na ipatutupad sa Pax Silica ang land conversion na tutungo sa pagkawala ng mga produktibong sakahan.

Napakalaking konsumo ng elektrisidad. Tinatayang 3 gigawatts ang pangangailangan sa koryente ayon sa BCDA. Katumbas ito ng may 26.3 terawatt-hours bawat taon. Napakalaki ng demand na ito kung ihahambing sa may 28 TWh na kinonsumo ng buong services sector ng Pilipinas noong 2024.

Saan manggagaling ang kuryente? Kailanganin ba ng dagdag na coal, gas, o iba pang planta? Ano ang epekto nito sa presyo at suplay ng elektrisidad para sa mga tahanan at lokal na industriya? Hindi rin maliwanag kung kakayanin ng solar na isuplay ang kailangang enerhiya sa mabilis na paraan.

Napakalaking konsumo sa tubig.

Tinataya ito sa 60–90 milyong litro kada araw o katumbas ng 60,000–90,000 cubic meter. Maaapektuhan ang mga ilog, groundwater, irigasyon, at suplay ng malinis na inuming tubig, kabilang ang Bangot River, na ginagamit ng mga Aeta sa pang-araw-araw na pamumuhay at pangingisda.

Mag-iipon daw ng tubig-ulan sa isang dam, ayon sa BCDA. Itinatanong ng mga siyentipiko kung makasasapat ito sa panahon ng tagtuyot, kung saan kailangan ng mga sakahan ang tubig.

Pagkasira ng kapaligiran at posibleng polusyon.

Nagbabala ang mga environmental groups na kakalbuhin o babaguhin nito ang
kagubatan tungo sa pagkawala ng biodiversity dahil sa malawakang konstruksyon. Meron ding industrial wastewater at posibleng kontaminasyon mula sa semiconductor at mineral-processing facilities. May electronic waste at iba pang mapanganib na basurang industriyal.

May karagdagang init, ingay, at greenhouse-gas emissions depende sa disenyo at
pagkukunan ng enerhiya.

Pagtutol sa kontrol ng dayuhang korporasyon at U.S. strategic interests.

Hindi lamang environment ang isyu. May mas malawak na usapin ng soberanya: sino ang kokontrol sa mga lupain, mineral, enerhiya, imprastruktura, at produktong semiconductor?

C. Sa mas malawak na usapin – kung ang Pax Silica ay naghahangad ng dominasyon sa teknolohiya ng AI, ano ang AI at ang teknolohiyang nilalaman nito?

  1. Ang Artificial Intelligence o AI ay teknolohiyang nagbibigay sa computer ng kakayahang magsuri ng impormasyon, kumilala ng mga pattern, at magsagawa ng mga gawaing karaniwang nangangailangan ng talino ng tao.
  2. Ang AI ay ginagamit na sa medisina, edukasyon, agrikultura, industriya, komunikasyon, at transpormayon, mga syensya, pampublikong serbisyo, at gayundin sa paniniktik at operasyong militar (drone operations, surveillance, military targeting, atbp.).
  3. May ‘microchip war’ ngayon dahil hindi gagana ang AI kung walang advanced semiconductor o microchip.
  4. Ang semiconductor ang pangunahing sangkap ng mga processor na nagsasagawa ng bilyun-bilyong kalkulasyon. Samakatuwid, ang pagkontrol sa produksyon ng advanced chips ay isang mahalagang pinagmumulan ng kapangyarihang teknolohikal.
  5. Ito ang pisikal at materyal na pundasyon ng AI. Pero hindi lamang ito, binubuo rin ito ng mga data center na kailangang gumamit ng malaking wattage ng koryente, cooling system na ginagamitan ng tubig, mga kailangang mineral, at paggawa ng milyun-milyong manggagawa.

D. Anu-ano ang malalaking korporasyong kumokontrol sa AI at semiconductor ngayon?

  1. Ang pandaigdigang industriya ay nakasalalay sa magkakaugnay na malalaking korporasyon.

2. Hindi lahat ng kumpanyang ito ay direktang kasapi o kontratista ng Pax Silica. Gayunman, ipinapakita nila ang konsentrasyon ng mahahalagang kakayahan sa AI supply chain sa United States at mga bansang alyado nito.

E. Sinong pangunahing kakompitensya ng U.S. sa AI?

  1. Ang China ang pangunahing kakompitensya ng U.S. sa AI. Kahit nangunguna ang US at allied corporations sa chipmaking, may malaking domestic AI industry ang China at unti-unting lumalapit na ito sa kakayahan ng U.S. industries.
  2. Ang kompetisyon ay sumasaklaw sa buong industrial system ng AI: paggamit ng critical minerals, semiconductor manufacturing, advanced processors, data centers, AI models, robotics, electricity, at military applications. China is particulary strong sa industrial manufacturing, large-scale AI deployment, robotics, domestic technological integration, at competitive AI models.
  3. Sa advanced AI processors, may Huawei, Ascend, Cambricon, at iba pang domestic chip designers ang China. Sa advanced chip manufacturing, may SMIC at Hua Hong ang China. Sa chipmaking equipment, may Naura, AMEC, at iba pang domestic suppliers ang China. Meron ding DeepSeek, Alibaba Qwen at Cloud, Baidu, at Tencent Cloud ang China. Sa critical minerals, may rare-earth processing at iba pang strategic mineral supply chains ang China.
  4. Hindi lahat ng AI companies ng China ay state-owned. May kombinasyon ng privately owned, publicly listed, at state-linked technology companies na nasa ilalim ng substantial government industrial planning. Kaya dapat ding malaman na nananatili ang labor exploitation, inequality, surveillance, o kompetisyon sa merkado at rekurso ang AI industry sa China.

II. Ang kaugnayan ng Pax Silica sa patuloy at walang-katapusang mga digmaang imperyalista

A. Paano nauugnay ang Pax Silica sa mga digmaang nagaganap sa mundo?

  1. Ang Pax Silica ay hindi direktang sanhi ng mga digmaan. Ngunit bahagi ito ng mas malawak na estratehiyang pang-ekonomiya at panseguridad ng U.S., kung saan magkakaugnay ang kompetisyon sa kapital, teknolohiya, impluwensiyang pampulitika, at kapangyarihang militar.
  2. Ang mga tinatawag na forever wars ay tumutukoy sa mga digmaan at interbensiyong militar na nagpapatuloy o paulit-ulit na lumilitaw nang walang malinaw na pangmatagalang resolusyon.
  3. Makikita ang mga tunggaliang ito sa ilang pangunahing rehiyon:
    1. Palestine at Gaza. Ang Israel ay pangunahing kaalyado ng U.S. sa Middle East. Ang suportang militar at diplomatiko ng Washington ay mahalagang salik sa pagpapatuloy ng kapangyarihang militar ng Israel. Sa pagsusuring anti-imperyalista, ang okupasyon sa Palestine at malawakang pagkawasak sa Gaza ay kailangang suriin kaugnay ng kolonyalismo, pambansang pagpapasya sa sarili, at estratehikong interes ng mga makapangyarihang estado.
    2. Iran at Middle East. Ang mga pag-atake ng U.S. at Israel sa Iran noong 2026 ay nagpapakita ng panganib ng direktang digmaang panrehiyon. Mahalaga rito ang kontrol sa estratehikong lokasyon, seguridad ng mga kaalyado, at mga ruta ng enerhiya, partikular ang Strait of Hormuz. Ang paglilipat ng military assets sa Middle East ay maaari ring makaapekto sa kakayahan ng U.S. na ituon ang pwersa nito sa Indo-Pacific.
    3. Ukraine. Ang digmaan ay nagsimula sa malawakang pagsalakay ng Russia noong Pebrero 2022. Nakapaloob ito sa ekstensyon ng saklaw ng NATO sa mga bansa sa Eastern Europe at ang ugnayan ng mga bansang Russia, NATO, at U.S. Bagamat hindi inaalis ang pananagutan ng Russia sa pagsalakay o ang karapatan ng Ukraine sa soberanya at sariling pagpapasya, ang ambisyong pagpapalawak ng NATO na may suporta ng U.S. ang isa ring pinagmumulan ng tunggaliang ito.
    4. Taiwan at South China Sea. Ito ang pangunahing mga flashpoint sa Indo-Pacific. Nakaugnay dito ang kompetisyon ng U.S. at China sa semiconductor, maritime trade, estratehikong lokasyon, at kapangyarihang militar. Ang pagpapalawak ng military deployments at mga alyansa ay maaaring magpalala ng panganib ng armadong komprontasyon.

B. Ano ang pinag-uugnay ng mga tunggaliang ito?

  1. Hindi magkakapareho ang sanhi ng mga digmaang ito. May sariling kasaysayan at mga pwersang sangkot ang bawat isa. Ngunit nagaganap ang mga ito sa loob ng pandaigdigang
    sistemang may matinding kompetisyon sa kapital, teritoryo, enerhiya, teknolohiya, at impluwensiyang pampulitika.
  2. Sa ganitong konteksto, ang AI at semiconductor ay nagiging mahalaga hindi lamang sa produksyon kundi sa modernong digmaan – sa intelligence, surveillance, cyber operations, drones, at advanced weapons.
  3. Samakatwid, ang Pax Silica ay maaaring suriin bilang bahagi ng pagtatayo ng teknolohikal at industriyal na kapasidad na may kahalagahan sa kapangyarihang pang-ekonomiya at militar ng U.S. at mga kaalyado nito.

III. Pax Silica at ang teorya ni Lenin sa imperyalismo: ang reorganisasyon ng monopolyo-kapitaismo ngayon, at ang redibisyon ng daigdig

A. Paano nauugnay ang Pax Silica sa pagsusuri ni Lenin sa imperyalismo?

  1. Sa akdang Imperialism, the Highest Stage of Capitalism (1916), ipinaliwanag ni Lenin ang limang pangunahing katangian ng imperyalismo:
    Konsentrasyon ng produksyon at kapital na humahantong sa paglitaw ng mga monopolyo.
    Pagsasanib ng kapital ng bangko at industriyal na kapital sa finance capital.
    Lumalaking kahalagahan ng export of capital, bukod sa export of commodities.
    Pagbuo ng mga internasyonal na monopolyo at kapitalistang samahan na naghahati sa pandaigdigang pamilihan.
    Paghahati ng teritoryo ng daigdig sa pagitan ng mga pangunahing kapitalistang kapangyarihan.
  2. Makikita ang mahahalagang pagkakatulad nito sa kasalukuyang industriya ng AI.
    Una, matinding konsentrasyon ng monopolyo kapital. Iilang malalaking korporasyon ang nangingibabaw sa advanced chip design, semiconductor fabrication, cloud computing, AI models, at mahahalagang digital platforms.
    Ikalawa, pagsasanib ng teknolohiya, finance capital, at kapangyarihan ng estado. Napakalaking pamumuhunan ang kailangan sa AI infrastructure. Nakaugnay dito ang malalaking korporasyon, bangko, investment funds, at mga
    patakarang pang-industriya at panseguridad ng estado.
    Ikatlo, bagong internasyonal na dibisyon ng paggawa. Ang ilang bansa ay sentro ng advanced design, research, patents, at mataas na halagang produksyon. Ang iba naman ay nakatuon sa pagmimina, assembly, testing, logistics, at murang paggawa.
    Ikaapat, lumalalang kompetisyon sa pandaigdigang pamilihan at impluwensiya. Ang tunggalian ng U.S. at China ay umaabot sa AI, semiconductors, critical minerals, enerhiya, trade routes, at mga alyansang pampulitika at militar.
    Ikalima, mga pagsisikap na reorganisahin ang pandaigdigang ekonomiya. Sa pamamagitan ng Pax Silica, export controls, at mga estratehikong partnership, sinisikap ng U.S. na panatilihin ang kalamangan nito at baguhin ang organisasyon ng pandaigdigang supply chains.
  3. Sa pagsusuring Marxista, maaaring unawain ang mga pagbabagong ito bilang kontemporaryong reorganisasyon at tunggalian sa muling paghahati ng mga pamilihan, teknolohiya, rekurso, at saklaw ng impluwensiya sa ilalim ng monopolyo kapitalismo.
  4. Gayunman, may mga bagong katangian ang kasalukuyang yugto: digital platforms, AI, data, intellectual property, global production networks, at mas masalimuot na ugnayan ng mga magkakatunggaling ekonomiya.
  5. Hindi nangangahulugang ang AI ay awtomatikong lumilikha ng ganap na bagong yugto ng kapitalismo na hiwalay sa imperyalismong sinuri ni Lenin. Sa halip, maaari itong ituring na isang malaking teknolohikal na pagbabago sa loob ng kontemporaryong monopolyo kapitalismo.
  6. Ang mahalagang punto: ang teknolohiya ay nagbabago, ngunit nananatili ang tunggalian sa pagmamay-ari, akumulasyon ng kapital, monopolyo, at kapangyarihan sa pandaigdigang ekonomiya.

IV. Ang sosyalistang tindig sa pagsulong ng makabagong teknolohiyang AI

A. Dapat bang tutulan ng mga sosyalista ang AI?

  1. Hindi. Ang AI ay isang malaking pagsulong ng mga produktibong pwersa ng lipunan. May akayahan itong baguhin ang industriya, agrikultura, edukasyon, medisina, transportasyon, pananaliksik, at iba pang larangan ng produksyon at serbisyong panlipunan.
  2. Maaari nitong pataasin ang produktibidad, bawasan ang mapanganib at paulit-ulit na paggawa, paikliin ang oras ng trabaho, at palawakin ang kakayahan ng sangkatauhan na tugunan ang pangangailangan ng lahat.
  3. Sa Grundrisse (1857–1858), tinalakay ni Karl Marx ang lumalaking papel ng agham, teknolohiya, at panlipunang kaalaman – ang general intellect – bilang produktibong pwersa. Ang AI ay maaaring unawain bilang makabagong pagpapahayag ng ganitong pag-unlad.
  4. Ngunit may pangunahing kontradiksyon sa ilalim ng kapitalismo.
  5. Ang AI ay produkto ng kolektibong paggawa, agham, pananaliksik, at naipong kaalaman ng sangkatauhan. Gayunman, ang pinakamahahalagang teknolohiya at imprastruktura na ito ay kontrolado ng malalaking pribadong korporasyon. Magsisilbi lamang ito sa hangarin ng limpak-limpak na tubo.
  6. Habang tumataas ang produktibidad, pwedeng gamitin ang AI para magtanggal ng manggagawa, magpababa ng gastos sa paggawa, palakihin ang tubo, at palawakin ang kontrol ng kapital sa produksyon.
  7. Sa halip na awtomatikong makinabang ang manggagawa sa mas maikling oras ng trabaho at mas mataas na sahod, lilikha pa ito ng matinding kawalan ng seguridad sa trabaho.
  8. Ito ang kontradiksyon ng panlipunang produksyon, sa isang banda, at pribadong pagkamkam sa malaking bahagi ng bunga nito, sa kabilang banda.

B. Ano ang dapat ipaglaban ng sosyalistang kilusan?

  1. Ilan dito ang sumusunod:
    Gamitin ang AI sa pakinabang ng buong lipunan, hindi lamang sa pagpapalaki ng pribadong tubo. Gamitin sa kalusugan, edukasyon, agrikultura, industriya, transportasyon,
    pampublikong serbisyo, at iba pang pangangailangan ng masa.
    Gamitin para paikliin ang oras ng paggawa nang walang bawas-sahod, may seguridad sa trabaho, at may partisipasyon ng mga unyon sa pagpapasya sa automation.
    Gamitin sa pambansang industriyalisasyon at pagpapaunlad ng sariling teknolohiya.
    Gamitin sa pagpapalawak ng pampublikong pagmamay-ari at demokratikong kontrol sa estratehikong industriya, kabilang ang mahahalagang imprastruktura, enerhiya, likas na yaman, at teknolohiyang may malaking kahalagahan sa lipunan.
    Ipagbawal ang paggamit nito sa militarisasyon at marahas na pamamaraan. Hindi dapat gamitin sa malawakang surveillance, panunupil, at mga sandatang walang sapat na pananagutan at kontrol ang tao.
    Gamitin bilang proteksyon sa kalikasan at karapatan ng mga komunidad. Tiyakin na ang pagmimina, data centers, at industrial hubs ay hindi magdudulot ng pagkasira ng kalikasan, pangangamkam ng lupa, o paglabag sa karapatan ng mga katutubo.
    Gamitin sa malayang patakarang panlabas at internasyonal na kooperasyon.
    Makipagtulungan sa iba’t ibang bansa sa pagpapaunlad ng teknolohiya nang hindi isinusuko ang pambansang soberanya o nagpapailalim sa tunggalian ng mga makapangyarihang estado.
  2. Ang sosyalistang alternatiba ay hindi simpleng pagpapalit sa U.S. ng China bilang pangunahing dayuhang kasosyo, kundi pagtatayo ng isang sovereign, nagsasarili, demokratiko, at industriyalisadong ekonomiyang nakatuon sa pangangailangan ng mamamayan.
  3. Ang sosyalismo ay hindi laban sa AI. Ang sosyalismo ay laban sa monopolyo, pagsasamantala, militarisasyon, at pribadong pagkamkam sa mga bunga ng kolektibong paggawa at kaalaman.
    Dapat gamitin ang pinakamataas na antas ng agham at teknolohiya para paunlarin ang produktibong kapasidad ng lipunan, paikliin ang kailangang oras ng paggawa, wakasan ang kahirapan, at palawakin ang oras ng pahinga, kalayaan, at kakayahan ng bawat tao.
  4. Sa Pilipinas, nangangahulugan ito ng pakikibaka para sa pambansang industriyalisasyon, soberanya, karapatan ng manggagawa, at demokratikong kontrol sa mga estratehikong industriya bilang bahagi ng transisyon tungong sosyalismo.
  5. Ang mapagpasyang tanong ay hindi lamang kung sino ang mananalo sa kompetisyon sa AI – ang kampong U.S. o ang China – kundi kung sino ang magmamay-ari, magkukontrol, at makikinabang sa napakalaking produktibong kapangyarihang nililikha nito.
  6. Ang teknolohiya ay dapat magpalaya sa tao mula sa pagsasamantala at kahirapan, hindi maging bagong instrumento ng monopolyo kapital at digmaan.

October 14, 2026

Leave a Reply