PolSit Analysis by Partido Lakas ng Masa via Facebook
Ang krisis sa pagkakahati ng mga paksyon ng naghaharing uri
1. Ang tunggalian sa pagitan ng mga paksyong Marcos at Duterte sa usapin ng impeachment case kay VP Sara Duterte ay dapat unawain hindi lamang bilang labanan ng dalawang makapangyarihang dinastiyang pampulitika – kundi pagpapahayag ng krisis sa loob ng naghaharing uri sa bansa.
2. Ang gobyerno at mga ahensya nito ay hindi neutral na institusyong nakatayo sa ibabaw ng mga uri. Umusbong at umunlad ito sa loob ng isang lipunang nahahati sa magkakatunggaling mga uri. Ang mga institusyon nito na kontrolado ng mga naghaharing uri ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng umiiral na kaayusang panlipunan at pang-ekonomiya.
3. Ngunit hindi ibig sabihin na laging nagkakaisa ang naghaharing uri. Maaring magkaroon ang iba’t ibang bahagi nito – mga malalaking kapitalista, oligarkiya, dinastiyang pampulitika, panginoong maylupa, at mga grupong nakaugnay sa dayuhang kapital – ng magkakasalungat na interes.
4. Magkakaiba ang kanilang mga alyansa, pamamaraan ng pamamahala, ugnayang panlabas, at estratehiya sa pagpapanatili ng kapangyarihan. Pero hindi ibig sabihin na kumakatawan sila sa dalawang magkasalungat na sistemang makauri. Ang bawat paksyon ay may sariling bersyon lamang kung paano iku-konsolida ang naghaharing kaayusang kapitalista, dynastic, at oligarchic.
Ang tinutungo ng impeachment
1. Ang sentral na usapin ay hindi lamang kung mai-impeach o matatanggal sa puwesto si Sara Duterte. Kabilang din dito kung paano nakaaapekto ang tunggalian sa pagitan ng mga blokeng pampulitika ng Marcos at Duterte sa kontrol sa estado, sa pagkakaisa ng naghaharing uri, sa pagkakahanay ng mga interes pang-ekonomiya — at gayundin, sa mga oportunidad at limitasyong kinakaharap ng mga independiyenteng kilusang pampulitika at panlipunan.
2. Noong Oktubre 9, 2026, lumampas na ang impeachment sa yugto ng mga paunang akusasyon at umabot na sa paglilitis na may mga dokumentaryo at pinansyal na ebidensya. Kabilang sa mga akusasyon ang maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na kayamanan, at mga banta laban kay Pangulong Marcos at iba pang opisyal.
3. May partikular na halaga ang mga ebidensyang pinansyal. Noong Oktubre 5, nagharap ang Anti-Money Laundering Council ng testimonya hinggil sa may ₱4.4 bilyong halaga ng mga transaksyong kinasasangkutan nina Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio. Kabilang ang ₱319 milyong remittance mula sa China patungo sa isang kumpanyang may kaugnayan kay Carpio. Inihayag ng National Security Council na sinusuri nito ang impormasyon laluna ang posibilidad ng dayuhang impluwensyang pampulitika.
4. Tumampok sa impeachment ang mga tunggalian sa pamumuno ng Senado. Nakuha ng mga kaalyado ni Duterte ang kontrol sa kapulungan noong May 2026, ngunit sinundan ito ng pagbabago sa pamunuan noong June.
5. Krusyal ang naging pagtatalo hinggil sa kailangang bilang ng mga boto. Konstitusyonal na rekisito ang 2/3 na boto ng Senado, pero nagdesisyon ang Senado na ibaba ang conviction votes mula 16 tungong 14 dahil sa mga senador na walang kakayahang makaboto dahil nagtatago, nakakulong, o nasa ibang bansa.
Kasalukuyang balanse ng pwersa ng magkatunggaling paksyon
1. Executive. Kontrolado ni Marcos Jr. ang mga tanggapang administratibo at may konstitusyonal na awtoridad ito sa militar, pulisya, pagpapatupad ng pambansang badyet, at paghirang sa matataas na opisyal.
Gayunman, hindi dapat ipagkamali ang pormal na awtoridad sa komand bilang patunay ng katapatang pampulitika ng bawat opisyal o institusyon. Paano’y nakapaglinang na rin ang pamilyang Duterte ng mga ugnayan sa mga opisyal ng pwersang seguridad noong panahon ng presidency ni Rodrigo Duterte.
2. Congress at political dynasties. Ipinakikita ng boto sa Kamara na nakapagtipon ang majority coalition ng sapat na suporta para i-impeach si VP Sara. Pero ipinakikita ng mga paglilitis sa Senado ang limitasyon ng Kongreso bilang isang nagkakaisang institusyon.
Sinasalamin nito ang katangian ng pulitikang elitista sa Pilipinas: ang mga alyansa ay madalas na nakabatay sa mga lokal na pamilyang pampulitika, kontrol sa mga rekurso, akses sa pamahalaan, at mga kalkulasyon hinggil sa impluwensyang pampulitika sa hinaharap.
3. LGUs. Malawak na rin ang mga network ng blokeng Marcos sa iba’t ibang rehiyon. Gayunman, may matatag na baseng pampulitika sa Davao at iba pang lokal na alyansa ang paksyong Duterte.
4. Kapit sa oligarkiya. May akses ang blokeng Marcos sa paggawa ng mga patakarang pang-ekonomiya ng estado at mga pambansang network ng patronahe, kabilang na ang suporta ng mga dating kroni ng amang diktador. Gayunman, may mga ugnayan din sa mga network ng negosyo at pulitika na nalinang noong presidency ni Duterte.
5. Kapit sa imperyalismong U.S. at China. Hawak ng administrasyong Marcos ang pormal na makinarya ng patakarang panlabas at kapit-tuko sa geopolitikal na estratehiya at ugnayang pangseguridad sa U.S. Sa kabilang banda, may network na pampulitika ang paksyong Duterte sa China at may ibang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa U.S. kahit noong unang administrasyon ni Trump.
Ang nakaabang na 2028 elections
1. Ang tunggalian ng dalawang paksyon ay hindi lamang kaugnay ng impeachment o pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno. Bahagi nito ang malawak na usapin ng paghalili sa kapangyarihan, muling pagbubuo ng mga alyansa ng naghaharing uri, at pananatili o pagbabago ng direksyon ng estado pagkatapos ng administrasyong Marcos Jr.
2. Mahalagang larangan ang halalang 2028 kung saan muling mabubuo ang mga alyansa ng naghaharing uri na nabiyak matapos ang 2022. Gayunman, wala pa ring nakaposisyong pamalit ang paksyong Marcos sa posisyong presidente. Nanganganib na si Marcos Jr. naman ang makasuhan kung paksyong Duterte ang papalit sa pwesto.
3. Dahil dito, mahalaga sa mga kaalyado ni Marcos Jr. ang pagpapatuloy ng kanilang impluwensya pagkatapos ng kanyang termino. Maaring pagbatayan ng muling pagkakahanay ang pagpili ng mga loyalistang kandidato, distribusyon ng suporta ng mga lokal na dinastiya, ugnayan sa malalaking negosyo, at mga political deals.
4. Ang mga alyansa ngayon ay maaari pang magbago habang lumalapit ang halalan. Hindi sapat ang kasalukuyang pagkakahanay para matukoy kung sino ang magkakampi sa 2028.
5. Ito ang dahilan kung bakit si Marcos Jr. mismo ay nagkukumahog sa impeachment ni VP Sara. Kung maku-convict, babarahan nang tuluyan ang ambisyong presidensyal ng huli, sa anyo ng pagtanggal sa pwesto at diskwalipikasyon sa pampublikong tungkulin. Kung maa-acquit naman, mananatili ang posibilidad ng kanyang kandidatura at maghanda na ang kampong Marcos.
Ang kaso ni Rodrigo Duterte sa ICC
1. May isa pang mahalagang dimensyon ang tunggalian: ang mga paglilitis laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
2. Noong Oktubre 8, 2026, nagpasya ang mga hukom ng ICC na maaari siyang humarap sa paglilitis kaugnay ng mga akusasyon ng crimes against humanity na nag-ugat sa kampanya laban sa droga. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa November 30, 2026.
3. May kaugnayan ito sa mas malawak na pagsusuri dahil ipinakikita nito ang pagsasalubong ng mga usapin ng karapatang pantao, pananagutan ng mga dating pinuno, pambansang soberanya, at internasyonal na batas.
Ang imperyalismong U.S at ang halalang 2028
1. Hindi rin dapat alisin ang salik ng pakikialam ng imperyalismong U.S. sa halalan. Mahigpit ang suporta ng U.S. sa administrasyong Marcos Jr. dahil bahagi na ito ng pangrehiyong seguridad at ambisyon ng U.S. laban sa China. Hindi papayag ang U.S. na basta mabago ang mga patakaran sa EDCA, VFA, mga base at pasilidad militar, South China Sea, Pax Silica, at dayuhang pamumuhunan. Pero hindi pa sigurado ang paksyong Marcos sa bagay na ito kung gagawa ng sariling deal sa imperyalismong U.S. ang paksyong Duterte.
Ang independyenteng linya ng kilusang manggagawa at sosyalista
1. Ang impeachment ay isang konstitusyonal na proseso na pinamamahalaan ng mga institusyon ng estado. Ito ang pangunahing kahinaan ng impeachment process. Ang nagpapasya rito ay sangkot sa iba’t ibang anomalya, krimen, at mga pandarambong na kanilang ikinakaso sa impeachment.
2. Kaya ang tunay na anyo nito ay factional fight ng lahat ng involved sa katiwalian. Ang laman nito ay pampulitikang rigodon sa konsolidasyon ng kapangyarihan. Hindi nilulutas ang mga isyung nakaharap kundi ginagamit para sa sariling pagpapasikat at pagkokonsolida ng paghahari.
3. Mahalagang usapin kung gayon ang kakayahan ng uring manggagawa at ng masa na magkaroon ng independyenteng linya sa usapin ng impeachment. Dahil habang nakikilahok sa mga usapin ng impeachment, korapsyon, at pananagutan ng mga naghaharing paksyon, kailangang panatilihin ang independyenteng makauring pagsusuri at pampulitikang linya ng demokratiko at sosyalistang kilusan.
4. Ang independyenteng linya ay hindi pagiging neutral sa mga usapin ng korapsyon at pananagutan. Hindi rin pagpanig sa paksyong Marcos dahil sa mga seryosong isyu laban kay VP Sara. O kaya’y pagpanig sa mga Duterte dahil may usapin din ng korapsyon at pananagutan – at maaaring higit na malaki pa – ang administrasyong Marcos Jr.
5. Ang independyenteng linya ay pagsisiwalat na ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa mga paksyon ng naghaharing uri ang pinagmumulan ng korapsyon, patronage, at pananatli ng paghaharing kapitalista, oligarkiya, at dinastiya sa bansa na nagpapahirap sa masa.
6. Wasto ang islogan na ‘Marcos-Duterte, Walang Pinag-iba; at ‘Lahat ng Sangkot, Dapat Managot’. Subalit dapat langkapan din ito ng pagsusuri at panawagan para sa makabuluhang pagbabago.
Pangangampanya sa Gobyerno ng Masa
1. Ang Gobyerno ng Masa ay maaaring iugnay sa impeachment kay VP Sara sa pamamagitan ng mas malawak na tanong: sapat bang panagutin ang isang mataas na opisyal, o kailangang panagutin lahat – o sa buod, panagutin ang buong institusyon, gobyerno, at relasyong panlipunan na nagpapahintulot sa konsentrasyon ng kapangyarihan at yaman sa iilan.
2. Hindi malulutas ng impeachment ang korapsyon sa bansa. Kahit tuluy-tuloy na i-impeach pa ang lahat ng pulitikong sangkot. Kailangan ang pagbaligtad ng sistema tungo sa pagbubuo ng demokratikong partisipasyon ng masa, at pagbabago sa distribusyon ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya para sa nakararami.
3. Ang impeachment ay pagpapanagot lamang sa isa o maraming opisyal ng gobyerno . Ang Gobyerno ng Masa ay pagbubuo ng bago at alternatibong pamahalaan na magkakaloob sa masa ng direkta at tuluy-tuloy na kapangyarihang usigin ang mga naghaharing uri at wakasan ang korapsyon, kahirapan, pagsasamantala, at pang-aapi na nananalaytay sa buong gobyerno at lipunan.
4. Sa panahon ng impeachment, maaari ring idiin ang ilang taktikal na panawagan, gaya nang:
• Bigyan ng mas malawak na partisipasyon ang masa pagsubaybay at pagpapanagot sa mga opisyal ng gobyerno;
• Malawak na pagsusuri sa badyet at paggasta ng mga opisyal ng gobyerno;
• Pagbasura sa bulok na national budget na pinagmumulan ng korapsyon at pag-susulong ng budget alinsunod sa pangangailangan ng masa;
• Pagpapatupad ng komprehensibong Feedom of Information Law (hindi gaya ng EO No. 2 na inilabas ni dating pangulong Duterte na procedural lamang ito at hindi itinatali ang Kongreso, judiciary o mga korte sa pagpapatupad).
5. Sa pinakadulo, isulong natin ang kampanya para sa Gobyerno ng Masa sa kampanya para sa ganap na pagwawakas ng bulok na sistema ngayon at pagsusulong ng alternatibang sistema ng sosyalismo.
October 9, 2026
