By PLM International via Facebook
Tayo ay nasa panahon ng “globalisadong digmaan”
Sa kasalukuyan, may hindi bababa sa tatlong larangan ang pumuputok na gyera:
Middle East: Ang pandirigma ng US/Israel laban sa Iran, kasabay ng patuloy na genocide ng Israel sa Gaza, tumitinding karahasan ng mga Israeli settler at okupasyon ng West Bank at South Lebanon, habang patuloy ang airstrikes ng mga pwersa ng Israel.
Europe: Ang digmaan ng NATO–Ukraine laban sa Russia ay isa nang European war, kasabay ng mga pangako ng NATO sa 2026 na 70 bilyong euro para sa kagamitang militar, tulong at pagsasanay sa Ukraine, habang patuloy na pinalalakas ang depensa sa eastern front nito. Bahagi ang digmaan ng mas malawak na tunggalian sa hinaharap ng kaayusang panseguridad sa Europe, ang papel ng NATO, estratehikong posisyon ng Russia, at balanse ng kapangyarihang militar sa Europe. May malawak itong epekto sa seguridad sa enerhiya, defense industry, mga sanction, produksyon ng armas, at alokasyon ng pampublikong yaman.
Indo-Pacific: Ang tumitinding estratehikong tunggalian ng US–China ay nakasentro sa hinaharap na balanse ng kapangyarihan sa rehiyon, kung saan ang Taiwan ay isang posibleng mitsa ng tunggalian. Umaabot ang kompetisyon sa South at East China Seas, mga military alliances, abanteng teknolohiya, kritikal na mineral, kalakalan, at estratehikong supply chains. Pinalalakas ng United States ang mga panrehiyong alyansa at kakayahang militar nito, habang pinalalawak naman ng China ang military at strategic na kapasidad nito. Dahil dito, ang Indo-Pacific ay nagiging sentral na arena sa mas malawak na tunggalian sa hinaharap na balanse ng kapangyarihang pang-ekonomiya, pang-teknolohiya at militar.
Ang mga larangang ito ng digmaan ay lalong nagkakaugnay sa pamamagitan ng mga alyansang militar, suplay ng armas, ruta ng enerhiya at shipping, mga sanction, teknolohiya, pinansya at pandaigdigang supply chains.
Dahil dito, lumalawak ang mga haka-haka kung ang magkakaugnay na mga digmaang ito ay maaaring humantong sa isang mas malawak na Digmaang Pandaigdig.
Ang nagbabagong balanse ng kapangyarihan sa daigdig
Sa kabila ng napakalaking superyoridad militar ng US, hinahamon ang hegemonya nito sa daigdig. Nagbabago ang pandaigdigang balanse ng kapangyarihang pang-ekonomiya, pang-teknolohiya at pampulitika.
Umuusbong ang China bilang isang pangunahing kapangyarihang pang-ekonomiya at teknolohikal. Hinamon ng Russia ang post-Cold War European security order. Nilabanan ng Iran ang pagsasailalim nito sa isang kaayusan sa Middle East na dominado ng US.
Epektibong gumuho ang US security order sa Middle East, kasabay ng mga pag-atake ng Iran at pagkawasak ng mga base militar ng US sa Gulf states, pagkontrol ng Ansarallah (Houthis) sa mga bahagi ng baybayin ng Yemen sa Red Sea, paggambala nito sa mga ruta ng Saudi Arabia para sa pagpapadala ng langis, at direktang pag-atake sa paliparan ng Riyadh.
Sa Lebanon, patuloy na lumalaban at nakikipaglaban sa Israel ang Hezbollah.
Sa buong Global South, lalong naghahangad ang mga bansa ng mas malawak na estratehikong awtonomiya sa halip na eksklusibong pumila sa Washington o sa isa pang pangunahing kapangyarihan (maliban sa mga bansang tulad ng Pilipinas).
Malaki ang pampulitikang epekto ng mga kilusang masa ng paglaban—ang Palestine Solidarity movement, climate justice movements, at iba pa.
Ang paglago ng demokratikong sosyalistang pulitika sa United States ay isang mahalagang indikasyon ng muling pag-igting ng kaliwa at sosyalistang pulitika. Sa US, ang lumalaking mga kilusan hinggil sa karapatan ng mga manggagawa, healthcare, pabahay, climate action at serbisyong publiko ay nagpapakita ng malawakang pagkadismaya sa hindi pagkakapantay-pantay, kapangyarihan ng mga korporasyon, at mga limitasyon ng neoliberal na pulitika.
Sa Berlin, ang makasaysayang tagumpay sa eleksyon ng Die Linke, partido ng sosyalistang kaliwa, ay nagpamalas ng malakas na pagsulong sa mga distritong manggagawa. Ang tagumpay ay likha ng magkakasabay na mga pakikibaka hinggil sa gastos sa pabahay, walang-katiyakang trabaho, hindi pagkakapantay-pantay at presyur sa mga serbisyong publiko – bagamat nagaganap din ang mas malawak na pag-angat ng pwersa ng extreme right.
Ipinakikita ng mga pangyayaring ito ang panibagong paghahanap ng mga alternatibong pampulitika na nakabatay sa mga pangangailangang panlipunan at demokratikong kontrol.
Hindi awtomatikong nagbubunga ng kontrol pampulitika ang superyoridad sa militar
Ang sentral na kontradiksyon ng kontemporaryong imperyalismo o pandaigdigang kapitalismo ay ang napakalaking superyoridad militar nito ay hindi awtomatikong nagbubunga ng kontrol pampulitika o pang-ekonomiya.
Sa Afghanistan at Iraq, nakapagpakilos ang United States ng napakalaking puwersang militar, nagpabagsak ng umiiral na mga gobyerno at sumakop ng teritoryo, ngunit hindi nito basta-basta nadiktahan ang pampulitikang kinabukasan ng alinmang bansa.
Inilalantad ng kasalukuyang tunggalian sa Iran ang parehong pundamental na kontradiksyon.
Maaaring may kakayahan ang US at Israel na wasakin ang napakalaking bahagi ng imprastrakturang militar ng Iran. Ngunit ang pagkawasak sa pamamagitan ng puwersang militar ay hindi humantong sa regime change sa Iran at hindi awtomatikong nagtakda sa pampulitikang kinabukasan ng Iran o ng mas malawak na Middle East.
Mahalagang halimbawa ang Cuba ng isang maliit na bansang naggigiit ng pambansang soberanya at nagsusulong ng independiyenteng landas pampulitika sa kabila ng tuluy-tuloy na panlabas na presyur. Ipinakikita rin ng karanasan nito ang kahalagahan ng internasyonal na solidaridad.
Kayang manira ng kapangyarihang militar. Ngunit sa sarili lamang nito, hindi nito kayang lumikha ng lehitimong kapangyarihang pampulitika, katatagang panlipunan o isang sustenableng kaayusang panrehiyon.
Ang Global South ay sentral na larangang pampulitika
Ang mga mamamayan ng Global South, na may pinakamaliit na impluwensya sa mga geopolitikal na desisyon ng mga pangunahing kapangyarihan, ang kadalasang nagdurusa sa ilan sa pinakamabibigat na epekto ng mga ito.
Malinaw itong ipinakikita ng kasalukuyang energy shock. Maaaring guluhin ng tunggalian sa Middle East ang suplay ng langis, shipping routes at pandaigdigang merkado libu-libong kilometro ang layo mula sa aktuwal na larangan ng digmaan.
Naipapasa ang mga epekto sa pamamagitan ng isang sunud-sunod na presyur sa ekonomiya:
Mula digmaan → tungo sa pagkagambala sa enerhiya → pagtaas ng presyo ng gasolina → implasyon → pagtaas ng presyo ng pagkain at transportasyon → at mas mabigat na pasanin sa mga manggagawa at maralitang komunidad.
Pinagbabayad ang mga mamamayan ng Global South para sa isang sitwasyong hindi naman nila nilikha.
Kasabay nito, nahaharap ang mga bansa sa presyur na dagdagan ang gastusing militar at pumila sa sinumang magkakatunggaling geopolitikal na mga bloke.
Ang mga yamang maaari sanang ilaan sa kalusugan, edukasyon, pabahay, proteksyong panlipunan, imprastraktura at climate adaptation ay sa halip lalong inililihis tungo sa militarisasyon.
Enerhiya, digmaan at klima
Inilalantad din ng tunggalian sa Middle East ang kahinaan ng pandaigdigang ekonomiyang nakasentro sa fossil fuel.
Lalong nagiging malinaw ang ugnayan:
Mula pagdepende sa fossil fuel → tungo sa geopolitikal na kompetisyon → militarisasyon → digmaan → pagkagambala sa enerhiya → at krisis pang-ekonomiya at panlipunan.
Lumilikha naman ang climate change ng isa pang cycle na nagpapatindi sa krisis:
Mula pagkasira ng klima → tungo sa mga sakuna at displacement → kawalan ng seguridad sa pagkain at enerhiya → kawalang-katatagang panlipunan → at tunggaliang pampulitika at militarisasyon.
Hindi maaaring ituring na magkakahiwalay ang mga prosesong ito.
Itinuturo ng mga ito ang isang mahalagang pagtatagpo ng mga pampulitikang pwersa:
Anti-war movement + climate justice + karapatan ng mga manggagawa.
Pilipinas: nasa abanteng hanay at bulnerableng frontline sa globalisadong digmaan
Ang lumalalim na integrasyon ng Pilipinas sa istrukturang militar ng US ay nagbabantang gawing abanteng posisyon ang bansa sa isang mas malawak na globalisadong digmaan. Dahil malapit ito sa Taiwan at South China Sea, nagiging estratehiko—at bulnerable—ang mga base, pantalan, paliparan at communications infrastructure ng Pilipinas.
Ang bulnerabilidad na ito sa larangang militar ay lalo pang pinatitindi ng pagdepende sa enerhiya at pagkakalantad sa climate change: ang pagkagambala sa suplay ng gasolina at shipping ay maaaring mabilis na magpataas ng presyo ng enerhiya at pagkain, habang ang mga bagyo, pagbaha at pagtaas ng sea level ay nagbabanta sa mahahalagang imprastraktura at kabuhayan.
Samakatwid, ang panganib ay hindi lamang na maaaring maging military frontline ang Pilipinas, kundi maaari ring magsanib ang mga kahinaan nito sa militar, enerhiya at klima, habang ang mga manggagawang Pilipino at ang masa ang pinagbabayad sa agresyon ng imperyalismong US.
Mula sa mga digmaang imperyalista tungo sa sosyalistang alternatiba
Ang krisis ng umiiral na imperyalistang kaayusan ay hindi malulutas sa simpleng pagpapalit lamang ng isang bloke ng malalaking kapangyarihan ng isa pang bloke.
Hindi rin ito malulutas sa pamamagitan ng walang katapusang pagpapalawak ng militar, permanenteng war economies at kompetisyon para sa kontrol sa mga estratehikong yaman.
Ang alternatiba ay kailangang sosyalistang internasyonalismo: kooperasyon ng mga mamamayan at manggagawa sa ibayong mga pambansang hangganan sa halip na kompetisyon ng mga estado at naghaharing uri para sa kontrol sa mga natitirang yaman.
Ilalagay ng isang sosyalistang alternatiba ang pangangailangan ng tao higit sa kapangyarihang militar at pribadong akumulasyon.
Ang papel ng rebolusyonaryong pulitika
Ang papel ng rebolusyonaryong pulitika ay hindi lamang hulaan kung ang kasalukuyang mga tunggalian ay mauuwi sa isang digmaang pandaigdig.
Dapat unawain ang istruktural na krisis na lumilikha sa mga tunggaliang ito at organisahin ang mamamayan tungo sa isang alternatiba.
Ang tungkulin ay pag-ugnayin ang mga pakikibakang madalas ituring na magkakahiwalay:
- laban sa digmaan at militarisasyon;
- para sa karapatan ng mga manggagawa at demokratikong kontrol;
- para sa climate justice;
- para sa demokrasya at soberanya;
- laban sa kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay at pagsasamantala;
- para sa karapatan ng mga migrante at displaced peoples;
- para sa pambansa at popular na soberanya; at
- para sa kapayapaan at internasyonal na solidaridad.
Para sa mga manggagawa at mamamayan ng Global South, nangangahulugan ito ng pagtatayo ng isang independiyenteng kilusang pampulitika.
Ang independensya ay hindi nangangahulugan ng pampulitikang neutralidad sa harap ng pang-aapi o digmaan. Nangangahulugan ito ng pagpapaunlad ng kakayahang pampulitika ng mga manggagawa at mamamayan na tukuyin ang sarili nilang mga interes at sarili nilang kinabukasan.
Ang layunin ay hindi lamang tutulan ang susunod na digmaan, ipaglaban ang climate justice, o ikampanya ang energy democracy bilang magkakahiwalay na pakikibaka.
Ang layunin ay buuin ang mga puwersang panlipunan at pampulitika na may kakayahang lumikha ng alternatiba sa sistemang patuloy na lumilikha ng digmaan, pagsasamantala, hindi pagkakapantay-pantay at krisis ekolohikal.
Nangangailangan ito ng pagbabago sa mga watak-watak na pakikibaka tungo sa isang nagkakaisang proyektong pampulitika.
Panawagan para sa isang rebolusyonaryong bloke ng mga pwersang panlipunan
Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating manawagan para sa isang rebolusyonaryong bloke ng mga pwersang panlipunan.
Ang ganitong bloke ay hindi dapat tingnan bilang simpleng alyansang elektoral o koalisyon lamang ng umiiral na mga organisasyong pampulitika.
Dapat itong unawain bilang isang panlipunan at pampulitikang alyansa ng mga puwersang may kakayahang hamunin ang sistema.
Samakatwid, ang hamon sa ating lahat ay higit na mabigat kaysa pagtugon lamang sa isang digmaan o sa isang partikular na manipestasyon ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Ang tungkulin ng rebolusyonaryong pulitika ay baguhin ang krisis na ito mula sa pinagmumulan ng takot at pangamba, pagkakahati-hati at reaksyon – tungo sa isang oportunidad para sa kolektibong pag-oorganisang pampulitika na hahantong sa pagtatayo ng Gobyerno ng Masa at pagbubukas sa alternatibang sistema ng sosyalismo.
Ito ang pampulitikang batayan para sa pagtatayo ng isang rebolusyonaryong bloke ng mga puwersang panlipunan ngayon – sa pandaigdigan at pambansang antas.
PLM International
Setyembre 26, 2026
