By Sonny Melencio via Facebook
Ngayong ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law mula September 21, 1972, mahalagang itanong – sapat bang ituon ang panawagang “Never Again, Never Forget” sa posibilidad lamang ng muling pagdedeklara ng martial law?
Sa palagay ko’y hindi. Ang mas malawak na usapin ngayon ay ang patuloy na paglakas at institusyonalisasyon ng “security state.”
Ano ang Security State?
Ang security state ay isang kaayusan kung saan ang national security ay nagiging pangunahing balangkas ng pamamahala. Lumalawak ang papel ng militar, pulisya, intelligence agencies at national-security bureaucracy hindi lamang sa pagtatanggol sa bansa kundi maging sa mga usaping pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiya.
Maaari ring tawagin itong “police state,” pero sa modernong terminolohiya ngayon, ang penomenong ito ay iniuugnay sa national security concerns ng estado.
Sa ilalim ng security state, hindi na kailangang buwagin ang Kongreso, korte o halalan. Maaaring manatili ang pormal na constitutional democracy habang ang mga suliraning pampulitika at panlipunan ay lalong “securitized” – kung saan itinuturing itong security threats na dapat tugunan sa pamamagitan ng surveillance, intelligence, counterinsurgency, policing at iba pang extraordinary security measures.
Ito rin ang makapagpapaliwanag kung bakit may obsesyon ang iba’t ibang security state regimes sa pagpapalaki ng confidential and security funds (CIF) na ibinibigay sa kamay ng pangulo at iba pang senior officials at security agencies. Sa 2026 General Appropriations Act, itinatalaga ang P11.8 billion para rito (may higit P1 bilyong bawas lamang sa P12.12 billion noong 2025 dahil sa protesta ng masa sa corruption sa CIF dispensation).
Samakatwid, ang mahalagang tanong ay hindi lamang: “Pipigilan lamang ba natin ang deklarasyong muli ng martial law?” Kailangang suriin: gaano na kalalim ang pagpasok ng security apparatus at security logic sa ordinaryong pamamahala?
Mula kay Arroyo hanggang Duterte
Hindi nagsimula kay Marcos Jr. ang prosesong ito ng pagbubuo ng security state. Highlighted nito ang pamumuno ng mga dapat tawaging “right-wing leaders” ng gobyerno na may oryentasyon, karakter, at perspektiba na pagbubuo ng security state.
Tinatawag din silang pasista o may inklinasyong pasista, subalit kailangan nating pag-aralan sa aktwal ang mga binuo nila na humalili sa tuwirang deklarasyon ng martial law ng diktador na si Marcos Sr.
Arroyo’s security state
Sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo, inilunsad ang Oplan Bantay Laya I at II, na nagpalawak sa counterinsurgency operations ng AFP. Pinakawalan at naghasik ng lagim si General Palparan sa malawakang extrajudicial killings at enforced disappearances ng mga aktibista at organisador.
Noong 2006, nagdeklara si Arroyo ng State of National Emergency. Ipinatupad din ang Calibrated Preemptive Response (CPR) laban sa mga mapayapang demonstrasyon, na kalaunan ay pinawalang-bisa ng Supreme Court. Noong 2007, ipinasa ang Human Security Act, ang unang komprehensibong anti-terrorism law ng bansa sa ilalim ni Arroyo.
Duterte’s security state
Sa ilalim naman ni Rodrigo Duterte, higit pang lumawak ang security-state approach.
Ang “war on drugs” ay malinaw na halimbawa ng securitization: ang isang problema na may dimensyong kriminal, panlipunan at pangkalusugan ay pangunahing hinarap bilang security threat sa pamamagitan ng malawakang police operations.
Noong Mayo 23, 2017, nagdeklara si Duterte ng martial law sa buong Mindanao matapos sumiklab ang labanan sa Marawi. Bagaman sa Marawi nakasentro ang pangunahing digmaan – kung saan gumamit ang AFP ng malawakang airstrikes at artillery na halos dumurog sa buong syudad ng Marawi – sako[ng martial law at suspensyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus ang buong Mindanao.
Hindi ito natapos kasabay ng Battle of Marawi noong Oktubre 2017. Sa kahilingan ni Duterte, paulit-ulit itong pinalawig ng Kongreso at umabot hanggang 2019. Sa gayon, ang isang 60-araw na emergency measure ay naging higit dalawa-at-kalahating taon ng martial law sa buong Mindanao, sa pamamagitan hindi lamang ng kapangyarihan ng Pangulo kundi ng paulit-ulit na awtorisasyon ng Kongreso.
NTF-ELCAC: Mula military operations tungong “whole-of-nation” approach
Isa sa pinakamahalagang pamana ng Duterte administration ang pagbubuo ng NTF-ELCAC. Sa ilalim ng “whole-of-nation approach,” ang counterinsurgency ay hindi na lamang trabaho ng AFP at PNP. Isinama rito ang civilian departments, LGUs, development programs, strategic communications at iba pang bahagi ng pamahalaan.
Kasabay nito ang kontrobersiya sa red-tagging ng mga aktibista, trade unionists, human-rights defenders at iba pang kritiko. Kaugnay nito, mahalaga ang naging desisyon ng Supreme Court kung saan ang red-tagging, vilification, labelling at guilt by association ay maaaring banta sa karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ng indibidwal.
Dito makikita ang isang mahalagang katangian ng modernong security state: ang counterinsurgency ay lumalampas sa battlefield at pumapasok sa civilian governance at political life.
Marcos Jr.: pagpapatuloy at institusyonalisasyon
Hindi binuwag ni Ferdinand Marcos Jr. ang security architecture na minana niya kay Duterte. Sa halip, pinanatili at higit na isinama ito sa regular na makinarya ng gobyerno.
Nanatili ang NTF-ELCAC, na personal na pinamumunuan ni Marcos Jr. ngayon. Nawala sa opisyal na estruktura ang mga kontrobersyal na personalidad noong Duterte period gaya nina Lorraine Badoy, Lt. Gen. Antonio Parlade, at Jeffrey “Ka Eric” Celiz, subalit nanatili ang institusyon.
Ang mahalagang pagbabago ay mula sa isang highly personalized at confrontational apparatus, naging bureaucratically institutionalized na istruktura na ito ng gobyerno.
Malinaw ito sa budget. Ang Support to the Barangay Development Program ay nakatanggap ng ₱8.08 bilyon noong 2026 para sa 808 insurgency-cleared barangays. Ayon sa DBM, ginagamit ito sa farm-to-market roads, paaralan, water systems, health stations at electrification.
Ang mga proyektong ito ay civilian development programs at hindi sa sarili nito na mga military spending. Ngunit mahalaga sa security-state na ang development projects ay nakapaloob sa counterinsurgency framework at nakatuon lamang sa mga barangay na sertipikadong “cleared of insurgency.”
Lalong pinagtibay ito ng Executive Order No. 37, na nag-adopt ng National Security Policy 2023–2028. Inaatasan nito ang national government agencies, instrumentalities at GOCCs – at isinasama ang LGUs – na iayon ang kanilang security-related strategies at programs sa National Security Policy. Itinatakda rin nito ang papel ng National Security Adviser at NSC Secretariat sa coordination at monitoring.
Kasabay nito, nananatili ang Anti-Terrorism Act at Anti-Terrorism Council, habang lumawak ang intelligence functions ng NICA tungo sa cybersecurity, terrorism financing at iba pang emerging threats.
Pax Silica: mula military security tungong economic security
Dito mahalagang idagdag ang Pax Silica.
Sa ilalim ni Marcos Jr., ang security framework ay hindi na lamang umiikot sa militar, pulisya, intelligence, counterinsurgency at anti-terrorism. Lumalawak ito tungo sa economic at technological security.
Sa Pax Silica framework, ang critical minerals, supply-chain security, advanced manufacturing, semiconductors, AI, infrastructure at technology ay inilalagay sa isang strategic economic-security relationship sa United States at mga alyado nito.
Partikular na malinaw ito sa proposal ng BCDA para sa isang Pax Silica Coordination Office sa New Clark City: kabilang sa nakasaad na layunin ang critical-mineral supply-chain security, joint strategic industrial planning, infrastructure development at mobilization of allied investment for economic-security projects.
Hindi nangangahulugan na ang Pax Silica mismo ay isang military program. Ang ipinakikita nito ay ang paglawak ng securitization mula sa mga larangang dating pangunahing itinuturing na usapin ng industriya, pagmimina, enerhiya, teknolohiya at investment – na isinasama na ngayon sa konsepto ng economic security at geopolitical strategy.
Mula martial law tungong security state
Ito ang dapat idagdag sa kahulugan ng “Never Again, Never Forget.”
Ang karanasan ng diktadurang Marcos Sr. ay nagtuturo na dapat tutulan ang pagbabalik ng martial law at authoritarian dictatorship. Ngunit ang aral ng mga sumunod na administrasyon ay nagpapakita rin na hindi kailangan ng pormal na deklarasyon ng martial law upang lumawak ang kapangyarihan ng security apparatus.
Mula Arroyo hanggang Duterte at Marcos Jr., makikita ang isang proseso ng accumulation at institutionalization na kinabibilangan ng counterinsurgency operations, deklarasyon ng emergency powers, anti-terrorism legislation, intelligence, whole-of-nation governance at, ngayon, economic at technological security.
Kaya ang “Never Again, Never Forget” ay hindi lamang paggunita sa nangyari noong Setyembre 1972. Dapat din nitong bantayan kung paano maaaring maging permanente at normal na bahagi ng constitutional government ang mga kapangyarihan at institusyong dating iniuugnay lamang sa panahon ng emergency.
Hindi lamang deklarasyon ng martial law ang dapat bantayan. Ang mas malalim na usapin ay ang normalisasyon at institusyonalisasyon ng security state ngayon. #
September 22, 2026
