By: Partido Lakas ng Masa via Facebook
Ang desisyon ng Pasig RTC Branch 152 na ipatigil ang implementasyon ng NCR Wage Order No. 27, na nagtakda ng ₱85 dagdag-sahod (₱60 noong Hulyo 25 at ₱25 sa Enero 2027), ay isang malinaw na paglabag sa diwa ng Article 126 ng Labor Code. Ang wage orders ay dapat ipatupad agad at hindi maaaring ipagpaliban maliban na lamang kung may malinaw na restraining order na pinahihintulutan ng batas. Ang ginawa ng korte ay isang anyo ng pang-aapi sa manggagawa, at gaya ng binigyang-diin ni Atty. Chel Diokno, “Hindi pwedeng manaig ang korte laban sa batas.”
Ngunit sa halip na ipaglaban ang Labor Code, agad na bumigay si DOLE Secretary Francis Tolentino sa utos ng hukuman. Sa kanyang pahayag, sinabi niyang “maging kalmado tayo” at “susunod tayo sa utos ng hukom,” na para bang ang DOLE ay tagapagsalita ng korte at kapitalista, hindi tagapagtanggol ng manggagawa. Sa harap ng galit ng mga labor groups, ipinakita ni Tolentino ang kanyang “katapangan” sa pagharap, ngunit ang kanyang tindig ay nanatiling sunod-sunuran sa korte. Ang ganitong uri ng pahayag ay hungkag na retorika na nagtatago sa katotohanan na ang gobyerno ay muling nagkukubli sa likod ng teknikalidad upang ipagkait ang karapatan ng uring manggagawa.
Hindi maliliit na negosyo ang nasa likod ng pagpapatigil ng wage hike, kundi malalaking construction firms na government contractors:
• Readycon Trading and Construction Corp.
• R-II Builders Inc.
Ang kanilang argumento ay nakabatay sa “operating losses” at “mataas na gastos,” ngunit malinaw na layunin nilang ipitin ang sahod ng manggagawa upang mapanatili ang kanilang tubo. Ang ₱85 wage hike ay maliit na halaga kung ikukumpara sa aktwal na gastusin ng isang pamilya sa NCR, ngunit ito ay simbolo ng pagkilala sa hirap ng uring manggagawa. Ang pagkakait dito ay hindi lamang kawalan ng malasakit, kundi tahasang paglabag sa prinsipyo ng batas na dapat pumapabor sa manggagawa.
Samantala, ipinagmamalaki ng DOLE na magpapatuloy ang wage reviews sa ibang rehiyon. Ngunit para sa PLM, ito ay panakip-butas lamang sa kawalan ng kongkretong solusyon. Ang wage reviews ay nagiging paraan upang ipagpaliban ang agarang pangangailangan ng mga manggagawa, habang ang NCR workers ay patuloy na ipinagkakait ng dagdag-sahod.
Para sa Partido Lakas ng Masa, ang laban para sa dagdag-sahod ay laban din para sa dignidad ng manggagawa. Ang suspensyon ng wage hike, ang hungkag na pangako ng wage reviews, at ang panlilinlang ng gobyerno ay pawang sintomas ng isang bulok na kaayusan. Ang ugat ng problema ay ang mismong sistemang kapitalista na nakabatay sa tubo ng iilan at sa pagsasamantala sa lakas-paggawa ng nakararami.
Ang Partido Lakas ng Masa ay naninindigan na:
• Dapat panagutin ang DOLE at Palasyo sa panlilinlang at kawalan ng tapang na ilaban ang karapatan ng mga manggagawa.
• I-expose ang kasakiman ng mga korporasyon ng Readycon at R-II Builders na nagtatangkang ipitin ang sahod ng manggagawa.
• Ipaglaban ang living wage at ang demokratikong kontrol ng manggagawa sa paggawa at sahod.
• Isulong ang Sosyalismo bilang tunay na alternatibo—isang sistemang nakabatay sa pangangailangan ng masa, hindi sa tubo ng iilan. Sa ilalim ng sosyalismo, ang paggawa at yaman ng lipunan ay nakabatay sa kapakanan ng mamamayan, hindi sa kagustuhan ng oligarko at dayuhan.
Itayo ang Gobyerno ng Masa, hindi gobyerno ng mga oligarko at dayuhan!
August 4, 2026
