By: Partido Lakas ng Masa (PLM) via Facebook
Tutol kami sa Pilipinas na madamay sa digmaang agenda ng U.S. na laban sa interest ng sambayanang Pilipino.
[BASAHIN]: US bombs Iran again, Tehran strikes Gulf, tankers: What’s the latest?
Mariin naming kinokondena ang Estados Unidos at Israel sa muling pagyurak sa mga pagsisikap tungo sa tigil-putukan at negosasyong pangkapayapaan sa Iran. Ang kanilang panibagong opensibang militar ay isang iligal at imoral na digma ng agresyon na lalo pang nagpapalala sa isang marupok na sitwasyon, at nagtutulak sa Gitnang Silangan palapit sa mas malawak at mas mapanirang tunggalian.
Ang pinakahuling eskalasyon ay kasunod ng pagbagsak ng negosasyon hinggil sa pagpapatupad ng U.S.-Iran Memorandum of Understanding (MOU), partikular sa usapin ng pamamahala sa Strait of Hormuz. Sa ilalim nito ay nakaugat ang mas malalim na tunggalian sa estratehikong kontrol ng isa sa pinakamahalagang energy corridor sa mundo. Matagal nang nakikita ng Tehran na layunin ng Washington ay pahinain ang leverage ng Iran sa Strait at konsolidahin ang alternatibong shipping corridor sa Omani waters na wala sa impluwensiya ng Iran.
Dagdag pa rito, lumala ang retorika ni Trump nang ideklara niyang tapos na ang ceasefire, tinawag ang mga Iranian na “scum,” at nagbanta ng muling pambobomba upang “tapusin ang trabaho.” Nakita rin ng Tehran ang kasunduang pinamamagitan ng U.S. sa pagitan ng Lebanon at Israel—na nag-uugnay sa pag-atras ng Israel sa Lebanon sa pagdisarma ng Hezbollah—bilang paglabag sa MOU. Malinaw na naghahanda ang U.S. para sa panibagong digmaan.
Sa halip na resolbahin ang tunggalian, ang muling eskalasyong militar ay lalo lamang magpapalalim sa kawalang-tatag sa rehiyon at sa buong mundo. Nanatiling marupok ang pandaigdigang merkado ng langis, at anumang pagkagambala sa suplay ng enerhiya ay magtutulak sa pagtaas ng presyo ng gasolina, pamasahe, pagkain, at kabuuang gastusin sa pamumuhay. Sa panahong milyon-milyon na ang naghihirap sa krisis pang-ekonomiya, ang walang-ingat na interbensyong militar ng U.S. ay nagbabantang magpasiklab ng mas malawak na krisis pang-ekonomiya at pampulitika sa buong mundo.
Ang mga bansang gaya ng Pilipinas, na nagho-host ng mga tropa, base, at pasilidad ng U.S., ay lalong nalalagay sa panganib. Habang dinidivert ng Washington ang mga rekurso militar sa West Asia at sabay na pinalalakas ang presensiya nito sa Asia-Pacific, lalo tayong nadadawit sa pandaigdigang digmaang agenda ng U.S.—walang katapusang digmaan imbes na kapayapaan.
Ito ay tahasang pagyurak sa pambansang soberanya at naglalagay sa sambayanang Pilipino sa panganib na madamay sa mga digmaan na laban sa kanilang interes.
Mariin naming ipinapanawagan:
• Itigil agad ng Estados Unidos ang digma ng agresyon laban sa Iran at bumalik sa tunay na diplomasya at negosasyon.
• Kumilos ang mga pamahalaan sa buong mundo upang pigilan ang karagdagang eskalasyon at igiit ang kapayapaan batay sa paggalang sa pambansang soberanya, mapayapang resolusyon ng mga tunggalian, at batayang karapatan ng lahat ng mamamayan.
• Igiit ng administrasyong Marcos Jr. ang tunay na independiyenteng patakarang panlabas, sa halip na isuko ang interes ng Pilipinas sa estratehikong layunin militar ng U.S. Ang lumalawak na presensiya at aktibidad ng U.S. sa Pilipinas ay banta sa soberanya, sumisira sa kapayapaan sa rehiyon, at inilalantad ang sambayanang Pilipino sa panganib ng tumitinding tunggalian ng mga malalaking kapangyarihan.
𝗔𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗴𝗺𝗮𝘁𝗮𝗴𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗸𝗮𝗽𝗮𝘆𝗮𝗽𝗮𝗮𝗻 𝗮𝘆 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗺𝗮𝗸𝗮𝗸𝗮𝗺𝘁𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗯𝗼𝗺𝗯𝗮, 𝗽𝗮𝗿𝘂𝘀𝗮, 𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗻𝗮𝗻𝗮𝗸𝗼𝘁 𝗺𝗶𝗹𝗶𝘁𝗮𝗿, 𝗸𝘂𝗻𝗱𝗶 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗵𝘂𝘀𝘁𝗶𝘀𝘆𝗮, 𝗽𝗮𝗴𝗴𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴, 𝗮𝘁 𝘀𝗮𝗿𝗶𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘀𝘆𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝘆𝗮𝗻.
#AntiImperialism
#PartidoLakasNgMasa
July 16, 2026
