Pahayag ng Partido Lakas ng Masa (PLM) sa Pag-apruba ng HB 8389

IPINASA ng Kamara ang House Bill No. 8389, o panukalang Anti-Political Dynasty Act, kahapon, June 3, bago mag-recess ang Kapulungan.

Ang panukala ay pagsalubong sa lumalawak na rejection ng mamamayan sa political dynasty. Sa Pulse Asia survey (February 27-March 2, 2026), ang gusto ng dynasty ban ay 71% sa Luzon, 81% sa Visayas, at 53% sa Mindanao.

Ipinasa ito sa botong 267 in favor, 20 against, at 7 abstention. Malaki ang kanilang bilang dahil ang House of Representatives ay House of Dynasty na. Kontrolado ito ng higit 80% na myembro ng dinastiya sa iba’t ibang panig ng kapuluan.

Dahil nakalusot na sa Kamara ang HB 8389, ipapasa ito sa Senado para magkaroon ng consolidated na batas.

Pambubudol ang HB 8389

Pambubudol sa masa ang pekeng anti-dynasty bill. Walang itong binago, kaya mananatilipa rin ang dinastiya.

Sabi nga ni Representative Chel Diokno: Sa HB 8389, pwede pa ring galing sa isang pamilya ang magkakasabay na uupo bilang presidente, senador, congressman, governor, at mayor. Pwede rin ang pasa-pasahan sa pamilya matapos ang term of office ng isang opisyales na galing a kanila.

Hanggang 2nd degree

Ginagamit ng HB 8389 ang napakakipot na depinisyon ng political dynasty: hanggang 2nd degree of consanguinity and affinity lamang. Ibig sabihin, mga mag-asawa, magulang nila, anak, apo, at kapatid.

Bakit ayaw saklawin ang mga pamangkin at pinsan na tatak na ng rigodon ng dinastiya ngayon?

Sa HB 8389, pwede ding patakbuhin ng isang pamilya ang mga kamag-anak sa karatig na mga distrito, probinsya, syudad at munisipalidad, o iba pang posisyon sa pambansa at lokal na antas.

Maaari pa rin silang tumakbo party-list na ginagamit na ngayon ng dinastiya at mga kontratista sa corrupt na proyekto.

Social cancer

Ang political dynasty ay social cancer. Inuuk-ok nito ang kaibuturan ng lipunan. Binubulok ang gobyerno mula itaas hanggang ibaba.

At binubulok din ang masa sa ilalim ng vote-buying, patronage system, at paggamit sa kanila tuwing halalan at panapanahon.

Korapsyon at impunity

Ginawa nilang negosyo ang gobyerno. Sila ang ugat ng korapsyon sa lipunan. Hawak nila o sila mismo ang mga kontratista na tumitiba sa mga proyekto ng gobyerno.

Halos pag-aari na nila ang gobyerno dahil kaya nilang ipamana ang kapangyarihan sa susunod nilang mga henerasyon. Dahil dito, nagaganap ang impunity sa pagdarambong ng pera ng bayan, sa pang-aabuso, at kapit-tukong paghawak sa kapangyarihan.

Panawagan ng PLM

Dahil dito, nananawagan ang PLM ng isang tunay na Anti-Political Dynasty Law na:

  • Sasaklaw sa mga kamag-anak hanggang 4th degree of consanguinity and affinity (mga pamangkin at pinsang-buo).
  • Magbabawal sa sabay-sabay at sunud-sunod na paghawak ng mga halal na posisyon galing sa iisang potical dynasty (dapat isa lang);
  • Cooling-off period sa katumbas na bilang ng termino bago muling tumakbo ang isang opisyal at mga kamag-anak nito sa katapusan ng kanilang termino;
  • Pipigil sa paggamit ng mga party-list organization at iba pang mekanismo para lusutan ang dinastikong paghahari;
  • Sasaklaw sa lahat ng antas ng gobyerno, mula pambansa hanggang barangay.

Ang laban ay labas din sa Kongreso

Hindi kami umaasa na magkaroon ng matinong anti-dynasty bill na maiku-consolidate sa Senado. Dahil 83% nito ay dinastiya (8 magkakapatid, bukod pa kina Imee Marcos, Marcoleta, Villanueva, Legarda, at Escudero).

Kaya hindi lang sa Kongreso ang laban kontra sa mga dinastiya. Malawak na laban laban ito sa paghahari ng mga elite at oligarkiya, laban sa korapsyon, patronage politics, kahirapan, at pang-aabuso at pagsasamantala sa lipunan.

Ang political dynasty mismo ay produkto ng sistemang pampulitika na pinaghaharian ng mga panginoong maylupa, oligarko, trapo, at mayayamang pamilya na itinuturing ang public serve bilang private property.

Dapat ipagpatuloy ng masa ang pakikibaka para sa demokratikong reporma, at para sa sistemang panlipunan at pampulitika na magbibigay ng kapangyarihan sa masa, at magtatayo ng isang walang pagsasamantala at pang-aapi.

Wakasan ang political dynasty!
Gobyerno ng masa, hindi ng trapo at dinastiya!

June 4, 2026

Leave a comment