Ang Kapitalistang Pandemya at Sosyalistang Solusyon*

[*Halaw sa presentasyon ni Ka Sonny Melencio sa Webinar na The Capitalist Pandemic and Socialist Solution, noong May 16, 2020.]

ANG PANGUNAHING ideya para sa presentasyong ito ay nagmula sa pagkakabasa ko ng isang artikulo na isinulat ni Simon Hannah, na pinamagatang “Coronavirus has given us two visions of the future,” nalathala sa Mutiny, isang online na dyaryo ng isang grupo ng mga sosyalista sa UK. Ang Mutiny ay isang napapanahon na babasahin, maaaring i-Google na lamang ito.

Ang mga puntong nais kong idiin sa presentasyon:

Una, ang kapitalismo ang pangunahing problema na nagdudulot ng walang tigil na mga krisis at pandemya sa lipunan ngayon. Dahil sa hangarin ng kapitalismo na tumubo nang limpak-limpak at mag-akumula ng malaking kapital, sa likas na pandarambong at kasakiman, nahahandang  durugin ng kapitalismo ang sangkatauhan at ang ating buong planeta – kung hindi tayo kikilos para baguhin ang direksyon ng lipunan sa buong mundo. Maililinaw pa ito ng mga tagapagsalita sa Webinar na ito.

Ikalawa, na mayroong dalawang alternatibong sitwasyon na iniluwal ang coronavirus crisis:

Barbarismo

Ipinamalas ng pandemya ang dystopian na hinaharap, isang lipunan na ang mga tao ay inagawan ng dignidad sa pagkatao at namumuhay sa gitna ng gutom at pangamba. Ganito rin ang sinabi ni Rosa Luxemburg noon sa kahihinatnan ng kapitalismo – ang pagkahulog ng lipunan sa kuko ng  barbarismo. Dumarami ang mga lantarang otokratikong lider sa gobyerno – gaya ng sa US, Brazil, Italy, at Pilipinas – na sinusuhayan ng mga grupong maka-Kanan. Sa gitna ng pandemya, nakakaakit pa sila ng suporta mula sa panggitnang uri at kahit ordinaryong mga tao.

Pumapalakpak ang huli sa kanilang mapaniil na paraan ng pagsugpo sa pandemya. Ikinasisiya pa nila ang total lockdown na may anyo ng military hamletting, at nananawagan sa deployment ng mas maraming hukbo at pulisya para kontrolin ang mga tao. Sa maraming parte ng mundo, may nabubuo at gumagapang ang mga pasistang kilusan na ginagamit ang takot ng mamamayan sa pandemya ng corona virus.

(Sa US, ginagamit naman ni Donald Trump ang mga neo-Nazis para suwayin ang mga protocol sa paglaban sa pandemya, gaya ng paggamit ng facemask sa paglabas ng bahay at physical distancing. Isinusulong lamang ni Trump ang naisin ng mga kapitalistang gaya niya na bumalik na sa “normal” na buhay ng kapitalismo kahit humihirit pa sa US ang pandemya.)

Sa Pilipinas, pinakawalan ni Duterte ang bangis-militar, sa pamamagitan ng mga tapat niyang heneral sa pulisya at militar, habang sinusuhulan ang Kongreso, Korte Suprema, at mga lokal na gobyerno para sumunod sa kanyang naisin. Binubusalan naman ang bawat kritiko sa midya, mula sa anyo ng pagpapasara sa mga istasyon ng ABS-CBN at pagdakip sa mga tumutuligsa sa kanyang paghahari sa social media.

Pangangailangan ng bagong kaayusan

Sa kabilang banda, namamalas din sa gitna ng pandemya ang pagkakapatiran o solidaridad ng mamamayan, na nagtayo ng nagsasariling organisasyon sa mga komunidad, nagpakilos ng civil society groups at mga concerned na indibidwal para tulungan ang mas naghihikahos na seksyon ng lipunan.

Sa krisis ng coronavirus, kahit na ang kapitalismo ay napilitang mag-adjust. Mula sa “dog eats dog” o “bahala ka sa buhay mo” na tono ng kapitalismo, nagpatibay ang ilang kapitalistang gobyerno ng mga hakbang na hindi na lamang nakatuon sa tubo at akumulasyon ng kapital kundi pamamahagi ng pangunahing pangangailangan ng mga tao sa panahon ng pandemya. Katunayan, may sapat na yaman at mapagkukunan ng pondo upang maibigay sa mga may sakit at mahihina, habang tinitiyak na ang nalalabi sa populasyon ay makaliligtas. Ang yaman, pera at rekursong ito ay dapat ipamahagi para sa pangangailangan ng lahat at hindi dapat inaari lamang ng iilan.

Ang ideya ng SAP (social amelioration fund) ay bahagi nito – ang ideya na bawat isa ay may karapatang makatanggap ng ayuda sa gobyerno nang hindi ibinebenta ang kanilang lakas ng paggawa dahil kailangan nilang mabuhay at mapanatili ang sarili bilang mga tao. Ang ideya ng moratoryum sa upa at at pagpapautang ay bahagi rin nito.

Ang ibang mga bansa ay umarangkada pa sa renationalization o muling pagbawi ng gobyerno sa pribadong pag-aari para sa pampublikong gamit. Halimbawa ang Spain na nag-renationalize ng mga tren at mga eroplano, kaya maaari na itong gumana hindi para pagkakitaan kundi para maghatid ng pangangailangan ng mga tao at dalhin sila sa kanilang patutunguhan.

Inilantad nito ang tipo ng neoliberal na kapitalismo na nagwasak sa mga serbisyong publiko sa pamamagitan ng malawakang privatization. Ngayon nakita ang pangangailangan na gamitin ito sa kapakanan ng mahihirap. Ang karaingan ay mas maraming pampublikong ospital, pampublikong transportasyon, at mga gaya nito.

Kahit ang mga hakbang ng direktang ayuda sa mga tao, tulad ng kakarampot na P8,000 SAP sa Pilipinas o ang $ 1,200 na stimulus check sa US ay pagpapasilip na ng magagawa ng Universal Basic Income. Dahil sa lumalalang unemployment sa mga kapitalistang bansa, nagiging karaingan na ng marami na ang bawat tao ay pagkalooban ng gobyerno ng basic income mabuhay. Sinusuhayan nito ang argumento na ang pagbibigay ng pera sa mga tao ay makakapawi ng gutom at magpapasigla ng lokal na ekonomiya na mag-eempleyo pa sa marami. Ipinakita rin ng pandemya ang krusyal na halaga ng produksyon sa pagkain at iba pang mga pangangailangan ng tao. Sa ilalim ng lockdown, alam natin kung anong tipo ng produksyon ang kailangan at ano ang hindi kailangan – gaya ng produksyon ng baril at armas, industriyang militar at produksyon ng mga luho ng mayayaman. At kung ang produksiyon ay hindi napapamagitan ng kapitalistang merkado, walang matatawag na exchange-value o halaga ng kalakal. Ang kalakal ay nagkakaroon lamang ng direktang gamit-halaga (use-value) na hindi kailangang bilhin ng mga tao. Tanda ito ng isang sosyalistang lipunan kung saan ang mga produkto ay ibinabahagi sa lahat, hindi batay sa presyo nito o pagbili nito ng mga may pera.

Kung umiiral ang sosyalismo, ang diin ng paglikha ng mga kagamitan sa produksyon (imprastruktura, makina, at iba pa), ang tinatawag na Departmento 1 ng kapitalismo ayon sa  Marxistang konsepto – ay maitutuon sa imprastruktura sa produksiyon ng pagkain at lahat ng pangangailangan, kabilang ang produksyon ng mga gamit pangkalusugan at pangangailangang medikal, pagtatayo ng maraming ospital, laboratory, at produksyon ng maraming ventilators o makinang pangsuhay sa pagpapagaling sa mga maysakit.

Kabilang din sa produksyon para sa konsumo (Departamento 2 ng kapitalismo) ang mass media. Tinatawag ito ni Marx na “social goods” – mga produkto na lampas pa sa batayang pangangailangang mabuhay (gaya ng pagkain, damit at tahanan), pero kailangan para sa maiging pamumuhay, gaya ng media, edukasyon, at kultura. Sa panahon ng lockdown, tinitiyak nito nabawat isa ay may access sa impormasyon at digital na komunikasyon at social media.

Ang pagsasara ng ABS-CBN ay dahil sa iringan ng lumang oligarkiya (Lopezes) at paksyon at mga kroni ni Duterte sa hanay ng mga naghaharing uri. Ang nais nating isalba sa panawagan na muling pagbubukas ng mga istasyon nito ay ang trabaho ng mga manggagawa sa industriya. Ngunit kailangan din nating ikintil ang ideya na ang mga manggagawa mismo ay may karapatang ariin (o maging bahagi ng pag-aari nito sa transisyonal na yugto) at magpatakbo nito para tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Kailangan ding ipatupad ang di-malayong pagkakapantay-pantay ng suweldo ng mga manggagawa at ‘artistang’ talento. Ito ang wastong direksyon ng mass media palayo sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

Hindi pa sosyalista

Karamihan sa mga hakbang na nabanggit ay hindi sosyalista dahil nagmumula sa mga kapitalistang gobyerno na naging desperado lamang na magsagawa ng mga hakbang para maibsan ang pagdurusa ng uring manggagawa, kaysa harapin ang isang rebolusyonaryong hamon sa kanilang pamamahala. Napipilitan lang gawin ito ng estado. Sa panahon ng maigting na krisis, isang digmaan man o pandemya, ang estado ay napipilitang humakbang para katawanin kunwri ang kolektibong pagsisikap ng pambansang pamayanan laban sa krisis. Gayunman, kahit ang mga hakbang na ito ay nagbubukas ng mahalagang debate sa lipunan – kung ang papel ng estado ay makialam sa ngalan ng mamamayan, o manatiling ayudante ng mga kapitalista, oligarkiya at elitistang uri sa lipunan.

Gayunman, hindi natin nakikita na bumabaling na ang buong estado mula sa pang-aapi sa masa tungo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng masa. Ang pambansang estado, gaya dito sa Pilipinas, ay gumagamit pa nga ng matinding panunupil sa mga mamamayan sa ngalan ng paglaban sa pandemya. Ang lehislatibo at hudikatura nito ay nagpapatibay lamang ng mga hakbang sa pang-aapi. At ang pulisya at hukbo nito ang siyang pinakakawalan para mandakip, pumaslang, at magkalat ng lagim sa mga komunidad.

Nakakakita pa tayo ng positibong pagsisikap sa ilang mga lokal na yunit ng gobyerno, laluna sa mga barangay, na nakababatid ng kalagayan ng mga tao at sa ngalan ng bayanihan ay alam ng kanilang mga tao at ngayon ay nangunguna sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng komunidad.

Dapat ding kilalanin na ang mga bansa o estado na nagwawagi sa paglaban sa pandemyang ito ay binubuo ng mga sosyalista o oriented sa sosyalismo, gaya ng Cuba, Vietnam na may zero death sa coronavirus, at ang estado ng Kerala, India sa ilalim ng pamamahala ng grupong komunista doon. Mas mahusay silang nakatayo dahil ang sistema ay namuhunan nang malaki sa kapakanan ng lipunan, may tunay na universal health care, at may mataas na antas ng organisasyon ng komunidad para tugunan ang krisis, kung ihahambing sa mga kapitalistang bansa.

Ang sosyalismo, gaya ng alam natin, ay nangangahulugan ng pag-agaw ng mga pamamaraan sa produksyon mula sa mga kamay ng kapitalistang iilan at pagkakaloob nito sa mga produktibong pwersa ng lipunan (ang mga manggagawa mismo) para patakbuhin ito sa kapakinabangan ng lahat.

Makikita mismo sa panahon ng pandemic na ang mga front liners sa produksyon ay hindi ang mga kapitalista, hindi ang mga may-ari ng mga pabrika at ospital at iba pang pamamaraan sa produksyon, kundi ang uring manggagawa na naghahatid ng pangangalaga sa kalusugan at ng mahahalagang kalakal at serbisyo sa mga tao.

Bayanihang sosyalismo

Sa Pilipinas, tinawag natin ang pagkakaisa ng komunidad bilang Bayanihan, at nagaganap ito sa kalagayan ng mga masahol na kalamidad gaya ng bagyong Yolanda na pumatay ng libu-libong katao at halos dumurog sa Leyte at maraming panig ng Samar noong Nobyembre 2013.

Ang karaniwang imahe ng Bayanihan ay mga magsasaka na tumutulong sa kapwa magsasaka sa pagtatanim o pag-aani ng palay, o paglipat ng bahay na nipa ng isang miyembro ng komunidad. Ngunit ang orihinal na bayanihan ay mas malawak kaysa dito.

Noong unang panahon, ang bayanihan (o anumang termino na ginamit noon) ay ang komyunal o komunitaryong diwa ng pagkakaisa o pagtutulungan na siyang katangian ng relasyon ng tao sa panahong komunal. Ito ang pamantayan bago ang pyudal na sistema, kung saan ang mga tao ay nahati-hati na sa mga pamilya at angkan sa pyudal na hari-harian. Sa ilalim ng pamamahala ng kolonyalismong Espanya sa bansa, ang bayanihan ay pinalitan ng sistema ng polo, o sapilitang paggawa (isang uri ng pagbubuwis) na ipinagkakaloob sa korona ng Espanya o ng mga prayle.

Sa ilalim ng kapitalismo, ang bayanihan ay pinalitan ng paggawa na binabayaran ng pera, ng kumpetisyon sa hanay ng mga manggagawa at mga miyembro ng komunidad, ng indibidwalismo, ng pagsamba sa kapital at pribadong pag-aari, at sa kalaunan, ng walang-hanggang pagsasapribado ng kung ano pa ang natitirang mga pampublikong ari-arian at serbisyo na dating nakalaan para sa kabutihan ng komunidad.

Alam nating lahat na sa sandaling tumatagal ang kalamidad, ang bayanihan ay ipinatitigil at pinababalik tayong lahat sa kapitalistang operasyon gaya ng dati. Sa pandemya ngayon, tumatagal ang kalamidad ng maraming buwan. Kung saan nananatili ang bayanihan, masusulyapan natin ang isang mundong itinayo hindi sa priyoridad ng tubo at merkado, hindi sa kompetisyon ng bawat isa, kundi sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga tao.

Sa PLM, itinataguyod namin ang bayanihang sosyalismo, ang orihinal na diwa ng bayanihan, at ikinakawing namin ito sa aming paglalarawan ng bagong sosyalismo ng bagong panahon. Ang bayanihang sosyalismo ay maaaring maihanay sa “sosyalismong Bolivarian” sa Venezuela, sa “komunitaryong sosyalismo” sa Bolivia, sa “buen vivir sosyalismo” sa Ecuador, at mga gaya nito. Lahat ito ay pagtatangka na bigyan ng lokal na kulay ang sistemang sosyalista batay sa partikular na kasaysayan at katangian ng mga bansang kinauukulan.

Ang Covid-19 at Spanish Flu pandemics

Kaya paano ang hinaharap pagkatapos ng pananalasa ng Covid-19? Kapag humupa ang coronavirus (sana sa mga darating na buwan), maaaring magkaroon ng pagsabog ng matinding galit ng mga tao, lalo na kung daan-daang libo ang namatay at naranasan ng marami ang kawalang kwenta ng pagtugon ng estado. Ang galit ay maaaring mabuo bilang malalaking mga protesta, at isang pagkondena sa lahat ng kinakatawan ng uring kapitalista at elitista, at ng ng sistemang kanilang pinaiiral.

Noong pagtatapos ng World War I, tatlong taong singkad (mula 1918 hanggang 1920) bago napuksa ang tinatawag na Spanish Flu pandemic. Ang pandemya ay gaya ng coronavirus ngayon, o mas masahol pa, sa bilang ng mga taong pinatay nito. Ito rin ay pandaigdigan, na nakakaapekto sa US, UK, France, Spain at iba pang mga bansa sa Africa at Asya (pangunahing dinala ng mga sundalo na naglalayag noon sa buong mundo). Tatlong taon bago nagkaroon ng tinatawag ngayong bakuna na H1N1 dahil sa matinding kakulangan ng imprastruktura ng kalusugang pampubliko at at mga sentro ng medikal na pananaliksik sa mga nakahahawang sakit.

Para ilagay ito sa konteksto, kinitil ng Spanish Flu ang may 50 hanggang 100 milyong buhay; pinatay ng World War I ang 18 milyong mga tao; at sa World War II naman ay 60 milyon. Kumusta ang coronavirus pandemic ngayon? Nakapanghawa ito ng higit 4 milyong katao at umangkin ng buhay ng halos 300,000 katao. Maaaring sabihin na ang mundo ngayon ay nasa isang mas mahusay na posisyon ngayon para harapin ang krisis sa coronavirus.

 Gayundin, hindi naman tumigil ang pagkilos ng masa para tutulan ang mapaniil na sistema kahit nasa gitna ng pandemya. Noong panahon ng Spanish Flu pandemic, ang welgang masa ay sumambulat sa Britanya sa pangunguna ng manggagawa sa daungan at piyer na nakipaglaban para sa mas mainam na kalagayan sa paggawa at sustentong pangkalusugan. Sa gitna rin ng pandemya naganap ang mga rebolusyon sa Europa at iba pang kontinente ng daigdig.

Paghahanda

Ngunit magkakaroon ng “Bagong Normal” sa mga darating na buwan habang nagpapatuloy ang krisis sa coronavirus. Sa sitwasyong ito, kailangan nating gumamit ng bago at pioneering na mga anyo ng mga pakikibaka. Dahil ito sa malawakang lockdown at pisikal na pagdistansya na ipinatutupad ng mga gobyerno sa iba’t ibang pamamaraan at sa kabilang banda ay ang pagsuporta dito ng mga mediko, mga nasa syensya at ng maraming bilang ng masa. Ngunit kung ang pag-oorganisa ng protesta ay binubuo lamang ng mga chat sa Facebook, hashtags sa Twitter, at online na petisyon, hindi ito magiging kasing-bisa ng aktwal na protestang masa.

Alam natin na bawat mapagpasyang usapin sa pulitika ay pinagpapasyahan ng pwersa ng masa, at ang tanging paraan ay ikonsolida ang ating hanay at magsagawa ng mga nakapaparalisang aksyon na nagpapakilos ng milyun-milyong pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan.

Ngunit tiyak na ang tunggaliang makauri ay aalsa sa hinaharap, sa gitna man o sa paghupa ng krisis. Naaaninag na iyan sa pagsabog ng samu’t saring espontanyong reaksyon ng masa sa matinding pagpapahirap sa kanila sa gitna ng lockdown at kawalan ng suporta ng gobyerno. Sa Chile at ibang bansa sa Latin America, nagsasagawa ng sama-samang aksyon ang masa kahit sa gitna ng pandmenya.

Anu’t anuman, babalik tayo sa adyenda ng mga pakikibakang masa, pagpapakilos ng masa, insureksyon at rebolusyon. At sa sitwasyong ito, ang kabataan ay may malaking papel na dapat gampanan. Hindi lamang dahil ang kabataan ang magmamana ng daigdig, kundi mayroon silang bilang at lakas, kalusugan at tibay, na pangunahan ang pakikibaka para ibagsak ang kapitalismo at itayo ang nababanaagan nating sistema ng sosyalismo. Hindi nito binabawasan ang suporta ng mga nakatatandang aktibista at manggagawa gaya ko at ng marami pang lumaban na noong panahon pa ng batas-militar ni Marcos.

Sinabi ng isang Marxistang rebolusyonaryong lider sa Italy, si Antonio Gramsci, na “The crisis consists precisely in the fact that the old is dying, but the new cannot be born; in this interregnum, a great variety of morbid symptoms appear.” (Ang krisis ay binubuo ng katotohanan na ang lumang kaayusan ay naghihingalo na, subalit ang bago ay hindi pa mailuwal; sa interregnum na ito, marami pang kaso ng nakahahawang sintomas ang iiral.) Ganito rin ang nagaganap sa kasalukuyang pandemya – namamalas natin ang katangian ng bagong sosyalistang sistema subalit hindi pa ito mailuwal sa kanyang lubos na kaganapan dahil nakakubabaw pa ang lumang naghihingalong sistema ng kapitalismo sa daigdig. #

Sonny Melencio is the Chair of the Partido Lakas ng Masa (PLM).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: