A SOCIALIST MANIFESTO FOR A POST-COVID-19 PHILIPPINES

Mayo 2020
The English Language version is available here https://www.facebook.com/notes/laban-ng-masa/a-socialist-manifesto-for-a-post-covid-19-philippines/1136252453402561/
Habang sinusubukang bawasan ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang epekto ng pandemikong COVID-19 sa pamamagitan ng pag-institusyonalisa ng mga hakbanging pangkalusugan at panlipunang amelyorisasyon, nangingibabaw ang pag-aakalang kung huhupa na ang krisis, babalik din ang lahat sa normal at ito’y “business-as-usual” pa rin. Ibig sabihin, babalik tayo sa pang-ekonomya’t pampulitikang pamumuhay na matagal nang umiiral sa lipunang Pilipino, na pinaghaharian ng mga hanap-upang elitistang pang-ekonomya at ng masisibang oligarkiya sa pulitika.
Ang pamamaraan ng panlipunang pormasyong ito ay nagresulta sa malawakang di-pagkakapantay, kahirapan, mardyinalisasyon, at kawalan ng kapangyarihan ng napakalaking mayorya ng mamamayan. Ang liberal kapitalistang rehimen at ang walang patid-uhaw nitong layuning maksimisasyon ng tubo na nakatuntong sa liberalisasyon, pribatisasyon, at deregulasyon, habang isinasaisantabi lang ang proteksyong panlipunan, at binabaluktot ang siyensiyang pangmedikal at pangkalusugan, , ang responsable sa kawalan ng pagtanaw, di maayos na paghahanda, at padalus-dalos na direksyon sa pagharap sa krisis ng COVID-19 sa malaking bahagi.
Ang asal at kawalang ayos ng mga tugon ng mga maimpluwensyang tao sa krisis ay nagpapatunay na walang kaduda-duda na ang dating kaayusan ay di na maibabalik at ang naghaharing uri nito’y di na muling makakapamahala sa dating pamamaraan. Ang kaguluhan, kawalang katiyakan, at takot na resulta ng COVID-19, gaano man ito kalungkot at nakakapagod, ay nagbubuntis ng mga oportunidad at hamon na maisulong at maialok sa publiko ang kakaiba’t bagong paraan ng pag-oorganisa at pamamahala ng lipunan at ang mga salik nitong pampulitika, pang-ekonomya at panlipunan. Sabi nga ng sosyalistang si Albert Einstein, “Hindi natin malulutas ang ating mga problema na gamit ang parehong paraan ng pag-iisip nang malikha natin ang mga problemang ito.”
Pambungad
Ang pandemikong Novel Coronavirus (COVID-19) ay tinatayang hahawa sa 7.22 milyong tao sa buong mundo at papatay ng mga 443,400 katao pagdating ng Hunyo 2020. Sa Pilipinas, tinatayang aabot sa 16,700 na kaso ang magkakasakit at may 1,018 ang mangangamatay. Ito ang ikalawang dambuhalang krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema na naganap sa loob ng lampas lamang nang kaunti sa kasalukuyang dekada. Ang una’y ang pandaigdigang krisis pinansyal ng 2008-2009 na nagdulot ng pagkawala ng trabaho ng daang milyong tao at nagpalubog sa pandaigdigang ekonomya sa resesyon at istagnasyon (di na gumagalaw). Hindi pa ito nalalagpasan ng mundo nang biglang manalasa ang COVID-19.
Inilalarawan ng dalawang krisis na ito ang sinabi ni Marx tungkol sa kapitalismo na ito mismo ang sepulturero ng sarili niyang libingan. Binalangkas ng krisis pinansyal kung paanong ang pagkaganid ng iilang ispekulador ay kayang pabagsakin ang pandaigdigang ekonomya, magtulak ng malawakang pagkawala ng trabaho at maglugmok ng di mabilang na manggagawa sa kahirapan. Sa bahagi naman ng kasalukuyang pandemikong coronavirus, ito’y itinulak ng walang-awang pagsakop at pandarambong ng kapitalistang ekonomya sa likas na tahanan ng mga hayop at halaman, na siyang naipalaganap na simbilis ng internet sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa “pagkakakonekta ng himpapawid” (at paliparan), na sinasabing napakahalaga sa tagumpay ng globalisasyon. Tinambalan pa ito ng kapabayaan sa kapakanang pangkalusugan, ang pag-komersyo at pananalapi ng mga serbisyong pangkalusugan, at pagpapairal ng oryentasyong merkado sa larangan ng edukasyong medikal.
Maliban sa krisis pangkalusugan mula Manila hanggang New York, nagresulta din ito sa paggapang ng pandaigdigang ekonomya dahil halos tumigil din ang operasyon ng pandaigdigang kabit-kabit na suplay ng kalakal na siyang ipinagmamalaki ng mga dambuhalang korporasyon tulad ng Apple, Microsoft, Amazon, Facebook, Toyota, Samsung, Alibaba, at Shell. Kung ang dating krisis pinansyal ay madaling napahupa sa pamamagitan ng pagbaha ng trilyon-trilyong dolyar na “bail out” o pagsalo sa mga bumagsak na mga dambuhalang korporasyon, ang kasalukuyang pandemya’y hindi maibsan gawa ng kakulangan ng ‘health personnel’, ‘face masks’, ‘personal protection equipment’ (PPE), ‘ventilator’, ospital at iba pang pasilidad ng pangangalaga. Lumalabas na ang mga pangangailangang ito’y matagal nang binalewala, ipinagkibit-balikat at pinaubaya sa walang puso’t walang awang mga batas ng merkado na ang prayoridad ay nakatuon sa ibang bagay.
Sa artikulo ng Monthly Review noong Marso 27, 2020, iginiit ng pangkat pananaliksik pang-agham nina Wallace, Chaves at Liebman na “ang kabiguang paghandaan at tugunan agad ang pananalasa… sa katunayan ay nakaprograma na ilang dekada na ang lumipas dahil sa pare-parehong kalagayan ng pampublikong kalusugan na sabay-sabay na pinabayaan at pinagkaperahan.” Inihibik pa nila kung paano “pinahintulutan ng kasakukuyang pampulitikang istraktura ang mga multinasyunal na empresang agrikultural na isapribado ang tubo habang inilalabas ang gastusin” at pinapabalikat sa publiko sa konteksto ng ‘pandemikong impeksyon’ at kung kaya dapat lamang na maisabatas na muling ipaako sa mga empresang ito ang mga naturang gastusin, kung talagang ang mga pandemyang pumapatay sa masa ay iiwasan sa hinaharap.”
Itinuring ng mga pamahalaan ang kanilang pagsisikap na labanan ang COVID-19 bilang “giyera” sa literal na salita — sa Pilipinas ito ay pinangungunahan ng mga opisyales ng militar at pulis na tinaguriang “frontliners”. Retorikang tanong nga ni Arundhati Roy, “Kung hindi masks at guwantes ang kakailanganin ng mga sundalo sa frontline, kundi mga baril, smart bombs, bunker busters, submarino, mga fighter jets at bombang nukleyar, magkakaroon kaya ng kakulangan?”
Matagal nang kinalembang ang batingaw-babala hinggil sa kawalan ng paghahanda at di kasapatan ng umiiral na sistemang pangkalusugan. Sa dulo ng taon 2019, kung saan tinasa sa Global Health Security Index ang kakayahan sa seguridad pangkalusugan ng 195 bansa, sinabi na “sa pangkalahatan, nananatiling mahina ang pandaigdigang kahandaan sa mga epidemya at pandemya” at “walang bansang lubusang preparado” para sa isang mayor na krisis pangkalusugan. Para sa Pilipinas, sinabi sa Ulat 2018 ng WHO ng UN na sa kabila ng mga nakamit sa mga nagdaang taon, nananatili ang maraming usapin tulad ng “rehiyonal at sosyo-ekonomikong di pagkakapantay-pantay” na nagiging balakid sa “pagkakaroon at kakayahang ma-akses ang mga rekurso, ang di angkop na pagpapalaganap ng mga impraspaktura, kakulangan ng mga propesyunal pangkalusugan, at kawalan ng “epektibong mekanismo upang masubaybayan ang pribado at para sa tubo na mga nag-aalok ng mga serbisyong pangkalusugan, kakulangan ng kaalamang pambubliko hinggil sa mga benepisyong dapat matanggap sa public health insurance, kakulangan ng epektibong mekasnismo sa pagsubaybay sa akreditasyon ng mga pasilidad, pagkontrol ng mga gastusin at pagsasaayos ng kalidad ng serbisyo.”
Sa Global Health Security Index, pang-53 ang Pilipinas at mas mababa kaysa sa mga kapitbahay niyang bansa sa ASEAN tulad ng Vietnam, Indonesia, Singapore, Malaysia, at Thailand.
Pagkaway ng Oportunidad
Isang oportunidad upang likhain ang isang alternatibong pamamaraan ng pag-oorganisa ng lipunan at ekonomya ang lumitaw kasunod ng 2008-2009 na pandaigdigang krisis pinansyal. Gayunman, nasayang ang oportunidad na iyon dahil na rin sa patuloy na pulitikal na pamamayagpag ng uring kapitalista, pati na rin ang kahinaan ng progresibong kilusan. Ito ang paliwanag kung bakit ang epekto ng krisis ng coronavirus ay mas lalong matindi kaysa pandaigdigang krisis pinansyal. Ang panibagong oportunidad na ito na binuksan ng kasalukuyang krisis ay isang oportunidad na di dapat sayangin ng sangkatauhan.
Kinikilala ng mga propeta ng kapital na ang panahon matapos ang COVID-19 ay kakaiba at ‘magbabago ng laro’ sa mga bagay-bagay.. Tinukoy ng pahayagang The Economist na paparating ang bagong set ng “mga radikal na polisiyang pang-ekonomya,” na ibig sabihin, mas malaking interbensyon ng gobyerno at pagsigla ng gastusin (stimulus spending) bilang porsyento ng GDP upang mapigilan ang pagkabangkarote ng mga korporasyon at pagpapatalsik at pagtatanggal ng mga manggagawa, kaluwagan sa pagbabayad ng utang ng mga pamilya’t indibidwal, upa, at bayad sa utilidad at pati na “mas mabigat na buwis mula sa kita at kayamanan ng mga mayayaman.” Gayunman, ang buong layon ng nakikitang animo’y pag-urong mula sa apatnapung taon ng pagiral ng mga polisiyang neoliberal ay ang patatagin ang kapitalistang estado at tiyakin ang patuloy na dominasyon ng mga malalaking korporasyon at mga monopolyo. Sa mga salita ng presidente ng Amerika: “Ang pakikialam ng gobyerno ay hindi pananakop ng gobyerno. Ang layunin nito ay hindi ang pahinain ang malayang kalakalan kundi ipreserba ang malayang kalakalan.“ Sa ganitong pagtingin, ang mga pandaigdigang pinansyal na institusyon tulad ng World Bank, Asian Development Bank, Asian Infrastructure and Investment Bank, at International Monetary Fund, ay naglalaan ng daan-daang bilyong dolyar na pautang sa mga matitinding nasalanta sa mga papaunlad na bansa, upang palaguin pa ang kapitalistang sistema at ilubog ang mga tinulungang ekonomya sa lalo pang matinding pagkakautang. Sa madaling salita, walang anumang radikal sa pagtangan ng mas malaking control ng ekonomiya ng isang estadong palakaibigan sa kapital upang protektahan ang mga alyado nito at mga padron sa corporate na mundo.
Tunay na esensyal at krusyal na tumulong sa pagtugon sa agaran at kritikal na pangangailangan ng mga matinding naapektuhan ng pandemikong krisis sa usapin ng kanilang kalusugan at batayang pangangailangan. Kumikilos sa iba’t ibang paraan ang mga popular na organisasyon, mga grupong sosyedad sibil, at mga indibidwal (lalo na yaong mga propesyunal sa pangangalagang pangkalusugan) upang makatulong sa pag-aresto ng pandemya. Subalit dapat ding pagnilayan ng mga progresibo’t sosyalistang grupo ang hinaharap matapos ang panahon ng COVID-19, ang itsura nito, at pagnilayan din ang naiibang lipunan at kulturang lilikha ng mga kondisyong mapipigilan ang muling pagsulpot ng pandemya, habang itinatayo ang matatag na pundasyon ng isang tunay na partisipatibo, demokratiko, makakalikasang Pilipinas na may pantay na pagtingin sa gender at may panlipunang hustisya. Ang mas mahalaga at krusyal ay ang paglipat ng kapangyarihang pang-ekonomya’t pampulitika sa kamay ng uring manggagawa na ang interes ay kumakatawan sa kinabukasan ng sangkatauhan. Tanging sa pagsasagawa ng mga ito matapos ang pandemya makakamit ng daigdig ang tunay at radikal na paglisan sa dating kaayusan.
Salungat sa sinasabi ng mga bungangerang intelektwal ng kapital at ng oligarkiyang estado, ang mga batayang salik ng isang alternatibang paraan ng pag-oorganisa ng ating pang-ekonomya’t panlipunang pamumuhay ay naririto na sa ating lipunan, dahil na rin sa malikhaing pag-iisip ng mga sosyalista, makakalikasan at peministang ekonomista, at aktibista. Taliwas sa sinasabing ang mga ito’y “impraktikal” at “utopian”, ang mga prinsipyong ito’y maisasalin sa estratehiya, na sa totoo lang, ay maaaring maging mas epektibo sa pagbibigay ng resultang mas may silbi sa mas malawak na mamamayan at sa pangangailangan mismo ng planeta. Dagdag pa, sa antas-komunidad at masa at sa mga organisadong kilalang sektor na may sariling galaw hiwalay sa estado at merkado, maraming alternatibong pagsasapraktika na matagumpay na humahamon sa mga neoliberal na pagpapalagay at inilalatag ng nasa ayos ang mga salik ng isang bago at naiibang kaayusang panlipunan.
Ang mga prinsipyong ito ng pag-oorganisa ng pang-ekonomya’t panlipunang pamumuhay at ang mga praktika ay dapat mapatagos sa loob ng isang mas malaking konteksto ng isang mas malawak, mas komprehensibong pagbabago na inuuna ang kahalagahan kaysa interes, kooperasyon kaysa kumpetisyon, pangkalahatang kabutihan kaysa indibidwal na tubo, at komunidad kaysa pagka-episyente ng burukrasya. Kabaligtaran sa kapitalismo, ang ekonomya imbes na ang pinatatakbo ang lipunan, ay pumapailalim lamang sa kahalagahan ng pagkakapantay, katarungan, pamayanan, at ng paglawak ng demokratikong espasyo. Sa madaling salita, tunay na sosyalistang pamumuhay.
Mga Prinsipyo at Estratehiya
Pinaghahalawan ng Laban ng Masa ang mga mayayamang ideyang ito sa paglalarawan at pagninilay ng bisyon nito para sa isang Bagong Kaayusang Panlipunan at Pang-ekonomya at hinahalaw din ang mga prinsipyo at estratehiyang nakapaloob sa bisyon. Isinulat sa anyong manipesto, tumutugon ang bisyon na ito sa tinatawag ni Jomo Sundaram na “krisis ng sangkatauhan” na “naglantad ng mga balikong linya ng pagtitiwalaan ng mga tao… pagsampalataya sa marami nating haka-haka tungkol sa buhay, paniniwala… at sa mismong karunungan.”
Radikal na pagreistruktura ng sektor ng kalusugan at agham medikal
1.1 Isabansa, itatag at unahin ang iba’t ibang pamamaraan at antas ng pampublikong kontrol sa serbisyong pangkalusugan at industriya ng parmasyutiko.
1.2 Maglaan ng libreng pangangalaga ng kalusugan para sa lahat.
1.3 Tiyakin ang ligtas na pagbubuntis at panganganak at ang pagkakaroon/madaling kamting pangangalaga sa pagpaplano ng pamilya
1.4 Wakasan ang karahasang batay sa kasarian
1.5 Bigyang-diin ang batayang pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad. Matuto mula sa tradisyunal na sistema ng pangangalaga ng kalusugan at paunlarin pa ito.
1.6 Tiyaking ang kalusugan ng mamamayan ang pangunahing magbebenepisyo sa pagsulong ng pananaliksik pangkalusugan at programang bioteknolohiya.
1.7 Mas bigyang atensyon ang mga natukoy na panlipunan at pangkalikasang aspeto ng kalusugan sa pagpaplano ng pagsulong dahil nagsisilbi ito sa 80% ng kapakanan ng tao.
1.8 Muling idirekta ang pagsulong ng imprastruktura tungo sa pagtatayo ng mas maraming batayang klinika at ospital, lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa.
1.9 Isulong ang mga naaangkop na programang pangkaisipan upang makayanan ang masamang pakiramdam sa modernong lipunan.
Tumutok sa iba pang mga programa sa proteksyong panlipunan at pampublikong serbisyo
2.1 Tiyakin ang pangkalahatang probisyon sa edukasyon, pabahay, tubig, kuryente, at sistema ng transportasyong pangmasa.
2.2 Pasimulan ang libreng edukasyon para sa lahat patungo sa antas unibersidad at gradwado.
2.3 Dapat mabago ang mga sistema ng kuryente at transportasyon tungo sa mga desentralisadong sistema batay sa mga likasyamang renewable o bumabalik sa dati.
2.4 Tiyakin ang disenteng pabahay para sa mahihirap at walang tahanan sa populasyon. Muling idisenyo ang mga proyekto sa pabahay ng gobyerno upang gawing mas maluwang, komportable at may sapat na karaniwang pampublikong espasyo. Paunlarin pa ang mga wasak na komunidad ng lunsod.
2.5 Muling linawin at ilaan ang badyet ng pamahalaan na ilayo sa mga programang nakabatay sa pang-ekonomiyang paglago, mga dambuhalang proyekto sa imprastraktura, at ang militar / pulisya patungo sa panlipunang proteksyon, na may agarang at higit na diin sa mga pangangailangan sa kalusugan at iba pang alalahanin.
Distrungkahin at ayusin ang sistema ng edukasyon upang maging totoong nakabatay sa karapatan at maging inklusibo, kung saan lahat ay nakikinabang mula sa kalidad ng pag-aaral at naglalayong hindi maging gulong o ipakain lamang ang mga sarili sa produksiyon ng ekonomiya, kundi upang patuloy na mabago at gawing mas makabuluhan ang buhay ng mga tao sa pamamagitan ng panghabambuhay na pag-aaral.
3.1 Tiyaking may mga pagpipiliang angkop na pamamaraan ng pag-aaral na pantay na pinahahalagahan at kinikilala, sa pamamagitan man ng pormal o di-pormal na edukasyon, at tiyakin na ang mga tutunguhing karera ng mga guro para sa parehong paraan ng pagkatuto ay pantay na nagagantimpalaan.
3.2 Magkaloob ng maraming puwang at oras para sa pag-aaliw, libangan, at mga aktibidad na nakatuon sa pamilya, dahil dito nangyayari ang mga sosyalisasyon at impormal na pagkakatuto.
3.3 Muling pangibabawin ang mga sentrong kahalagahan ng sistemang malayo sa nakasasakal na kumpetisyon at makasariling indibidwalismo tungo sa kooperasyon, pagkakaisa, at mga komunitaryong ideya at kasanayan.
3.4 Tanggalin ang patriarkiya at pagkapoot sa mga babae upang ang kahalagagan ng pagkakapantay-pantay ng kasarian ay maaaring maikalat sa lahat ng antas ng lipunan.
3.5 Magpatupad ng komprehensibong edukasyon hinggil sa sekswalidad sa sistema ng paaralan.
3.6 Ibalik ang konsepto ng edukasyon bilang panlipunang aktibidad na kasiya-siya, ngunit kaalinsabay nito ay ang paghubog ng mga mag-aaral natin sa kultura ng pagkakaisa at pakikibaka.
3.7 Paunlarin ang sining, pagkatao, at panitikan tungo sa isang kulturang mas makatao, at hamunin ang konsepto ng World Bank ng Human Capital Index na kasalukuyang nagdidikta sa agenda ng pambansang edukasyon.
3.8 Bigyan ng libreng akses ang lahat sa internet bilang bahagi ng kolektibong pag-aaring sosyal (social commons) sa edukasyon.
3.9 Iangkop ang siyentipiko at teknolohikal na edukasyon, agham panlipunan at pananaliksik upang magsilbi sa mga prayoridad at mga pangangailangan ng mamamayan, pati na mga rekisito para sa bagong modelo ng pag-unlad.
Itakwil ang modelo ng pag-unlad na nakapako sa merkado at sa paglago ng ekonomiya.
4.1 Saliksikin at paunlarin ang mga bagong indikasyon ng pag-unlad na direktang sumasalamin sa buhay at aspirasyon ng mamamayan. Iwaksi ang mga indikasyon ng purong paglago ng ekonomiya tulad ng GNI, GDP, pigura ng eksport, at pamumuhunan.
4.2 Tumutok sa mahahalagang pag-unlad ng tao at kagalingan ng mamamayan, na binibigyang diin ang pag-unlad ng kalidad ng buhay ng lahat.
4.3 Tanggalin ang mga espesyal na sonang pang-ekonomiya (SEZ) lalo’t binabaluktot nila ang maayos na pambansang pag-unlad ng ipinagkakait sa bansa ang mga kinakailangang pampublikong rebenyu.
Paunlarin at suportahan ang maka-ekolohiyang polisiya, programa at teknolohiya sa agrikultura at industriya
5.1 Dapat mapanatili ang malusog na balanse sa pagitan ng populasyon ng lipunan at ekolohiya.
5.2 Sa agrikultura, igiit ang mga prinsipyo at praktika sa soberanya ng pagkain.
5.3 Isubsidyo ang mga magsasaka sa anyo ng tuwirang gawad at pauntang; mabawi ang karapatang magtanim at makabuo ng tuloy-tuloy na pagtatanim ng mga pagkaing kailangan ng bansa.
5.4 Dapat muling organisahin ang mga industriya at muling maidirekta upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan sa pagkain, probisyon sa kalusugan, edukasyon, pabahay, atbp.
Ang prinsipyo ng subsidyaridad ay dapat maukit sa buhay pang-ekonomiya sa pamamagitan ng paghikayat sa paggawa ng mga kalakal kapwa sa antas ng pamayanan at sa pambansang antas.
6.1 Suportahan ang mga sakahang pampamilya at mga maliliit na empresa sa kanayunan bilang gulugod sa pag-unlad ng agrikultura. Hikayatin at suportahan ang paggawa ng pagkain sa antas ng komunidad.
6.2 Kumpletuhin ang muling pamamahagi ng mga lupang agrikultural sa pamamagitan ng isang radikal na programa ng repormang agraryo na nag-aalis ng lahat ng mga eksempsyon at pasakan ang mga nakikita pang butas.
6.3 Suportahan ang pananaliksik at teknolohiya ng mga organiko at makakalikasang pagsasaka.
6.4 Magbigay ng direktang akses sa pagitan ng mga prodyuser at konsumador; tanggalin ang papel ng mga panggitnang negosyante. º6.5 Buwagin ang lahat ng monopolyo at kartel sa negosyo.
Gumawa pangunahin para sa mga domestikong pangangailangan kaysa sa pandaigdigang merkado.
7.1 Unahin ang produksiyon para sa panlipunan at makakalikasang layunin.
7.2 Ang mga patakarang pang-industriya at pangangalakal ay dapat gumamit ng mga subsidyo, kwota, taripa, at kalakalan upang mapasigla at mapalakas ang sektor ng manupaktura.
7.3 Protektahan ang lokal na ekonomiya mula sa pangwawasak dahil sa mababang presyo ng mga pangangailangang suportado ng mga korporasyon.
Imaksimisa ang ekwidad o pagkamakatao upang mabawasan ang kawalan ng istabilidad sa panlipunan, pang-ekonomiya at pangkapaligiran.
8.1 Magpatupad ng buwis sa kayamanan upang matugunan ang mga di pagkakapantay-pantay sa lipunan at kita.
8.2 Magtatag ng isang programa para sa unibersal na pangunahing kita para sa mga pinakabulnerableng sektor.
8.3 Maglaan ng pasahod at benepisyo para sa lahat ng manggagawa at empleyado sa kapwa pampubliko at pribadong sektor na nakakatugon sa mahahalaga at kinakailangang rekisitos para sa isang marangal at napapanatiling kalidad ng buhay.
Protektahan at ipreserba ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagwawakas sa pagsasamantala nang dahil sa tubo.
9.1 Puntiryahin ang pagmimina, pagtotroso, mga plantasyon ng negosyong agrikultural, paggamit ng fossil fuel at nakakalasong kemikal, atbp.
9.2 Magkaroon ng maksimum na paggamit ng enerhiyang nagpapanumbalik (renewable energy) sa produksyon, distribusyon, at paggamit sa tahanan at komunidad.
Radikal na baguhin ang sistemang pinansyal mula sa pagiging sugalan ng mga ispekulatibo at gawaing hanap-upa tungo sa isang sistemang nagbibigay daan sa progresibong pamumuhunan sa pang-industriya’t agrikultural na pag-unlad upang matugunan ang pangangailangan ng higit na nakararami. Isabansa ang mga bangko, puksain ang tilad-tilad na pagbabangko ng reserba, reserve banking, at wakasan ang kapangyarihan ng mga bangkong lumikha ng pera.
10.1 Palawakin pa ang mga pautang batay sa mga pangangailangan ng mamamayan kumpara sa kakayahan nilang magbayad.
10.2 Tanggalin ang mga ipinagbabawal na daloy ng pananalapi at ipinagbawal ang paglipat ng pondo sa mga taguan ng buwis.
10.3 Wakasan ang bakasyon sa pagbubuwis at iba pang anyo ng subsidyo para sa malalaking alalahanin sa negosyo.
Bigyang-diin ang pagmamay-ari ng publiko sa mga pang-ekonomiya at pampublikong interes ng negosyo kaysa mga pribadong monopolyo. Baligtarin ang mga patakaran at proseso ng pribatisasyon.
11.1 Bumuo ng mga empresang pang-industriya at kooperatibang inaari ng estado, kabilang ang mga kooperatibang nakabatay sa kabukirang pag-aari ng pamilya.
11.2 Tanggalin ang pribadong pag-aari ng mga likasyaman at ng lupang lampas sa laki ng tahanan at sakahang pampamilya.
11.3 Patatagin ang pagkontrol ng mga manggagawa sa pamamagitan ng direktang pagmamay-ari at pamamahala ng mga empresa.
11.4 Alinsunod sa halo-halo at magkakaibang modelo ng ekonomiya, ang mga katutubong pribadong negosyo ay dapat mahikayat, at hindi kasama rito ang mga transnasyunal na korporasyon.
11.5 Ang pampublikong pag-aari ay dapat mapalawak sa mga empresang pangmidya sa pamamagitan ng paglilipat ng malaking bahagi ng mga stock sa kanilang mga manggagawa at empleyado na sa kalaunan ay tatanganan ang kontrol at pamamahala ngunit hindi nakikialam sa prinsipyo ng kalayaan ng patnugutan.
Pangasiwaan ng rasyonal ang pambansang pagkakautang upang matupad at unahin ang mga panlipunan at pangmamamayang layunin ng pag-unlad kaysa muling pagbabayad ng utang.
12.1 Kanselahin at/o suspindihin ang pagbabayad ng utang (ang prinsipal, ang interes, at ang bayarin) sa loob ng limang taon.
12.2 Pawiin ang awtomatikong batas sa apropriyasyon ng utang.
12.3 Malayang repasuhin at i-awdit ang lahat ng umiiral na mga utang upang matukoy ang hindi lehitimo, mabigat at hindi tuluy-tuloy na mga transaksyon sa utang.
12.4 Lahat ng susunod pang ayuda ng dayuhan ay dapat nasa anyo ng hindi nakataling bigay o grant, at hindi pautang.
12.5 Lahat ng pampublikong utang (kasama ang opisyal na ayudang pangkaunlaran) ay dapat tumalima sa mga pamantayan batay sa mga epektong panlipunan at pangkapaligiran, pantay na pamamahagi, popular na mekanismo ng konsultasyon, partisipatibong pagdedesisyon, pagsubaybay, at mga proseso bago at matapos ang awdit.
12.6 Tanggalin ang praktis o kinagawiang pagbibigay ng soberanong garantiya sa mga pribadong utang.
Dapat palawakin pa ang istratehikong pang-ekonomiya at pampulitikang pagpapasya upang ang lahat ng mga katanungan ay sumailalim sa mga demokratikong desisyon at pagpili. Ang pagdedesisyon ay hindi dapat iniiwan sa merkado o sa mga teknokrata.
13.1 Suportahan at palakasin ang awtonomong sosyedad sibil, sikat, at sektoral na mga organisasyon bilang daluyan para sa partisipasyong mula baba-pataas at paggawa ng desisyon ng masa sa ibaba.
13.2 Dapat magamit ang lente ng kasarian sa lahat ng lugar ng pagpapasya upang matiyak ang pagkakapantay sa usaping kasarian.
13.3 Tiyaking ang mataas na edukasyong nakamit ng mga batang babae ay maisalin sa pantay na pakikilahok ng mga kababaihan sa pang-ekonomiya at pampulitikang saklaw.
13.4 Gawing deputado ang mga kwalipikado at napapanahong organisasyon ng sosyedad sibil at iba pang grupong pangmasa upang patuloy na subaybayan at suriin ang mga aksyon ng pribadong sektor at estado.
Kilalanin ang karapatang magpasya sa sarili ng lahat ng mga nasyonalidad at katutubong mamamayan.
14.1 Wakasan ang mga patakaran at programang asimilasyunista at integrasyunista.
14.2 Bigyan ng kapangyarihan ang mga katutubong mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang mekanismo ng pag-iral at suporta sa mga patakaran.
14.3 Bigyan ng kapangyarihan at suportahan ang mga katutubong mamamayan upang matukoy ang kanilang sariling landas ng kaunlaran alinsunod sa kanilang sariling pananaw sa daigdig, katutubong istrukturang pampulitika, at sistema ng katarungan.
14.4 Tiyaking walang diskriminasyon o anumang anyo ng karahasan laban sa katutubong kababaihan sa ngalan ng kultura at kaugalian.
Itaguyod ang pandaigdigang pagkakaisa, kooperasyon, at pangkalahatang pag-aari at/o magkasamang pagpapaunlad ng pinagtatalunang likasyaman. Pagtanggal sa matinding patriotismo at pambansang tsawbinismo
15.1 Suportahan ang “globalisasyon-mula-sa-ibaba” sa pamamagitan ng talakupan (network) ng tao-sa-tao at pagpapalitan ng diwa ng pagkakaisa sa ibang tao at sa lipunan.
15.2 Itulak ang pagpapalit ng mga sentralisadong pandaigdigang institusyon tulad ng IMF, World Bank, at WTO kasama ang mga institusyong pangrehiyong itinayo batay sa prinsipyo ng kooperasyon at makinabang lahat, at hindi batay sa malayang kalakalan at galaw ng kapital.
Konklusyon
Inilalatag ng manipestong ito ang ating ideyolohikal at estratehikong perspektiba sa pagtugon sa mga programa at mga isyu ng patakaran at sa pagmomobilisa ng ating mga kahilingan. Karamihan sa mga prinsipyo at estratehiyang nasa itaas ay mas madalas na nababatid sa mga pangkaraniwang sosyalistang sistema ng pag-iisip at praktika. Subalit humihiwalay din sila at pinagnilayan ang mga aral na natutunan mula sa mga sosyalistang rebolusyon at “aktwal na umiiral na sosyalismo” ng ika-20 siglo na nagtangkang isalin ang mga ideyang ito na may iba’t ibang antas ng tagumpay at pagkabigo. Bukod sa mga ito, napili rin sila mula sa mga buhay na karanasan ng mga tao at kanilang mga organisasyon sa maraming mga kontemporaryong lipunan na nakikibaka para sa isang mas mahusay at mas mataas na kalidad ng buhay. Sa gayon, sila ay kabilang sa isang bagong paradigmang sosyalista para sa ika-21 siglo.
Ibinukas ng krisis ng Covid-19 ang isang pambansang diskurso, isang debate tungkol sa kung ano ba ang hinaharap para sa ating bansa at sa buong daigdig. Ang Manipestong ito’y isang panukala sa buong bansa. Ngayon, higit sa kailan man, kakailanganin ng marangal na layuning makasagip ng buhay ang pagkakapantay-pantay sa lipunan, pagbabago ng ekonomiya, pagbabanyuhay ng ating kapaligiran, at karapatang pantao. Ang mga panukalang ito’y di lamang ipinapahayag and mga adhikain at pakikibaka ng uring manggagawa at buong mamamayang nagtatrabaho, na siyang malaking mayorya at pinakamalaking produktibong puwersa ng bansa at ng daigdig, kung saan tayo nabibilang. Hinango rin sila sa mga dekada ng siyentipikong pag-aaral ng maraming mga intelektwal at institusyon, at ang pinakamahusay na kasanayan ng mga lipunan na nakamit ang parehong pagkakapantay-pantay, pagsulong at proteksyon ng kapaligiran. Kami’y handang abutin ang sinuman, kabilang ang mga mula sa itaas na seksyon ng lipunan, alinsunod sa dakilang tradisyon ng bayanihan ng ating mamamayan. Ngunit hindi namin pahihintulutan ang iilang may pribilehiyo na tangayin ang makasaysayang pagkakataong nagbukas upang paglingkuran lang ang kanilang pagkaganid.
Gaya ng pahayag ng dakilang sosyalistang nobelistang si Carlos Bulosan, alam nating mula sa pandemya ay lilitaw ang isang bagong henerasyon ng sangkatauhan, at magpapatuloy ang kasaysayan. Ang dating mundo’y dapat nang mamatay, isang bagong mundo ay dapat mabuhay. Ang pakikibaka upang mabuhay ay nagbibigay inspirasyon sa mga sakripisyo mula sa mga abong kinasusuklaman nating makita. Ang mala-dakilang gawaing pag-aalagang nakabalot sa mapanlinlang na balabal ng baril at bala, ang mga hungkag na pangako at pagpapakita ng kapangyarihan, ang mga datos ng pagkamatay at kontaminasyon ay magpapalakas sa ating panloob na lakas sa isang di matingkalang na katapangang hindi pa nakikita. Kailangang mamatay ang dating mundo upang ang bagong mundo ay mabuhay na may nakamamanghang puwersa para sa mga makakaligtas sa atin.
Panghuli, mula sa salita ni Arundhati Roy na umaapaw sa karunungan at pagninilay, at sinasalamin kung ano ang dapat tanawin ng pag-asa ng lahat:
“Sa kasaysayan, dahil sa mga pandemiya’y napilitan ang mga taong humulagpos sa nakaraan at patakbuhing muli ang kanilang kathang isip tungkol sa kanilang mundo. Hindi naiiba ang isang ito. Ito’y isang lagusan o portal, isang daanan sa pag-itan ng isang mundo at sa kasunod nito. Maaari nating piliing maglakad dito, habang kaladkad ang mga bangkay ng ating pagkiling at pagkapoot, ang ating kasakiman, ang ating lagakan ng mga datos at mga patay na ideya, ang ating mga patay na ilog at mausok na kalangitan sa likuran natin. O kaya’y piliin nating makalakad tayo nang magaan, na kakaunti ang bagahe, handang mag-isip ng iba pang daigdig. At handang ipaglaban ito.”