Joint statement PLM, Sanlakas, AMA, BMB, Piglas-Maralita: Through unity and solidarity we can overcome the COVID-19 crisis
———————————————————
SA PAGKAKAISA AT BAYANIHAN MALALAMPASAN NATIN
ANG PROBLEMANG HATID NG COVID – 19
Patuloy na dumadami ang mga nabibiktima ng Covid – 19 sa kabila nang pagpapatupad ng lockdown at kwarintina sa Kamaynilaan at deklarasyon ng National State of Public Health Emergency sa buong bansa. Sa pinakahuling tala umaabot na sa 124 ang pilipinong nabibiktima ng sakit na Covid – 19 habang 24 na ang namamatay ilang linggo lamang simula nang ideklara ang paglaganap nito sa bansa.
Ang kagyat na tugon ng pamahalaang Duterte sa problema ay suspension ng klase at trabaho sa gobyerno, lockdown, kwarintina, “social distancing” at pagbabawal sa malalaking pagtitipon sa loob ng isang buwan ay upang maiwasan daw ang ibayong paglaganap ng Covid – 19. Isabay pa ang pagpapatupad ng checkpoints at curfew sa mga bayan na may banta ng pag-aresto at pagkulong sa sinumang lalabag sa mga kautusan ng gobyerno ay hindi epektibong paraan upang kontrolin ang Covid – 19.
Hindi tuwirang masama ang kasalukuyang hakbangin ng lockdown, kwarintina at social distancing ngunit hindi ito sapat at epektibo laban sa Covid – 19 kung nananatiling kulang ang mga kagamitan, pasilidad at kawaning pangkalusugan sa mga lockdown at kwarintina sa komunidad. Lalong pang lumalala ang problema dahil sa kawalan din nang organisado at sistematikong paglilinis o disinfection sa mga komunidad. Isama pa ang patuloy na labas – masok ng mga manggagawa sa Kamaynilaan dahil sa ayaw ipag-utos ng gobyerno ang pag-alis ng No Work No Pay policy at kawalan ng sapat na suporta ng DOLE para sa mga manggagawa.
Ang mas malaking usapin ay kung paano makontrol ang paglanap ng Covid – 19 at hindi maapektuhan ang mayorya ng mamamayan laluna ang mga mahihirap at masang manggagawa ng bansa.
Sa ganitong usapin hindi sasapat na hayaang mga kawani lamang ng gobyerno ang tumugon upang makontrol ang paglaganap ng Covid – 19 sa ating mga komunidad. Hindi kakakayanin ng mga kawani lamang ng gobyerno ang mag-asikaso sa mga mamamayan. Hindi tama na iaasa lamang sa gobyerno ang buong responsibilidad kahit na ito ang institusyon sa lipunan na pangunahing nangangalaga sa kapakanan ng sambayanan.
Hindi rin uubra ang simpleng ipag-utos ang paglagi ng mga mamamayan sa kanilang mga kabahayan at simpleng pigilin ang paggala ng mga ito. Ang kailangan ay pro-aktibong pagkontrol ng Covid – 19 sa antas komunidad at mga pagawaan.
Bayanihan o sama – samang pagkilos at pagtutulungan ng mga mamamayan sa komunidad upang labanan ang Covid – 19 hindi simpleng kwarantina at pagpigil sa paggala ang dapat gawin. Bayanihan ng mga mamamayan sa komunidad at manggagawa sa pagawaan ang pinakamabisang panlaban sa Covid – 19.
Sabi ng DOH, ang Covid – 19 ay naililipat sa pamamagitan ng malapitang ugnayan ng mga tao, tumatagal ang virus sa mga binagsakan nito mula 2 oras hanggang isang araw. Kung ganito ang katangian ng virus ng Covid – 19 hindi simple ang pananatili sa bahay upang itoý labanan. Ang kailangan ay malawakang paglilinis sa loob at labas ng mga paninirahan at dito kailangan ang pwersa ng mamamayan upang maging epektibo.
Gamitin natin ang ating mga samahan sa mga komunidad at paggawaan upang buuin ang mga hakbangin upang hindi lamang maiwasan kundi makontrol ang paglaganap ng Covid – 19. Isa na dito ay ang regular at malawakang disinfection ng mga komunidad at tahanan. Ikalawa, maglagay din tayo ng mga common washing areas sa mga bungad ng mga lagusan ng ating mga komunidad para obligahin ang mga mamamayan na maghugas at magdisinfect bago pa pumasok sa ating mga tahanan. I-organisa din natin ang malawakang kampanyang impormasyon upang lubos na maunawaan ng mga mamamayan ang problemang hatid ng Covid – 19. Hanggang sa panawagan ng malawakang testing sa mga nasa komunidad laluna ang mga bata at katandaan na siyang pangunahing kinakapitan ng Covid – 19. Pwede rin tayong magboluntaryo upang maging katuwang at pandagdag na pwersa ng mga kawani sa kalusugan upang matiyak na hindi kumalat ang Covid – 19. Marami tayong pwedeng gawing tulong sa ating komunidad at gobyerno laban sa Covid – 19 hindi kinakailangan simpleng magmukmok sa ating mga tahanan at komunidad.
Ito ang diwa ng BAYANIHAN laban sa COVID – 19. Ang aktibong kumilos para sa ating kapakanan at kagalingan. Hindi natin kailangang maghintay sa ayuda ng gobyerno gamitin natin ang ating pagkakaisa at pagkakabuklod bilang sandata laban sa pananalanta ng Covid – 19 sa ating komunidad at bayan. Gawin natin ang pwedeng gawin nang organisadong mamamayan laban sa Covid – 19 nang sa gayon ay matuon ng gobyerno ang kanilang lakas at panahon sa mga bagay na hindi kaya sa antas ng bayanihan tulad ng sapat na suplay ng tubig, testing kits, abot-kayang pagkain, sapat na pasilidad na pangkwarantina, tulong kabuhayan sa mga apektadong maralita ng lockdown at kwarintin atbp.
Hindi ito bawal dahil hindi natin kailangan lumabas sa ating komunidad. Ang gagawin natin ay sa loob lamang ng ating mga komunidad at paninirahan. Tulungan natin ang ating mga barangay na isagawa ang pro-aktibong mga hakbangin para laban ang salot na sakit. Buhay natin at ng ating mga kapamilya ang nakasalalay dito kaya’t hindi tayo dapat maging simpleng mga taga-masid at maghintay ng ayuda. Ngayon ang panahon ng pagkakaisa. Bayanihan para laban ang Covid – 19.
SAPAT na PONDO para sa TESTING KITS at QUARANTINE FACILITIES
SAPAT na AYUDA para KABUHAYAN at SERBISYO sa mga MARALITA at MANGGAGAWA
BAYANIHAN NG MAMAMAYAN LABAN SA COVID – 19
PARTIDO LAKAS ng MASA * SANLAKAS * Aniban ng mga Manggagawa sa Agrikultura (AMA)* Bukluran ng Manggagawang Bulakenyo (BMB)* PIGLAS – MARALITA
Marso 16, 2020