NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO
PARTIDO LAKAS NG MASA (PLM) • NOBYEMBRE 2026
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
ANG DAMI-DAMI NA NGA NATING PROBLEMA —
HETO PA ANG ISA!
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO
Mababang sahod, mahal na bilihin, kawalan ng disenteng trabaho, mataas na singil sa kuryente, tubig at pamasahe, lumolobong utang, korapsyon at paghahari ng mga dinastiya — patong-patong ang pasanin ng masang Pilipino.
Habang papalapit ang eleksyong 2028, nangangako na naman ang mga dating trapo at mga bagong naghahangad ng kapangyarihan.
Pero marami sa kanila ang dala pa rin ang mga patakarang nagpapabigat sa ating mga problema.
Hindi sapat na ipaliwanag ang kahirapan sa katiwalian at kapalpakan ng ilang opisyal. Kailangang suriin ang mismong direksyon ng ekonomiya: sino ang may kontrol sa produksyon at mahahalagang serbisyo, sino ang kumikita, at sino ang nagbabayad ng halaga?
Isa sa mga pangunahing balangkas na dapat suriin ang NEOLIBERALISMO.
Sa mahigit apat na dekada, ipinangakong uunlad ang bansa sa pamamagitan ng praybitisasyon, liberalisasyon, deregulasyon at pagpapalawak ng kapangyarihan ng pribadong kapital. Ngunit nananatiling mahina ang pambansang industriya, mahal ang batayang serbisyo, at hindi pantay ang pakinabang sa paglago ng ekonomiya.
Bakit patuloy na ipinipilit ang ganitong direksyon? At ano ang dapat ipalit dito?
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
1. ANO ANG NEOLIBERALISMO?
Ang neoliberalismo ay isang balangkas ng patakarang kapitalista na nagbibigay-prayoridad sa pribadong pagmamay-ari, kompetisyon sa merkado, malayang galaw ng kapital at pagkakamal ng tubo.
Hindi nito inaalis ang papel ng estado: ginagamit din ang kapangyarihan ng gobyerno para magbukas ng mga industriya sa negosyo, magtakda ng mga incentives, maggarantiya ng mga kontrata at ipatupad ang mga patakarang pabor sa namumuhunan.
Sa madaling sabi: ang mga serbisyong dapat tiyakin bilang karapatan – tubig, kuryente, transportasyon, kalusugan at edukasyon – ay itinuturing lamang na negosyo at pagkakakitaan.
2. ANO ANG MGA PANGUNAHING PATAKARAN NITO?
Madaling tandaan ang “PLDT Co” bilang gabay sa mga patakaran nito:
- P — Pribatisasyon: pagbebenta ng mga ari-arian ng estado o
paglilipat ng operasyon ng serbisyo sa pribadong kumpanya.
Kabilang sa mga halimbawa sa iba’t ibang panahon ang Petron, PAL, PNB at mga konsesyon sa tubig sa Metro Manila.
- L — Liberalisasyon: pagpapababa ng mga hadlang sa pag-
angkat, kalakalan at dayuhang pamumuhunan.
- D — Deregulasyon: pagbabawas o pagbabago ng direktang
kontrol ng estado sa presyo at operasyon ng ilang industriya, gaya ng langis. Hindi ito nangangahulugang wala nang anumang regulasyon.
- T — Taxation: mga patakarang pagbubuwis na maaaring
magpabigat sa konsumo, gaya ng VAT at fuel excise tax, habang
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
may mga insentibo at bawas-buwis sa korporasyon. Hindi lahat ng buwis ay neoliberal.
- Co — Contractualization: mga kaayusan sa paggawa na
nagpapalawak ng hindi regular at hindi tiyak na trabaho.
Bahagi rin ng neoliberalismo ang pagtitipid sa ilang pampublikong gastusin (austerity), public-private partnerships (PPP), at komersyalisasyon ng mga serbisyong panlipunan. Magkakaiba ang anyo at tindi ng mga patakarang ito sa bawat administrasyon.
3. PAANO UMUSBONG ANG NEOLIBERALISMO?
Sa ika-18 at ika-19 na siglo, lumaganap ang klasikal na liberalismong pang-ekonomiya na nagtataguyod ng pribadong negosyo at malayang kalakalan. Hindi ibig sabihin nito na walang ginampanang papel ang estado sa pag-unlad ng kapitalismo; malaki rin ang naging papel nito sa kolonyalismo, imprastruktura at pagprotekta sa pag-aari.
Pagkatapos ng Great Depression noong 1930s at ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumawak sa maraming kapitalistang bansa ang direktang interbensyon ng estado, pampublikong pamumuhunan, regulasyon at mga programang panlipunan.
Malaking impluwensya rito ang mga ideya ni John Maynard Keynes.
Sa krisis ng dekada 1970 – kasabay ng mabagal na paglago at mataas na implasyon o stagflation — lumakas ang mga ideyang kaugnay nina Friedrich Hayek at Milton Friedman. Mula rito, naging mas makapangyarihan ang neoliberal na programa ng praybitisasyon, liberalisasyon, deregulasyon at paghihigpit sa paggastos ng estado.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
4. SINO ANG NAGSULONG NITO SA PANDAIGDIGANG
ANTAS?
Naging pangunahing halimbawa ang pamahalaan ni Margaret Thatcher sa United Kingdom mula 1979 at ni Ronald Reagan sa United States mula 1981. Nagpatupad sila ng mga repormang pabor sa pribadong kapital at ibinagsak ang kapangyarihan ng maraming mga unyon.
Sa Britain, natalo ang malawakang welga ng mga minero noong 1984–1985; sa US, sinibak ni Reagan ang libo-libong nagwelgang federal air traffic controllers noong 1981.
Malaki rin ang papel ng International Monetary Fund (IMF), World Bank at, kalaunan, ng mga kasunduan sa ilalim ng World Trade Organization (WTO). Sa pamamagitan ng pautang, nagkaloob ng mga kondisyon, resetang pang-ekonomiya at mga kasunduan sa kalakalan, para itulak ang mga repormang nakatuon sa merkado at korporasyon.
Tinawag na “Washington Consensus” ang mga repormang inilatag noong 1989: disiplina sa badyet, pagbabago sa prayoridad ng pampublikong paggastos, reporma sa buwis, liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, praybitisasyon, deregulasyon at proteksyon sa karapatan sa pag-aari.
5. KAILAN NAGSIMULA SA PILIPINAS?
Sa ilalim ni Ferdinand Marcos Sr., malaki ang papel ng estado sa pagtatayo ng imprastruktura, government-owned and controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs).
Ngunit ang ganitong state-led capitalism ay nakaugnay din sa malawakang pangungutang, otoritaryanismo at crony capitalism.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
Sa krisis sa utang noong unang bahagi ng dekada 1980, isinulong ang structural adjustment program at mga repormang nakaugnay sa IMF at World Bank. Kaya hindi wastong ilarawan ang buong diktadura bilang purong neoliberal; sa huling yugto nito, nagsimulang lumakas ang mga patakarang ito na kalauna’y pinalawak ng mga sumunod na administrasyon.
6. PAANO ITO IPINAGPATULOY NG MGA SUMUNOD
NA ADMINISTRASYON?
Corazon Aquino (1986–1992)
Pinalawak ang trade liberalization at praybitisasyon, kabilang ang pagbebenta ng ilang ari-arian at kumpanyang kaugnay ng naunang rehimen. Ipinagpatuloy ang pagbabayad ng utang ng estado.
Naibalik nga ang mga legal na demokratikong karapatan at institusyon ng halalan, gayundin ang pagsusulong ng Compehensive Agrarian Reform Program (CARP) – ngunit hindi nabago ang malalim na konsentrasyon ng pag-aari at dependent na istruktura ng ekonomiya.
Fidel V. Ramos (1992–1998)
Pinalalim ang liberalisasyon at pribadong partisipasyon sa imprastruktura. Tampok ang deregulasyon ng industriya ng langis, konsesyon sa distribusyon ng tubig sa Metro Manila noong 1997, pagpasok sa WTO noong 1995 at Mining Act of 1995.
Joseph Estrada (1998–2001)
Sa maikling termino, pinanatili ang pangunahing balangkas ng liberalisasyon at pribadong pamumuhunan sa kabila ng krisis at instabilidad sa pulitika.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
Gloria Macapagal-Arroyo (2001–2010)
Binigyang-diin ang fiscal consolidation, export-oriented growth at paglawak ng BPO. Itinaas ang VAT sa 12% noong 2006 at pinanatili ang mga patakarang nakatuon sa pribado at dayuhang pamumuhunan.
Benigno Aquino III (2010–2016)
Pinalawak ang public-private partnerships at mga hakbang para akitin ang mamumuhunan, kasabay ng targeted social assistance gaya ng 4Ps. Nagpatuloy ang pangunahing direksyon ng ekonomiyang nakatuon sa merkado.
Rodrigo Duterte (2016–2022)
Pinalawak ang paggastos sa imprastruktura sa ilalim ng Build, Build, Build, habang ipinatupad ang TRAIN Law, CREATE Act at Rice Tariffication Law. Ipinakita ng administrasyon na maaaring magsabay ang malakas na interbensyon ng estado, at otoritaryang pamamahala sa mga patakarang nakatuon sa pribadong kapital.
Ferdinand Marcos Jr. (2022–kasalukuyan)
Ipinagpatuloy ang liberalisasyon sa pamumuhunan, insentibo sa korporasyon, imprastruktura at PPP. Itinatag sa RA 11954 ang Maharlika Investment Fund, na pinamamahalaan ng Maharlika Investment Corporation sa ilalim ng itinakdang board at mga mekanismo sa pamumuhunan; hindi personal na nagpapasya ang pangulo sa bawat investment.
Magkakaiba ang estilo ng pamumuno at mga programang panlipunan ng mga administrasyong ito. Ngunit sa pangkalahatan, nanatiling malakas ang pag-asa sa pribadong kapital, dayuhang pamumuhunan, importasyon at pandaigdigang merkado, sa halip na isang pangmatagalang programang nakasentro sa pambansang
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
industriyalisasyon at pampublikong kontrol sa mahahalagang serbisyo.
7. BAKIT NAPAKATIBAY NG NEOLIBERALISMO?
Hindi lamang ito usapin ng paniniwala ng ilang opisyal. Nakaugat ito sa kapangyarihan ng malalaking negosyante, may-ari ng lupa, mga grupong pinansyal at mga institusyong nakikinabang sa umiiral na kaayusan.
Madalas ipangako na kapag lumago ang negosyo, kusang makikinabang ang lahat – ayon sa tinatawag na “trickle-down effect.” Ngunit hindi otomatikong nagiging naitataas ang sahod, nagkakaroon ng trabaho at murang serbisyo, o pantay na oportunidad sa lahat kapag lumalago ang kita at yaman ng iilan.
Halos ideolohiya na, hindi lamang ng naghaharing uri, ang neoliberalismo. Isinusulong ito sa impluwensya ng mga institusyong pampinansya, ng mga ekonomista at teknokrata, ng mga kasunduan at interes ng mga naghaharing pampulitikang koalisyon.
Kaya hindi sapat ang pagpapalit ng administrasyon kung hindi binabago ang mga patakarang pang-ekonomiya.
8. BAKIT MARAMING EKONOMISTA ANG
SUMUSUPORTA SA MGA PATAKARANG NAKATUON
SA MERKADO?
Sa klasikal na political economy nina Adam Smith at David Ricardo, mahalagang tanong kung paano nililikha ang yaman at paano ito hinahati sa sahod, tubo at renta. Pinalalim ni Karl Marx ang pagsusuri sa paggawa, surplus value, pagmamay-ari at tunggalian ng mga uri.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
Sa maraming kursong mainstream economics ngayon, binibigyang- diin ang scarcity, supply and demand, mga incentives, presyo at pagdedesisyon ng negosyo at estado. May gamit ang mga ito, ngunit kadalasang kinaliligtaan ang usapin ng kapangyarihan, pagmamay-ari at kalagayan ng iba’t ibang mga uri sa lipunan.
Ang modernong economics ay kadalasang nagdidiin lamang sa microeconomics – pagpapatakbo ng negosyo at mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyerno.
Sa usapin ng fuel excise tax at VAT, halimbawa, dapat suriin kapwa ang pangangailangan ng kita ng gobyerno at ang hindi pantay na pasanin sa mamimili. Sa price ceiling, dapat suriin ang panganib ng kakulangan sa suplay, ngunit gayundin ang monopolyo, hoarding at pangangailangan ng subsidy at pampublikong distribusyon.
Hindi sapat ang simpleng pagsamba sa “malayang merkado” o ang simpleng pagtatakda ng presyo nang walang plano sa suplay.
9. MAAARI BANG KUMALAS SA NEOLIBERALISMO
NANG HINDI PA NAIITATATAG ANG SOSYALISMO?
Oo. Maaaring ipaglaban ngayon ang mga repormang kumakalaban sa neoliberal na direksyon kahit sa ilalim ng kapitalistang sistema:
- Pampublikong pagmamay-ari at demokratikong pamamahala sa
mga estratehikong industriya, enerhiya at transportasyon.
- Pambansang industriyalisasyon, suporta sa lokal na
pagmamanupaktura, agrikultura at seguridad sa pagkain.
- Regulasyon sa dayuhang kapital, proteksyon sa manggagawa at
makatarungang pasahod.
- Progresibong pagbubuwis sa pinakamayayaman, malawak na
serbisyong pangkalusugan at libreng edukasyon.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
- Pampublikong pagpaplano at direktang partisipasyon ng
mamamayan sa badyet at mga proyekto.
Ngunit may limitasyon ang mga repormang ito kung nananatiling konsentrado sa iilan ang pagmamay-ari at kapangyarihan sa ekonomiya.
10. PAANO MAGKAUGNAY ANG KAGYAT NA
REPORMA, ANTI-NEOLIBERAL NA PAKIKIBAKA AT
SOSYALISMO?
Tatlong magkakaugnay na antas ang dapat isulong.
Una, agarang tugunan ang sahod, presyo, trabaho, serbisyong publiko, katiwalian at anomalya sa badyet.
Ikalawa, baguhin ang direksyon ng pag-unlad sa pamamagitan ng pampublikong pamumuhunan, pambansang industriyalisasyon, progresibong buwis at demokratikong kontrol sa mahahalagang sektor.
Ikatlo, palawakin ang pakikibaka para sa pagbabago ng mismong ugnayan ng pagmamay-ari at kapangyarihan – tungo sa Gobyerno ng Masa at demokratikong sosyalistang alternatiba.
Hindi magkalaban ang kagyat na reporma at pangmatagalang pagbabago. Ang una ay dapat magpabuti ng buhay ngayon habang nagpapalakas ng organisasyon at kapangyarihan ng masa para sa mas malalim na pagbabago.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
11. ANO ANG MGA PANAWAGAN NG PLM
HANGGANG ELEKSYONG 2028?
A. Panagutin ang mga kurakot at linisin ang badyet
1. Ibasura ang pork barrel at ilegal na budget insertions.
Wakasan ang mga mekanismong nagpapahintulot sa mga politiko na manipulahin ang pondo, proyekto at benepisyaryo.
2. Panagutin ang lahat ng sangkot sa mga anomalya sa badyet.
Imbestigahan ang mga alegasyon sa 2024–2026 badyet at mga kahina-hinalang probisyon sa 2027. Magtatag ng independiyenteng komisyong may partisipasyon ng mamamayan; bawiin ang pondong mapapatunayang kinulimbat.
3. Gawing karapatan ang serbisyo, hindi pabor ng politiko.
Wakasan ang pampulitikang kontrol sa ayuda; palawakin ang direktang pampublikong serbisyo at unibersal na proteksyong panlipunan.
B. Unahin sa badyet ang pangangailangan ng masa
4. Palakihin ang pondo sa kalusugan, edukasyon at pabahay.
Magtayo ng mga pampublikong ospital, silid-aralan at disenteng pabahay; tiyakin ang libreng gamot at edukasyon. Itaas ang paggastos sa edukasyon tungo sa 6% ng GDP at sahod ng mga guro at manggagawa sa pampublikong sektor.
5. Itaas ang sahod at pigilan ang labis na pagtaas ng presyo.
Ipatupad ang makabuluhang pagtaas ng sahod, suporta sa maliliit na negosyo, at kung kinakailangan, pansamantalang price controls
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
na may sapat na suplay at subsidy. Suspindihin o alisin ang mga pabigat na buwis sa batayang pangangailangan, kabilang ang fuel excise tax, na may malinaw na kapalit na progresibong pagkukunan ng pondo.
6. Unahin ang industriya, agrikultura at pampublikong transportasyon.
Ilaan ang pampublikong pamumuhunan sa produksyon ng pagkain, lokal na pagmamanupaktura, estratehikong industriya at mass transport. Palawakin ang permanenteng service contracting at demokratikong pampublikong pamamahala.
C. Kumalas sa neoliberal na direksyon ng ekonomiya
7. Buwisan ang bilyonaryo at monopolyo, hindi ang mahihirap.
Ipatupad ang progresibong wealth tax, buwis sa labis na monopoly profits at economic rents, at repasuhin ang hindi makatarungang corporate incentives.
8. Isailalim sa independiyenteng people’s audit ang pambansang utang.
Suriin ang mga pautang, overpriced projects at debt servicing; papanagutin ang mga responsable sa ilegal o mapanlinlang na transaksyon.
9. Itigil ang pribatisasyon ng mahahalagang serbisyo.
Ibasura ang EPIRA at baguhin ang sistemang WESM, kasabay ng konkretong transisyon sa demokratikong pampublikong pagmamay-ari at pamamahala sa enerhiya at iba pang estratehikong sektor.
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
10. Repasuhin ang gastusing militar at confidential at intelligence funds.
Unahin ang pangangailangang panlipunan; siyasatin ang mga pondong hindi malinaw ang pakinabang sa mamamayan at mga proyektong nakatali sa estratehiyang militar ng ibang bansa.
D. Wakasan ang dinastiya at palawakin ang kapangyarihan ng masa
11. Ipasa ang tunay na anti-political dynasty law.
Ipagbawal ang sabay-sabay at sunod-sunod na paghahari ng magkakamag-anak hanggang ikaapat na antas, sa malinaw at epektibong batas. Suportahan ang People’s Initiative.
12. Itatag ang demokratikong kontrol ng mamamayan sa badyet.
Ipatupad ang participatory budgeting at representasyon ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, kababaihan, kabataan at iba pang sektor sa pagpapasya sa mga proyekto at programa.
12. ANG HAMON SA MGA KANDIDATO SA 2028
Hindi sapat ang pangakong “malinis na gobyerno” kung ipagpapatuloy lamang ang praybitisasyon, mahal na serbisyo, mababang sahod at pag-asa sa dayuhang kapital.
Dapat sagutin ng bawat kandidato: Pabor ba kayo sa pagtanggal ng mga pabigat na buwis sa batayang pangangailangan? Sa wealth tax? Sa pampublikong kontrol sa enerhiya at transportasyon? Sa pambansang industriyalisasyon, tunay na anti-dynasty law at demokratikong kontrol sa badyet?
Ang pagpili ay hindi lamang sa pagitan ng mga pangalan at paksyon. Ito ay pagpili ng direksyon: ipagpapatuloy ba ang mga patakarang inuuna ang tubo ng iilan, o ipaglalaban ang
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
NEOLIBERALISMO, SALOT! | PLM
ekonomiyang nakatuon sa pangangailangan at kapangyarihan ng nakararami?
KUMALAS SA NEOLIBERALISMO! IPAGLABAN ANG EKONOMIYA PARA SA MASA!
Partido Lakas ng Masa (PLM) | Nobyembre 3, 2026
PRAYMER SA NEOLIBERALISMO • PARTIDO LAKAS NG MASA
