Pahayag ng PLM sa pagpapaliban ng Barangay at SK Elections

By Partido Lakas ng Masa via Facebook

HUWAG IPAGKAIT SA MAMAMAYAN ANG KARAPATANG PUMILI!

WAKASAN ANG POLITICAL DYNASTY AT PATRONAGE POLITICS!

Mariing tinututulan ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang panibagong pagtatangka ng Kongreso na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula November 2026 tungong 2028 at palawigin sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK.

Kahapon, September 8, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill 10971 sa botong 211 in favor, 13 tutol, at 1 nag -abstain. Hindi pa ito batas dahil pagpapasyahan ng Senado kung sasalubungin ito at ikakasa ang postponement.

Pero may Senate Bill 2387 na ang Senado na isinulong ni Senador Chiz Escudero. Pag-amyenda ito sa dating batas para i-extend ang term of office ng barangay at SK officials sa limang taon, gaya ng ipinasa ng Kongreso. Sumasalubong din ito sa postponement ng eleksyon tungong November 2028.

Wala pa sa three readings ng Senate plenary ang bill, pero sinabi ni Senate President Win Gatchalian na ipa-fast track ito para pasyahan ng Senado ngayong linggo.

Mga usapin sa batas ng Kongreso at Senado

Maraming nakababagabag na usapin sa HB 1091 at SB 2387:

Una, gagawing retroactive na lahat ng nahalal noong 2023 ay otomatikong magsisilbi ng lima pang taon, hanggang 2028.

Ikalawa, pinahahaba ang termino ng mga opisyales ng barangay at SK sa limang taon kada magkasunod na eleksyon.

Samakatwid, 10 taon o isang dekada ang magiging paninilbihan ng mga incumbent na mahahalal pa sa 2028 – 5 taon sa first term at 5 taon sa susunod.

Mula ito sa kalagayan na ang mga nahalal noong 2023 ay dapat tapos na ang termino noong 2025. Dahil sa postponement noong 2025 at postponement ngayon tungong 2028, limang taon ang tuluy-tuloy na incumbency nang walang renewed mandate.

Paglabag ng demokratikong prinsipyo ng pagkuha ng bagong mandato

Para sa PLM, simple ang nilalabag na demokratikong prinsipyo ng postponement ng Kongreso: ang termino ng mga halal na opisyal ay paulit-ulit na pinahahaba nang walang bagong mandato mula sa mamamayan.

Ito mismo ay anyo ng patronage politics ng Kongreso at pagsusulong ng cycle ng dynasty politics sa mga komunidad.

Ang barangay ang pinakamalapit na institusyon ng estado sa araw-araw na buhay ng mamamayan. Dito direktang nakakaharap ng masa ang gobyerno.

Pero sa maraming lugar, ang barangay ay nagiging pinakamababang antas din ng sistemang patronage. Ang kapitan, kagawad at iba pang lokal na opisyal ay nagiging bahagi ng political machinery ng mayor, gobernador, kongresista at kanilang mga pamilya.

Dito mabilis na nabubuo ang network ng patronage – mula ayuda, endorsements, mobilization at electoral machinery hanggang sa pagkontrol sa lokal na political networks. Kaya hindi hiwalay ang laban sa barangay sa laban sa political dynasty.

Simula ng dynasty system

Ang dinastiya ay hindi lamang nagsisimula sa Kongreso, Senado o Malacañang. Ito ay nirereproduce at pinatitibay mula sa ibaba – barangay, munisipyo, siyudad at probinsya.

Kapag awtomatikong pinahahaba ang termino ng mga kasalukuyang opisyal, binibigyan ng dagdag na panahon ang mga nakaugat na political machinery para palakasin pa ang kanilang kontrol.

Hindi ibig sabihin na lahat ng barangay at SK officials ay bahagi ng dinastiya. Marami ang tapat na naglilingkod sa kanilang komunidad. Ngunit ang solusyon sa problema ng maikling termino ay hindi ang pagkakait sa mamamayan ng pagkakataong maghalal.

Kung nais ng Kongreso na baguhin ang haba ng termino, dapat itong pairalin sa mga susunod na ihahalal, hindi gamitin upang paulit-ulit na pahabain ang panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal nang walang bagong mandato.

Ang karapatang bumoto ay hindi para sa convenience ng Kongreso

Ayon sa Comelec, handa sila sa November 2 elections. May P8 bilyon na ang ginasta sa P19.57 bilyon na badyet sa eleksyon sa susunod na buwan.

Pero higit sa usapin ng gastos, nakataya rito ang isang mahalagang demokratikong prinsipyo: Ang mamamayan ang nagbibigay at nagbabawi ng mandato. Hindi ang Kongreso ang dapat magbigay ng dagdag na taon sa mga halal na opisyal.

Ang regular na eleksyon ay isa sa mga mekanismo para mapanagot ang mga nasa kapangyarihan. Maaari itong gamitin ng masa para tanggalin ang mga tiwali, incompetent at abusadong opisyal at palitan sila ng mga kinatawan ng kanilang komunidad.

Ang pagpapaliban ng eleksyon ay pagpapaliban din ng pagkakataong ito.

Barangay at SK: gawing larangan ng laban kontra-dinastiya

Para sa PLM, hindi sapat na kondenahin lamang ang postponement. Kailangang gamitin ang usaping ito para palawakin ang laban laban sa political dynasties at oligarkong paghahari.

Ang anti-dynasty struggle ay hindi lamang legislative campaign sa Kongreso. Kailangang maging kilusan itong nakaugat sa mga komunidad. Dapat tayong magtayo ng alternatibong kapangyarihang pampulitika mula sa ibaba.

Ibig sabihin: isulong natin ang pagpapalakas ng mga organisasyon ng manggagawa at maralita sa barangay; organisasyon ng kababaihan at kabataan; homeowners at community associations; transport workers; vendors; informal workers; environmental at community organizations; at lahat ng mamamayang naghahangad ng demokratiko at makamasang pamamahala.

Ano ang dapat gawin ng ating mga pwersa?

Habang hindi pa pinal ang postponement, dapat manatiling handa ang ating mga organisasyon para sa Nobyembre 2026 elections. Hindi tayo dapat mag-demobilize hangga’t hindi nababago ang batas.

Dahil malamang kaysa hindi na ilipat sa 2028 ang eleksyon – hindi dapat ituring ang dalawang taon bilang panahon ng paghihintay. Gawin natin itong dalawang taon ng organisasyon at paghahanda.

(1) Magsagawa tayo ng barangay-by-barangay political mapping. Tukuyin kung sino ang naghaharing political families, sino ang kanilang mga lokal na operators at allies, at saan naroon ang mga organisadong manggagawa, maralita, kabataan, kababaihan at iba pang demokratikong pwersa.

(2) Ibayong magtayo at palakasin ang mga PLM chapters sa komunidad. Ipagpatuloy din ang pagtatayo ng PLM-Kababaihan, PLM-YS, PLM-Workers Community, at PLM-LGBTQ+.

(3) Maghanap at maglinang tayo ng mga lider mula mismo sa masa – mga lider-manggagawa, lider-maralita, kababaihan, kabataan, transport workers, LGBTQ+, faith-based groups, at iba pang may tunay na ugat sa kanilang lugar – na maaaring maging kandidato sa barangay at SK.

(4) Ang SK ay lalong mahalaga. Hindi ito dapat ipaubaya sa mga anak, kamag-anak at political apprentices ng mga tradisyunal na pulitiko. Dapat itong maging training ground ng isang bagong henerasyon ng mga lider na demokratiko, makabayan, sosyalista at nakaugat sa pakikibaka ng masa.

(5) At saanman mayroon tayong sapat na lakas, dapat nating pag-aralan ang pagtatayo ng people’s electoral slates – hindi lamang indibidwal na kandidato kundi kolektibong alternatibo sa mga slate ng mga dinastiya. Maaari itong buuin ng PLM at mga alyado.

(6) Ang ating mga kandidato ay dapat magdala ng malinaw na programa: trabaho at disenteng sahod; proteksyon sa manggagawa; pabahay at laban sa demolisyon; libreng serbisyong pangkalusugan; suporta sa kababaihan, kabataan at senior citizens; disaster preparedness; proteksyon sa kalikasan; transparency sa barangay budget; participatory budgeting; at direktang partisipasyon ng mamamayan sa pagpapasya.

Mula barangay tungo sa pagbabago ng sistema

Hindi natin dapat maliitin ang barangay struggle bilang simpleng “local politics.” Ang barangay ay maaaring maging paaralan ng demokratikong kapangyarihan ng masa.

Dito maaaring matutong mag-organisa ang masa bumuo ng kanilang sariling mga organisasyon, bantayan ang budget, igiit ang kanilang mga karapatan, magpatakbo ng mga kampanya at humawak ng responsibilidad sa pamamahala.

Ang pakikibaka laban sa political dynasties, samakatwid, ay pakikibaka para palitan ang patronage politics ng pulitika ng organisadong mamamayan.

At kapag dumating ang araw ng halalan – kahit kailan pa iyan – hindi lamang mga kandidato ang dapat nating iharap. Iharap natin ang organisadong kapangyarihan ng masa.

ELEKSYON, HUWAG IPAGPALIBAN!

ITAYO ANG KAPANGYARIHAN NG MASA SA BARANGAY!

ISULONG ANG PAGBABAGO NG BUONG SISTEMA!

September 9, 2026

Leave a comment