Pahayag ng Partido Lakas ng Masa (PLM) Sa Pag-apruba ng HB 8389 sa Second Reading

Paulit-ulit na binubudol ng dinastiya ang masa

Muli na namang binudol ng mga naghaharing uri at dinastiya ang malawak na masa nang aprubahan ng Kamara sa 2nd reading ang House Bill No. 8389, o pekeng panukala na Anti-Political Dynasty Act.

Nagkapit-bisig ang magagaling na 175 kinatawan ng Kamara para suportahan ang HB 8389 na ang pangunahing proponent ay sina House Speaker Bodjie Dy, mula sa dinastiya sa Isabela, at si Sandro Marcos, mula sa dinastiyang Marcos.

Nagdudumilat ang kalokohan: ang institusyong magpapasya sa pagbabawal ng dinastiya sa gobyerno ay mismong institusyong pinatatakbo ng mga dinastiya.

Kontrol ng dinastiya

Ayon sa huling pagsusuri ng midya, humigit-kumulang sa 80% ng mga miyembro ng Kamara ang kabilang sa dinastiya.

Sa Senado, 20 senador (83%) ay bahagi ng dinastiya gaya ng magkakapatid na Cayetano, Villar, Tulfo, Estrada-Ejercito, at angkan ng Marcos (Imee), Escudero, Marcoleta, Legarda, at iba pa.

Nagkapit-bisig sa HB 8389 ang mga malalim nang nakaugat na angkan ng mga Dy, Marcos, Tan, Zamora, Tolentino, Angara, Rodriguez, Hernandez, Singson, at iba pang nakalista sa House committee report.

Ipinakikita nito ang lalim ng kontrol ng dinastiya sa paghahari sa halos buong gobyerno at ang ibinubunga nitong krisis ng pandarambong, korapsyon, patronage, at impunity.

‘Pagbabawal’ ng HB 8389 sa dinastiya

Matuwa na raw tayo dahil bawal na ang dinastiya hanggang second degree ng pamilya sa dugo at pamilya sa asawa.

• Ang second degree sa dugo (consanguinity) ay binubuo ng nuclear family (mag-asawa, magulang nila, at mga anak) hanggang mga kapatid at apo.

• Ang second degree sa asawa (affinity) ay mga in-laws – magulang hanggang mga kapatid ng asawa.

Hindi mabubuwag ng 2nd degree na pagbabawal ang paghahari ng mga dinastiya. Dahil hindi nito pinagbabawal ang pagtakbo at pag-upo sa pwesto ng mga pamangkin at pinsang-buo. Marami sa dinastiya ay pinapalitan ng pamangkin at pinsan kapag tapos na ang kanilang termino o termino ng malapit nilang pamilya.

Pambubudol din ang ipagmalaking isa lamang mula sa isang angkan ang pwedeng tumakbo at mahalal sa pambansang pwesto gaya ng Presidente, Bise-Presidente, at Senador.

Pero kasabay nito, pwedeng tumakbo, kahit sabay-sabay, ang dalawa o higit pang myembro ng dinastiya sa Kongreso, Governor, Mayor, at Barangay Captain – basta’t hindi sa iisang distrito o probinsya!

Rigodon ng dinastiya

Sa HB 8389, pinapayagan din ang palitan ng posisyon at paglipat sa iba’t ibang distrito, probinsya, munisipalidad, o party-list groups ng mga kaanak.

Sa kabuuan, pinapanatili nito ang kanilang makinaryang pampulitika at kinulimbat na yaman. Pinagtitibay rin ang patronage, kontrol sa negosyo, at impunity ng mga dinastiya.

Peke at basurang anti-dynasty bill

Pekeng anti-dynasty bill ang HB 8389 dahil pinagpapatuloy at pinalalakas nito ang mga dinastiyang pampulitika habang nagpapanggap na laban dito.

Basura Bill ito dahil pananatilihin nito ang pagkakalat ng katiwalian at pang-aabuso ng dinastiya na binulok na ang Pilipinas sa kanilang paghahari.

Ang dinastiya rin ang kabilang sa oligarkiya, mga panginoong maylupa, malalaking negosyante, kontratista, at criminal warlords (sa droga, prostitusyon, at iba pa).

Samakatwid, hindi maaaring umasa lamang sa Kongreso na pinatatakbo rin ng dinastiya. Ang tunay na demokratikong reporma ay makakamit sa paglaban at pagbabagsak sa kanila.

Nanawagan ang PLM sa sumusunod:

1. Pagpapasa ng tunay na anti-political dynasty law na magbabawal sa pagtakbo ng mga angkan hanggang sa 4th degree sa dugo at asawa.

2. Pagwawakas sa pulitika ng vote buying, kontrol sa campaign finance ng mga trapo, at pagbabawal sa paggamit ng impluwensya ng mga korporasyon at oligarkiya sa anumang paraan.

3. Pagwasak sa kontrol ng dinastiya sa mga lokal na pamahalaan, kabilang ang pagtatayo ng mga private army, ang patronage system, at ang mga kartel sa negosyo.

4. Pagpapalakas ng tunay na party-based na pulitika na nakabatay sa programa at kilusang masa – sa halip na personalidad at pulitika ng mga angkan.

5. Pagbubuo ng independyenteng organisasyong masa, at mga demokratikong pormasyon sa grassroots na hindi pabibili, hindi pagagamit, at may kakayahang ibagsak ang paghahari ng mga elite lampas sa eleksyon.

Hindi kami naniniwala na makakamit ang tunay na kontra-dinastiyang batas mula sa buong Kongreso, kaya nagkaisa rin kaming sumanib sa malawak na koalisyon na maglulunsad ng People’s Initiative Bill na alternatiba sa mga pekeng batas na ginagawa ng mga nasa pwesto.

Ipapahayag namin sa malapit na hinaharap kung kailan at paano ito ilulunsad.

Ang laban kontra-dinastiya ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na laban sa paghahari ng oligarkiya, sa pagkontra sa korapsyon at impunity, o walang habas na pang-aabuso at pagsasamantala ng iilan.

Kailangang wakasan ang panlipunan at ekonomikong pundasyon ng kapangyarihan ng mga elite.

Dapat lumampas ang ating mga demokratikong pakikibaka sa mga simbolikong reporma lamang. Dapat ganap na ibasura ang dinastiya at mga trapo, at itatag ang Gobyerno ng Masa na kapalit nito.

Wakasan ang elite rule!

Isulong ang demokratiko at sosyalistang pagbabago!

Mayo 26, 2026

Leave a comment