WHAT IS TO BE DONE?
Ni Vladimir Lenin, 1902
Isang Pag-aaral sa Kasalukuyang Panahon
Ni Sonny Melencio
Introduksyon
1. Isinulat ito ni Vladimir Lenin noong February 1902 bago pumutok ang Rebolusyong 1905 hanggang Rebolusyong 1917 kung saan nagwagi ang rebolusyonaryong pwersa ng mga manggagawa at mga kaalyado nito, at naitayo ang kauna-unahang gobyerno ng uring manggagawa sa kasaysayan ng mundo.
2. Noong June 1901, nagtangka sina Lenin na pagkaisahin ang mga grupong sosyalista, mula sa mga nasa labas ng bansa, o mga distyero na pinag-uusig ng diktadura ng Tsar sa Rusya. Ito ang grupong Iskra/Zarya nina V.I. Lenin, Plekhanov, Martov, at iba pa – mga rebolusyonaryong sosyalista o Marxista – at ang grupong kinakatawan ng Rabocheye Dyelo (Workers’ Cause) nina Aleksandr Martynov, atbp., na nagbabandila ng tendensiya ng Ekonomismo. Bagamat ang huli ay isa ring political newspaper na organo ng Union of Social Democrats Abroad, ang pokus nito ay ang pakikibaka sa sahod at mga kahilingan ng sektor ng manggagawa sa Rusya.
3. Nabigo ang pagtatangkang ito. Una rito, nagdaos ng kongreso noong March 1898 ang Russian Social-Democratic Labor Party o RSDLP, isang rebolusyonaryong sosyalistang partido (hindi ito Socdem na gaya ngayon na ang layon lamang ay ireporma ang kapitalismo). Pero nabuwag agad ito sa pagkakadakip ng bagong-halal na Central Committee. Nagkahiwa-hiwalay ang mga sosyalistang grupo na umiral na lamang bilang mga ‘socialist circles’ na walang nagtatahing partido.
4. Krusyal ang naging papel ng What is to be Done sa muling pagkakabuo ng RSDLP noong 1903, na kasama na si Lenin sa liderato. Nagkaroon ng split sa pagitan ng Bolsheviks (paksyon nina Lenin) at Mensheviks (paksyon nina Martov) hinggil sa katangian ng organisasyon – kung ito ba ay isang partido ng kadre na may istriktong disiplina (Bolshevik) o may maluwag na depinisyon sa pagsapi at pagpapatakbo ng organisasyon (Menshevik).
5. Ang pag-aaral na ito ay nagtatalakay ng konteksto ng What is to be Done, ang pag-iral ng “circle spirit,” ang sakit ng “Ekonomismo,” at ang pagtatayo ng rebolusyonaryong partido. Sa bawat usaping ito, hinugot ang ilang mga kataga (quotations) ni Lenin at inilatag ang mga pagmumuni nito kung ihahambing sa kasalukuyang kalagayan.
6. Layunin ng pag-aaral na rebisahin at ituro sa bagong mga kasama ang halaga at nilalaman ng pundasyonal na akdang ito, at humalaw ng ilang aral sa pakikibaka ngayon.
Dalawang Pangunahing Konteksto
1. May dalawang pangunahing konteksto sa akdang What is to be Done:
- Una, umiiral ang ‘circle spirit’ o pagkabuo ng maraming sosyalistang sirkulo na hindi konektado o pinamumunuan ng sentrong rebolusyonaryong organisasyon o partido. Nanawagan si Lenin na wakasan na ang pagkakahati at itayo ang sentrong partido na magbibigay ng direksyon at pampulitikang liderato sa buong rebolusyonaryong kilusan sa Rusya.
- Ikalawa, umiiral ang sakit ng ‘Ekonomismo’ na ilinilimita ang pakikibaka ng uring manggagawa sa sahod at mga pang-ekonomiyang kahilingan sa pagawaan at sa estado. Kay Lenin, dapat iangat ito sa pampulitikang pakikibaka at pagbabagsak ng naghaharing sistema at pananawagan at paghahanda para sa rebolusyonaryong pagwawakas ng sistema tungong sosyalismo.
“Circle spirit”
1. Ang ‘circle spirit’ ay ang makitid, pipitsugin (‘amateurish’), at ‘primitibong’ katayuan ng mga maliliit na sirkulo o study circles na hindi tinatahi ng isang sentral na rebolusyonaryong partido.
2. Nakapundar at nakasandig ito sa pagkalulong ng maraming sosyalistang grupo, laluna sa hanay ng mga manggagawa, sa Ekonomismo o sa pakikibakang pang-ekonomiya, na walang pagtataas sa pampulitikang pakikibaka laban sa naghaharing rehimen at estado sa Rusya.
3. Natural lamang na ibubunga ng pagkahumaling sa espontayo at limitadong pagkilos ng masa ang circle organization. Dahil tumutugon lamang ito sa mga pang-araw-araw at pang-ekonomiyang pakikibaka at limitadong reporma, hindi nito kailangan ang isang sentro ng rebolusyonaryong partido na uulos sa bulok na gobyerno at bulok na sistema.
4. Sa akda, ipinakita ni Lenin ang tipikal na sosyalistang sirkulo (tinatawag noon na Social-Democratic circles) na kumikilos nang hiwalay sa iba pa – walang ugnay sa iba pang rebolusyonaryong grupo, walang dibisyon ng paggawa sa pagitan ng mga grupo, walang plano, kanya-kanya, at madalas pa ay nakikipag-kompitensya lamang sa ibang sirkulo.
Mga Kataga ni Lenin Hinggil sa ‘Circle Spirit’
1. “There are circles and circles…! Circles of ‘amateurs’ are not… capable of coping with political tasks.”
1.1. Ibig sabihin, meron din namang “sirkulo,” pero sirkulo ng mga chapter, collective, at iba pa na nakaugnay sa sentral na rebolusyonaryong organisasyon at gumagampan ng mga bahagi ng mga pangkalahatan at planadong kampanya ng partido.
2. “Give us an organization of revolutionaries, and we will overturn Russia!… With the ‘dozen’ tried and talented leaders (and [they] are not born by the hundreds), with the complete devotion of scores and scores of people to the party, and with the support given to it by the working class which is prepared, in the thousands and tens of thousands to follow the party’s lead – with this we shall win the confidence of the people and be able to direct the entire mass movement.”
2.1. Labindalawang taon matapos maisulat ang What is to be Done, o noong February 1917, ang mga Bolshevik ay kakaunting bilang – 24,000 sa populasyon ng 160 milyon o 0.15% lamang. Pero ito’y lubos na organisado, may disiplinadong mga kadre na komited sa layunin ng rebolusyonarhong partido, na sa sumunod na walong buwan ay nagtagumpay sa unang rebolusyon ng uring manggagawa sa kasaysayan.
2.2. Pinupuna ni Lenin ang pag-iral ng hiwa-hiwalay na ‘study/discussion circles’ at nanawagan siya sa isang sentralisadong partido ng ‘professional revolutionaries’ – komited sa rebolusyon at 24-oras na kumikilos para rito — sa halip na isang loose federation ng mga sirkulo.
Pagmumuni sa Kasalukuyan
1. Maaaring ihalintulad ang kalagayan sa Pilipinas kung saan hati-hati ang mga rebolusyonaryo at sosyalistang pwersa (RA, RJ, etc.). At kahit sa loob ng sarili nating hanay, umiiral ang iba-ibang sirkulo o grupo sa mga organisasyong masa na nahahati sa mga ‘sektor’ at sa mga NGOs na gumagalaw sang-ayon sa sarili nilang adbokasiya, direksyon, at plano.
2. Ang pagkakamit ng mataas na antas ng pagkakaisa sa pagbubuo ng partido na tatayong sentro ng iba’t ibang organisasyong masa at sirkulong sosyalista ay kailangang bigyang-diin. Kahit ang mga partido na naitayo na sa pangalan ay kailangan pa ring mapalakas at mapatibay ang sentralisadong pamumuno at pampulitikang liderato.
3. Bagamat ang konteksto ng akdang What is to be Done ay ang pag-iral o pagbabadya ng isang rebolusyonaryong sitwasyon, hindi masasabing wala na itong bisa at aplikasyon sa kalagayan natin ngayon.
4. Totoong walang rebolusyonaryong sitwasyon sa bansa ngayon – ayon sa depinisyon ni Lenin na ang naghaharing uri ay hindi na makapaghari sa dating paraan, at ang masa ay malawakang kumikilos na para sa pagbabago. Subalit naririyan ang obhetibong mga batayan sa rebolusyonaryong pagbabago. Ang umiiral ngayon ay komparatibong ‘mapayapang’ paggulong ng makauring pakikibaka, pero may putaputaking pagputok, bagamat hindi nagtutuluy-tuloy at agad hinahalinhan ng kalagayan na ang posibleng makamit lamang ay reporma sa naghaharing rehimen at sistema.
5. Sa kawalan ng rebolusyonaryong sitwasyon, kahit ang rebolusyonaryong komitment ng marami ay hindi na kasingtindi kumpara sa hanay ng mga kabataan at aktibistang sumulong sa rebolusyonaryong pakikibaka noong mga nagdaang dekada.
6. Gayunman, batid nating naririyan ang nagsasalimbayan at papatinding krisis sa ekonomiya, sa pulitika, sa kalusugan, kalikasan, at iba pa. Nagbabadya na maaari itong sumambulat sa hinaharap. Ang ‘mapayapang’ pampulitikang kalagayan ay hahalinhan ng maligalig, malawak, tuluy-tuloy na pagsambulat tungo sa rebolusyonaryong paglagablab, segun sa kalagayan ng paglaban ng masa (tinatawag na suhetibong salik sa rebolusyon) at sa tindi ng paghina o dispersal ng mga naghaharing uri at mga institusyon nito.
7. Sa mga pumupuna ngayon na ang pagtatayo ng sentralisadong rebolusyonaryong partido ay ‘banggardismo’ at hindi na napapanahon: kailangang intindihin ang relasyon ng vanguard at ng masa, ng mga abante sa pulitika at ng natitirang bahagdan ng masa, ng mga may rebolusyonaryong komitment at ng mga nagmamasid at nagluluksong-tinik sa rebolusyon at pagbabagsak ng kapitalistang sistema.
8. Ang ‘banggardismo’ ay paglayo o pag-ibabaw sa masa, pagturing sa sarili na tagapagligtas at messiah ng masa. Ang vanguard na organisasyon ay binubuo ng mga pampulitikang abanteng masa, ng mga may rebolusyonaryong komitment, na hindi nakahiwalay sa masa, pero bahagi ng masa (hindi nakahiwalay at nakabuntot sa masa) na namumuno para isulong ang tunay na empowerment ng masa at mamamayan, at pagkilos na ibubunsod ng marami para sa interes ng lahat.
9. Sa mga nagsasabi naman na tinatanggal ng sentralisadong partido ang inisyatiba ng mga lokal na sirkulo – ang prinsipyong pang-organisasyon na inilinaw ni Lenin sa sistema ng demokratikong sentralismo ay “kalayaan sa talakayan, pagkakaisa sa aksyon.” May malawak na kalayaan sa pakikipagdebate, pagpuna, at pagsusulong ng mga patakaran, estratehiya at taktika laluna sa mga lokal na kalagayan. Mahalaga ang kalayaan sa lokal na antas, sapagkat narito ang diwa ng empowerment ng mga kolektibo kaugnay ng pagpaplano at pagkilos. Subalit kapag nakapagdesisyon na sa mga bagay na pinagtatalunan, kailangan ang disiplinado at nagkakaisang pagkilos. Ang inisyatiba ng mga lokal na organisasyon ay hindi parehas sa ‘circle spirit’ at sa pagkakahati-hati (atomization) ng rebolusyonaryong pwersa na pinupuna ni Lenin.
Ang sakit ng ‘Ekonomismo’
1. Sa What is to be Done, ang umiiral na sakit sa kilusang manggagawa ay ang sakit ng Ekonomismo. Sa hanay naman ng mga progresibo at sosyalistang pwersa, umiiral ang sakit ng liberalismo sa ideolohiya at pulitika. Nakatali ang huli sa paghingi lamang ng mumunting reporma sa naghaharing uri o mga ‘attainable reforms’ sa ilalim ng kapitalismo at reaksyonaryong paghahari.
2. Ang Ekonomismo ay anyo ng repormismo na nahirati sa lantay na pang-unyong pakikibaka. Ito ay pagpapakilos ng mga manggagawa sa usaping pang-unyon lamang, at pagtanggi na itaas ang antas ng kanilang kamalayan sa antas-pulitika, para ihanda sila na pandayin ang kanilang pamumuno sa pakikibaka ng iba’t ibang uri at sektor. Ito ang ideyang tinawag ni Marx na pagsulong ng kamalayan ng mga manggagawa ‘mula class in itself, tungo sa class for itself’ – ang pagkaunawa sa kanilang pareparehas na kalagayan, tungo sa pagkaunawa na mababago lamang ito sa pagsulong ng makauring pakikibaka laban sa uring kapitalista at sistemang kapitalista.
Mga kataga ni Lenin sa Ekonomismo:
1. “The principal sin of the ‘Economists’ is their subservience to spontaneity, to the unarmed and unorganized ‘march of events’.”
1.1. Nangangahulugan ito ng pagbuntot sa kalagayan, paghaharap ng mga pakikibakang tumutugma lamang sa kasalukuyan, at pagtangging pamunuan at itaas ito sa hinaharap na direksyon ng mga pakikibaka.
2. “By advocating the ‘politics of trade unionism’, the Economists narrow down the political struggle of the working class to a petty, painstaking, and detailed reformist struggle.”
2.1. Repormista ang adbokasya lamang ng pang-unyong pakikibaka, at ang pagkilos sa hiwahiwalay na mga pagawaan ay kailangang pag-ugnayin ito at isulong hanggang sa kahandaan sa mga pangkalahatang pagkilos na itinataas ang trade-union struggle sa pampulitikang pakikibaka laban sa gobyerno at kapitalistang estado.
3. “Without a revolutionary theory, there can be no revolutionary movement.”
3.1. Ang teorya ay consolidated at distilled na kaban ng kaalaman, ideolohiya, at praktikal na pilosopiya at punto-de-bista, na nakapundar rin sa karanasan ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo. Gabay ito sa pagbabagsak ng makauring lipunan o ng kapitalismo at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong transpormasyon. Tatak ng Ekonomismo ang pagtangging mag-aral ng teorya. Ang pag-aralan ang teorya, kahit wala pa ang rebolusyonaryong kalagayan, ay napakahalaga para ihanda ang uri sa nalalapit na salpukan ng mga uri sa lipunan.
4. “The separation of the working-class movement from socialism… spells bourgeois ideology.”
4.1. Hindi lamang apektado ang mga manggagawa. Ang ilang naturingang sosyalistang grupo sa panahon ni Lenin ay nahulog din sa burgis na linya ng liberalismo (pakikibaka sa kakarampot na reporma para sa ilang ganansya, at pagkikinis lamang ng mga kasamaan at kasalanan ng kapitalismo, at hindi pananawagan ng pagwawakas nito).
5. Ang sakit ng Ekonomismo ay itinuring din ni Lenin na paglulublob sa ‘putikan’, na dinadala ng mga pwersang nanghihikayat pa sa mga rebolusyonaryong sosyalista na pumunta sa putikan dahil ito raw ang ‘mas mainam na daan’. Ito ang daan ng konsilyasyon at paghingi ng ‘posible lamang na reporma’ sa kapitalismo at kung gayon, walang gaanong peligro sa daan na ito. Heto ang matinding bigwas ni Lenin:
6. “We are marching in a compact group along a precipitous and difficult path, firmly holding each other by the hand… We have combined voluntarily, especially for the purpose of fighting the enemy, and not of retreating into the neighboring marsh, the inhabitants of which… have reproached us with having separated ourselves into an exclusive group and with having chosen the path of struggle instead of the path of conciliation. [Some] among us begin to cry out: Let us go into the marsh! And when we begin to shame them, they retort: How conservative you are! Are you not ashamed to deny us the liberty to invite you to take a better road!…
6.1. Sa halip na lumublob sa ‘putikan’, dapat mulat na paunlarin ang makauring tunggalian (class struggle) na susing elemento para iwasan ang pagkabalaho at tumahak sa makabuluhang landas ng tunay na pagbabago. Mahahalagang komponent nito ang sumusunod: pagsusulong ng kamalayan ng uri at ng masa sa landas ng rebolusyonaryong pagbabago, sa landas ng pag-agaw ng kapangyarihan sa mga naghaharing uri at pagtatayo ng Gobyerno ng Masa, at sa landas ng pagpupundar ng sosyalismo sa bansa.
6.2. Nangangahulugan din ito ng antas-antas na pagpapataas ng aksyon ng masa, mula sa mga hiwahiwalay na protesta at welga tungo sa papatinding aksyon na sa atin mismong karanasan, ang kulminasyon ay malaganap at makapangyarihang Welgang Bayan. Panahon nang ipaliwanag natin ito bilang kongkretong estratehiya, paraan o anyo ng darating na pagsiklab ng makauring tunggalian sa bansa. Ang pagtangging talakayin ito, kahit sa hanay ng ating mga aktibista, kahit wala pang ‘reboluisyonaryong sitwasyon’ ay kakulangan sa pamumuno, sa pagbibigay ng direksyon sa darating na salpukan ng mga uri.
Pagmumuni sa Kasalukuyan
1. Ang Ekonomismo sa kasalukuyang panahon ay repormismo. Isa sa katangian nito ang advocacy lamang para sa mga reporma at hindi pagtataas nito bilang paghahanda sa masa sa pagbabago ng sistemang kapitalista tungo sistemang sosyalista.
2. Maiiintindihan ito sa kaso ng mga purong NGOs, pero sa mga NGOs na pinamumunuan o nasasaklaw ng rebolusyonaryong pwersa, kailangang tiyakin na hindi tayo masadlak sa advocacy lamang at pananawagan ng policy reforms (na kadalasang single-issue). Mahalagang pag-aralan kung paano maiiwasan ang una habang tinutuklas ang mga pleksibleng paraan na maitaas ang kamalayan ng masa at ng kanilang organisasyon.
3. Walang masama sa pagtatayo ng kilusan (movement-building) sang-ayon sa mga adbokasiya. Pero kailangang i-critique ang usapin ng “movementism” na pagtatayo ng mga hiwahiwalay na kilusan at pagsusulong ng mga kampanyang may limitadong saklaw at laman, gaya ng: trade union rights lamang, sa ilalim ng limitadong saklaw ng trade union movement;
anti-debt advocacy, sa ilalim ng limitadong saklaw ng anti-debt movement; climate justice at just transition, sa ilalim ng limitadong saklaw ng environment movement; advocacy ng women rights, sa ilalim ng limitadong saklaw ng women’s movement; at mga gaya nito.
4. Kailangan ang ganitong mga kilusan, kahit sa limitadong laman at saklaw nito. Subalit kailangang pag-aralan ang pag-uugnayan ng mga ito at ang pagtataas ng mga kahilingan at isyu sa balangkas na napagtitibay ang pangangailangan ng sentralisadong rebolusyonaryong aksyon at malapad na plataporma ng rebolusyonaryong pagbabago. Kamakailan, isang NGO leader ang kinukwestyon pa ang pag-iral ng advocacy sa ecosocialism sa ilalim ng malapad na kilusan para sa climate justice. Hindi maaaring maitabi sa kilusang environment ang mga nagdadala ng panawagang wakasan ang kapitalismo (‘change the system’) para magsimulang mawakasan ang sistemang pinagmumulan ng pagsira sa kalikasan at sa ekolohiya ng daigdig.
5. Sa gayon, kailangang unawain ang contradictory character ng mga NGOs. Ang ‘movement building’ ay hindi kasinglinaw ng ‘organizing work’ na kailangang gawin sa bawat lugar na naroroon ang masa na pinakikilos sa maraming isyu ng paglaban. Ang una ay nakapokus sa mga single-issue advocacy at campaigns, networking at coalition building, at mobilisasyon at lobbying para sa mga policy reforms na posible at compatible sa sistemang kapitalismo, at limitado sa balangkas ng “engagement” sa estado at mga institusyon nito. Kadalasang ang dahilan nito ay ang direksyong ini-impose sa mga NGOs ng mga funding agencies sa mayayamang bansa sa Global North. Ikinakahon nito ang funder-driven NGOs sa repormistang pulitika.
6. Ang mahalagang bagay ay naiintindihan ng ating mga kasamang NGOs na kailangang ikutan ito. At batid nila na ang NGOs ay hindi pamalit sa rebolusyonaryong sosyalistang partido, gaya nang ang ‘movementism’ ay hindi pamalit sa kongkretong pag-oorganisa ng masa at paghahanda sa kanila sa tuluy-tuloy na laban. Gayunman, may natatanging halaga pa rin sila sa pagkakamit ng mga parsyal na konsesyon na nagbibigay ng kakayahang huminga ng masa sa ilalim ng kapitalistang sistema. May progresibong papel sila sa pagtataas ng kamalayan, pagpapakilos o mobilisasyon ng masa, at pagdepensa sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan.
7. Subalit ang mga NGOs (at marami nito labas sa ating hanay) – na hindi kinikilala ang pangangailangan ng isang sentralisadong rebolusyonaryong partido para pamunuan, pagkaisahin at itaas ang makauring pakikibaka sa rebolusyonaryong pagbabago – ay nagpapanatili ng pagkakahati-hati at atomisasyon ng organisasyon ng mga marginalized na sektor at nagiging balakid sa pagsulong ng rebolusyonaryong kamalayan at kahandaan ng masa.
8. Maaaring mag-engage ang mga rebolusyonaryo sa NGOs bilang mga behikulo o arena na magagamit sa pag-ugnay sa masa habang dinadala sa bingit ang mga isinusulong na reporma kung saan maiintindihan na masa ang pangangailangan sa tunay na rebolusyonaryong pagbabago.
9. Para sa mga organisasyong masa, kailangang hindi mahirati sa pagkilos lamang nila bilang ‘warm bodies’ sa mga patawag na mobilisasyon ng ating mga NGOs at organisasyong masa. Ang direksyon ng pagpapalakas ng kanilang hanay ay pagpapalawak pa ng saklaw ng ating base – ibig sabihin, mas maraming chapters at nabuksang mga pagawaan at komunidad.
10. Pansinin na tuwing may eleksyon ay may paglawak ng ating saklaw, kahit man lamang sa elektoral na larangan. Pero tatlong buwan na ang lumipas mula eleksyong 2025 at kailangang planuhin nating maabot ang ilang bahagi ng may 6 na milyong botong natanggap ng ating mga kandidato.
10. Mahalaga ang pagsusulong ng elektoral na pakikibaka hindi lamang sa oportunidad na mapalawak pa ang ating hanay at ang naaabot ng ating mga propaganda at pagkilos – kundi naililinaw at naibabahagi natin ang ‘transitional na sosyalistang plataporma’ – kabilang dito ang plataporma ng pagwawakas sa political dynasties, pagpapataw ng wealth tax laluna sa oligarkiya, at pananawagan sa ‘Gobyerno ng Masa’.
Pagtatayo ng rebolusyonaryong partido
1. Ang What is to be Done ay kinikilala ng mga rebolusyonaryong pwersa na pangunahing pamphlet sa pagbubuo ng rebolusyonaryong partido. Sa akda, ang konteksto ng pagbubuo ng sentral na organisasyon ng rebolusyonaryong pwersa ay ang pag-iral ng malupit na diktadura sa ilalim ng Tsarismo.
2. Kaya sa kalagayan noon sa Pilipinas sa ilalim ng diktadurang Marcos, laganap ang pag-aaral ng akdang What is to be Done, laluna sa mga punong lungsod sa bansa. Subalit ngayon, itinuturing na lamang ito ng marami na isang tekstong pangkasaysayan na pinaglipasan na ng panahon.
3. Ang konteksto ng akda ay gaya nang karanasan natin sa ilalim ng diktadura, kung saan ang tanging angkop na organisasyon ay kilusang lihim (underground movement). Dito nakapundar ang mga mungkahi ni Lenin na magkaroon ng underground party na binubuo ng mga ‘propesyonal na rebolusyonaryo” (full-time na mga rebolusyonaryo na nakatuon ang buong buhay sa pagbabagsak ng Tsarismo at bulok na kapitalistang sistema, pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon, at pagtatayo ng sosyalismo).
4. Totoong wala nang ganitong kahigpit na kalagayan, sapagkat binuksan ng pagbagsak ng diktadura ang pampulitikang espasyo para sa hayag o semi-hayag na pag-iral at pagkakampanya ng mga rebolusyonaryo at sosyalistang grupo. Binuksan din ang burgis, liberal at pormal na demokrasya para sa naghaharing uri (kaya may mga eleksyon pero kontrolado pa rin nila). Ang ating pananaw at plataporma, at mga panawagan, ay malaya ring maisusulong, bagamat marami pang limitasyon kaugnay nito.
Mga Kataga ni Lenin sa Pagtatayo ng Partido (Party-Building)
1. “The organization of revolutionaries must consist first and foremost of people whose profession is that of a revolutionary.”
1.1. Nanawagan si Lenin ng organisasyon ng mga kadre o abanteng seksyon (aktibista) ng uring manggagawa na may mataas na pampulitikang kamalayan at sinasanay sa pampulitikang pamumuno.
2. Kung paano ito agad na bubuuin sa konteksto ng otokrasya o diktadura at marahas na panunupil sa sinumang kokontra sa naghaharing rehimen, iminungkahi ni Lenin ang isang all-Russia political newspaper (all-Russia dahil ang Russia noon ay binubuo ng maraming nasyonalidad): “A newspaper is not only a collective propagandist and a collective agitator, it is also a collective organizer.”
3. Iminungkahi ito ni Lenin bilang scaffolding sa pagbubuo ng hiwahiwalay na mga sosyalistang sirkulo. Ito ang maglalathala ng mga paglilinaw sa nilalaman, direksyon, at teorya ng pakikibakang isusulong ng uri. Ang sirkulasyon nito ang titiyak na mayroong tatahi sa hiwahiwalay na mga grupo. At ang mga network nito ang titiyak na sa tamang panahon, maipatatawag na muli ang pagbubo ng rebolusyonaryong sosyalistang partido na naunsyami sa unang pagtatangka nito noong 1898.
Pagmumuni sa Kasalukuyan
1. Isang malaking kakulangan na wala tayong naitayong regular na pahayagan ng rebolusyonaryong partido, na may sirkulasyon mula sa hanay ng ating mga aktibista tungo sa hanay ng militanteng seksyon ng uri. Maiintindihan ang malaking kawalan na ito sa estratehiya ng protracted people’s war ng ating dating kinasapiang partido. Sa estratehiyang ito, ang mahalaga ay bala, ang pakikidigmang gerilya, at ang propaganda ay hindi sa pagtataas ng makauring pakikibaka ng masa, kundi sa pagsusulong ng nasabing estratehiya.
2. Sa kalagayan ngayon, nahalinhan na ang bisa ng pahayagan ng social media. Ang social media ay may malawak na saklaw ng mambabasa. Ang ating masa ay may access sa social media, kahit lamang sa Facebook, Tiktok, at YouTube. Pero ang mga social media platform na ito ay makitid, at ginagamit ng maraming kabataan ngayon para sa networking, pagpapalaganap ng mga short videos, at ang iba ay pag-generate ng mga followers at advertisements na magbibigay ng kaunting pinansya.
3. Pero kung inihahambing natin ito sa papel ng sosyalistang pahayagan na binanggit ni Lenin, ang pinakamalapit sa social media ay ang mga podcast, webinar discussion, at YouTube recording. Sa mga nabanggit, hindi tayo limitado sa oras at saklaw ng talakayan. At 24-oras itong magagamit para magkaroon ng mga talakayang teoretikal at politikal sa ating mga kasapi, aktibista at mga maeengganyo pa.
4. Nagkaroon ang PLM ng mga pagtatangka na maglunsad ng podcast (Ang Masa ang Pag-asa) na umabot sa ilang serye pero natigil na. Tinangka rin sa YouTube ang mga lektura sa teorya at mga klasikal na teksto. #
August 23, 2025
