
May dalawang mahahalagang welga ng manggagawa ang sumusulong ngayon — magkahiwalay sa anyo pero nagkakaisa sa paglaban sa pagsasamantala.
Una, ang welga sa transportasyon na pinangungunahan ng PISTON, na lalawak pa sa pagwewelga ng MANIBELA at iba pang organisasyon ng mga tsuper at opereytor sa March 26–27.
Ito ay direktang paglaban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, Oil Deregulation law, at pagpapatigil sa mga patakarang nagpapahirap sa sektor ng transportasyon at sa masa, gaya ng VAT at excise tax na kinokolekta ng gobyerno, at sa mga programang “modernisasyon sa transport” na nagtataboy sa maliliit na drayber at opereytor.
Hindi lamang ito laban para sa mga tsuper kundi para sa abot-kayang pamasahe at kapakanan ng buong sambayanan.
Ikalawa, ang welga ng mga manggagawa sa Packaging Union ng Asia Brewery Inc. (ABI) sa Cabuyao, Laguna na pagmamay-ari ng oligarkong si Lucio Tan. Laban ito sa matinding pambabarat sa sahod, kontraktwalisasyon, at mapagsamantalang kondisyon sa paggawa na pinaiiral ng multibilyonaryong kapitalistang si Lucio Tan. Ang makatwirang welga na inilulunsad nila ay marahas na binubuwag ng mga pulis at bayarang goons ni Tan.
Ito ay hayagang tunggalian sa loob ng produksyon — kung saan ang murang lakas-paggawa ng manggagawa ang pinagmumulan ng yaman na kinukarakot ng mga kapitalista habang ang mga manggagawa ang pinahihirapan at ibinabaon sa pagkakautang. Hayagan din itong pagsuporta ng kapitalistang estado sa mga kapitalistang may-ari ng pabrika.
Dalawang welga — mula sa dalawang saray ng manggagawa: ang malaproletaryong sektor ng transportasyon at ang proletaryong manggagawa sa industriya.
Hindi dapat pagbanggain ang kahalagahan ng dalawang laban. Sa halip, unawain ito bilang magkakaugnay na anyo ng iisang tunggalian laban sa kapitalistang pagsasamantala:
• Ang welga sa transportasyon ay pag-ulos sa mga patakaran ng estado, sa deregulasyon ng langis, sa kontrol ng malalaking oil companies, at sa kabiguang protektahan ang mamamayan laban sa krisis sa presyo.
• Ang welga sa pabrika ay pag-ulos sa mismong kapitalista at oligarkiya, sa direktang pagsipsip ng tubo mula sa paggawa ng manggagawa.
Sa kabuuan, ito ay laban sa parehong sistema: isang lipunang pinaghaharian ng oligarkiya, political dynasties, at kapitalistang estado na nagsisilbi sa interes ng iilan.
Ang hamon ngayon ay pag-ugnayin ang mga laban na ito. Mahalaga ang ating suporta para mangyari ito.
Gawin nating magkasabay ang pagkilos ng nagkakaisang pwersa ng iba’t ibang seksyon ng uring manggagawa – mula sa pabrika hanggang sa kalsada.
Mahalaga ang papel ng iba pang pinagsasamantalahang sektor sa laban na ito: magsasaka at mangingisda; maralita sa lungsod at kanayunan; kababaihan at kabataan; estudyante at propesyonal; maliliit na vendor, tricycle drivers, at iba pang sektor ng impormal na ekonomiya. Kasama rin ang demokratikong bahagi ng mga panggitnang uri.
Sa pag-uugnay-ugnay ng ating mga pakikibaka, unti-unting mabubuo ang kapangyarihan ng masa — isang lakas na hahantong sa mas malawak at mas organisadong anyo ng mga pakikibaka.
Ito ang landas tungo sa Welgang Bayan — isang kolektibong pagkilos ng mamamayan na hahamon at magpapatigil sa sistematikong pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan.
Itinataas namin ang panawagang: Pag-ugnayin ang lahat ng mga Pakikibaka, Palawakin ang Larangan ng Laban!
