LEKTURA SA SOSYALISMO AT PAKIKIBAKA SA PAGLAYA NG KABABAIHAN
Ni Reihana Mohideen
I. Historikal na Pagtanaw: Ang Unang Agos (First Wave) ng Kilusang Kababaihan
A. Panahon ng Suffragette (huling bahagi ng ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo)

1. Ang unang yugtong ito ng kilusang kababaihan ay pangunahing nakatuon sa pakikipaglaban para sa legal na pagkakapantay-pantay, lalo na ang karapatang bumoto (women’s suffrage).
2. Mga Pangunahing Katangian:
• Umusbong sa Europe at North America noong huling bahagi ng 1800s.
• Hinamon ng kababaihan ang mga batas na itinuturing silang legal dependents ng kalalakihan. • Ang sentral na panawagan: ang karapatang bumoto at lumahok sa pulitika.
3. Mga lider ng suffragettes:
• Emmeline Pankhurst – pinuno ng militanteng organisasyong suffragette na Women’s Social and Political Union sa Britain.
• Susan B. Anthony – pangunahing tagapag-organisa sa United States.
• Elizabeth Cady Stanton – nag-organisa ng Seneca Falls Convention, isa sa mga pinakaunang pagtitipon ng mga feminista.
4. Pangunahing Tagumpay: Unti-unting ipinagkaloob ng maraming mga bansa ang karapatang bumoto sa kababaihan:
• New Zealand: ang unang bansang nagbigay ng suffrage sa kababaihan (1893)
• United Kingdom: bahagyang pagkakapantay-pantay noong 1918, at ganap na pagkakapantay noong 1928
• United Sates: 1920, sa pamamagitan ng ika-19 na Amyenda sa Konstitusyon ng U.S.
• Pilipinas: Pinahintulutan ng Konstitusyon ng Pilipinas noong 1935 ang women’s suffrage kung ito ay aaprubahan ng mismong kababaihan sa pamamagitan ng plebisito. Noong Abril 30, 1937, nagsagawa ang pamahalaan ng plebisitong para lamang sa kababaihan. Unang lumahok ang kababaihan sa pambansang halalan noong 1938, sa mga lokal na halalan, at kalaunan sa pambansang halalan sa panahon ng Commonwealth ng Pilipinas.
5. Mga Limitasyon ng Unang Agos:
• Madalas na pinangunahan ng mga puting kababaihang nasa gitnang uri.
• Maraming kababaihang manggagawa at kababaihang may kulay ang naisantabi o na-marginalize.
• Nakatuon ito sa mga karapatang pulitikal, hindi pa sa mas malawak na pagkakapantay-pantay panlipunan.
B. Ang Sosyalistang Kilusang Kababaihan
1. Kasabay ng kilusang suffragette, umusbong ang isa pang agos ng pakikibaka ng kababaihan sa loob ng mga kilusang sosyalista at manggagawa. Ipinanindigan ng mga sosyalistang kababaihan na ang pang-aapi sa kababaihan ay nakaugat hindi lamang sa mga discriminatory laws kundi sistemang kapitalista at ang pagsasamantala sa uri.
2. Ang mga kababaihang ito ay kumilos sa pamamagitan ng mga partidong sosyalista at kilusang paggawa para organisahin ang kababaihang manggagawa, manggagawa sa pabrika, at mga domestic worker.
3. Mga Pangunahing Lider:
• Clara Zetkin – Social Democratic Party (SPD) ng Germany (na kalaunan ay naging Communist Party [KPD]) na nangungunang tagapag-organisa ng mga sosyalistang kababaihan.
• Alexandra Kollontai – rebolusyonaryong Ruso, Bolshevik Party (RSDLP) na lumaban para sa pagpapalaya ng kababaihan sa loob ng kilusang sosyalista.
• Rosa Luxemburg – lider ng SPD at kalaunan ng KPD na sumuporta sa pakikibaka ng mga kababaihang manggagawa.
4. Mga Pangunahing Ideya ng Sosyalistang Feminismo
Ipinanindigan ng mga sosyalistang kababaihan na:
(1) Ang pang-aapi sa kababaihan ay kaugnay ng pagsasamantala sa uri.
(2) Hindi sapat ang legal na pagkakapantay-pantay. Kahit makamit ng kababaihan ang karapatang bumoto, magpapatuloy ang hindi pagkakapantay- sa ekonomiya hangga’t hindi nababago ang sistema.
(3) Kailangang mag-organisa ang kababaihang manggagawa kasama ng kilusang paggawa.
(4) Ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kababaihan ay nakaugnay sa pakikibaka para sa sosyalismo.
Ang Pagkakatatag ng International Women’s Day
1. Iminungkahi ni Clara Zetkin ang ideya ng International Women’s Day noong 1910 sa International Socialist Women’s Conference.
2. Nanawagan ang kumperensya para sa isang taunang pandaigdigang araw ng pagkilos kung saan magmomobilisa ang kababaihan para sa women’s suffrage, karapatan ng manggagawa, kapayapaan, at sosyalismo.
3. Isa sa pinakamahalagang pangyayari ay naganap noong 1917 sa Russia. Ang mga babaeng manggagawa sa tela sa Petrograd ay nagwelga noong Marso 8 (Pebrero sa lumang kalendaryong Ruso) na may panawagang “Pagkain at Kapayapaan.”

4. Ang protestang ito ay nakatulong magpasiklab sa February Revolution na nagbagsak sa Tsarismo (monarkiya).
5. Pagkatapos ng Russian Revolution ng 1917, idineklara ng rebolusyonaryong pamahalaan na pinamunuan ng partidong Bolshevik ang Marso 8 bilang opisyal na araw ng pagdiriwang sa pakikibaka ng kababaihan.
Mga Nakamit sa Ilalim ng Naitayongg Sosyalistang Pamahalaan
1. Matapos ang Russian Revolution, ang pamahalaang pinamunuan ni Vladimir Lenin ay nagpatupad ng mga reporma na naimpluwensyahan ng mga aktibistang gaya ni Alexandra Kollontai:
• Ginawang legal ang diborsyo
• Ginawang legal ang aborsyon (binaligtad ito sa ilalim ng pamumuno ni Stalin)
• Nagpatupad ng benepisyo sa maternity
• Itinaguyod ang partisipasyon ng kababaihan sa trabaho at pulitika
2. Ang mga repormang ito ay pinaka-progresibong patakaran sa karapatan ng kababaihan noong unang bahagi ng ika-20 siglo.
3. Ang pangunahing pagkakaiba ng kilusang suffragette at sosyalistang feminist noong panahong iyon:
| Kilusang Suffragette | Sosyalistang Kilusan ng Kababaihan |
| Nakatuon sa karapatang bumoto | Iniugnay ang pagpapalaya ng kababaihan sa pakikibaka ng manggagawa at sosyalismo |
| Madalas pangunahan ng kababaihang nasa gitnang uri | Organized working-class women |
| Nakatuon sa legal na pagkakapantay-pantay | Anti-kapitalista at itinuturing ang sosyalismo bilang alternatibo |
II. Ikalawang Agos (2nd Wave) ng Kilusang Feminista (1960s – 1980s)

1. Pinalawak ng ikalawang yugto ang feminismo lampas sa karapatang bumoto tungo sa panlipunan, pang-ekonomiya, at kultural na pagkakapantay-pantay.
2. Historikal na Konteksto: Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming kababaihan ang ibinalik sa mga gawaing domestiko kahit sila ay nagtrabaho noong panahon ng digmaan. Nagkaroon ng radikalisyon ng kabataan, kasama ang kababaihan sa Kanluran. Pagsapit ng 1960s, sinimulang hamunin ng kababaihan ang sistemang umiiral.
3. Mga Pangunahing Panawagan. Nakipaglaban ang mga feminista ng 2nd wave para sa:
• Pantay na sahod
• Karapatang reproduktibo – dekriminalisasyon ng aborsyon at karapatan ng kababaihan na pumili at kontrolin ang sariling katawan.
- Popular na islogan: “Not the Church, Not the State, Women Must Decide Their Fate! [Hindi ang Simbahan, Hindi ang Estado, Ang Kababaihan ang Magpapasya sa Kanilang Kapalaran!]
- Akses sa edukasyon at trabaho
- Legal na proteksyon laban sa diskriminasyon
- Childcare at mga serbisyong panlipunan
- Kalayaan mula sa karahasang sekswal, kabilang ang kampanya laban sa rape sa kampus
4. Mga Pangunahing Tagumpay:
• Mga batas laban sa diskriminasyon sa trabaho at edukasyon
• Paglawak ng mga karapatang reproduktibo (hal., Roe vs. Wade Supreme Court decision sa U.S.; dekriminalisasyon ng aborsyon sa Australia)
• Paglago ng feminist na pag-aaral at aktibismo sa buong mundo
5. Mga Kritik sa Ikalawang Alon: Iginiit ng mga sumunod na feminista na ang kilusang ito ay:
• Labis na nakatuon sa karanasan ng mga puting kababaihan na nasa gitnang uri
• Hindi ganap na natugunan ang usapin ng lahi, uri, at kolonyalismo
• Hindi saklaw ang mga karapatan ng LGBTQ
6. Ang mga kritik ito ay nagbigay-daan sa pag-usbong ng intersectional feminism noong 1990s. Ito ang pagsusuri sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi na nag-ooverlap at siyang bumubuo ng iba’t ibang karansan ng pang-aapi (hal. gender, class, race, at iba pa).
7. Sumada:
| Mga Agos | Pangunahing Pokus | Period |
| First Wave (Suffragettes) | Mga karapatang pulitikal, laluna ang pagboto. | Late 1800s-1920s |
| Second Wave | Panlipunan, pang-ekonomiya, at reproduktibong pagkakapantay-pantay | 1960s-1980s |
III. Ikatlong Agos: Feminismo ng 1990s – 2010s
A. Feminismo ng 1990s
1. Umusbong noong unang bahagi ng 1990s, bilang bahagyang tugon sa mga limitasyon ng co-optation ng 2nd wave.
2. Mga Susing Ideya:
• Intersectionality
Binibigyang-diin ng mga feminista na iba-iba ang karanasan ng kababaihan sa pang-aapi depende sa lahi, uri, sekswalidad, at nasyonalidad.
• Pagkakaiba (Diversity) ng Karanasan ng Kababaihan
Tinanggihan ng feminismo ng 3rd wave ang ideya na iisa lamang ang unibersal na karanasan ng kababaihan.
• Awtonomiya sa Katawan at Sekswalidad
Hinahamon ang mga katayuan ng kasarian (gender)
• Aktibismo sa Kultura at Midya
Lumaganap ang feminist na aktibismo sa musika, sining, at kultura ng kabataan—lalo na sa pamamagitan ng mga kilusang gaya ng Riot Grrrl, isang feminist na punk subculture.

3. Mga sumunod na problema kaugnay ng post-modernism at pagsulong ng identity politics na ang pokus ay sariling mga karanasan, kaysa pagsusuri sa kabuuan.
4. Mga Impluwensyal na Manunulat ng 3rd Wave:
• bell hooks – sinuri ang ugnayan ng lahi, kapitalismo, at patriyarka.
• Judith Butler – bumuo ng mga teorya hinggil sa kasarian bilang isang social construct (nilikha lamang sa namamayaning ideya ng lipunan).
B. Feminismo ng 2010s Hanggang Kasalukuyan
1. Mga Pangunahing Katangian:
• Digital Activism
Ang social media ay naging pangunahing kasangkapan sa pag-oorganisa ng mga kilusang feminista.
• Mga Kampanya Laban sa Karahasang Sekswal
Isa sa pinaka-maimpluwensyang kilusang pandaigdig ang Me Too movement na unang pinasimulan ng aktibistang si Tarana Burke.
• Pandaigdigang Feminismo
Ang mga pakikibakang feminista ngayon ay nag-uugnay sa mga kilusan sa iba’t ibang bansa na lumalaban para sa:
• karahasang batay sa kasarian
• karapatang reproduktibo
• diskriminasyon sa lugar ng trabaho
• awtoritaryanismo at militarismo
• Intersectional Feminism
Malawak na tinatanggap ngayon ng maraming kilusan ang intersectionality, at kinikilala kung paano nagtatagpo ang patriyarkiya sa kapitalismo, rasismo, at kolonyalismo.
2. Sumada ng mga Yugto ng Kilusang Kababaihan:
| Wave | Period | Pangunahing Pokus |
| First Wave | Late 1800s–1920s | Karapatang bumoto at legal na pagkakapantay-pantay |
| Second Wave | 1960s–1980s | Pagkakapantay-pantay sa trabaho, karapatang reproduktibo, panlipunang pagpapalaya |
| (Post) Feminism | 1990s–2010s | Diversity, identity, intersectionality |
| (Post) Feminism | 2010s–today | Digital activism, mga kampanyang laban sa karahasan, global feminism |
C. Anti-Imperyalismo at Third World Feminism
1. Ang Third World feminism ay umusbong noong 1960s–1980s kasabay ng mga anti-kolonyal at anti-imperyalistang pakikibaka sa Asia, Africa, Latin America, at Middle East. Ipinanindigan nito na ang pang-aapi sa kababaihan ay hindi maaaring ihiwalay sa kolonyalismo, imperyalismo, rasismo, at pandaigdigang kapitalismo.
2. Maraming kababaihang aktibista sa Global South ang naniniwala na ang mainstream na feminismo sa Kanluran ay madalas na hindi pinapansin ang mga realidad na kinakaharap ng kababaihang nabubuhay sa ilalim ng kolonyal na paghahari, diktadura, digmaan, at pagsasamantalang ekonomiko.
3. Historikal na Konteksto. Naimpluwensyahan ito ng mga kilusan sa pambansang pagpapalaya:
• Digmaan sa Vietnam (1955–1975)
• Rebolusyong Cuban (1959)
4. Gumanap ang kababaihan ng mahahalagang papel sa mga pakikibakang ito—bilang mga mandirigma, tagapag-organisa, manggagawa, at lider ng komunidad. Hinubog ng mga karanasang ito ang pag-iisip ng feminismo sa Global South.
5. Mga Pangunahing Ideya ng Third World Feminism:
(1) Anti-Imperyalismo:
Ipinanindigan ng Third World feminists na ang imperyalismo at dominasyong militar ay nagpapalalim ng pang-aapi sa kababaihan sa pamamagitan ng digmaan at militarisasyon; economic dependency; displacement ng mga manggagawa at komunidad at laganap na kahirapan; at mismong pagsasamantala sa kababaihang manggagawa.

(2) Ang kababaihan sa mga bansang kolonisado o malakolonya ay madalas nakararanas ng dobleng o tripleng pang-aapi: patriyarkiya + pagsasamantala sa uri + imperyal na dominasyon.
(3) Kritika sa Feminismong Kanluranin. Pinupuna ng Third World feminists ang ilang perspektiba ng feminismo sa Kanluran dahil sa pag-aakala nito na iisa ang karanasan ng lahat ng kababaihan; pagbalewala sa kasaysayan ng kolonyalismo; pagtutok lamang sa mga usapin ng indibidwal na karapatan kaysa kolektibong pagpapalaya.
(4) Kolektibong Pagpapalaya. Madalas iugnay ng Third World feminism ang pagpapalaya ng kababaihan sa anti-imperyalismo: pambansang pagpapalaya; pakikibaka ng manggagawa; reporma sa lupa; hustisyang panlipunan.
Ang pananaw na ito ay malakas na umaayon sa sosyalistang feminismo.
6. Mga Susing Thinkers:
• Angela Davis – iniugnay ang feminismo sa anti-rasismo, anti-kapitalismo, at pag-aalis ng sistemang kulungan.
• Nawal El Saadawi – feministang Egyptian na nag-ugnay sa patriyarkiya at awtoritaryanismo at imperyalismo.
7. Ugnayan sa mga Kilusang Peminista sa Kasalukuyan: Sa ngayon, maraming kilusang feminista ang humuhugot sa Third World feminism sa pagtalakay sa:
• militarismo at gyera
• pandaigdigang pagsasamantala sa paggawa
• migrasyon at trafficking
• hustisyang pangklima
• mga patakarang ekonomiko ng neokolonyalismo
8. Para sa maraming aktibista sa Global South, ang pagpapalaya ng kababaihan ay hindi maaaring ihiwalay sa pakikibaka laban sa imperyalismo at kapitalismo.
9. Sumada:
| Tradisyong Feminista | Pangunahing Pokus |
| Western Liberal Feminism | Legal na pagkakapantay-pantay at indibidwal na mga karapatan |
| Sosyalistang Feminismo | Pagpapalaya ng kababaihan na inuugnay sa pakikibaka ng uri |
| Third World/Anti-imperialist Feminism | Pagpapalaya ng kababaihan na inuugnay sa anti-kolonyal at anti-imperyalistang pakikibaka |
| Nag-o-overlap ang Socialist Feminism at Third World Feminism | |
D. Ang Kumperensya ng UN Women sa Nairobi, Africa (1985)
1. Isang mahalagang pandaigdigang pagtitipon ng mga feminista na ginanap sa Africa ay ang World Conference on Women, na inorganisa ng United Nations sa Nairobi, Kenya.
2. Malakas na Boses ng Global South. Ipinanindigan ng mga kababaihan mula sa Africa, Asia, Latin America, at Middle East na ang pang-aapi sa kababaihan ay hindi maaaring ihiwalay sa:
• imperyalismo
• mga pamana ng kolonyalismo
• utang at economic dependence
• militarismo at gyera
3. Ang perspektibang ito ay nakatulong magpalakas sa Third World feminism at sa anti-imperyalistang pulitika ng feminismo.
4. Nakatulong ang kumperensya sa Nairobi na:
• gawing lehitimo ang mga perspektiba ng Third World feminism
• nagpalakas ng mga internasyonal na network ng mga feminista
• iniugnay ang feminismo sa kaunlaran, kapayapaan, at anti-imperyalismo
5. Historikal na kabuluhan: Sinasabi ng maraming historyador na ang Nairobi Conference ang naging fulcrum kung saan ang pandaigdigang feminismo ay tunay na naging internasyonal, kung saan ang kababaihan sa Global South ang humubog sa agenda, sa halip na basta lumahok na lamang.

E. Sosyalistang Feminismo at Marxistang Feminismo sa Second Wave (1960s–1980s)
1. Sa panahong ito, dalawang mahalagang agos ang umusbong sa loob ng kilusang kababaihan: Marxistang feminismo at sosyalistang feminismo. Pareho nilang ipinanindigan na ang pang-aapi sa kababaihan ay kaugnay ng mga sistemang ekonomiko, tunggaliang makauri, at agsasamantala sa paggawa, hindi lamang ng mga kultural na pananaw o discriminatory laws.

2. Ang mga perspektibang ito ay umusbong mula sa kilusang New Left, sa pakikibaka ng manggagawa, at sa aktibismong anti-war noong 1960s at 1970s.
Marxistang Feminismo
1. Pangunahing Ideya: Ipinanindigan ng mga Marxistang feminista na ang pang-aapi sa kababaihan ay nagmula sa pag-usbong ng pribadong pag-aari at lipunang makauri.
2. Nakabatay ang kanilang pagsusuri sa mga akda nina Karl Marx at Friedrich Engels, laluna ang aklat ni Engels na The Origin of the Family, Private Property and the State (1884). [Tingnan ang sumada ng aklat na Engels sa Annex A sa ibaba.]
3. Mga susing argumento kaugnay ng kapitalismo:
• Ang hindi bayad na gawaing bahay ng kababaihan ay nagpapanatili sa kapitalismo. Ang gawaing-bahay, pag-aalaga ng bata, at gawaing reproduktibo ay muling lumilikha ng lakas-paggawa na hindi binabayaran o kinikilala bilang ekonomikong paggawa.
• Nakikinabang ang kapitalismo sa hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian. Madalas na mas mababa ang sahod ng kababaihan at ginagamit silang murang lakas-paggawa na nagpapataas ng kita ng kapitalista.
• Ang tunay na pagpapalaya sa kababaihan ay nangangailangan ng pagwawakas ng kapitalismo.
Sosyalistang Feminismo
1. Pangunahing Ideya: Umusbong ang sosyalistang feminismo bilang tugon sa mga limitasyon ng parehong kilusan ng Kaliwa at radikal na feminismo.
2. Minaliit ng ilang partidong komunista ang kilusang kababaihan bilang petiburgis na kilusan.
3. Iginiit ng mga sosyalistang feminista na ang pang-aapi sa kababaihan ay nagmumula sa dalawang magkakaugnay na sistema:
• Kapitalismo
• Patriyarkiya
4. Gayunpaman, ang mga ito ay dalawang magkahiwalay o relatibong awtonomong sistema. Binigyang-diin ng sosyalistang feminismo ang sistemang patriyarkal higit sa usapin ng uri.
5. Mga Impluwensyal na Sosyalistang Feminista:
• Juliet Mitchell – sinuri ang ugnayan ng kapitalismo at patriyarkiya.
• Heidi Hartmann – sinuri ang “hindi masayang matrimonya” ng Marxismo at feminismo.
• Zillah Eisenstein – bumuo ng teorya hinggil sa kapitalistang patriyarkiya.
6. Pagkakaiba ng Marxista at Sosyalistang Feminismo:
| Marxistang Feminismo | Sosyalistang cialist Feminismo |
| Nakatuon pangunahin sa relasyong makauri at pinagmulan ng pang-aapi sa kababaihan * | Sinusuri ang kapitalismo + patriyarkiya nang magkasama |
| Ang pang-aapi sa kababaihan ay nakaugat sa pag-unlad ng lipunang makauri, makauring pagsasamantala, batay sa sistema ng pamilyang nukleyar | Ang pang-aapi sa kababaihan ay nagmumula sa magkakaugnay na mga sistemang panlipunan* |
| *Uri sa pinakamalawak na kahulugan. Hindi lamang sa mga pakikibakang unyon ng manggagawa hinggil sa sahod, atbp. | *Binibigyang-diin ang sistemang patriyarkal higit sa usapin ng uri. |
7. Historikal na kabuluhan: Tinulungan ng mga Marxista at sosyalistang feminista na ilihis ang kilusang kababaihan mula sa pagtutok lamang sa mga legal na karapatan tungo sa pagsusuri ng estrukturang pang-ekonomiya ng lipunan; ang usapin ng karakter ng paggawa ng kababaihan; at ang ugnayan ng kapitalismo at patriyarkiya.
8. Patuloy na nakaaapekto ang kanilang mga ideya sa anti-imperyalistang feminismo, feminismong paggawa, at mga kilusang feminista sa Global South sa kasalukuyan.
9. Sa kasalukuyan, ang sosyalistang feminismo ay naglaho bilang isang natatangi at organisadong agos ng feminismo. Malaking bahagi nito ay na-co-opt sa sosyal-demokrasya at sa mga estruktura ng welfare state.
10. Kami, bilang mga Marxistang Feminista ang nagwawagayway ngayon sa bandila ng
Sosyalistang Feminismo.
IV. Ang Kilusang Kababaihan sa Pilipinas at ang Pakikibaka Laban sa Diktadura
1. Ang modernong kilusang kababaihan sa Pilipinas ay malalim na hinubog ng pakikibaka laban sa diktadura ni dating-pangulong Ferdinand Marcos Sr,, laluna noong deklarasyon ng Batas Militar sa Pilipinas.
2. Mahalaga ang ginampanang papel ng kababaihang aktibista sa mas malawak na kilusang anti-diktadura, sa pakikilahok sa underground na pag-oorganisa, sa mga pakikibaka ng manggagawa, kilusang estudyante, at mga malawakang protesta.
3. Isa sa mga iskolar na nagsuri sa kasaysayang ito ay si Ana Maria Nemenzo, isang Pilipinang intelektwal na feminista na sumulat tungkol sa pag-unlad ng kilusang kababaihan sa panahon ng paglaban sa awtoritaryong paghahari.
Ang Konteksto: Batas Militar at Pagtutol Dito
1. Noong 1972, idineklara ni Marcos ang batas militar, na nagresulta sa pagsuspinde ng mga demokratikong karapatan; media censorship; pagkakakulong at pagpapahirap sa mga aktibista; pagsupil sa kilusang manggagawa at estudyante; at iba pang pagpapahirap sa masa at sa bayan.
2. Malalim ang partisipasyon ng kababaihang aktibista sa mga organisasyong lumalaban, kabilang sa community organizing, edukasyong pampulitika, at pagtatayo ng mga underground network.
Ang Kababaihan sa Kilusang Anti-Diktadura
1. Ang kababaihan sa Kilusang Pambansa-Demokratiko (National Democratic Movement):
• Maraming kababaihan ang sumapi sa mga rebolusyonaryo at malawakang organisasyon na kaugnay ng pakikibaka laban sa diktadura.
• Isa sa pinakamahalagang organisasyon ng kababaihan na nabuo sa panahong ito ay ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), na itinatag noong 1970.
• Iniugnay ng MAKIBAKA ang pang-aapi sa kababaihan sa pyudalismo, imperyalismo, at burukratang kapitalismo.
• Lumahok ang mga kababaihang aktibista sa mga welga ng manggagawa, pakikibaka ng magsasaka, kilusang estudyante, at mga kampanya laban sa militarisasyon.

2. Pag-usbong ng mga Organisasyong Feminista:
• Noong huling bahagi ng 1970s at unang bahagi ng 1980s, umusbong din ang mga independiyenteng grupong feminista na nakatuon sa mga isyung partikular sa kababaihan tulad ng karahasan sa kababaihan, karapatang reproduktibo, diskriminasyon sa trabaho
• Ilan sa mahahalagang grupo ay kinabibilangan ng: GABRIELA na itinatag noong 1984 bilang malawak na alyansa ng mga organisasyon ng kababaihan na tumututol sa diktadura at imperyalismo.
• Iniugnay ng GABRIELA ang mga panawagang feminista sa mas malawak na pakikibakang pampulitika laban sa: diktadura, dayuhang baseng militar, at hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya.
3. Mga Pangunahing Tradisyon ng Feminismo sa Pilipinas:
• Ang mga iskolar ng kilusang kababaihan sa Pilipinas—kabilang ang mga tulad ni Ana Maria Nemenzo at mga aktibistang gaya ni Lidy Nacpil—ay madalas naglalarawan ng tatlong malalawak na tradisyon sa loob ng peminismo sa Pilipinas. Ang mga agos na ito ay umusbong lalo na sa panahon at pagkatapos ng pakikibaka laban sa diktadura ni Ferdinand Marcos at ng People Power Revolution.
• Ang mga tradisyong ito ay minsang nagtutulungan ngunit nagdedebate rin sa isa’t isa hinggil sa estratehiya, pulitika, at mga prayoridad.
- Ipinanindigan ni Ana Maria Nemenzo na ang kilusang kababaihan sa Pilipinas sa panahon ng pakikibaka laban sa diktadura ay may tatlong magkakaugnay o nag-ooverlap na agos:
(1) Pambansa-National-Democratic Feminism. Ang pagpapalaya ng kababaihan ay dapat iugnay sa mas malawak na pakikibaka para sa pambansa-demokratikong mga panawagan at sa anti-imperyalistang pakikibaka.
(2) Liberal o Burgis na Feminismo. Nakatuon sa mga repormang legal, karapatang sibil, at representasyon ng kababaihan.
(3) Sosyalistang Feminismo. Sinusuri ang pang-aapi sa kababaihan kaugnay ng pagsasamantalang makauri o sa malawak na pag-unawa sa usapin ng uri (hindi lamang sa mga pakikibakang unyon ng mga manggagawa para sa mataas na sahod, at ibang salik ng trade unionism at ekonomismo), at ang pagsusulong ng anti-imperyalismong laban.
4. Ayon kay Nemenzo, ang pakikibaka laban sa diktadura ay nakatulong sa pagkamulat sa pulitika ng isang henerasyon ng mga Pilipinang aktibista.

Mga Pangunahing Ambag ng Kilusang Kababaihan Laban sa Diktadura
1. Ang pakikibaka ay nakatulong sa pagbuo ng mga kilusan na kalauna’y lumaban para sa mga batas laban sa karahasan sa kababaihan, proteksyon sa paggawa para sa mga kababaihang manggagawa, mga karapatan sa reproductive health, at representasyong pulitikal.
2. Maraming lider at organisasyong feminista sa Pilipinas ngayon ang nag-ugat sa aktibismo noong panahon ng batas militar.
3. Historikal na kabuluhan. Ipinakita ng kilusang kababaihan sa Pilipinas sa panahon ng pakikibaka laban sa diktadura na ang pagpapalaya ng kababaihan ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na pakikibaka para sa demokrasya, hustisyang panlipunan, at pambansang soberanya.
Awtonomong Kilusang Feminista
1. Mayroon ding isang agos ng awtonomong (autonomous) kilusang feminista. Ang pangunahing ideya nito: Dapat maging independyente ang mga organisasyon ng kababaihan mula sa mga partidong pulitikal, mga kilusang nasyunalista, at armadong pakikibaka, para manatiling sentral ang mga isyu ng kababaihan.
2. Mga Pangunahing Isyu. Nakatuon ang mga awtonomong grupong peminista sa karahasan laban sa kababaihan; karapatang reproduktibo; mga repormang legal; mga patakaran para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian; at pananaliksik at adbokasiya sa mga karapatan ng kababaihan.
3. Ang mga organisasyong ito ay madalas na kumikilos sa pamamagitan ng mga NGO, institusyong akademiko, at policy advocacies.
4. Mga Nakamit. Malaki ang papel nila sa mga kampanya na nakatulong sa pagpasa ng mga batas hinggil sa:
• karahasan laban sa kababaihan
• anti-trafficking
• diskriminasyon sa lugar ng trabaho
5. Kritik. Ipinapahayag ng mga kritiko nito na ang awtonomong feminismo ay maaaring maging institusyonalisado o nakatuon lamang sa NGO, at higit na magpokus sa mga policy reform kaysa estruktural na pagbabago sa lipunan.
Mga Pangunahing Debate sa Feminismo sa Pilipinas
1. Pinagtatalunan ng mga tradisyong ito ang mga usaping gaya ng:
• Reporma vs estruktural na pagbabago: Dapat bang tumutok ang feminismo sa repormang pampatakaran lamang o sa sistemikong transpormasyon?
• Awtonomiya vs integrasyon: Dapat bang manatiling independyente ang mga kilusang feminista, o maging bahagi ng mas malawak na mga kilusang pampulitika?
2. Prayoridad ng kasarian vs. uri (gender vs. class): Paano dapat balansehin ng feminismo ang mga isyu ng kasarian sa mga pakikibakang makauri at pambansa?
Isang Natatanging Katangian ng Feminismo sa Pilipinas
1. Kung ihahambing sa ilang kilusang feminista sa Kanluran, ang feminismo sa Pilipinas ay kadalasang malalim na konektado sa mga pakikibaka laban sa diktadura, laban sa imperyalismo, at para sa hustisyang panlipunan.
2. Sumasalamin ito sa kasaysayang pulitikal ng bansa, kabilang ang kolonyalismo, diktadura, economic dependency, at malawakang mga kilusang panlipunan.
3. Sumada:
| Tradisyon | Pangunahing Pokus |
| Awtonomong Feminismo | Kasarian, pagkakapantay-pantay, repormang legal, independyenteng organisasyon ng kababaihan |
| Pambansa-Demokratikong Feminismo | Anti-imperyalista at para sa malawakang pakikibaka ng kababaihan |
| Sosyalistang Feminismo | Makauring pagsusuri at transpormasyong ekonomiko at panlipunan |
Ang World March of Women
1. Ang World March of Women (WMW) ay isang internasyonal na kilusang feminista na nagmomobilisa sa kababaihan sa buong mundo upang labanan ang kahirapan, karahasan sa kababaihan, at sistemikong hindi pagkakapantay-pantay. Kilala ito sa pag-uugnay ng feminismo sa mga pakikibakang anti-kapitalista, anti-imperyalista, at para sa hustisyang panlipunan. Ikinokonekta nito ang mga grassroots na organisasyon ng kababaihan mula sa higit 50 bansa.

2. Pinagmulan: Nagsimula ang World March of Women noong 2000, na na-inspire ng isang martsa ng kababaihan laban sa kahirapan noong 1995 sa Quebec, Canada na inorganisa ng grupong Fédération des femmes du Québec (Federation of Women of Quebec).
3. Mabilis na lumawak ang ideya tungo sa isang pandaigdigang mobilisasyon, kung saan ang mga organisasyon ng kababaihan sa buong mundo ay nagkoordina ng mga aksyon.
4. Noong Oktubre 2000, libu-libong kababaihan ang nagmartsa sa New York at Washington, D.C., na naglatag ng mga panawagan sa United Nations, World Bank, at International Monetary Fund.
5. Mga Susing Prinsipyong Pampulitika. Sinasaklaw ng World March of Women ang ilang magkakaugnay na pakikibaka:
- Laban sa Kahirapan. Naninindigan ang kilusan na ang pandaigdigang kapitalismo ay lumilikha ng kahirapan, at ang kababaihan ang madalas na pinaka-apektado ng mababang sahod, hindi tiyak na trabaho, hindi bayad na gawaing bahay at pangangalaga, at austerity sa ekonomiya.
- Laban sa Karahasan sa Kababaihan. Nangangampanya ang kilusan laban sa maraming anyo ng karahasan: karahasan sa tahanan; karahasang sekswal; trafficking; militarisasyon at gyera. Idinidiin nila na ang karahasan ay sistematiko at pulitikal, hindi lamang sa indibidwal.
- Anti-Kapitalistang Feminismo. Tinututulan ng World March of Women ang neoliberal na globalisasyon; kapangyarihan ng mga korporasyon; at mga patakarang ekonomiko na ipinapataw ng pandaigdigang institusyong pinansyal. Maraming aktibista sa loob ng kilusan ang nagsusulong ng sistematikong transpormasyon ng sistemang panlipunan.
6. Pandaigdigang Solidaridad ng mga Feminista. Ikinokonekta ng kilusan ang mga pakikibaka sa iba’t ibang rehiyon kabilang sa Latin America, Africa, Asia, Middle East, Europe. Binibigyang-diin nito ang pamumuno ng kababaihan sa grassroots, lalo na mula sa Global South.
7. Mga Pangunahing Mobilisasyon. Ang World March of Women ay nag-oorganisa ng pana-panahong pandaigdigang mga aksyon:
• 2000 – Unang pandaigdigang martsa laban sa kahirapan at karahasan
• 2005 – Pandaigdigang mobilisasyong feminista
• 2010 – Pandaigdigang mga aksyon sa higit 50 bansa
• 2020 – Mga aksyong kaugnay ng ika-25 anibersaryo ng Beijing Platform for Action
8. Kabilang sa mga mobilisasyong ito ang mga martsa, edukasyong pampulitika, mga kultural na aksyonm, at mga internasyonal na forum ng mga feminista.
9. Partisipasyon mula sa Pilipinas. Ang mga Pilipinang aktibista at mga organisasyon ng kababaihan—kabilang ang mga grupong kaugnay ng grassroots na kilusang kababaihan—ay lumahok sa mga mobilisasyon ng World March of Women. Ang grupong gaya ng GABRIELA ay naging bahagi ng mga pandaigdigang network ng pagkakapatiran ng mga feminista na umaayon sa maraming prinsipyo ng kilusan.

10. Kabuluhan. Ang World March of Women ay isa sa pinakamalalaking transnasyonal na kilusang feminista, na nag-uugnay ng feminismo sa mga pakikibaka laban sa kapitalismo, imperyalismo, rasismo, at pagkasira ng kapaligiran. Ito ay kumakatawan sa isang anyo ng internasyonalista, grassroots na feminismo sa halip na NGO-led na adbokasiya.
V. Hinggil sa Gender Equality
1. Ang gender equality ay tumutukoy sa prinsipyong ang lahat ng tao—anuman ang kasarian—ay dapat magkaroon ng pantay na karapatan, responsibilidad, at oportunidad sa bawat larangan ng buhay, kabilang ang partisipasyong pulitikal, edukasyon, trabaho, at personal na kalayaan.
2. Ito ay isang sentral na layunin ng maraming kilusang feminista at mga pandaigdigang balangkas ng karapatang pantao.
3. Sa pandaigdigang antas, itinataguyod ang gender equality sa pamamagitan ng mga institusyon tulad ng United Nations.
4. Mga Pangunahing Prinsipyo ng Gender Equality:
(1) Pantay na Karapatan: karapatang bumoto, pantay na akses sa edukasyon, proteksyon laban sa diskriminasyon, karapatan sa ari-arian at mana.
(2) Pantay na Oportunidad
Ang gender equality ay nangangahulugan na ang mga tao ay dapat magkaroon ng patas na oportunidad upang paunlarin ang kanilang kakayahan at makilahok sa lipunan. Kabilang dito ang pantay na akses sa trabaho, pantay na sahod para sa pantay na trabaho, mga oportunidad sa pamumuno, at representasyong pulitikal.
(3) Kalayaan sa Karahasang Batay sa Kasarian. Kinakailangan ng gender equality ang proteksyon laban sa karahasan sa tahanan, sexual harassment, trafficking, at mapaminsalang kultural na tradisyon. Maraming kilusang feminista sa buong mundo ang nangangampanya para sa mas matibay na mga batas at proteksyon sa larangang ito.
Gender Equality sa Pandaigdigang Patakaran
1. Isa sa mga pangunahing pandaigdigang balangkas ay ang Sustainable Development Goals, na pinagtibay ng United Nations noong 2015.
2. Ang Goal 5 ay partikular na naglalayong: “Makamit ang gender equality at bigyang-kapangyarihan ang lahat ng kababaihan at kabataang babae.”
Iba’t ibang Perspektiba ng Feminismo sa Gender Equality
1. Burgis na Feminismo: Nakatuon lamang sa legal na pagkakapantay-pantay at pantay na oportunidad sa loob ng umiiral na sistema.
2. Sosyalistang Feminismo: Naninindigan na ang gender equality ay nangangailangan ng pagharap sa hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya at pagsasamantala sa uri. Inuugnay ang hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian sa mga estruktura ng kapitalistang sistema at at hindi bayad na gawaing pangangalaga sa bahay.
3. Anti-Imperyalistang Feminismo. Binibigyang-diin na ang gender equality ay dapat ding tumugon sa mga pamana ng kolonyalismo ; pandaigdigang hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya; at militarismo at imperyalismo.
| Gender Equality | Women’s Liberation/Sosyalistang Feminismo |
| Pantay na karapatan sa loob ng umiiral na sistema | Transpormasyon ng mga estrukturang panlipunan at pang-ekonomiya |
| Nakatuon sa mga batas at oportunidad | Nakatuon sa mas malalim na pagbabagong panlipunan |
| Madalas na inuugnay sa burgis na feminismo | Madalas na inuugnay sa socialist feminism – isang lipunang walang mga uri |
5. Ang co-optation sa gender equality ay tumutukoy sa proseso kung saan ang pamahalaan, korporasyon, o institusyon ay gumagamit ng lenggwahe ng gender equality o feminismo upang pagandahin ang kanilang imahe at mapanatili ang kanilang kapangyarihan, nang hindi gumagawa ng substansyal o estruktural na pagbabago para lutasin ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at sa daigdig.
Paano Nangyayari ang Co-optation
1. Co-optation ng Pamahalaan: Nagpapasa ang mga estado ng mga simbolikong batas o programa na sinasabing nagtataguyod ng gender equality ngunit hindi tinutugunan ang mga ugat na pang-ekonomiko, pulitikal, o panlipunang hindi pagkakapantay-pantay. Mga halimbawa:
• Gender quotas na walang tunay na kapangyarihan sa pagdedesisyon
• Mga pahayag sa patakaran na sumusuporta sa pagkakapantay-pantay habang ang mga hakbang na austerity ay mas mabigat ang tama sa kababaihan
• Co-optation ng International Development Institutions at NGOs
• Pagtataguyod ng mga programang gender equality nang hindi tinutugunan ang mga pamana ng kolonyalismo, imperyalismo, o pagsasamantalang ekonomiko. Halimbawa: Mga proyektong pangkaunlaran na nakatuon sa “pagpapalakas ng kababaihan” ngunit pinatitibay ang pagdepende sa pandaigdigang sistemang kapitalista.
2. Co-optation ng Korporasyon (“Pinkwashing”). Mga halimbawa:
• Mga simbolikong babaeng CEO habang ang nakararaming empleyado ay mababang sahod na kababaihan
• Mga kampanyang pang-marketing na ibinebenta ang mga slogan ng feminismo bilang produkto
3. Pro-Imperyalista: Pagsuporta at pagbibigay-katwiran sa mga digmaang imperyalista at interbensyon sa ngalan ng gender equality – Afghanistan, at ngayon Iran.
4. Pangunahing Pananaw. Ang co-optation ay hindi ginawang pantay ang katayuan ng mga tao sa lipunan. Binibigyang-diin ng mga feminist na iskolar na ang tunay na gender equality ay nangangailangan ng estruktural na pagbabago, kabilang ang redistribusyon ng yaman; sosyalisasyon ng gawaing pangangalaga sa bahay; mga patakarang anti-imperyalista at anti-kapitalista; at transpormasyong kultural ng patriarkiya.
5. Kritikal tayo sa isang pulitika ng gender equality na hindi hinahamon ang sistemang kapitalista at pinananatili ang status quo.
WALANG PAGLAYA NG KABABAIHAN KUNG WALANG SOSYALISMO!
WALANG SOSYALISMO KUNG WALANG PAGLAYA NG KABABAIHAN!
Annex A:
BUOD NG The Origin of the Family, Private Property and the State (1884)
1. Ang The Origin of the Family, Private Property and the State ay isang pundamental na akda na isinulat ni Friedrich Engels noong 1884, na bahagyang nakabatay sa mga tala na iniwan ni Karl Marx. Ito ay isa sa mga pinaka-maimpluwensyang teksto sa Marxista at sosyalistang feministang teorya.


2. Sinikap ng aklat na ipaliwanag ang historikal na pinagmulan ng pamilya, pang-aapi sa kababaihan, pribadong pag-aari, at ng estado gamit ang materyalista-historikal na pagsusuri (historical materialist analysis).
3. Pangunahing Argumento ni Engels. Nanindigan si Engels na ang pang-aapi sa kababaihan ay hindi likas o walang hanggan. Sa halip, ito ay umusbong sa kasaysayan kasabay ng pag-usbong ng pribadong pag-aari; lipunang makauri, at sistemang patriyarkal ng pamilya.
4. Mga Pangunahing Ideya sa Aklat:
(1) Mga Sinaunang Komunal na Lipunan
Hinango ni Engels ang kanyang pagsusuri sa antrophological na pananaliksik ni Lewis Henry Morgan, lalo na sa aklat nitong Ancient Society. Iminungkahi niya na ang mga sinaunang lipunan ng tao ay komunal; nakabatay sa kolektibong pagmamay-ari; organisado sa pamamagitan ng mga sistemang pagkakamag-anak.
Sa maraming kaso, ang linya ng pinagmulan ng bawat tao ay sinusundan sa panig ng ina (sistemang matrilineal). May relatibong mas mataas na katayuang panlipunan ang kababaihan sa mga lipunang ito. Ang paghahati ng paggawa ayon sa kasarian ay hindi nakabatay sa diskriminasyon o pang-aapi.
(2) Ang Pag-usbong ng Pribadong Pag-aari
Habang umuunlad ang mga sistemang paggawa na nakabatay sa agrikultura at domestikasyon ng hayop, nagsimulang makaipon ng labis na yaman ang mga komunidad. Mas lalong nakontrol ng mga kalalakihan ang: mga alagang hayop; lupa; mga kasangkapan Ito ay nagbunsod sa pag-usbong ng pribadong pag-aari at sa pagnanais na ipamana ang yaman sa mga biyolohikal na tagapagmana.
(3) Ang “Pandaigdigang-Historikal na Pagkatalo ng Kababaihan”
Ayon kay Engels, ang paglipat tungo sa pribadong pag-aari ay nagbunga ng tinawag niyang “ang pandaigdigang makasaysayang pagkatalo ng kababaihan.” Upang matiyak na ang mana ay mapupunta sa sarili nilang mga anak, ipinataw ng mga kalalakihan ang patriyarkal na pag-aasawa; kontrol sa sekswalidad ng kababaihan; monogamya para sa kababaihan. Nabuo ang patriyarkal na pamilya bilang paraan upang tiyakin ang mana.
(4) Ang Papel ng Estado
Ipinanindigan ni Engels na ang estado ay umusbong upang protektahan ang pag-aari at interes ng uri. Ang estado ay naging isang estruktura na nagtatanggol sa pribadong pag-aari, nagpapanatili ng mga hatiang makauri, at nagpapatupad ng mga estrukturang patriyarkal ng pamilya.
5. Pananaw ni Engels sa Pagpapalaya ng Kababaihan: Naniniwala si Engels na ang pagpapalaya ng kababaihan ay mangangailangan ng pagbubuwag ng pribadong pag-aari, pagpasok ng kababaihan sa panlipunang produksyon (bayad na trabaho), at sosyalisasyon ng gawaing domestiko.
6. Ipinanindigan niya na ang sosyalismo ay magpapahintulot sa kolektibong pangangalaga sa mga bata, komunal na mga serbisyo, at pang-ekonomikong kasarinlan para sa kababaihan.
7. Impluwensya sa Sosyalista at Marxistang Feminismo. Malakas na nakaimpluwensya ang aklat na ito sa mga sumunod na sosyalistang feminista, kabilang sina Clara Zetkin, Alexandra Kollontai, at Angela Davis.
8. Ito ay naging isa sa mga pinakaunang pagtatangka na iugnay ang pang-aapi sa kababaihan, mga sistemang pang-ekonomiko, mga estruktura ng pamilya, at lipunang makauri.
9. Umasa si Engels sa antropolohiya ng ika-19 na siglo, na bahagyang lipas na. Malamang na mas kumplikado ang sinaunang mga lipunan kaysa sa ipinapahiwatig ng kanyang modelo, at malawak ang pagkakaibaa ng mga ugnayang pangkasarian (gender relations) sa iba’t ibang kultura. Ang pag-unlad ng agham, lalo na sa arkeolohiya, tulad ng carbon dating, ay nagbibigay sa atin ng mas tumpak na pag-unawa.
10. Gayunman, nananatiling mahalaga ang aklat dahil nagbigay ito ng materyalistang historikal na pagsusuri sa pang-aapi sa kababaihan, na nagpapakita na ang patriyarkiyal na sistema ay panlipunang konstruksyon at nalikha sa kasaysayang makauri, at hindi likas sa lipunan at sa tao.
11. Sa kabuuan. Ipinanindigan ni Engels na: Ang patriyarkiya + ang modernong pamilya ay umunlad kasabay ng pribadong pag-aari at lipunang makauri. Samakatwid, ang pagpapalaya ng kababaihan ay nangangailangan ng transpormasyon ng mismong sistema ng produksyon (at reproduksyon).
