Pahayag ng Partido Lakas ng Masa (PLM) para sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

Ngayong ika-8 ng Marso, International Women’s Day, nakikiisa ang PLM sa kababaihan sa buong mundo na dumaranas ng paghihirap sa ilalim ng kapitalismo, paghahari ng mga dinastiyang pulitikal, korapsyon, militarismo, at pagkawasak ng kalikasan.

Nakikiisa kami sa milyun-milyong kababaihan na magmamartsa sa iba’tibang panig ng mundo.

Bilang sosyalista at feministang organisasyon, kinokondena namin ang sistemang pinaghaharian ng kapitalistang elite, mga dinastiyang pulitikal, at tiwaling gobyerno na idinisenyo upang pagsamantalahan, apihin, at patahimikin ang kababaihan.

Pinapalalim ng mga dinastiyang pulitikal ang korapsyon, hinaharangan ang tunay na representasyon mula sa masa, at pinatitibay ang kapangyarihan ng iilang pamilya.

Habang may iilang kababaihan mula sa naghaharing uri na napoprotektahan ng kanilang yaman at impluwensya, ang nakararami — kababaihang manggagawa, maralita sa lungsod at kanayunan, kabataang babae — ang pumapasan ng:

mababang sahod, kontraktwalisasyon, kawalan ng trabaho, kawalan ng de kalidad at libreng edukasyon at serbisyong pangkalusugan, walang bayad na gawaing pangangalaga sa tahanan at pamilya, karahasang nakabatay sa kasarian, mga sakuna dulot ng krisis sa klima, at kawalan ng akses sa reproductive rights at healthcare, kabilang ang karapatan sa aborsyon at malayang pagpili.

Ang sistemang ito ay laban sa kababaihan: ginagawang kalakal ang ating paggawa, kinokontrol ang ating katawan, at binubura ang ating mga tinig.

Hindi makakamit ang tunay na pagpapalaya ng kababaihan sa ilalim ng sistemang nagkokonsentra ng yaman at kapangyarihan sa iilan habang milyon-milyon ang naghihirap.

Sa buong mundo, ang pulitika ng “gender equality” na hindi kumikilala at lumalaban sa pagsasamantalang makauri, na hindi anti-imperyalista, at nakatali lamang sa reporma sa loob ng sistema — ay mabilis na kinukorap.

Ang militarismo ay pumapatay. Noong Pebrero 28, 2026, dose-dosenang batang babae ang pinatay sa “Shajareh Tayyebeh” school sa Minab, Iran, nang targetin at wasakin ng pinagsamang opensiba ng U.S.–Israel ang nasabing gusali. Ayon sa mga awtoridad ng Iran, 165 ang nasawi — karamihan mga batang babae edad 7 hanggang 12 — at hindi bababa sa 95 ang sugatan.

Ito ang realidad ng digmaang imperyalista. Kababaihan at mga bata ang laging unang biktima. Ang genocide ng U.S.-Israel sa Gaza ay nananatili at hindi ito maihihiwalay sa kanilang gyera sa Iran. Kinatawan nito ang pagpapalala ng agresyong imperyalista sa Global South.

Mariin naming kinokondena ang pinagsamang digmaan ng U.S.–Israel laban sa Iran bilang isang akto ng imperyalistang agresyon — iligal at kriminal.

Hinahamon namin ang pamahalaang Pilipino:

• Mariing kondenahin ang mga pag-atakeng ito at tanggihan ang anumang pakikilahok o pagpapagamit ng teritoryo at mga base ng Pilipinas.

– Ibasura ang EDCA at alisin ang lahat ng base militar ng U.S.

– Protektahan at agarang ilikas ang mga OFW sa mga lugar na may digmaan.

Hindi Dapat Magdusa ang Masa sa Krisis sa Langis

Ang masa, lalo na ang kababaihan, ay hindi dapat pagbayarin sa oil crisis na dulot ng digmaang ito.

Ang panukalang apat-na-araw na trabaho ni BBM, na umano’y solusyon sa krisis sa langis, ay hindi tunay na four-day workweek na ipinaglaban ng mga unyon sa ibang bansa. Ang tunay na bersyon nito ay may bawas-oras na walang bawas-sahod.

Ang bersyon ng rehimen ay malinaw na bawas-sahod. Sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at pangunahing bilihin, ipinapasa sa manggagawa ang bigat ng krisis habang pinoprotektahan ang tubo ng mga korporasyon.

Ipinapanawagan namin:

• Wealth tax sa mga oligarko at malalaking korporasyon sa sektor ng enerhiya — Meralco, Aboitiz Power, at iba pa;

• Subsidyo sa presyo ng gas at LPG;

• Subsidyo sa transportasyon para sa lahat ng manggagawa, kabilang ang mga drayber ng jeep at mga impormal na sektor;

• Pampublikong pondo para sa renewable energy programs tulad ng rooftop solar para sa mga kabahayan at MSMEs;

– Agarang pagpapalawak ng social protection para sa kababaihan, pamilya, at kabataan.

Pagbabayarin ang manggagawa para sa tubo ng korporasyon? Hindi kami papayag! Magpataw ng wealth tax sa oligarkiya ngayon!

Ibasura ang Bulok na Sistemang Pang-enerhiya

Ipinapakita ng krisis sa langis na wasak ang sistemang pang-enerhiya ng Pilipinas. Umaasa tayo sa imported oil. Kulang ang strategic reserves. Kontrolado ng pribadong kumpanya ang suplay at tubo.

Ipinapanawagan namin ang isang matatag at sosyalistang sistemang pang-enerhiya — nasyonalisado, nasa ilalim ng pamamahala ng manggagawa, at demokratikong kontrol ng mamamayan.

Ang enerhiya ay dapat magsilbi sa tao, hindi sa tubo.

Sa Araw na Ito, Iginigiit Namin ang Pagwawakas sa:

• Patuloy na paghahari ng mga dinastiyang pulitikal;

Sistemikong karahasan laban sa kababaihan;

• Korapsyon sa gobyerno;

• Kabiguang tugunan ang krisis sa klima;

• Pagsikil sa reproductive rights, kabilang ang dekriminalisasyon ng aborsyon o pagpili;

• Legalisasyon ng diborsyo; – Pagkakasangkot ng Pilipinas sa imperyalistangdigmaan ng U.S.;

• Wakasan ang genocide sa Gaza;

• Wakasan ang paghahari ng mga dinastiya.

MARCOS SINGILIN! DUTERTE PANAGUTIN!

LAHAT NG SANGKOT, DAPAT MANAGOT!

RESIGN ALL!

Ngunit hindi dito nagtatapos ang laban. Hindi makakamit ang pagpapalaya ng kababaihan kung hindi lalabanan ang kapitalismo, dinastiyang paghahari, militarismo, at pagkawasak ng kalikasan.

Mag-organisa. Lumaban. Manindigan.

Para sa isang lipunang hindi nakabatay sa tubo, dinastiya, at digmaan — kundi sa pagkakapantay-pantay, tunay na demokrasya, kolektibong pagmamay-ari, at ganap na kalayaan.

Walang Pagpapalaya ng Kababaihan Kung Walang Sosyalismo! Walang Sosyalismo Kung Walang Pagpapalaya ng Kababaihan! 🚩

Leave a comment