Tayo ay nananawagan sa mamamayan ng Pilipinas at ng buong mundo na magkaisa at kumilos laban sa agresyon at digmaang inilulunsad ng Estados Unidos at Israel!
Mariin at tahasang kinokondena ng Partido Lakas ng Masa (PLM) ang sabwatang pag-atakeng militar ng U.S.-Israel laban sa Iran bilang isang brutal na akto ng imperyalistang agresyon at digmaan.
Noong ika-28 ng Pebrero 2026, naglunsad ang Estados Unidos at Israel ng pag-atake laban sa Iran, na tinawag ng mga opisyal ng Israel na “Operation Lion’s Roar” at inilarawan naman ng pamunuan ng U.S. bilang “major combat operations.” Kasunod nito ay naiulat ang mga pagsabog sa Tehran at sa iba’t ibang lungsod ng Iran.
Isa sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng mga operasyong militar na ito ang isang paaralang elementaryang pambabae sa lungsod ng Minab, kung saan mahigit 100 bata ang nasawi at nasugatan. Batay sa ulat ng mga relief organization sa Iran, umabot na sa daan-daan ang mga sibilyang napatay at nasugatan sa 24 na probinsya sa unang araw pa lamang ng pambobomba, na nagbunga ng matinding takot at pangamba sa mga mamamayan na naghahanap ng ligtas na masisilungan.
Hindi hiwalay na insidente ang paglusob na ito. Noong Hunyo 2025, nagsagawa na rin ang U.S.-Israel ng 12-araw na agresyong militar laban sa Iran.
Higit pa rito, sa loob ng ilang dekada ay ginamit ng Estados Unidos ang anyo ng digmaang pang-ekonomiya laban sa Iran, sa pamamagitan ng panggigipit (sanctions), mga paniniktik (covert intelligence operations) ng Mossad at CIA, at direktang pag-atakeng militar.
Winawasak ng panggigipit na ito ng Estados Unidos ang ekonomiya ng Iran, na nagdudulot ng matinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakulangan sa suplay, kawalan ng trabaho, at lalong pagpapahirap sa karaniwang mga mamamayan. Bahagi ito ng mahabang kasaysayan ng interbensyonismo ng Estados Unidos, mula pa sa pagpapatalsik sa demokratikong inihalal na pamahalaan ni Mohammad Mossadegh noong 1953 at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
Paulit-ulit ginamit ng magkakasunod na administrasyon ng Estados Unidos ang mga palsipikadong pahayag na may banta umano sa kanilang bansa bilang dahilan para bigyang-katwiran ang mga interbensyong militar. Ito ay mula pa sa digmaan sa Vietnam hanggang sa paglusob sa Iraq, na kalaunan ay napatunayang walang matibay na batayan. Ngayon, nasasaksihan natin ang kahalintulad na paggamit ng palusot na ito: ang diumano’y banta ng programang nuclear ng Iran bilang dahilan para sa digmaan.
Ang agresyon na ito ay hindi lamang paglusob sa Iran kundi isang malawak na pag-atake rin ng pwersang U.S.-Israel sa mga mamamayan ng Middle East at ng Global South. Mula Cuba at Venezuela hanggang Iraq at Iran, dapat ay walang pasubaling tutulan at kondenahin ang lahat ng pagtatangka ng Estados Unidos sa pagpapalit ng rehimen at imperyalistang dominasyon. Ang pagpapatuloy ng henosidyo sa Gaza at ang mas malawak na padron ng karahasang isinusulong ng mga alyansa kasama ang Israel ay hindi maaaring ihiwalay sa mga pag‑atake laban sa Iran. Ipinapakita nito ang pinalalalang imperyalistang agresyon laban sa mga bansa at mamamayan ng Global South, na patuloy na nagdurusa sa mga epekto ng digmaan at interbensyon.
Kaya’t nanawagan ang PLM para sa:
1. Agarang pagtigil ng lahat ng operasyong militar at pag-atake ng U.S.-Israel laban sa Iran;
2. Nagkakaisang tugon mula sa mga bansa ng Global South sa pagtatanggol sa kapayapaan, pambansang soberanya, at laban sa imperyalistang agresyon; at
3. Pakikiisa sa mamamayan ng Iran sa kanilang pakikibaka para sa karapatan at sariling pagpapasya nang walang manipulasyon at imperyalistang interbensyon.
Kasabay nito ang mga panawagan para sa pamahalaan ng Pilipinas:
1. Mariing kondenahin ang pag-atakeng ito at tanggihan ang anumang pakikilahok, suporta, o pagpapahintulot, kabilang ang paggamit ng teritoryo o mga base sa Pilipinas para suportahan ang mga operasyong militar ng U.S.-Israel;
2. Ibasura ang Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) at alisin ang lahat ng base militar ng Estados Unidos sa bansa; at
3. Siguraduhin ang kaligtasan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at agarang iuwi sila nang ligtas mula sa mga lugar na apektado ng digmaan.
Sa gitna ng lumalalang tensyon at digmaan, hindi dapat pahintulutan ng pamahalaan ng Pilipinas ang paggamit sa ating teritoryo bilang lunsaran ng mga operasyong militar ng dayuhan. Dapat unahin ng estado ang kapakanan, seguridad, at buhay ng mamamayang Pilipino, lalo na ng ating mga manggagawang nasa ibayong-dagat na direktang naaapektuhan ng mga tunggalian.
Sa pangkalahatan, ang imperyalistang Estados Unidos ang pangunahing banta sa kapayapaan at pambansang soberanya sa buong mundo. Kaya’t tayo ay nananawagan sa mamamayan ng Estados Unidos na panagutin ang kanilang pamahalaan. Magkaisa at kumilos upang itigil ang mga digmaan at agresyon nito: sa Iran, ang henosidyo sa Gaza, mga interbensyon sa Middle East, sa Latin America, sa buong Asya, at Global South.
