ni Sonny Melencio

TUWING may mauupong bagong kinatawan ng naghaharing uri sa bansa, ang pagbabago ng Konstitusyon ay lagi nang kinahihibangang adyenda. Mula kay FVR, Estrada, Macapagal-Arroyo, at Duterte – liban lang sa anak ni Cory na si Benigno “Noynoy” Aquino III – ito ay lagi nang obsesyon nila. Parang isang monumento na kailangang tibagin para raw magtayo ng bago, na mas makinis, ginintuan, at kaakit-akit sa mundo.
Kaya kasisimula pa lamang ng taon ay binulaga na tayo ng pinakahuling hakbang sa Charter Change. Pero ang Cha-Cha na ito ay may mas mahabang proseso, hindi agad nakatuon sa pagtatayo ng ConAss at ConCon, kundi idadaan sa tinatawag na People’s Initiative. Itinutulak ito ng supermajority coalition sa Lower House, na kontrolado ni Marcos Jr. Sa bibig mismo ni House Speaker Martin Romualdez, hindi na umuubra ang nagdaang mga panukala sa Cha-cha, kaya heto, bagong paraan na ang gagamitin nila.
Kaya parang ang sayaw na Cha-cha, ngayon ay naging Tango, dahil mas maraming galaw ito kaysa mga indak sa nauna. Hindi agad ilalagay sa unahan ang anumang panukalang pagbabago sa Konstitusyon. Sa dakong huli na ito, kapag natiyak na mailulusot nila ang Cha-cha sa magkasabay na boto ng Kongreso. At para mangyari ito, kailangang baugin muna nila ang Senado.
Ang People’s Initiative
Ang People’s Initiative ay isang probisyon sa Konsitusyon. May enabling law ito na Republic Act No. 6735, kung saan maaaring magpanukala ang mga rehistradong botante ng bansa na amyendahan ang anumang probisyon ng 1987 Constitution. Gagawin ito sa isang petisyon na lalagdaan ng hindi kukulangin sa 12% ng kabuuang rehistradong botante sa bansa, kung saan bawat legislative district ay kakatawanin ng 3% ng rehistradong botante doon. (Noong 2023, may 91.9 million registered voters, kaya ang 12% nito ay 11.9 million na botante. Ang total legislative district naman ay 253.)
Nagsisimula na ang People’s Initiative (PI). Isiniwalat ni First District Albay Representative Edcel Lagman, tumatayong pangulo ng Liberal Party, na nagpulong ang mga municipal mayor ng Albay noong January 5 para pag-usapan ang PI. Namahagi rin ng mga pondo (tinawag na ‘mobilization funds’) at mga petition form na pipirmahan nang hindi kukulangin sa 3% ng registered voters sa kanikanilang distrito.
Bawat pipirma ay tatanggap ng P100. Sa kabuuang halaga na gagastusin, inadvance ang 50% sa mga meyor at mga coordinator nila. Ang ganitong kalakaran ng pagpapapirma ay maliwanag na hindi naiiba sa ‘vote-buying’ tuwing eleksyon.
Voting Jointly
Nakabandera sa petition form ang panukala na amyendahan ang Article XVII, Section 1 (1) ng Konstitusyon. Ang probisyong ito ay nagsasaad ngayon na anumang pagbabago sa Konstitusyon ay ipanunukala ng: “(1) Kongreso, sa pamamagitan ng boto ng ¾ ng lahat ng kanyang myembro (The Congress, upon a vote of three-fourths of all its members); xxx.” Ang interpretasyon nito ay boboto nang magkahiwalay ang Lower House at Senado (ang buong Kongreso) na kailangang makakuha ng ¾ ng kanikanilang myembro para maipasa ang amyenda.
Sa panukalang PI, papalitan ang probisyong ito ng boto ng ¾ ng lahat ng myembro ng Kongreso, na sama-samang boboto (“VOTING JOINTLY”). Sa ganitong botohan, natural na talo lagi ang Senado na may 24 na myembro lamang kumpara sa 316 myembro ng Lower House na ang marami ay nasa supermajority coalition ni Marcos Jr.
Namomonitor natin ngayon na laganap na sa maraming lugar ang pagpapapirma na nagkakabayaran. Nagaganap ito sa Albay, Quezon City, maraming lugar sa NCR, Negros, at iba’t iba pang lugar. Ang pagpapapirma ay pambansa at magpapatuloy hanggang sa makuha ang required na pirma sa People’s Initiative.
Ipinamumudmod ang salapi sa mga LGUs (munisipal, syudad, at barangay) at pinapangunahan ito ng mga pulitiko na nasa supermajority coalition. Walang umaamin na nagpapakalat ng pondo, at signature form lamang daw ang kumakalat, bagamat ang PI ay pinagkaisahan at isinusulong ng pangkat ni Marcos Jr at mga kinatawan ng supermajority coalition.
Sa dakong huli, isusumite ang petisyon sa Comelec na siyang magpapasya sa validity ng mga pumirmang registered voters. Tinatayang idadaan ito sa isang referendum sa susunod na taon. Maaaring isabay ito sa mid-term elections ng 2025 para isahan na lang ang referendum at pagboto sa mga senador, kongresista, at mga lokal na opisyales.
Saan nanggagaling ang pera?
Nauna pa sa isyu ng PI ang pagkakapasa ng P5.768 trillion na national budget na pinirmahan ni Pangulong Marcos Jr. Sa badyet na ito, nakapasok ang P449.5 billion ‘unprogrammed funds’ na ibinulgar din ni First District Albay Representative at Liberal Party President Edcel Lagman. Ayon kay Lagman, isiningit (insertion) ang halagang ito ng bicameral conference committee na labis-labis sa inirekomendang P281.9 billion unprogrammed funds ni Pangulong Marcos Jr para sa badyet.
Ang ‘unprogrammed appropriations’ ay kadalasang inilalaan sa mga pet projects ng pangulo ng bansa. Tinatawag din itong ‘standby funds’ para sa mga priority projects ng gobyerno, at nagmumula (o limitado) sa sumusunod: (1) sa pag-release ng mga bagong utang para sa mga foreign-assisted projects, additional grants, at foreign funds; (2) sa revenue collection para sa mga bagong batas sa buwis; at (3) sa paglaki ng ‘non-revenue collection’ (gaya ng kita sa privatization ng mga assets ng gobyerno at kita ng mga GOCCs) mula sa tinarget na collection.
Ang pagbulgar ni Lagman sa walang-patumanggang paglobo ng unprogrammed funds ng pangulo ay sinagot ni Albay 2nd district representative Joey Salceda na iapela na lamang niya sa Korte Suprema, sapagkat naniniwala si Salceda na ‘sky is the limit’ ang unprogrammed funds.
Ang pondo ay malamang siya ring pagkukunan sa vote-buying operation ng PI. Marami na ring nakaabang na mga organisasyong binuo ng pangkating Marcos Jr at mga kasapakat nila sa Kongreso (kabilang ang mayayaman at trapong partylist representatives) para sa nationwide na pagsusulong ng PI.
Sa pamamagitan ng PI at sa pondong nakulimbat at makukulimbat, matitiyak ang matinding konsolidasyon ng pangkating Marcos Jr at mga kasapakat nitong mga naghaharing uri sa bansa. Sa magaganap na referendum/mid-term elections sa 2025, dalawang ibon agad ang babagsak sa isang putok lamang: ang Cha-cha at ang panalo ng mga bataan ni Marcos Jr at kanyang kasapakat sa buong Kongreso at sa mga LGUs.
Ano ba ang mayroon sa 1987 Constitution at hindi magkandaugaga ang naghaharing rehimen na ibasura ito agad?
Hindi perpekto ang 1987 Constitution. Marami itong kakulangan. Maraming probisyon nito ang nagsisilbi sa pagpapanatili ng isang sistema na ang pribadong pag-aari ng iilang kapitalista, asendero, at oligarkiya ay sagradong bagay. May mga probisyon at batas na laban sa karapatan ng mga manggagawa, maralita, mangingisda, magsasaka, kabataan, kababaihan, indigenous people, at marami pa. Sa buod, walang tunay na demokrasya sa ilalim ng 1987 Constitution.
Subalit ang 1987 Constitution ay resulta ng pakikibakang nagbagsak sa diktadurang Marcos. Kinailangang buuin ang Konstitusyong ito ng malapad na sektor ng lipunan na lumaban sa diktador. Bagamat marami sa kanila ang mga kinatawan ng oligarkiyang nagbabalik sa pwesto, ilan sa mga nagbalangkas ng Konstitusyon ay galing sa progresibong sektor. Bagamat nakampanya sila na bomoto ng No sa plebisito para sa 1987 constitution, dahil hindi ito kumakatawan sa naisin ng nakararami, may mga probisyong naiukit doon na gustong wakasan simula’t sapul ng naghaharing uri sa bansa.
Isa dito ang tinatawag na ‘protectionist economic provision’ ng Konstitusyon, kaugnay ng mga negosyong dapat may 60% ownership ang mga Pilipino; mga public service industries na bawal o limitado ang foreign ownership, gaya ng mass media, advertising, public utilities, retail trade, private land at residential building ownership, mga eskwelahan, deep-sea fishing, at iba pa.
Bagamat marami sa mga restriksyong ito sa Konstitusyon ay inikutan at pinalabnaw na ng mga bagong batas, ang usapin ng constitutionality nito ay laging nakaamba at nagiging banta sa sinumang nais ipatupad ang ganap na liberalisasyon ng ating ekonomiya. Para sa mga naghaharing uri, magbubunga ang liberalisasyon ng kanilang pang-ekonomiyang ganansya dahil sa pagkabit sa mga dayuhang monopolyong korporasyon. Matitiyak ang ‘globalisasyon’ na ang malalaking kapitalistang Pilipino ay magiging bahagi ng global value chain na dominado ng mga imperyalistang bansa at korporasyon.
Isa pa rin ang political provisions na naglilimita sa pwesto ng pangulo sa isang anim-na-taong termino lamang. Banta rin ang constitutional provision na nag-uutos ng pagbuwag sa political dynasty, bagamat hindi ito maipatupad dahil sa walang batas na nilikha para dito. Marami ring probisyon na pwedeng tungkabin gaya ng limitadong deklarasyon ng martial law, pagbabawal sa sandatang-nukleyar sa loob ng ating mga kampong military, at iba pang mga gaya nito.
Sa madaling sabi, ang Cha-cha ay ‘free-for-all’ na kalagayan kung saan walang limitasyon sa pagsasamantalang lokal at dayuhan, sa paghahari ng oligarkiya, sa gobyerno ng dinastiya, at sa anumang naisin ng mga rehimeng magpapalitan sa pwesto.
Ang oposisyon sa PI at Cha-cha ngayon
Bagamat sa pangunahin ay nagkakaisa ang naghaharing uri na ganap na ipatupad ang globalisasyon ng kapital sa bansa, ang desperasyong ito sa ekonomiya ang nagtutulak din sa kanila na makipaglaban para sa pagkopo ng kapangyarihang pampulitika sa gobyerno.
Sa isang pahayag kailan lamang, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tutol siya sa anumang panukala na baguhin ang Konstitusyon, dahil “wala namang mali dito.” Sagot din ito ni Duterte sa naunang utos ni Marcos Jr. noon pang Disyembre na pag-aralan ang pangangailangang baguhin ang konstitusyon para mahikayat ang foreign investments sa bansa.
Ang pahayag ni Duterte ay nanggagaling sa pangkat na matagal nang nais tungkabin ang Konstitusyon sa panahon ng kanyang rehimen. Ang ganitong posisyon ay nakaangkla sa labanan ng mga kinatawan ng naghaharing uri para sa pamumuno sa poder. Kung ang pangkat ni Marcos Jr, et al ay naghahangad ng ganap na konsolidasyon ng kapangyarihan sa 2025 at 2028, ang pangkat ni Duterte, et al ay nag-aambisyon ding barahan sila at iluklok muli ang dating paghahari. Maliwanag na ang desperasyon sa ekonomiya ng naghaharing uri ay tumatawid sa desperasyong kopohin ang kapangyarihang poder, kung saan ang ganansyang pang-ekonomiya ay halos papantay sa ganansyang nahahamig ng oligarkiya.
Anong dapat gawin?
Bagamat tama lamang na tutulan ang PI at Cha-cha dahil hindi ito ang lulutas sa mga suliranin ng bansa, o hindi ito ang kailangan ng mamamayan ngayon, kailangang ilantad sa ating pagtutol ang katangian ng naghaharing uri. Wala nang kinatawan ng naghaharing uri na nagsasalita pa ng sariling industriyalisasyon ng bansa. Lahat ay desperadong ipatupad ang pagbebenta ng bansa sa pamamagitan ng pakikipagsosyo sa pandaigdigang monopolyo-kapital. Kung sino ang titimon sa direksyong ito ng ekonomiya ang pinagbabangayan at pinag-aawayan ng mga pangakat ng naghaharing uri sa bansa.
Taktikal na layunin natin ngayon na biguin ang bagong pakana ng naghaharing uri sa Cha-cha sa pamamagitan ng PI. Bagamat pagtatanggol ito ng 1987 Constitution, dapat ipaliwanag na hindi tayo titigil sa pagpapanatili lamang nito. Kung tayo ang tatanungin, kailangang distrungkahin ang Konstitusyon at lumikha ng bago na ang sentrong usapin ay interes ng mayorya ng masa at tunay na demokrasya para sa masa. Subalit ang usaping nakasalang ngayon ay ang bagong pakana ng Cha-cha na ibulid pa sa kumunoy ang masang matagal nang pinahihirapan at pinagsasamantalahan kahit sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon.
Kaya marapat lamang na pangunahan ng masang manggagawa, maralita, mangingisda, magsasaka, kabataan, kababaihan, indigenous people, at iba pang nakabababang sektor ng lipunan ang pagtutol sa napipintong Cha-cha. Magdaos ng protesta sa mga syudad, munisipalidad, at rehiyong naroroon tayo. Hikayatin natin ang mga alyado sa LGU at barangay na ibulgar ang vote-buying para sa PI. Magpalawak din sa marami pang mga lugar.
Maaaring buuin ang pinakamalawak na koalisyon laban sa PI at Cha-cha, bagamat ang core nito ay dapat na ang masang manggagawa at maralita. Siguruhin na may sarili tayong independensya at inisyatiba sa pagsusulong ng protesta laban sa PI at sa Cha-cha. #
January 10, 2024
