
Ni Sonny Melencio, Chairperson, Partido Lakas ng Masa
1. Ang banggaan ng kampong Marcos Jr. at ng kampong Duterte ay hindi lamang banggaan ng dalawang makapangyarihang dinastiyang pampulitika. Nasa likod nito ang galaw ng oligarkiya sa Pilipinas at ng mga kapitalistang sumusuporta sa sinumang kampo.
2. Nakakaisang taon at kalahati pa lamang sa pwesto si Bongbong Marcos (BBM) ay pumutok na ang bangayan. Nagpakawala ng maaanghang na banat ang dating pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang kanyang anak na si ‘Baste’ Duterte, ang mayor ng Davao City, sa rali ng kanilang tagasuporta sa Davao City noong January 28.
3. Isa sa mga isyu na may personal na impact kay Duterte ang ICC probe sa kanyang administrasyon na hinahayaan ni BBM ngayon dahil sa postura nito ng pagsuporta sa mga kanluraning kapangyarihan. Isa ring personal na isyu ang pagtatanggal ng confidential at intelligence fund ni Bise-Presidente Sara Duterte.
4. Ginagamit ng paksyong Duterte ang isyu ng Cha-cha, hindi dahil sa ayaw nila ng pagdistrungka sa protectionist provision ng 1987 constitution. Ang isyu ay kung sino ang dapat tumimon dito. Halos lahat ng nagdaang administrasyon, matapos kay Cory, ay nagpakana nito: FVR, Estrada, Macapagal-Arroyo, at maging si Duterte.
5. Liban sa administrasyong Noynoy Aquino na ginawang sagrado ang Cory constitution, bagamat maraming batas sa liberalisasyon ng ekonomiya ang isinulong nito, gaya ng executive order sa public-private partnership, at iba pa. Sa ilalim ni Duterte, nais isabay ang liberalisasyon sa pagtatayo ng pederalismo na ang makikinabang ay mga kasapakat nitong dinastiya sa malalaking rehiyon sa bansa.
6. Ang kagyat na dahilan sa banggaan ay ang nalalapit na mid-term election sa 2025, kung saan nais ng bawat panig na kontrolin ang Kongreso at mga LGUs. Para ito sa ultimong laban sa presidential elections sa 2028 na tatakbo si Sara Duterte para ibalik ang ganansya ng dinastiyang Duterte, at sa kabilang kampo naman ay tatakbo si House Speaker Martin Romualdez, pinsan ni BBM na nagpapakana ng People’s Initiative, para gawing permanente ang ganansya ng dinastiyang Marcos-Romualdez.
Bakit kailangan ng Cha-cha?
1. Iginigiit ni BBM na kailangan ito para ilinya ang ekonomiya ng Pilipinas sa globalisasyon ng kapital. Napag-iiwanan na raw tayo sa pag-unlad dahil dito. Pero para sa kanila, ang “pag-unlad ng bayan,” ay walang iba kundi “pag-unlad ng ganansya” ng mga naghaharing uri sa bansa.
2. Ang kalakaran ng naghaharing uri sa bagong panahon ay halos wala nang tumitindig sa makabansang industriyalisasyon sa Pilipinas. Ang natitirang landas ay ikabit ang kanilang kapitalistang operasyon sa mga dambuhalang dayuhang puhunan.
3. Halos lahat ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng Cha-cha. Sinumang tumututol dito ay hindi pa dahil ‘nagmamahal sila sa bayan’, kundi dahil ang karibal na paksyong Marcos-Romualdez ang titimon at makikinabang dito.
Ang political dynasty ay kapatid ng economic oligarchy
1. Pero ang Cha-cha ay hindi lamang itinutulak ng mga dinastiya. Itinutulak ito sa pangunahin ng oligarkiya. Kaya hindi dapat palampasin sa paglalantad ng galaw ng mga political dynasty sa Cha-cha ang papel ng oligarkiya o mayayamang indibidwal at pamilya na may kontrol sa ating ekonomiya.
2. Sa kasaysayan, ang political dynasty ay kapatid ng economic oligarchy. Magkakambal silang isinilang mula sa uring principalia na siyang naghaharing-uring Pilipino noong panahon ng mga Kastila. Sila ang humamig ng malalawak na lupain sa bansa, na dapat sana ay nasa kamay ng bawat pamilyang Pilipino.
3. Sila ang nakipagkutsabahan sa mga imperyalistang dayuhan (United States matapos ang Rebolusyong Pilipino; Japan noong Second World War; balik sa United States matapos ang World War) para maitayo ang sariling kapital na nakakabit sa negosyong dayuhan. Sila ang tinawag noong mga komprador-burges.
4. Sa kalaunan, ang komprador-burges na ito ay nagkaroon ng ibayong puhunan at nagtayo ng kapitalistang operasyon at mga negosyong komersyal at industriyal sa bansa. Hindi na lamang sila mga komprador. Sila ang mga Cojuangco, mga Ayala, Zobel, Lopez, at mga gaya nila.
4. Ang oligarkiya ding ito ang naging suhay sa paglago ng political dynasty, o mga pamilya na komontrol ng pulitika sa bansa. Sa matagal na panahon, nagkaroon sila ng mga tapat na tagasunod sa mayayamang angkan na tagapagtaguyod ng kanilang kapitalistang interes sa gobyerno.
5. Halos ang buong bayan ay nasa kuko ng mga dinastiyang pulitikal. Noong 2019, 29% ng pwesto sa LGUs ay hawak nila; 80% ng gobernador; at 67% ng pwesto sa Kongreso. At tuwing eleksyon, lumalaki pa ang kontrol ng political dynasty. Sa partylist ngayon, halos lahat ng nanalo ngayon ay kumakatawan sa political dynasty.
6. Ang malalaking oligarkiya noon ay siya pa ring oligarkiya ngayon. Nadagdagan sila ng mga bagong oligarkiya na marami ay nabuo sa panahon ng diktadura ni Marcos. Ang bagong dugong ito, tinawag ding nouveau riche (bagong mayayaman) o crony capitalists ni Marcos, ay biniyayaan ng mga kinulimbat na yaman ng diktador. Dito kabilang sina Henry Sy, Danding Cojuangco at Ramon Ang, Lucio Tan, at mga gaya nila.
7. Ang bagong katangian ng oligarkiya ngayon ay hindi lamang pagmonopolyo sa isang industriya, kundi ang pagtatayo ng mga conglomerate na parang pugitang sumasaklaw ang galamay sa iba’t ibang linya ng industriya. Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga ‘holding company’ na may network ng iba’t ibang ‘nagsasariling’ korporasyon (na karamihan ay sila ang may controlling stocks o shares).
8. Pansinin na sa matagal na panahon ang Top 50 multi-billionaire family/individual sa Pilipinas ay may mga ‘diversified business’ o nakakalat na ang galamay sa iba’t ibang linya ng industriya.
Ang oligarkiyang nakasuporta kay BBM
1. Walang loyalty ang oligarkiya liban sa kanilang sariling interes. Kaya marami sa oligarkiyang sumusuporta kay BBM ay supporter din ni Duterte nang ito ang nakaupo sa pwesto. Nagbabago-bago ang kanilang loyalty sa kung sino ang makapagbibigay ng malaking ganansya sa kanilang negosyo. Tuwing eleksyon, tumataya sila sa halos lahat ng kandidato sa pagka-presidente para tiyakin na sinumang manalo ay kaisa nila.
2. Bahagi ng oligarkiya ang mga Marcos mismo, na nakakalat ang negosyo o sosyo sa maraming korporasyon. Bukod sa kanila, ilan lamang ang mga sumusunod sa mga miyembro ng oligarkiya na kadikit ni BBM ngayon:
(1) Ang Romualdez family na may hawak ng RYM Business Management. Isa itong holding company na may negosyo sa ilang industriya, gaya ng banking (Philippine Veterans Bank); media (Prime Media Holdings); construction (EEI); minahan (Benguet Mining at Marcventures Holdings); at finance (dating AG Finance).
(2) Si Ramon Ang ng San Miguel Corporation, isang conglomerate na hindi lamang beer ang negosyo, kundi food & beverage; power, infrastructure, and airport building; battery energy storage system; at iba pa.
(3) Iñigo Zobel ng San Miguel Investment holdings at Ayala Corporation na may interes sa real estate, finance, telecom, at healthcare.
(4) Sabin Aboitiz ng Aboitiz Equity Ventures, isang conglomerate na may investment sa power (renewables), banking (Union Bank, Citibank consumer banking), financial services, at iba pa.
(5) Enrique Razon ng International Container Terminal Services (ICTSI), nangungunang ports operator sa bansa; may investment sa Bloomberry Resorts na may-ari ng Solaire Resort and Casino.
(6) Lance Gokongwei ng Gokongwei Group at JG Summit na may hawak ng airlines (Cebu Pacific); telecom (Sun Cellular); banking (Robinsons Bank and BPI merger); food (Universal Robina Corp.); power and electricity (Meralco); real estate (Robinson’s Land Corporation).
(7) Kevin Andrew Tan ng Alliance Global, isang holding company na may investment sa food and beverage, liquor (Emperador), gaming at real estate (Megaworld).
(8) Teresita Sy-Coso, anak ng yumaong Henry, ng SM Investments at SM Prime, isa sa malaking conglomerates sa Southeast Asia, na may investment sa department stores (SM); supermarkets; banks (BDO); hotels; real estate; at mining.
(9) Manny Villar, dating supporter ni Duterte. Conglomerate sa real estate (Vista Land, Premiere Island Power REIT); malls; supermarkets; media; casino; theme parks.
3. Lahat ng inilista ay kabilang sa Top 50 Rich Individuals/Families noong 2023. Mapapansing ang pinakamatatagal nang oligarkiya ay humahanay na kay BBM. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang kanilang ganansya ay kadikit ng nasa poder, at ang nasa poder ay obligadong isulong pa ang ganansya para sa kanilang lahat.
Mga alyadong kapitalista ni Duterte
1. Sino ang natira kay Duterte? Ang Davao Group ay kay Duterte pa rin. Ito ang mga Floirendos, Lagdameos, at si Dennis Uy. Si ‘Tonyboy’ Floirendo, tagapagmana ng malaking banana export plantation sa Davao, ang nagkaloob ng P100 million (kabilang ang donasyon sa PDP-Laban ni Duterte) bilang pondong pangkampanya ni Duterte noong eleksyong 2016.
2. Si Dennis Uy ng Udenna, isang conglomerate na may investment sa telecommunications (Dito Holdings Corp); petroleum (Phoenix Petroleum); oil and gas; shipping and logistics (Chelsea Logistics & Infrastructure), real estate; at education. Sa panahon ni Duterte, nakuha ni Uy ang controlling interest sa Malampaya gas field sa West Philippine Sea, pero ibinenta din ito noong 2022 kay Enrique Razon.
3. Mapapansin na tagilid si Duterte pagdating sa suporta ng oligarkiya. Bagamat ang oligarkiya ay nagbabantay pa rin kung tatagilid ang barko ni Marcos Jr., at kailangang lumipat sa kabila.
Proxy battle
1. Sa banggaang Marcos Jr. – Duterte, ang pinakamalaking suporta ni BBM ay nanggagaling sa pagkabit niya sa imperyalismong Estados Unidos. Mula nang bumaling si BBM sa pagsuporta sa US at pagbitiw sa mga komitment ni Duterte sa China, nagpahiwatig ang US na kaya nilang itodo ang suporta sa kanya kung kinakailangan.
2. Hindi naman binibitiwan ni Duterte ang pagsusulong ng interes ng China sa Pilipinas. Kabilang dito ang pagpasok ng mga negosyo ng China sa Pilipinas, gaya nang mga infrastructure projects; telecommunications (ang China Telecom ay may 40% share sa Dito Holdings); at iba pa. Ang dinastiya ni Gloria Macapagal-Arroyo, nakahanay ngayon kay Duterte, ay naunang magbukas ng mga deal sa China noong ito ang presidente.
3. Kaya ang banggaang Marcos Jr. – Duterte ay halos isang ‘proxy battle’ na rin ng US at China. Ibinabalik ni BBM ang pagkubabaw ng imperyalismong US sa Pilipinas. Kasama sa dahilan ang pagtiyak sa proteksyon ng nakaw na yaman ng mga Marcos na nakaimbak sa US.
4. Kahit kulelat ang Pilipinas sa pagpasok ng FDI (foreign direct investment) at sa pagkabit sa global value chain (halimbawa’y sa semiconductor at microchips industry na tayo pa naman ang nanguna noong maagang bahagi ng 1970s), nag-aambisyon si Marcos Jr. at ang mga kaalyado niyang oligarkiya na pagkalooban ng choice contracts ng US sa multi-billion military industrial complex nito. Hindi nalalayo ang ganitong ambisyon dahil humanay na ang rehimeng Marcos Jr. sa pundilyo ng US kapag sumiklab ang US-China war.
4. Sa kabilang banda, matagal nang tinatangkilik at isinusulong ng paksyong Duterte ang pagpasok at pagkabit ng mga crony business nito sa mga puhunan at proyekto ng China sa bansa.
Ano ang dapat gawin?
1. Dapat wakasan ang paghahari ng dinastiya at ang paghahari ng oligarkiya sa bansa. Bagamat ang sentro ng paglalantad ay ang kapitalistang estado, kailangang simulang ilantad ang pangunahing suhay nito, ang oligarkiya.
2. Sabi nga ni Karl Marx sa Communist Manifesto: “Ang ehekutibo ng modernong estado ay isang komite lamang para sa pamamahala ng mga karaniwang gawin ng buong burgesya.” Nagsisilbi ang dinastiyang nakapwesto para pamahalaan ang interes ng oligarkiya.
3. Narating na ng oligarkiya sa Pilipinas ang isang antas ng konsentrasyon ng kapital at kapitalistang operasyon na hindi na lamang nakatuon sa monopolisasyon ng isang industriya, kundi sa pagtatayo ng mga conglomerate na bawat isa’y sumasaklaw sa iba’t ibang linya ng industriya.
4. Ang kompetisyon ng iba’t ibang conglomerate sa daigdig (mula sa mayayaman at mahihirap na bansa) ay siya ring nagtutulak sa oligarkiya sa PIlipinas na buksan ang ekonomiya ng Pilipinas para maka-arangkada pa ang kanilang operasyon at mapalawak pa ang kanilang kapital. Gayuman, hindi mapapantayan ng mga conglomerate sa Piipinas ang dambuhalang kapital ng mga pandaigdigang multinasyonal na korporasyon.
5. Ang pagkabit na ito ay pagpapailalim sa global value chain na kontrolado ng mga imperyalistang korporasyon at bansa. Ito ang network na binubuo ng mga multinasyonal na korporasyon sa imperyalistang bansa kung saan ikinakalat ang ilang linya ng pagmamanupaktura at serbisyo sa mahihirap na bansa upang mapagpasamantalahan ang murang lakas-paggawa nito at buksan ang kanilang merkado para sa middle-class consumers na makabibili ng kanilang mga produkto.
6. Sa madaling sabi, hindi dapat pumasok sa anumang alyansa sa magkakaribal na dinastiyang nag-aagawan ngayon sa pwesto. Karakter ito ng oportunistang oligarkiya na nag-aabang kung sino ang makapagbibigay ng ibayong ganansya.
7. Isulong natin ang karakter ng proletaryado, ng malawak na uring manggagawa, na pinalalakas ang sarili habang pinahihina ng sariling kontradiksyon ang naghaharing uri. Palawakin at palakasin ang sariling hanay, isulong ang pakikibakang masa, at ihanda ang sarili sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya sa dalawang pangunahing kaaway ng uri: ang dinastiya at oligarkiya.
January 31, 2024
