Balik-aral sa Imperialism, the Highest Stage of Capitalism at bagong mga akda sa imperyalismo

ni Sonny Melencio

[Ang sulating ito ay may tatlong bahagi: (1) ang pagbabalik-aral sa akda ni Lenin na Imperialism, the Highest Stage of Capitalism; (2) ang pagbaybay sa pagsulong ng imperyalismo mula sa pag-iral ng sistemang kapitalismo hanggang sa panahon ngayon ng tinatawag na monopoly-finance imperialism at digital-monopoly capitalism; at (3) ang mga sumunod na akda o tesis sa imperyalismo pagkatapos ng Imperyalismo ni Lenin.]

Pambungad
 
1. Napapanahon ang pag-aaral ng imperyalismo sa harap ng mga nagbabagang pandaigdigang isyu – kamakailan, ang pag-atake ng United States sa Venezuela at ang iligal na pagdukot kay Pangulong Nicolás Maduro at sa kanyang asawa. Ito ay lantad na mukha ng imperyalismo: isang garapalang paglabag sa pambansang soberanya, pandaigdigang batas, at sa karapatan sa sariling pagpapasya ng sambayanang Venezuelano.
 
2. Napapanahon din ito sa harap ng walang patumanggang pagkandili ng United States sa genocidal na rehimen ng Israel laban sa mamamayan ng Gaza at sa buong Palestine. Kung wala ang tuluy-tuloy na suportang militar, armas pandigma, at diplomatikong panangga ng U.S., matagal nang nabuwag ang estadong Israel sa harap ng rebolusyonaryong paglaban ng mga Palestino at ng mamamayang Arabo sa rehiyon.
 
3. Ang lahat ng ito ay patunay na nananatili ang United States bilang nag-iisang pinakamakapangyarihang imperyalistang bansa sa daigdig, laluna sa usapin ng kapangyarihang militar. Bagamat may umuusbong na mga karibal sa larangan ng pang-ekonomiyang hegemonya, walang kapantay pa rin ang kakayahang militar ng U.S. sa pandaigdigang antas.
 
4. Dahil dito, hindi totoo ang sinasabing “multipolarity” sa daigdig ngayon, laluna sa larangan ng kakayahang militar. Ang United States ang nag-iisang superpower na may walang kapantay na pandaigdigang saklaw at pandaigdigang kapabilidad sa lahat ng larangan ng digma — sa lupa, dagat, at himpapawid.

5. Ilang mga datos sa kapangyarihang militar ng U.S.:

========================================================================
Text Box: Ilang mga datos sa kapangyarihang militar ng U.S.: 

-- Ang U.S. ang #1 sa military power sa buong daigdig (2025 index). Ang total military force nito (aktibo at reserba) ay higit 2 milyong tropa.

-- Ang defense budget ng U.S. ay humigit-kumulang 37% ng kabuuang global military spending (2024)—mas malaki kaysa sa pinagsamang badyet militar ng China, Russia, India, Saudi Arabia, France, Germany, United Kingdom, Japan, at South Korea. 

-- Ang U.S. Air Force ang pinakaabanteng air force sa daigdig, kabilang ang fifth-generation stealth fighters (F-35, F-22), strategic bombers, atbp. Mayroon itong satellite at space control capabilities. 

• Ang U.S. Navy ang pinakamalaki sa daigdig batay sa tonnage. 

• Mayroon itong 11 nuclear-powered aircraft carriers, pinakamalaki sa iba pang bansa, na nagsisilbing mobile airbases para sa pandaigdigang dominasyon sa karagatan. 

• Nagtataglay ito ng 3,700 nuclear warheads at kumpletong delivery systems (missiles, bombers, submarines) na bumubuo ng nuclear capacity sa lupa, dagat, at himpapawid. 

• Mayroon itong higit 750 na military bases at installations labas ng U.S., na nakakalat sa mahigit 55 bansa (2025).
 
============================================================================

I. Imperialism, The Highest Stage of Capitalism (1916)
 
1. Ano ang layunin ni Lenin sa pagsulat ng akdang Imperialism?
 
2. Ang bantog na akdang ito ay isinulat ni Vladimir Lenin noong Enero-Hunyo 1916, sa gitna ng Unang Digmaang Pandaigdig (World War I) – ang kauna-unahang imperyalistang gyera sa pandaigdigang saklaw. Isa itong digmaan sa pagitan ng mga bansang bumubuo ng Allied Powers (France, UK, Russia, Italy, U.S., Japan, atbp.) at ng Central Powers (Germany, Austria-Hungary, Ottoman Empire, Bulgaria, atbp.).
 
3. Layunin ng akda ni Lenin na ipaliwanag ang esensya at lohika ng imperyalismo. Ani Lenin, ang imperyalismo ay hindi lamang isang pampulitikang aksyon ng pananakop at pang-aapi sa mga bansa ng Global South. Hindi ito simpleng geopolitical strategy o patakarang panlabas ng mga makapangyarihang estado.
 
4. Naiiba ang ‘modernong imperyalismo’ ni Lenin sa mga umiral na anyo ng ‘imperyalismo
 o imperyal na paghahari bago ang kapitalismo (gaya ng Roman Empire). Ayon kay Lenin:
 
                  “Colonial policy and imperialism existed before the latest stage of capitalism,
and even before capitalism. Rome, founded on slavery, pursued a colonial policy and practiced imperialism. But “general” disquisitions on imperialism, which ignore, or put into the background, the fundamental difference between socio-economic formations, inevitably turn into the most vapid banality or bragging, like the comparison: ‘Greater Rome and Greater Britain.’ Even the capitalist colonial policy of previous stages of capitalism is essentially different from the colonial policy of finance capital.”
 

5. Nakabatay ang imperyalismo sa isang tiyak at makasaysayang yugto ng kapitalismo na tinatawag na yugto ng monopolyo-kapitalismo. Nag-uugat ito sa interes ng mga korporasyon at ng kanilang mga bansang nakikinabang sa sistema ng pagsasamantala at pang-aapi sa iba pang mga bayan.
 
5. Gayunman, ipinakita ni Lenin na ang imperyalismo ay hindi paglakas ng kapitalismo, kundi palatandaan ng pagkaagnas ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo, na kasabay nito ay lumilikha ng materyal na kondisyon para sa sosyalistang rebolusyon.
 
Ano ang halaga ng akdang Imperyalismo ni Lenin?
 
1. Hindi magiging konsistent ang pagiging kontra-imperyalismo kung hindi kontra-kapitalismo. Ang modernong imperyalismo ay bunga lamang ng pag-akyat ng kapitaiismo sa yugto, kung saan ang malayang kompetisyon ay nahalinhan ng monopolyo. Kung saan ang mga monopolyo ay naghari sa pandaigdigang saklaw at naghati-hati ng mundo bilang kolonya, malakolonya o spheres of influence. Sa ganitong kalagayan, ang tanging paraan para muling paghatian ang mundo ay maglunsad ng digmaan. Ito ang halaga ng intindihin ang imperyalismo mula sa balangkas ng paliwanag ni Lenin.
 
2. Gayundin, ang akdang ito ay hindi akademikong teksto, hindi pagsusuring pang-ekonomiya lamang ng ‘pinakamataas’ na yugto ng kapitalismo. Ito’y isang gabay para sa rebolusyonaryong estratehiya ng rebolusyonaryong sosyalistang kilusan sa panahon ng imperyalismo at pandaigdigang digmaan.
 
3. Pinaghalawan ni Lenin ang marami nang lumaganap na teksto sa imperyalismo, gaya ng kay J.A. Hobson (Imperialism: A Study,1902), isang English economist, at kay Rudolf Hilferding (Finance Capital, 1910), isang Austrian Marxist. Hiniram ni Lenin kay Hilferding ang konsepto ng finance capital bilang batayan sa dominasyon ng pananalapi na nagtutulak ng imperyalistang pananakop. Kinilala rin ni Lenin ang ambag ni Nikolai Bukharin, kasamahan niyang Bolshevik, na sumulat ngImperialism and World Economy (1915).
 
4. Ang akda ay laban sa justification ng mga kilusang social-democrats na sumuporta sa ’kanikanilang’ mga imperyalistang bansa noong pagputok ng World War 1. Laban din ito sa oportunismo ng labor aristocracy na kumikilos laban sa interes ng mga manggagawa sa mga imperyalistang bansa. Inilantad din sa akda ang repormistang teorya sa imperyalismo ni Karl Kautsky – ang ‘ultra-imperialism’ o mapayapang kooperasyong kapitalista ng mga monopolyong korporasyon na magwawakas daw sa digmaan.
 
 Ang limang katangian ng imperyalismo
 
1. Ayon kay Lenin, ito ang limang katangian ng ‘modernong’ imperyalismo:
 
            1) Ang konsentrasyon at sentralisasyon ng produksyon ay tumungo sa pagkakabuo ng mga monopolyo, ng ilang higanteng korporasyon at kartel na nangingibabaw sa mga susing industriya. Sa panahong ito, ang “malayang kompetisyon” sa ilalim ng kapitalismo ay naging salita na lamang.
 
Sa akda, inihalimbawa ni Lenin ang German steel at coal cartel; ang Standard Oil, U.S. Railroad Trusts, at U.S. Steel cartel.
 
            2) Ang pagsasanib ng kapital ng bangko at Industriya na bumuo ng finance capital at financial oligarchy.
 
Inihalimbawa ang mga higanteng German banks, gaya ng Deutsche Bank, Dresdner Bank, atbp. Sa U.S. ay ang investment banks ni J. P. Morgan na kaalyado ng U.S. Steel. Ang mekanismo ng pagsasanib ay sa pamamagitan ng interlocking directorates na nakaupo ang mga direktor ng bangko sa mga industrial board.
 
            3) Ang pagluluwas ng kapital, at hindi na lamang mga produkto. Dahil lumiliit ang tubo sa sariling bansa, iniluluwas ang kapital tungo sa mga rehiyong may murang pasahod, hilaw na sangkap, at mas mataas na tubo.
 
Inihalimbawa ang pag-invest ng Britain sa perokaril ng India at Latin America, sa minahan sa Africa, at mga plantasyon sa iba pa nitong kolonya. Kahit mahina ang industriya, ang France ay nagluwas ng kapital sa Russia (sa anyo ng state loans), sa Balkans, at iba pang kolonya. Ang Germany naman ay sa Ottoman Empire (sa Baghdad Railway), Africa, at Eastern Europe.
 
            4) Pagsulpot ng mga pandaigdigang monopolistang kartel. HInati-hati ng mga higanteng kapitalista sa mayayamang bansa ang mga merkado, likas-yaman, at nagmarka ng spheres of influence sa iba’t ibang panig ng mundo.
 
Inihalimbawa ang paghahati ng steel, oil, at shipping markets. May international steel cartel ang mga imperyalistang bansang German, British, French, at United States. May international zinc cartel din ang Germany, Belgium, at France.
 
            5) Nagkaroon ng teritoryal na hatian ng daigdig sa pagitan ng malalaking kapangyarihan. Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, ang mundo ay lubos nang nahati sa hanay ng mga imperyalistang bansa. Maaari lamang ang pagpapalawak kung magkakaroon ng muling hatian o rebisyon, kaya’t ang digmaan ay di-maiiwasan.
 
Inihalimbawa ang Africa na halos naging malaking kolonya, ang Latin America ay nasa impormal na kontrol naman ng financial imperialism. Ang Britain ang may pinakamalaking Emperyo (bahagi nito ang India, malaking bahagi ng Africa, at ang mga estratehikong rutang pandagat). May mga kolonya ang France sa Africa at Asia. Kahit humahabol pa lamang noon ang industrial development ng Germany, may mga kolonya rin itong nasaklaw. Sa panahong iyon, ang Pilipinas ay kolonya na ng United States.
 
Sumada
 
1. Ang akda ni Lenin ay naaayon sa historical materialist approach ni Karl Marx. Hindi lang nito inaanalisa ang daigdig, isinusulong din nito ang pagbabago ng daigdig. (“Philosophers have only interpreted the world in various ways; the point, however, is to change it.” – Marx’s Theses on Feuerbach).
 
2. Sa kabuuan, ang akda ay sumada sa pagkakahati ng mga bansa sa kampo ng nagsasamantalang imperyalistang bayan (oppressor countries) at kampo ng pinagsasamantalahang bayan (oppressed countries). Sa ganitong kalagayan, ipinanawagan ni Lenin ang pagwawakas ng imperyalismo sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon (sa mga bansang may industriyal na kaunlaran) at ng pambansang rebolusyong mapagpalaya sa mga di-industriyal na inaaping bayan.

II. Paano Sumulong ang Imperyalismo?
 
1. Puwede nating baybayin ang pagsulong ng kapitalismo – mula sa maagang anyo nito hanggang sa yugto ng monopolyo-kapitalismo at imperyalismo, at kung paano ito nagbabagong-anyo sa kasalukuyan:
 
A. Pre-Imperyalismo (mula ika-15 hanggang ika-18 siglo):
 
1. Ito ang panahon ng tinatawag na Komersyanteng Kapitalismo (Merchant Capitalism). Hindi pa batay sa industriya ang merchant capital. Ang tubo ay nanggagaling sa tubo sa komersyo – pagbili ng mura, pagbenta ng mahal; hindi pa sa sistematikong pagkuha ng surplus value sa mga sahurang manggagawa sa pabrika.
 
2. Dumaan ito sa tinatawag ni Marx na “primitibong akumulasyon ng yaman” sa pamamagitan ng hayag na pandarambong, pang-aalipin, pag-agaw ng mga lupain, at marahas na pananakop.
 
3. Ang pangongolonya ay paraan sa pagkuha ng ginto, pilak, spices, at alipin – hindi pa pagpapalawak ng “industrial markets.” Ang kolonya noon ay kontrolado politically at militarily, at hindi pa ganap na integrated sa kapitalistang produksiyon ng sentrong emperyo o syudad.
 
4. Ito’y nagaganap sa pandarahas ng mga estado sa anyo ng monarkiya at kontrol ng hukbong-dagat (naval power). Mga halimbawa nito ang malawakang pamimirata at pandarambong ng Spain sa Americas; ng British at Dutch trading companies; at trans-Atlantic slave trade.
 
5. Bilang resulta ng primitibong akumulasyon, inilatag ng yugtong ito ang mga batayan para sa pagtatayo ng industriyal na kapitalismo. Naganap ito sa pagtitipon ng dambuhalang yaman mula sa pandarambong para itayo ang mga industriya. Kasabay nito, “pinalaya” ang mga pesante sa lupa (sa pamamagitan ng enclosure at dispossession) upang maging murang lakas-paggawa sa industriya.
 
B. Kapitalismong Industriyal (huling bahagi ng ika-18 hanggang kalagitnaan ng ika-19 siglo)
 
1. Sa panahong ito, sumulong ang Industrial Revolution sa Europe (pangunahin sa Britain), umusbong ang mga pabrika, at produksyon sa maramihang paggawa.
 
2. Panahon ito ng kapitalismo sa anyo ng malayang kompetisyon (“free-competition capitalism”). Nabuo ang maraming empresa na nagkompitensya sa isa’t isa; at
wala pang ganap na dominasyon ng monopolyo.
 
3. Panahon din ito ng tinatawag na Klasikong Kolonyalismo. Ito ang pangongolonya para kontrolin ang mga sources ng hilaw na sangkap at bahain ang kolonyal na merkado ng produktong manupaktura ng mauunlad na bayan.
 
4. Pinopromote ang ideya ng “free trade,” pero sa likod nito ay ang di-pantay na palitan (“unequal exchange”). Ibig sabihin, ang produktong galing sa murang paggawa sa kolonya/mala-kolonya (na kumakatawan sa mas malaking oras ng paggawa at surplus value) ay ipinagpapalit sa produktong galing sa metropoles (na kumakatawan sa mas maliit na oras ng paggawa at surplus value).
 
Konkretong larawan: ang manggagawang Pilipino sa electronics assembly ay kumikita ng maliit na bahagi ng sahod ng manggagawa sa U.S., pero ang produkto ay ibinebenta sa presyong itinakda sa sentrong merkado, kaya ang tubo at surplus value ay umaagos palabas – kahit tawagin pa itong “free trade.”
 
3. Sa papel ng yugtong ito sa kasaysayan: Naghanap ang kapital ng suplay ng hilaw na sangkap at bagong merkado. Lumalim ang kolonyal na paghahari para protektahan ang ruta ng kalakalan, ng hilaw na sangkap, at merkado. Sa loob mismo ng ‘malayang’ kompetisyon, sumibol ang kontradiksyon ng krisis ng overproduction – na nagtulak sa pag-igting pa ng kompetisyon at sa kalaunan ay konsentrasyon ng kapital sa iilang empresa.
 
C. Klasikal na Imperyalismo sa Panahon ni Lenin (huling ika-19 hanggang maagang ika-20 siglo)
 
1. Dito umabot ang kapitalismo sa yugto ng monopolyo-kapitalismo – ang batayan ng modernong imperyalismo.
 
2. Umiral ang limang katangian ng imperyalismo sa pandaigdigang saklaw: konsentrasyon ng produksyon → monopolyo; pagsanib ng kapital ng bangko at industriya → finance capital at financial oligarchy; pagluluwas ng kapital (hindi lang produkto); pagkakatayo ng pandaigdigang monopolistang kartel → paghahati ng merkado at rekurso; at teritoryal na paghahati ng daigdig → inter-imperialist rivalry at digmaan.
 
3. Ang historical logic ng yugtong ito ay kinakatawan ng:
 
pagbagsak ng tubo sa loob ng metropoles o sentrong bansa;
pangangailangang iluwas ang kapital sa mga lugar na may murang pasahod, mahinang regulasyon sa kalakalan at industriya, at may mas mataas na tubo. Ang kolonya at mala-kolonya ang nagiging espasyo ng pamumuhunan at sobrang-pagsasamantala (super-exploitation).
Lahat ito ay tumungo sa direktang kolonyal na paghahari at tunggaliang imperyalista na humantong sa mga digmaang pandaigdig.
 
D. Ang Panahon ng mga Digmaang Pandaigdig (World War 1 & 2), at Dekolonisasyon (mula 1914–1945)
 
1. Ito ang panahon ng dalawang digmaang pandaigdig at malalaking pagputok ng krisis gaya ng Great Depression (1929-1939) o krisis ng resesyon na umapekto sa mayayamang industrial na bansa gaya ng U.S., United Kingdom, at Germany. Nalantad ang limitasyon at pagkabulok ng monopolyo-kapitalismo.
 
2. Nangangailangan ng inter-imperialist redivision o muling paghahati ng daigdig sa pamamagitan ng digmaan.
 
3. Naganap ang sosyalistang rebolusyon sa Rusya (1917, sa panahon ng WWI), paglaya ng China (1950, pagkatapos ng WWII), Vietnam na nahati sa North at South, Korea na nahati sa North at South, at ang pag-alimpuyo ng mga anti-kolonyal na rebolusyon at pambansang kilusang mapagpalaya sa maraming bayan.
 
Nabuo ang Hukbalahap sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP-1930) at nagpalaya ng maraming lugar at probinsya bago pumasok ang hukbo ng U.S. Nagkaloob ang U.S. ng huwad na kalayaan sa Pilipinas noong 1946, kapalit ng maraming kasunduan sa ekonomiya at militar na nag-impose ng neokolonyal na katayuan sa bansa.
 
E. Ang Neokolonyal na Sistema ng Imperyalismo (1945 hanggang 1970s)
 
1. Matapos ang WWII, humarap ang imperyalismo sa pagbugso ng mga mapagpalayang kilusan. Upang pigilan ang rebolusyonaryong pagsiklab:
• nagbigay ng pormal na “kalayaan” sa maraming kolonya, pero hindi ito tunay na soberanya.
 
• pinanatili ang kontrol sa pamamagitan ng: IMF–World Bank at iba pang multilateral na mekanismo; “tulong” at pautang; mga kasunduang pangkalakalan; pagtatayo ng military bases; at kudeta at regime change kung kinakailangan.
 
2. Nabuo ang mga local na elite: mga lokal na burgesya, komprador, at burukrata na humawak ng gobyerno at kasapakat ng imperyalistang paghahari.
 
3. Naganap sa kasaysayan: Ang direktang kolonyal na paghahari ay napalitan ng dominasyong pang-ekonomiya at pampulitika. Ang mga estadong nasa periphery o mababang bahagdan ng global na kapitalismo ay na-integrate sa sistemang imperyalista sa pamamagitan ng di-pantay na relasyon. Kaya tuloy-tuloy ang underdevelopment at kahinaan ng lokal na burgesya.
 
F. Ang Panahon ng Neoliberal at Globalized na Imperyalismo (1980s hanggang kasalukuyan)
 
1. Mula 1980s, mas pinaigting ang imperyalistang dominasyon sa pamamagitan ng neoliberal na restructuring ng kapitalismo sa anyo ng sumusunod: praybatisasyon, deregulasyon ng mga industriya, austerity, debt dependency, financial speculation, at pag-urong ng estado sa serbisyong panlipunan.
 
2. Lumaganap na neoliberal restructuring ang imposisyon ng precarious labor o halos ganap na kontraktwalisasyon ng paggawa para humamig ng mas malaking tubo at sagkaan ang kolektibong paglaban ng mga manggagawa. Bukod pa rito ang paglawak ng lantay na panunupil sa kilusang manggagawa sa anyo ng kawalan ng karapatan sa pag-uunyon at pakikipag-bargain sa mga kapitalista.
 
3. Sa panahon ding ito, nabuo ang tinatawag na Global Value/Supply Chains na naging katangian ng imperyalismo sa global na antas. Pinaghiwa-hiwalay nito ang produksyon sa iba’t ibang bansa para lubos na pagsamantalahan ang mga di-mauunlad na bayan. Higit na pinamura ang paggawa, at unti-unting inuuk-ok ang soberanya ng mga bansa sa Global South para lubos itong pagsamantalahan.
 
4. Ang panahong ito sa kasaysayan ng imperyalismo ay kinatangain ng over-accumulation ng kapital sa kamay ng iilang empresa habang bumabagsak ang tubo sa industriyal na produksyon. Lumipat ang sentro ng tubo sa dominasyon ng finance capital.
 
G. Ang Tinatawag na Monopoly-Finance Imperialism (2008-kasalukuyan)
 
1. Sa maraming analisis ng imperyalismo ngayon, ito ang itinuturing na bagong anyo pagkatapos ng 2008 crisis. Ang 2008 capitalist crisis ay tinatawag na Global Financial Crisis (GFC). Tumungo ito sa bagong global recession (Great Recession) na kinatangian ng collapse ng housing market, subprime mortgages o loans, pagsasara ng mga bangko, at massive bailouts nito para lutasin ang krisis.
 
2. Sa kasalukuyan, ang kapitalistang ekonomiya ay kinatatangian ng dominasyon ng finance at digital/platform monopolies, gaya ng limang pinakamalalaking digital corporation sa daigdig ngayon, ang tinatawag ding ‘Big Tech’ — Amazon, Apple, Meta, Alphabet (Google), at Microsoft.
Ang mga monopolyong ito ang pumaibabaw sa mga industriyal na monopolyo. Binuo rin ito ng finance capital subalit ang pamamaraan ng tubo ay hindi lamang tubo sa produksyon, kundi nagmumula sa pagkuha ng upa (rent) mula sa kontrol nito sa data, platform, apps, at intellectual property rights sa mga ito.
 
3. Ang dominasyong pang-ekonomiya ng monopoly-finance imperialism ay isinasagawa rin sa pamamagitan ng imposisyon ng permanent debt regimes (sa mga sovereign states hanggang sa mga sambahayan o households).
 
4. Malawakang ginagamit din ang pag-unlad ng teknolohiya sa information & communication technology, AI, at gaya nito, sa mas agresibong militarismo, paniniktik, at gyera na gumagamit ng drones at iba pang makabagong sandatang nukleyar.
 
5. Sa paghahangad ng U.S. na manatiling number one hegemonic superpower sa mundo, tumitindi ang tunggalian sa itinuturing niyang karibal sa ekomiya at geopolitika: U.S. laban sa China, NATO laban sa Russia, at mga proxy wars.
 
6. Sa mga bansang itinuturing ng U.S. na banta sa kanyang paghahari at dominance, ginagamit ang sandata ng sanctions at blockades (Venezuela, Cuba, Iran, atbp.) para wasakin ang kanilang ekonomiya, gutumin at patayin ang mamamayan doon, ipatupad ang regime change, hanggang manikluhod ang buong bansa sa kanilang paghahari at ipagkaloob na ang kanilang resources (langis, raw materials, atbp.) sa interes ng imperyalismong U.S.
 
7. Dapat ding banggitin na bahagi ng imperyalistang kontrol ngayon, sa dati at bagong anyo nito, ang nagaganap na ecological breakdown. Hindi papayag ang imperyalismo na ganap na ipatupad ang carbon ban sa ekonomiya sapagkat dito siya pangunahing nakikinabang. Ang pag-atake ng U.S. sa Venezuela, Iran, at mga bansa sa Middle East na hindi sumusunod sa kanyang nais ay kaugnay ng pagkontrol sa langis na palalawakin pa ang pagmimina at produksyon sa gitna ng nagbabagang sitwasyon ng climate change.
 
Bagong yugto ba ang monopolyo-finance imperialism?
 
1. Sa pagbabaybay natin ng kasaysayan ng imperyalismo, dalawang pangunahing katangian ang lumitaw: ang monopolyo-kapitalismo, at ang monopolyo-finance imperialism ngayon. Ang huli ay hindi hiwalay o bagong yugto sa una. Update lamang ito sa operating system ng imperyalismo ngayon.
 
2. Hindi nagbago ang paghahari ng monopolyo, ang dominasyon ng finance capital, ang pagluluwas ng kapital, at ang militarisasyon at digmaan. Ang nagbago ay mga instrumento ng imperyalismo, gaya ng platforms, data, IP rights, AI, debt regimes, sanctions, GVC (global value chains) – kapalit ng lumang anyo ng ‘gunboats diplomacy’ at tuwirang kolonyal na pamamahala.
 
Multipolar o uniporal world system?
 
1. Dahil sa salasalabat na krisis ng imperyalismo, laluna sa katangian nitong monopoly-finance imperialism, lumalakas ang aspirasyon ng maraming bansa tungo sa mas “multipolar” na kaayusan. Makikita ito sa pagbubuo ng BRICS at mga regional blocs na nagtatayo ng sistema ng kalakalan na gagamit ng sariling currency labas sa dolyar ng U.S.
 
2. Bagamat marami ang umaasa sa pagsulong ng BRICS, hindi ito naitayong alternatibo sa hegemonya ng U.S. Ang kalakalan ng mga bansang kabilang dito ay pangunahing nakasentro pa rin sa U.S. at Europe na gumagamit ng kanilang currencies. Wala rin itong kakayahang magtatag ng security defense na papantay sa kakayahang military ng U.S.
 
3. Sa ilang lugar na sinasabi nang umuurong ang hegemonya ng U.S., wala itong stable successor. Sa mga bansang itinuturing ng U.S. na banta sa kanilang imperyalistang interes, nasusunod ang rehimen ng panggigipit at panunupil ng U.S. gaya ng sanctions, embargo, at mga gaya nito. Habang dumarami ang pag-aalsa ng masa sa iba’t ibang bayan, putaki-putaki pa rin ito at kapos sa nagkakaisang pamumuno.
 
4. Ang malaking tanong: Tutunguhin ba nito ang bagong reconfiguration ng imperyalistang paghahari (halimbawa’y ang pag-akyat ng China bilang imperyalistang kapangyarihan), ang barbarismo at walang-katapusang digmaan, o ang panibagong pagsulong ng mga socialist breakthrough (Latin America)?
 
III. Ang Imperyalismo ni Lenin at ang mga Sumunod pang Akda o Tesis sa Imperyalismo
 
1. Bagamat may 109 na taon na ang akdang Imperyalismo ni Lenin, ito pa rin ang backbone o baseline ng Marxistang pagsusuri sa imperyalismo. Natatangi ang akda ni Lenin dahil pinag-isa nito ang pagsusuri batay sa pampulitikang ekonomiya, ang makauring pakikibaka, at ang rebolusyonaryong estratehiya sa pagharap sa imperyalismo. Sinapol ni Lenin ang kalagayan ng imperyalistang pagsulong bilang materyal na kondisyon para sa rebolusyonaryong pagpapalaya ng mga bayan.
 
2. Suriin natin ngayon ang mga akdang nagpaliwanag ng iba’t ibang pagsulong ng imperyalismo:
 
A. Bukharin: Imperialism and the World Economy (1915)
 
1. Pangunahing ambag ito, ani Lenin, bago pa man niya isinulat ang Imperyalismo. Sa akda ni Nikolai Bukharin, ipinaliwanag niya ang istruktura ng pandaigdigang ekonomiya at ang paglitaw ng mga blokeng imperyalista (state-capitalist blocs).
 
2. Sentral na tesis ni Bukharin: Dapat suriin ang kapitalismo sa antas ng world economy, hindi lamang sa loob ng pambansang hangganan. Sa yugto ng imperyalismo, ang kapitalismo ay lumilikha ng iisang global na organismo: internationalized ang produksyon, sirkulasyon, pananalapi, at kompetisyon. Kaya wala nang masasabing “pambansang ekonomiya” na hiwalay at sarado sa global capitalist economy.
 
3. Sa yugto ng monopolyo-kapitalismo, binigyang-diin ni Bukharin na ang kapital ay nagiging “nationally organized capital;” sumasanib ito sa aparato ng estado. Kaya ang estado ay nagiging kolektibong kapitalista para sa pambansang burgesya. Ang kompetisyon sa antas ng mga kompanya ay napapalitan ng kompetisyon sa pagitan ng mga estado, ng geopolitical rivalry, at ng trade wars. Dito nagiging normal at ‘kinakailangan’ ang digmaan.
 
4. Kung kay Lenin, pangunahing sentro ang uri, estado, at rebolusyonaryong estratehiya – kay Bukharin mas sentro ang world economy bilang sistema. Sa isang pormulasyon, si Bukharin ay “system theorist” at si Lenin ay “revolutionary strategist.”
 
5. Kinikilala ni Lenin ang akda ni Bukharin bilang isa sa pinakamahusay na Marxistang pagsusuri sa ekonomiya ng imperyalismo, ngunit pinuna niya ito dahil napahihina nito ang diin sa makauring tunggalian sa loob ng mga bansang imperyalista, at masyadong tinatrato ang mga imperyalistang estado bilang homogenous blocs, na para bang natutunaw na ang antagonismo ng mga uri sa loob ng lipunan.
 
6. Para kay Lenin, bagamat naglilingkod ang estado sa monopolyong kapital, nananatiling sentral ang makauring tunggalian sa loob ng bawat bansa. Sa yugtong ito, dapat ding suriin ang pagsibol ng labor aristocracy, repormismo, at pagtataksil nila sa kilusang paggawa/
 
7. Buod: Inangkin ni Lenin ang lakas ng “global framework” ni Bukharin, ngunit ibinalik sa sentro ang pulitika, partido, rebolusyon, at anti-opportunism.
 
B. Rosa Luxemburg:The Accumulation of Capital (1913)
 
1. Bantog ang akdang ito laluna’t sinusundan nito ang pagsusuri ni Karl Marx sa reproduksyon ng kapital sa ilalim ng kapitalismo. Mula sa ‘simpleng reproduksyon’ ng kapital, binaybay ni Luxemburg ang ‘pinalawak (expanded) na reproduksyon’ (na sinimulang isulat ni Marx sa Volume 2 ng Das Kapital) para ipakita ang pangangailangan ng kapitalismo na mag-expand sa di-kapitalistang daigdig para mapasakamay ang surplas ng kapitalismo at malubos ang expanded reproduction. Inilantad niya ang kolonyal na ekspansyon bilang sistemikong presyur sa akumulasyon ng kapital sa ilalim ng kapitalismo.
 
2. Kongkreto rin ang pagbaybay ni Luxemburg sa yugto ng ‘primitibong akumulasyon’ (pre-imperialism) at ang mga anyo ng kolonyal na pagsasamantala sa paglaganap ng kapitalismo sa daigdig.
 
3. Mahalagang pag-aralan sa sarili nito ang akda ni Luxemburg sapagkat binubuksan nito ang mga sumunod na tesis ng imperyalismo na pangunahing nakasalig sa pag-aaral ng global capitalism at global market. Sinasabing pinasimulan ng sinulat na ito ni Luxemburg ang mga tesis ng Dependency Theory at World-Systems Theory ng imperyalismo na mababasa sa ibaba.
 
4. Mas nagdidiin si Luxemburg sa external na tulak ng imperyalismo: kailangan nitong lumawak sa labas ng kanyang bansa. Si Lenin naman ay mas nagdiin sa mga internal na anyo ng imperyalismo (monopolyo, finance capital, export of capital, state rivalry). Komplementaryo ang akda ni Luxemburg sa Imperyalismo ni Lenin; hindi sila “magkakontra.”
 
C. Ernest Mandel, Late Capitalism (1972)
 
1. Si Ernest Mandel ay isang Marxist economist na pinag-aralan ang kapitalismo matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig. Tinukoy niya ang ‘Golden Age’ ng kapitalismo matapos ang digmaan. Tinawag niya itong Late Capitalism, o kapitalismong pinakamaunlad, globalized, at may contradictory na yugto ng pagsulong. Kinatatangian ng sumusunod:
 
— walang kaparis na pagsulong (growth) ng ekoknomiya;
— may expanded state intervention (batay sa Keynesian economics)
— may global integration ng produsyon at pinansya
— may tumitinding kontradiksyon, at hindi stable na ekonomiya.
 
2. Katulad nang ating binaybay sa itaas, ang pagyuyugto ni Mandel sa kapitalismo ay batay sa tatlong mahahabang yugto:
 
— ang yugto ng competitive capitalism noong ika-19 na siglo: kinatatangian ng maliliit na empresa, may limitadong kontrol ng estado, pero nagsimula na ang pagpapalawak ng kolonyal na kalakalan.
 
— ang yugto ng monopolyo-kapitalismo o imperyalismo noong huling bahagi ng ika-19 at unang bahagi ng ika-20 siglo: kinatatangian ng pagbubuo ng trusts at cartel, pinansyal na kapital, pagluluwas ng kapital, imperialist rivalry, at mga digmang pandaigdig. Ito ang yugtong kinatawan ng Imperyalismo ni Lenin.
 
— ang yugto ng late capitalism (matapos ang 1945 na gyera): kinatatangian ng pag-iral ng mga multinasyonal na korporasyon; permanent arms economy; welfare state at Keynesian economics; technological revolution (automation, electronics); at global commodity chains.
 
2. Kaya para kay Mandel, hindi naagnas ang kapitalismo matapos tawagin itong ‘decaying capitalism’ ni Lenin. Nag-restructure ito at pansamantalang lumawak at lumakas matapos ang WWII.
 
3. Ipinaliwanag ni Mandel ang post-war boom na resulta ng pagpapanibagong lakas at tatag ng kapitalismo matapos ang pagkalagas ng produktibong pwersa at pagkawasak ng kapital at industriya sa gyera. Gayunman, ipinakita niya na hindi ito pangmatagalan.
 
4. Ipinaliwanag din ni Mandel ang konsepto ng uneven at combined development sa ilalim ng kapitalismo: may pagsulong sa mga core countries, habang may underdevelopment, dependency, super-exploitation, at limitadong industrialisasyon lamang sa mga bansa sa mga periphery.
 
5. Ang mga sumunod na pagsulong ng kapitalismo ay nagdulot na ng matitinding krisis simula 1970s hanggang ngayon. Pinatunayan ito ng mga sumunod na akda matapos ang kay Mandel.
 
D. Ang Dependency Theory (1960s–1970s)
 
1. Ang dependency theory ay isang school of thought sa pag-aaral ng imperyalismo. Ang pangunahing tesis nito ay ang sistema ng “unequal exchange” (di-pantay na palitan), at ang paghahati ng mundo sa core (center), tinatawag ngayong Global North, at ang periphery o Global South. Iginiit nito na ang underdevelopment ay hindi isang yugto bago ang ganap na pag-unlad ng kapitalismo, kundi isang kondisyong nililikha at nire-reproduce sa integrasyon ng mga taga-Global South (mga bansang ‘periphery’) sa global capitalism.
 
2. Ang mga pangunahing tagapagsulong nito ay sina Andre Gunder Frank, Samir Amin, at iba pa.
 
Andre Gunder Frank: Capitalism and Underdevelopment in Latin America (1967); The Development of Underdevelopment (1966)
 
1. Ang pangunahing tesis ni Frank sa mga akdang ito ay ang underdevelopment ay produkto ng kapitalismo, hindi ng “pre-capitalist remnants.” Sa sistemang may “metropolis–satellite chain” sa daigdig, ang yaman ay umaagos pataas sa core (sentro), at ang kahirapan ay sistematikong nililikha pababa sa periphery. Para sa mga bansang periphery, dumarating ang kapitalismo bilang imperyalismo na agad sumusunggab sa kanilang yaman at surplas.
 
Samir Amin: Accumulation on a World Scale (1970); Unequal Development (1976)
 
1. Ang tesis ni Amin ay ang “development” sa core ay nangangailangan ng “underdevelopment” sa periphery. Binibigyang-diin niya sa kanyang mga akda ang transfer ng value (surplus value), unequal exchange, at kontrol ng imperyalismo sa value chains. Nananawagan siya ng estratehiya ng delinking ng periphery sa core, bilang anti-imperyalistang landas ng paglaya.
 
2. Hindi pinapalitan ng Dependency Theory ang Imperyalismo ni Lenin. Kinukumpleto nila si Lenin, dahil ipinakikita nila ang mukha ng pagsasabuhay at reproduksyon ng imperyalismo sa periphery, ang halaga ng pag-unawa sa di-pantay na palitan, ang sobrang pagsasamantala, at ang mga estadong dependent sa core imperialist countries.
 
E. Ang World-Systems Theory (WST)
 
1. Ang WST ang pinakabagong school of thought sa imperyalismo. Sinusuri nito ang kapitalismo bilang iisang pandaigdigang ekonomiya na nahahati sa core, semi-periphery, at periphery, at pinamamahalaan ng mahahabang cycle ng akumulasyon, hegemonya, at krisis. Sa WST, ang imperyalismo ay istruktural at pangmatagalan, hindi isang yugto lamang simula 1900s.
 
Immanuel Wallerstein: The Modern World-System Vols. I–IV (1974-2011); Historical Capitalism (19830; World-Systems Analysis: An Introduction (2004)
 
1. Para kay Wallerstein, ang mga lipunan ay hindi umunlad sa pamamagitan ng nation-states. Mula noong mahabang yugto ng ika-16 na siglo, nabuo na sa daigdig ang isang pandaigdigang kapitalistang ekonomiya. Ang daigdig ay nahahati sa core, semi-periphery at periphery.
 
2. Ang core countries ay nagtataglay ng mataas na antas ng teknolohiya, mataas na sahod at produksyon, malakas na estado, monopolyo, at kapangyarihang pinansyal. Ang core ang kumukuha ng pinakamalaking bahagi ng surplas sa daigdig.
 
3. Ang periphery ang low-wage, labor-intensive, at extractive production (pagmimina, etc.). May mahinang mga estado, at coercive labor systems. Sistematiko nitong itinatransfer and surplas sa core countries. Kinakatawan nito ang mga bansang tinatawag na Third World.
 
4. Ang semi-periphery ay may mixed na karakter. May isang antas ito ng industrialisasyon. Humahamig ng suplus mula sa periphery at itina-transfer ito sa core countries/zones. Ito ang papel ng sinasabing newly-industrializing countries.
 
5. Sinasabi ni Wallerstein na ang kapitalismo ay pumasok na sa sa yugto ng structural crisis, hindi lamang cyclical downturn o regular na krisis. Ang hinaharap nito ay nakadepende sa pampulitikang pakikibaka, hindi sa mga “batas pang-ekonomiya.”
 
Lakas at limitasyon ng WST
 
1. Ang kalakasan ng WST ay ang pagmamapa nito ng “terrain” ng imperyalismo na may pandaigdigang hierarchy at sistema ng value transfer kahit walang pormal na kolonyalismo. Ang limitasyon nito kumpara sa Imperyalismo ni Lenin ay ang usapin ng agency (anong uri, anong partido, at anong klaseng rebolusyon ang kailangang ilunsad para baguhin ang structure na ito ng imperyalismo). Ina-analyze nito ang mga galaw sa loob ng sistema ngunit hindi malinaw kung paano ito haharapin.
 
2. Ang teorya ng imperyalismo ni Lenin ay mula sa pananaw ng rebolusyonaryong pagpatid ng sistema, samantalang ang teorya ng WST ay mula sa pananaw ng historical reproduction ng kapitalismo sa pandaigdigang saklaw. Sa isang salita, ang WST ang mapa ng isang kulungan; si Lenin ang paliwanag kung bakit may kulungan – at paano ito wawasakin. #
 
 

Leave a comment