[Tagalog Version]
Ang Ekonomiya ng Venezuela at ang Transisyon sa Sosyalismo
Ni Reihana Mohideen
Pinasiklab ng United States ang hayag at harapang pag-atake hindi lamang sa Venezuela, kundi sa buong Latin America – na banta mismo sa soberanya ng lahat ng bansa ng Global South.
Ang pag-atake sa Venezuela ay isang malawak na opensibang imperyalista upang muling ipataw ang dominasyon ng U.S. sa rehiyon. Sa ilalim ng administrasyong Trump, binuhay muli ang 202-taóng kolonyal na Monroe Doctrine, sinikap na iangkop sa ika-21 siglo, at may kapal ng mukhang binansagan itong “Donroe Doctrine” – isang deklarasyon ng imperyal na karapatan ng U.S. sa mga mamamayan, likas-na-yaman, at kinabukasan ng buong Latin America.
Sa pag-atake sa Venezuela, inaasahang makakamit ng imperyong U.S. ang sumusunod na layunin:
— Ipataw ang hegemonya ng U.S. sa Latin America (mula Monroe Doctrine tungo sa Donroe Doctrine).
— Pagsamantalahan ang likas-na-yaman ng Venezuela (langis, gas, critical mineral, at rare earth elements) bilang pagtatangkang bumuo ng bagong supply chain sa Western Hemisphere.
— Putulin ang ugnayan ng Latin America sa China (gayundin sa Russia at Iran).
— Takutin ang iba pang progresibong pamahalaan sa rehiyon (pangunahin ang Cuba at Nicaragua, pati na rin ang Brazil at Colombia).
— Wasakin ang mga proyekto ng panrehiyong integrasyon sa Latin America at Caribbean (tulad ng ALBA at CELAC).
— Isabotahe ang pagkakaisa ng Global South (dahil sa suporta ng Venezuela sa Palestine, Iran, mga mapagpalayang pakikibaka sa Africa, atbp.).
(Ben Norton, 2026)
Mahalagang maunawaan ang krisis pang-ekonomiya ng Venezuela upang labanan ang hayag na agresyong imperyalistang ito.
Ipinakikita ng artikulong ito ang isang malalim na pagsusuri sa pampulitikang ekonomiya ng krisis sa Venezuela, na pinagsasama ang mga pananaliksik nina Michael Roberts at mga manunulat ng CounterPunch, Jacobin, at Monthly Review. Iginigiit dito na ang krisis ay bunga ng interaksiyon ng rentier capitalism, ng restriksiyon sa pananalapi, at ng imperyalistang sanction – at hindi nang sinasabing kabiguan ng sosyalismo.*
* Ang rentier capitalism ay isang anyo ng kapitalismo na ang pinagmumulan ng tubo ay hindi manupaktura, kundi kontrol sa ariarian sa lupa at likas-na-yaman. Ang imperyalistang sanction ay parusang pang-ekonomiya na ipinapataw ng imperyalistang bayan sa mga bansa sa Global South para pasunurin sila sa patakaran ng mga imperyalista.
1. Rentier na kapitalismo at estruktural na limitasyon nito
Ang pangunahing estruktural na kahinaan ng Venezuela ay nakaugat sa pag-iral ng rentier na kapitalismo, kung saan ang kita sa langis ay kumakatawan ng renta sa lupa (ground rent) at hindi pa sa sobrang-halaga (surplus value) na nililikha ng mga manggagawa sa lokal na produksiyon (Roberts, 2024, 2026).
Pinahintulutan ng mataas na presyo ng langis ang redistribusyon ng yaman nang hindi binabago ang batayan ng produksyon. Tinatakpan nito ang mababang antas ng industrialisasyon, ng produktibidad, ng mahinang kakayahang kumita, at ng limitadong akumulasyon ng kapital labas sa kapital sa hydrocarbons.
Umaayon ito sa structuralist economics ng Latin America kung saan ang paglawak ng demand sa mga ekonomiyang peripheral (o hindi sentral) o may mahinang kapasidad-industriyal ay humahantong sa dependence sa import, at kung gayon ay sa balance of payment ng bansa (pambayad sa import), sa halip ng likás na paglago ng kapital.
Binibigyang-diin ni Roberts (2026) na kahit sa mga panahong bumabawi ang kita ng sektor ng langis, nananatiling bitag ang Venezuela ng rent extraction na nakasalalay sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado: “Ang trahedya ng Venezuela ay nakasalalay lahat sa presyo ng langis; walang pag-unlad sa mga sektor na labas sa langis, na nasa kamay rin ng mga pribadong kompanya. Walang malayang pambansang plano sa pamumuhunan na kontrolado ng estado.”
Hindi nilulutas ng normalisasyon ng produksiyon ng langis ang kawalan ng akumulasyong lumilikha ng halaga (surplus value) – kaya nananatiling marupok ang ekonomiya sa external economic shocks at coercion.
2. Panahon ni Chávez: mga panlipunang tagumpay pero walang ekspropriyasyon ng yaman ng naghaharing uri
Binibigyang-diin ng mga pagsusuri ng Kaliwang publikasyon (CounterPunch at iba pa) ang makasaysayang mga tagumpay noong panahon ni Chávez – ang malaking pagbaba ng antas ng kahirapan, ang pinalawak na akses sa kalusugan, edukasyon, at seguridad sa pagkain. Totoo at transpormatibo ang mga ito para sa masa.
Ayon kay Pete Dolack (CounterPunch, 2019): “Mayroon ding mga programang panlipunan na kilala bilang ‘missions’ na nakabatay sa direktang partisipasyon ng mga benepisyaryo… Itinatag ang mga ito upang maghatid ng direktang serbisyo habang binibigyang-kapangyarihan ang mga kalahok na hubugin ang mga programa… Naging posible ito dahil sa mataas na presyo ng langis na pumondo sa pamahalaan ni Chávez.”
Pinatitibay ni Roberts ang argumento na ang redistribusyon ay nakasalalay sa renta sa langis, hindi sa reorganisasyon ng ugnayan ng produksiyon. Hindi expropriated bilang uri ang lokal na burgesya, nanatiling pribado ang mga bangko, at kapos o wala sa kontrol ng manggagawa ang nasyonalisasyon ng mga pagawaan – sanhi ng paglimita ng mas malalim na transpormasyon.
3. Ang mga Komyun: Lokal na Organisasyong Ekonomiko sa Ilalim ng mga Sanction
Noong panahon ni Chávez, itinaguyod ang mga komyun bilang bahagi ng Bolivarian vision ng participatory socialism. Ito’y mga legal at lokal na kolektibong organisasyon na nag-uugnay ng produksiyon, serbisyong panlipunan, at lokal na pamamahala, laluna sa maralitang komunidad at kanayunan.
Sa bigat ng mga sanction at economic blockade ng U.S., naging mahalaga ang mga komyun sa araw-araw na pamumuhay – sa pamamahagi ng pagkain at pag-oorganisa ng mahahalagang serbisyo kung saan hindi sapat ang kakayahan ng estado. Ayon kay Peter Lackowski (CounterPunch, 2026): “Ang mga taong 2016 hanggang 2021 ay panahon ng matinding gutom at kamatayan matapos putulin ng administrasyong Obama ang pag-angkat ng pagkain at gamot… Tumugon ang mga komyun sa pagtaas ng produksiyon na nag-ambag sa halos ganap na kasarinlan sa pagkain ng Venezuela ngayon.”
Gayunman, hindi kayang palitan ng mga komyun ang pambansang antas ng pamumuhunan sa industriya at imprastraktura na kailangan para sa estruktural na transpormasyon. Sa esensya, nagsisilbi lamang silang buffer – nagpapahintulot ng redistribusyon at survival sa ilalim ng economic coercion, habang nagtataguyod ng limitadong participatory practice.
Sa buod, parsyal na panimbang ang mga komyun laban sa presyur ng kapitalistang merkado na pinalala ng mga sanction, ngunit hindi nila nalalampasan ang sistemikong pag-asa sa renta sa langis o kaya’y nababago ang mas malawak na relasyon ng produksiyon. Mas magiging epektibo sila kung malakas ang lokal na partisipasyon, ngunit nananatiling mahigpit ang mga hangganan nito dahil sa pambansa at internasyonal na puwersang ekonomiko.
Dagdag pa, binibigyang-diin ng mga maka-Kaliwang kritiko na ang pag-aari ng estado na walang workers’ control at demokratikong pagpaplano ay hindi winawakasan ang relasyong kapitalista; inuulit lamang nito ang burukratikong pamamahala at inefficiency – laluna kung umaasa lamang sa renta sa langis sa halip na akumulasyong sosyalista (Roberts, 2024).
4. Ang mga sanction bilang pagsusulong ng imperyalistang gyera sa ekonomiya
Batid ng marami na ang mga sanction ng U.S. ay anyo ng coercive na gyerang ekonomiko at kolektibong kaparusahan, sa halip na mga nyutral na patakaran. Mula 2017, ipinagbawal ang bagong pangungutang ng pamahalaan ng Venezuela, hinarang ang debt restructuring, at pinutol ang akses sa pandaigdigang kredito at pinansyal na kalakalan. Mabilis itong nagpalala ng pagbagsak ng ekonomiya.
Ayon kina Weisbrot at Sachs (2019), pinigilan ng mga sanction ang kailangang debt restructuring at ginawang halos imposible ang pagpapatatag ng pera at palitan dahil sa pagputol ng akses sa sistemang dolyar—na nagkulong sa bansa sa isang cycle ng matinding pinsala sa buhay at kalusugan ng mamamayan.
Dahil sa sanction, na-tengga ang bilyun-bilyong dolyar na ari-arian ng estado sa ibayong-dagat, kabilang ang reserbang salapi at ang mga subsidyaryo ng CITGO sa U.S., habang tinakot ng sekondaryong sanction ang mga bangko, insurer, at shipping firms kahit sa pagsasagawa ng humanitarian transactions. Ang resulta: matinding pag-urong ng importasyon, laluna ng pagkain, gamot, gasolina, at inputs sa industriya.
Ang mga restriksiyon sa pagluwas ng langis at ang sistema ng pagbabayad nito ay tumungo sa pagbebenta ng krudo sa malaking diskuwento at pagbawas nang malaki sa dolyar na natatanggap ng bansa. Direktang layunin ng mga hakbang na ito na kontrolin ang reserba ng langis ng Venezuela – laluna sa Orinoco Belt – at muling igiit ang hegemonya ng U.S. Ang mga sanction, blockade, at tangkang kudeta ay likha ng isang estratehiyang imperyal ng rent extraction, sa halip na mga hiwa-hiwalay na pagkakamali lamang ng patakaran.
5. Ang di-makatao at makauring epekto ng mga sanction
Ipinakikita ng ebidensya na may malubha at di-makataong epekto ang mga sanction. Tinatayang nag-ambag ito ng labis sa sampung libong bilang ng mga namatay dahil sa pagbagsak ng import ng pagkain, gamot, at kagamitang medikal (Weisbrot & Sachs, 2019). Bumaba ang caloric intake, lumala ang mga sakit, at kinapos ang sistemang pangkalusugan dahil hinarang ang mga transaksiyong pinansyal. Detalyadong inilarawan ni Branko Marcetic (2019) kung paano pinalalala ng mga sanction ang pagdurusa ng tao.
Nagsilbi rin ang mga sanction bilang sandata laban sa uring manggagawa. Ang mga umaasa sa sahod ang lubhang napinsala ng implasyon, ng kakulangan at pagbagsak ng mga panlipunang serbisyo – samantalang ang mga may hawak ng dolyar at kapital ay nakaiwas rito sa pamamagitan ng dollarization, arbitrage, at offshore na akumulasyon. Sa ganitong diwa, muling ipinamahagi ng mga sanction ang kita pataas sa mayamang uri habang pinahihirapan ang uring manggagawa (Weisbrot & Sachs, 2019).
6. Implasyon, panlabas na hadlang, at tunggalian sa distribusyon
Ang kakulangan sa dolyar dahil sa sanctions ay nagtransporma sa implasyon bilang mekanismo ng redistribusyong makauri, inuk-ok nito ang tunay na sahod (real wages) at ang kita ng mga nasa sektor-publiko, habang prinoprotektahan ang tubo at yaman na ipinamamahagi sa dayuhang salapi (Roberts, 2026).
Ang implasyon ay hindi nalikha dahil sa labis na paggasta, kundi mula sa panlabas na katangian ng rentier na sistema ng produksiyon. Ang pagkawala ng kita sa langis at ng akses sa sistema ng international payment ay masidhing naglimita sa importasyon ng mahahalagang kalakal. Sa perspektiba ng balance of payment, ang macroeconomic instability ng Venezuela ay bunga ng eksternal na mga hadlang.
Ang multiple na sistema ng palitan ng salapi ay rasyunal na tugon sa kakapusan sa foreign currency, ngunit sa ilalim ng capital flight, sanction, at paghina ng mga institusyon, nagbunga ito ng arbitrage, korapsiyon, at parallel markets. Kahit sa pagbangon ng presyo ng langis, binawasan ng mga sanction ang netong kita sa export, na lalo pang nagpatibay sa kakulangan sa dayuhang salapi (Roberts, 2024).
Walang epektibong soberanya sa pananalapi ang Venezuela. Bagamat may sarili silang salapi, ang mahahalagang kalakal at kapital ay kailangan ng dolyar na pangunahing manggagaling sa export ng langis. Ang pagbawas ng kita sa export dahil sa sanction ay direktang nagdulot ng kakulangan at kawalang-tatag ng ekonomiya. Sa pagkawala ng dayuhang salapi, sumunod ang implasyon, na hindi dahil sa labis na paglikha ng pera. Sinakal ng mga sanction ang akses sa dolyar, at naging imposible ang pagpapatatag ng kalakalan at ekonomiya.
7. Kakayahang kumita, capital strike, at dalawahang estrukturang pang-ekonomiya
Lampas sa macroeconomic instability, ang stagnation ng ekonomiya ay repleksiyon ng mababang kakayahang kumita at mahinang akumulasyon ng kapital labas sa hydrocarbons. Iniugnay ito ni Roberts sa kabiguang baguhin ang relasyon ng produksiyon at palawakin ang industriyal na kapasidad ng bansa.
Pinalalim ng mga sanction ang kahinaang ito sa pamamagitan ng pagsira sa inaasahang pamumuhunan, pagputol ng trade finance at insurance, at pagpataw ng capital strike laban sa pamumuhunang estado at pribado sa Venezuela.
Dinadagdag ng mga post-Keynesian economist na ang kawalan ng katiyakan at ang blockade sa pananalapi ang pumipigil sa long-term na pamumuhunan. Sa ilalim ng mga sanction, mismong ang pagkalkula ng tubo ay hinuhubog ng akses sa dayuhang salapi at ng impormal na network, hindi ng iba pang mekanismong ekonomiko.
Bahagyang pinatatag ng impormal na dollarization ang sirkulasyon at kalakalan, ngunit lumikha ng segmented na ekonomiya: may sektor ng serbisyo at import na nakabatay sa dolyar, at may marupok na sistema ng pasahod kung saan bumabagsak ang tunay na kita (real wage). Ang ganitong magkatambal na sirkulo ng akumulasyon – na karaniwan sa mga ekonomiyang may mga panlabas na hadlang – ay nag-uugat sa di-pagkakapantay at paghina ng kapangyarihan ng paggawa (Roberts, 2026).
Kung pagsasamahin, ipinakikita ng mga ito na ang krisis ng Venezuela ay hindi simpleng maling pamamahala. Ito ay bunga ng estruktural na dependence, panlabas na pagsakal ng ekonomiya dulot ng sanction, at tunggalian ng uri sa gitna ng kakapusan (scarcity). Ang implasyon, dollarization, at capital flight ay nagsilbing mekanismo ng redistribusyon ng yaman sa nakatataas na saray ng lipunan, at sa gayo’y nagpapatibay – hindi nangwawasak – ng relasyong kapitalista.
Gaya ng paliwanag ni Malfred Gerig, hindi maaaring isisi ang krisis sa patakaran o sanction lamang. Ito ay bunga ng kanilang interaksiyon sa malalim na kontradiksiyong nagaganap sa lipunan (Gerig, Jacobin Revista).
8. Ang paglago ng ekonomiya nitong 2024–2025
Sa kabila ng pangmatagalang imperial at structural na presyur, nagtala ang Venezuela ng positibong paglago noong 2024 at 2025, pangunahing dulot ng bahagyang pagbangon ng sektor ng langis at pag-iwas sa sanction.
Ayon sa opisyal na datos, lumampas sa 9 porsiyento ang paglago noong 2024, bagamat mas mababa ang pagtataya ng IMF at iba pa.
Nagbabala si Roberts (2026) na ito ay repleksiyon ng presyo at normalisasyon ng output, hindi ng transpormasyon ng produktibidad, pamumuhay, o ugnayan ng mga uri – sa madaling sabi, isang “pagpapatatag na walang pag-unlad.”
Kongklusyon
Ang krisis ng Venezuela ay dapat unawain bilang bahagi ng mas malawak na historikal na suliranin ng pagtatangkang mag-transisyon tungong sosyalismo sa ilalim ng isang pandaigdigang sistemang kapitalista na may kapangyarihang durugin ang rebolusyon.
Ang mga sanction ng U.S., na suportado ng iba pang kapangyarihang imperyalista, ay kumakatawan ng digmaang ekonomiko – pagpapahigipit ng external blockade, pagbagsak ng kita sa dayuhang salapi, at pamamahagi ng yaman sa nakatataas na bahagdan ng lipunan.
Hindi ito reaksyon sa kabiguan ng patakaran, kundi mga instrumento ng paninikil upang hadlangan ang mga landas ng independyenteng kaunlaran ng bansa labas sa kontrol ng imperyo.
Ipinakikita ng karanasan ng Venezuela na hindi mabubuo ang sosyalismo sa pamamagitan ng rentier capitalism, kahit pa progresibo ang redistribusyon ng yaman. Ang kita sa langis ay nagbunga ng mahahalagang panlipunang tagumpay, ngunit hindi nito binuwag ang relasyong kapitalista o nalampasan ang estruktural na pag-asa sa panlabas na merkado.
Hanggat nakabatay ang akumulasyon ng yaman sa renta (ground rent) ng hydrocarbons at hindi sa binagong relasyon ng produksiyon, mananatiling bulnerable ang prosesong Bolivarian sa external shocks, capital flight, at pamimilit ng imperyalismo.
Hindi sapat ang pagkakaroon ng pag-aaring estado. Kung walang kontrol ng manggagawa, demokratikong pagpaplano, at pananagutang panlipunan, inuulit ng nasyonalisasyon ang burukratikong inefficiency at pribilehiyo ng iilan.
Sa ilalim ng mga sanction, ang emergency centralization at kakulangan ng transparency ng estado ay lalo lamang magpapatibay ng kapangyarihang burukratiko at paghina ng popular na partisipasyon. Ang transisyon sa sosyalismo ay nangangailangan ng kolektibong kontrol ng produksiyon ng uring manggagawa.
Mahalagang tandaan na kinilala na ni Hugo Chávez ang marami sa mga kontradiksiyong ito. Paulit-ulit niyang binalaan ang panganib ng burukratisasyon at kakulangan ng transpormasyon sa relasyon ng produksiyon.
Ang pagpapatuloy ng burukratikong pribilehiyo ay repleksiyon ng hindi pa nalulutas na balanse ng pwersa ng mga uri sa loob at labas ng bansa.
Itinatampok din ng kaso ng Venezuela ang sentralidad ng pampulitikang pakikibaka at malawakang mobilisasyon. Hindi sapat ang elektoral na panalo at redistribusyon ng yaman kung walang tuluy-tuloy na organisasyong masa na kayang magpatupad ng pananagutan at magpalawak ng kapangyarihan ng manggagawa. Ang mga kampanya, edukasyong popular, at organisadong pakikibakang uri ay mapagpasya.
Nag-aanyaya rin ito ng paghahambing sa Cuba, na – sa kabila ng matinding blockade – ay nagpapakita ng halaga ng maagang pagbasag sa kapangyarihan ng panginoong maylupa at kapitalista, pagpapalakas ng organisasyong masa, at pagbibigay-priyoridad sa planadong sosyalismo kaysa distribusyon lamang ng renta sa langis o mineral. Ipinakikita ng Cuba na posible ang pag-iral sa ilalim ng sanction, ngunit sa pamamagitan lamang ng malalim na mobilisasyon at popular na kontrol.
Sa kabuuan, hindi mabubuo ang sosyalismo kung hindi winawasak ang pag-asa sa renta sa lupa at mineral, kung hindi hinaharap ang burukratikong pribilehiyo, at inilalagay sa sentro ang demokratikong kontrol ng manggagawa – laluna sa ilalim ng kapitalistang sistemang pandaigdig na nagpaparusa sa anumang hamon sa imperyalistang kapitalistang hegemonya.
Ang krisis ng Venezuela ay bahagi ng mas malawak na problemang historikal: ang pagtatangkang magtayo o magtransisyon sa sosyalismo sa harap ng sistemang may malakas na kapangyarihang ekonomiko at militar na kayang durugin ang rebolusyonaryong proyekto.
Ang mga sanction at blockade ay sentral na sandata ng imperyalismo – idinisenyo upang sakalin ang transisyon sa sosyalismo. Ang paglaban sa mga sanction at blockade ay dapat maging pangunahing tungkulin ng internasyonal na kilusang mahigpit na nagkakaisa – bago pa man sumiklab ang tuwirang agresyong militar, pananakop, o gyera. #

