PolSit and Our Urgent Tasks

KALAGAYANG PAMPULITIKA AT MGA KAGYAT
NA TUNGKULIN NGAYON
Delivered at the PLM NC+ Meeting on December 20, 2025 by Sonny Melencio, Chairperson, PLM
 
Nilalaman:
 
I. Dalawang katangian ng krisis pampulitika
            A. Ang krisis ng legitimacy ng estado
            B. Ang patuloy na pagsiklab ng protesta  
II. Pagkakahati ng organisadong pwersa
III. Mga posibleng pumigil sa pagsambulat ng bugso
IV. Paborableng senaryo para sa atin
VI. Ating mga kagyat na tungkulin
 
***********************************************

I. Ang dalawang katangian ng krisis pampulitika

Paraphrasing Vladimir I. Lenin on the character of a political crisisleading to a revolutionary situation:
“The ruling class can no longer rule in the old way, and the masses no longer want to be ruled in the old way.”
                  — The Collapse of the Second International (1915)
 
1. Bagamat ginamit natin ang katagang ito ni Lenin para ibungad ang pag-aaral ng sitwasyon, maling sabihin na mayroon nang rebolusyonaryong sitwasyon ngayon. Pero madadama ng marami na ang kalagayan ngayon ay hindi ‘normal’ o ‘karaniwan.’ Tayo ngayon ay nasa isang ekstra-ordinaryong sitwasyon ng lumulubhang krisis pampulitika, na may dalawang katangian:
 
A. Una, ang krisis ng legitimacy ng estado

1. Ito ay mula sa salpukan ng dalawang makapangyarihang dinastiya – ang Marcos at Duterte – na naglalaban para ibagsak ang isa’t isa. May katangian itong implosion o pagsambulat ng sariling kontradiksyon ng dating alyansang UniTeam.
 
2. Hindi kayang resolbahin ng dalawang kampo ang sariling kaguluhan sa sarili nilang paraan, habang parehas silang nalalantad sa mga isyu ng malakihang korapsyon at iba pa.
 
Pagsambulat ng ICI
 
1. Hindi solusyon ang Independent Commission on Infrastructure (ICI); isa itong monumental failure na nagbunga ng kawalan ng tiwala ng masa. Hindi ito idinisenyong tugisin at ipakulong ang mga pangunahing korap. Pinupuntirya lamang nito ang mga pipitsuging opisyal at kontraktor. Iniiwasang imbestigahan ang mismong pinuno ng korapsyon, si Pangulong Marcos Jr., ang k kanyang mga kaanak, pinsan, at kakampi.
 
2. Parehong nadawit ang kampong Duterte at Marcos sa mga alegasyon. Kaya lulusawin na ang ICI, ibabalik ang imbestigasyon sa DOJ at Ombudsman na hawak ni Marcos, o magtatayo ng bagong ICI.
 
‘Prioritize’ ang 4 na panukala
 
1. Noong December 9, sinabihan ni Pangulong Marcos Jr. ang Kongreso na “i-prioritize” ang apat na panukala sa Kongreso na binubuo ng (1) Anti-Dynasty Bill; (2) Independent People’s Commission Act; (3) Party List System Reform Act; at (4) Citizen’s Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act.
 
[Tingnan ang artikulo ng PLM na “Ating Tindig sa Pahayag ni PBBM na i-prioritize ang 4 na panukala sa Kongreso.” www.angmasa.org]
 
Anti-Dynasty Bills
 
1. Bago ang pahayag ni Marcos, may 14 o higit pang anti-dynasty bills sa Kamara at Senado. Matapos ang pahayag ni Marcos, nadagdagan ito ng anti-dynasty bill sa Kamara, ang HB 6771, na inihapag nina House Speaker Bodjie Dy at Representative Sandro Marcos.
 
2. Sa Senado, ang tatlong panukala ay kina: (1) Ping Lacson at Erwin Tulfo (SB 35); Kiko Pangilinan (SB 285); at Robin Padilla (SN 18). Liban sa panukala ni Robin na sumasaklaw sa 4th degree ng kadugo at relasyon, ang kina Lacson at Pangilinan ay sumasaklaw lamang sa 2nd degree.
           
3. Ang simpleng paliwanag sa degree ng kadugo at relasyon ay heto (hindi na isinama ang iba pang kaanak at relasyon):
 
– First degree ng incumbent o tumatakbo: magulang, asawa, at anak
– Second degree: dagdag na ang kapatid, lolo/lola, at apo;
– Third degree: dagdag din ang tiyuhin/tiyahin, at pamangkin;
– Fourth degree: dagdag pa ang pinsang buo at iba pa.
 
4. Pinaka-substansyal sa mga bills ang HB 209 at 4784 ng Makabayan bloc at ang HB 5905 ng Akbayan. Ang tatlong ito ay sumasaklaw hanggang sa 4th degree ng consanguinity at affinity. Ang lahat ng iba pa ay hanggang 2nd degree lamang.
 
Ang Malacañang version ng anti-dynasty bill (HB 6771)
 
1. Mula sa Seksyon 5 ng HB 6771:
 
1.1. National posts. Seksyon 5.1: ang asawa o mga kamag-anak na nasa 4th degree na kadugo at karelasyon ng incumbent o kandidato sa elective national position (presidente, bise, at mga senador) ay pinagbabawalang tumangan ng anumang elective national post. Isa lamang sa isang pamilya para sa national post.
 
Kung may eleksyon ngayon, hindi na pwedeng tumakbo sa Senado si Imee Marcos. Hindi rin pwede ang magkasabay na senador: Mark at Camille Villar, Raffy at Erwin Tulfo.
 
            1.2. Legislative posts. Seksyon 5.2: ang asawa o mga kamag-anak ay pinagbabawalan na pumwesto sa parehong legislative district ng incumbent o kandidato. Pwede pa si Sandro Marcos ng Ilocos Norte sa Kamara. Pwede rin ang isa pang anak o kaanak na representante ng Ilocos Sur, Isabela, o iba pang distrito.
 
Pwede ang simultaneous posts ito sa legislative district, gaya nina Allan Peter Cayetano sa first district, at asawang Lani Cayetano sa 2nd district ng Taguig noong 2019.
 
            1.3. Provincial posts. Seksyon 5.3: ang asawa o mga kaanak ng nakaupo o kumakandidatong gobernador ay pinagbabawalan na umupo o tumakbo sa parehong probinsya. Pero pwede pa silang maghati-hati ng probinsya.
 
Halimbawa, Ilocos Norte governor ngayon ang anak ni Imee na si Matthew Marcos Manotoc. Pwede pang tumakbong governor sa Ilocos Sur ang isa pang anak ni Imee. Pwede rin sa ibang probinsya ang mga kaanak ng mga Marcos na wala pang pwesto.
 
            1.4. City/municipal posts. Seksyon 5.4: ang asawa o kaanak ng nakaupo o kumakandidatong city o municipal mayor ay pinagbabawalan sa parehong syudad at munisipalidad. Kaya pwede pang kumalat sa iba pang syudad at munisipalidad.
 
Halimbawa, ang mga Ampatuan sa Maguindanao: ang mayor ng Shariff Aguak ay si Akmad Ampatuan; sa Datu Unsay ay si Mayor Andal Ampatuan V; at iba’t iba pang kaanak sa mga bayan ng Maguindanao.
 
            1.5. Barangay. Seksyon 5.5: ang asawa o mga kamag-anak ng nakaupo o kumakandidatong opisyal ng barangay ay pinagbabawalan lamang sa parehong barangay. Pwede pa silang kumalat sa iba pang mga barangay.
 
2. Sa HB 6771, pwede ang succession ng dinastiya after the term of office (3 terms) ng incumbent. Pwede ang simultaneous na pag-upo o pag-file ng kandidatura, huwag lang sa national posts (presidente, bise, senado), at hindi sa parehong legislative district, probinsya, syudad, munisipalidad, at mga barangay. Pero pwede sa magkaibang mga lugar.
 
3. Hindi rin pinagbawal ng HB 6771 ang dinastiya sa mga party list na hinayjack na nila.
 
4. Maliwanag na ang HB 6771 ay pekeng anti-dynasty bill, isang panlilinlang, at isang distraction sa mga isyu ng korapsyon ng mga politiko sa gobyerno.
 
Ang Independent People’s Commission Act
 
1. Ang ating paninindigan sa Independent People’s Commission (IPC) Act na ipapalit sa ICI (Independent Commission on Infrastructure) ay nakalahad sa artikulong “The Problem with the ICI” na nasa Ang Masa Para sa Sosyalismo, ang online nating magazine:
 
https://angmasa.org/2025/12/08/the-problem-with-the-ici/
 
2. Ang mga panukala sa Kongreso para sa IPC ay ang sumusunod: Sa Kamara: (1) HB 4453 nina Leila de Lima, Akbayan, Erice, at marami pang iba; (2) HB 5699 ni Toby Tiangco. Sa Senado: (3) SBN 1215 nina Tito Sotto, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at iba pa.
 
3. Lahat ito ay nagbibigay ng ngipin sa independent people’s commission. Gayunman, sa mga bubuo ng commission, nagkakaisa sila sa sumusunod:
            (1) retired justice ng SC;
            (2) CPA;
            (3) engineer;
            (4) mula sa academe; at
            (5) business sector o kinatawan ng NGO.
 
4. Tanging ang HB 4453 sa Kamara nina de Lima at Akbayan binanggit ang partisipasyon ng ‘civil society’, bagamat hindi explicit dahil mamimili pa kung mula sa business sector o ‘civil society’.
 
5. Nalalayo ang lahat ng ito sa ating mungkahi na may partisipasyon ang people’s organizations at mga stakeholders sa kinorap na mga proyekto.
 
6. Isang modelo ang Truth and Reconciliation Commission na binuo ng gobyernong Nelson Madela matapos ang pagbagsak ng apartheid, kung saan pinangunahan ang Komisyon ng mga anti-apartheid leaders, sa ilalim ng yumaong Bishop Desmond Tutu.
 
7. Naniniwala rin tayo na dapat iprioritize ang tunay na independent people’s commission na tutugon sa panawagan ng masa na managot ang lahat ng korap at ikulong sila.
 
Ang Party-List Reform Act
 
1. Pinanukala ito ni Adrian Salceda ng 3rd district ng Albay noong December 12 lamang. Pamangkin siya ni Joey Salceda ng 2nd district ng Albay. Wala sa House Bills & Resolutions ng Kamara ang dokumento ng HB 6827 ni Salceda na nakapending rin sa first reading. Gagawin natin ang kritik nito paglabas ng nasabing panukala.
 
2. May constitutional provision na lumikha ng party-list system (Article IV, Section 5 (1)-(2)) na kailangan: “to enable Filipino citizens belonging to marginalized and underrepresented sectors, organizations, and parties… to become members of the House of Representatives.”
 
3. Nabibilang sa marginalized/underrepresented sectors ang (1) manggagawa; (2) magsasaka; (3) urban poor; (4) kababaihan; (5) kabataan; (6) IPs, at (7) iba pang marginalized. Hindi kasama ang mga traditional parties at trapo rito. Ito ang dahilan kung bakit maraming marginalized sectors, organizations, at representatives ang nakapasok sa Kamara nang simulan ito noong 1998 hanggang 2010.
 
4. Noong 2001, inaffirm pa ng Supreme Court – sa “Bagong Bayani-OFW Labor Party vs. Comelec” – na ang party-list ay para sa marginalized at underrepresented, at hindi pwedeng sumama ang major political parties.
 
Pananagutan ng Supreme Court ang pagpasok ng dinastiya
 
1. Noong 2013 sa “Atong Paglaum case,” binago ng SC ang kanyang desisyon: (1) hindi lahat ng party-list ay kailangan na para sa marginalized. Hindi kailangan na ang national at regional parties ay magkaroon ng marginalized reps. Kaya pwede ang party-list na tangan ng mga dinastiya at trapo hanggang hindi sila nagpapatakbo ng mga  kandidato sa legislative districts. Tinektikal ng SC ang letra ng batas.
 
2. Mula noon, hinayjak na ang party-list system ng mga political dynasty, business groups, billionaire-backed ‘advocacy’ groups, mga oligarkiya, at elitista.
 
3. Dahil dito, dapat i-amend ang batas sa party-list, magkaroon ng constitutional clarification, o i-reverse ang Paglaum decision ng Supreme Court.
 
Ang Citizen’s Access & Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA)
 
1. Naipasa sa 3rd reading ng Senado ang CADENA Act. Magtatayo ito ng digital budget portal para transparent at accessible sa publiko ang mga gastos ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

2. Kailangan pang i-adopt ito o gumawa ng sariling panukala ang Kamara (na dadaan din sa 3 readings). Maaaring magdaos pa ng bicam, ipara-ratify ito sa Kongreso, at ipadala kay Pangulong Marcos para pirmahan o i-veto.

3. Napapanahon ang bill na ito na authored ni Bam Aquino, dahil reaksyon ito sa korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno mula itaas hanggang ibaba.
 
4. Sa bill, tinukoy ang pagbubuo ng NBTAC (National Budget Transparency and Accountability Council) na mamumunong ahensya sa CADENA.
 
Ang kahinaan ng NBTAC
 
1. Ang bubuo nito ay kalihim ng mga ahensyang sangkot din sa korapsyon, gaya ng (1) DICT; (2) DBM; (3) COA; (4) DOJ; at (5) DOF. [Kailan lang, ipinag-utos ng Supreme Court na ibalik ang P60 bilyong PhilHealth funds na sinikwat ni DOF Secretary Ralph Recto (ngayo’y Executive Secretary). Maliwanag na may halong korapsyon rito.]
 
2. Dagdag sa NBTAC ang apat na hihirangin ng Pangulo mula sa (1) civil society organizations; (2) academic o research institutions; (3) media; (4) business at technology sector.
 
3. Kung hahayaan ang Pangulo na humirang ng apat na tagalabas, malamang mga malapit ito sa kanya at involved din sa korapsyon. Para maiwasan, hindi dapat silang appointees ng Pangulo kundi hinihirang ng mga grupong kanilang kinabibilangan.
 
Titindi pa ang krisis pampulitika
 
1. Kahit may mga distraction o diversionary tactic si Marcos Jr., titindi pa ang krisis sa pagitan ng dalawang kampo dahil unti-unting lumilitaw ang papel ng mga Marcos sa korapsyon.
 
2. Sa kabilang banda, nakakulong pa rin si dating Pangulong Duterte sa Netherlands sa kamay ng ICC (International Criminal Court). Inihahanda rin ang pagdakip kina Senador Bato dela Rosa at iba pang sangkot sa crimes against humanity.

3. Inihahanda rin ang pagsasampang muli ng kasong impeachment kay VP Sara Duterte sa February 2026 matapos ang isang taon mula pagbasura nito ng Supreme Court.
 
Pagpapatuta sa mga dayuhan
 
1. Hindi gaanong nababanggit sa laban ng dalawang kampo ang magkasalungat na tindig nila sa foreign policy alignment, sa konteksto ng ‘rivalry’ ng dalawang superpower: US imperialism vs. China.
 
2. Si Marcos Jr. ay nakahanay sa posisyon ng US, kabilang ang pagpapagamit sa Pilipinas bilang lauching pad ng atake sa China. May 9 na military bases sa ating bansa na may mga matitinding missiles na nakapokus sa China).
 
3. Ang kampo ni Duterte ay nakahanay sa China, sa pagkuha ng economic support at leveraging nila laban sa old elite na nakahanay sa US.
 
4. Sa ganitong konteksto, pwedeng tumindi pa ang away ng dalawang superpower, at ang PIlipinas ang proxy sa away na ito. Ibig sabihin, tayo ang mawawasak sa naglalabang kampo, gaya nang nagaganap sa Ukraine.
 
5. Ang ating tindig ay parehong pagkondena sa imperyalismong Amerikano at sa pag-angkin ng China sa West Philippine Sea. Ang ating posisyon ay nakapaloob sa panawagan ng mga bansa na ASEAN na magkaroon ng kapayapaan sa ating rehiyon.
 
B. Ikalawa, ang patuloy na pagsiklab ng protesta ng masa na maaaring tumungo sa bugso

1. Patuloy ang walkouts, martsa, at mass actions ng estudyante’t kabataan. Lalong lumalawak ito sa mga probinsya, at sinasamahan na ng iba’t ibang sektor — manggagawa at iba pang seksyon nila, Simbahan, at middle class.
 
2. Nagbubuo na rin sila ng malalapad na koalisyon na magbubunsod ng mas malalakas na paglaban.
 
II. Ang pagkakahati at di-pagkakaisa ng organisadong pwersa
 
1. May pagkakahati sa usapin ng mga linya at panawagan:
 
            1.1. Ang linya ng Akbayan, Tindig Pilipinas, at iba pa ay igiya ang protesta sa eleksyong 2028. Sa esensya, nananawagan sila ng Marcos Remain bilang ‘lesser evil’ sa mga dinastiyang sangkot sa korapsyon. May mga pahayag na maaaring kunin ni Marcos Jr. ang Kakampink (Leni Robredo o Risa Hontiveros) bilang standard bearer sa 2028 dahil sa pagbagsak ng kanyang mga kapanalig.
 
Linya rin ito na ipinahayag ni Cardinal Ambo David nang inatake ang Luneta rally noong November 30. Sa mga naunsyami sa posisyong ito ni Cardinal David, dapat tandaan na marami pa nga sa CBCP ang may extreme na konserbatismo at hindi payag sa anumang anti-dynasty calls. Ang marami ay beneficiaries ng dinastiya (hal., ang mga ‘Pajero bishops’ noong panahon ni GMA).
 
Pero hati-hati ang Simbahan. Marami pang maaaring sumama sa panawagang Marcos-Duterte Resign, o Resign All. Manggagaling sila sa nakabababang antas ng Simbahan (parokya, religious institutes, at congregations ng mga pari at madre).
 
            1.2. Ang linya ng Makabayan bloc na Patalsikin/Resign si Marcos at Duterte, na dinudugtungan ng pagtatayo ng Transition Council ay may batayan sa Konstitusyon.
 
Sa Artikulo 10, Seksyon VII, kapag wala nang Presidente at Bise-presidente, ang Senate President (si Tito Sotto ngayon) ang tatayong acting President. Dapat niyang ipatawag ang Kongreso sa loob ng 3 araw para magpasa ng batas sa halalan sa loob ng hindi bababa sa 60 araw.
 
Maaaring dito nakakabit ang pagtatayo ng Transition Council na gigiya sa eleksyon. Pero hindi nito pinipigil ang paglahok ng mga dinastiya sa eleksyon.
 
            1.3. Ang panawagan natin na Resign All, Itayo ang People’s Transition Council (PTC) ay nakasandig sa ekstra-konstitusyonal at people-powered transitions gaya nang naganap sa Nepal at Bangladesh. Nakapagtayo roon ng interim government na may eleksyon sa March 2026 (Nepal) at June 2026 (Bangladesh). Nagpapatuloy din itong panawagan sa Madagascar at iba pang bansa.
 
Ang pinakahuli ay ang naganap sa Bulgaria na pagkalusaw ng nakatayong gobyerno dahil sa ulos ng mga protesta ng kabataan at estudyante.
 
[Tingnan: PLM articles – (1) ‘Resign All, Itayo ang People’s Transition Council’ (November 21, 2025); (2) Why We Were Not at Edsa’ o ang Tagalog version na ‘Pahayag ni Cardinal Pablo David’ (December 1, 2025); at (3) ‘A Reply to the Statement of EveryWoman’. Lahat ito ay naglalaman ng paliwanag sa PTC. From www.angmasa.org]
 
2. May mga panawagan din mula sa panggitnang uri na nagmumula sa mga constitutional mechanism, gaya ng:
pagpapatawag ng Constitutional Convention (ConCon),
pagbubuo ng Kongreso bilang Constituent Assembly (ConAss), at pagbubuo ng Constitutional Commission (gaya ng 1987 model ni Cory Aquino).
 
3. Lahat ito ay naglalayong baguhin ang Konstitusyon at magbukas ng porma ng bagong gobyerno at pamumuno.
 
III. Mga posibleng pumigil sa pagsambulat ng bugso

1. Selective prosecution: pagpapakulong ng ilang ‘bigatin’ (gaya ng Napoles scam na nakulong sina Enrile, Revilla, at Estrada). Kasabay nito ang pagbabawal ng Korte Suprema sa PDAF (Priority Development Assistance Fund). Ito ang nais gawin ng ICI, pero hindi naganap dahil parehong korap ang mga nasa itaas.
 
Napigil ng pagpapakulong ang pag-agos ng kilusang kontra-korapsyon. Pero pagkatapos nito, nagpatuloy pa rin ang korapsyon sa pamamagitan ng ibang pamamaraan gaya ng budget at congressional insertions.

2. Pinalakas na represyon ng estado, gaya nang nagaganap naharassment sa mga lider ng student council, red-tagging, bomb scares sa ilang unibersidad, at iba pa). Maraming pagtatangka na gawin ito ng estado (kabilang ang police blockades sa mga rali), at intact rin ang makinarya ng panunupil at paniniktik ng estado.
 
3. Military action (maaaring kudeta o civilian-military junta, na binabalak ng kampong Duterte, o pagpapataw ng martial law ni Marcos Jr. para manatili ang kanyang rehimen.
 
4. Mga parsyal na reporma, gaya ng watered-down na anti-dynasty law.
 
5. Lalong pagkakahati ng Kaliwa at progresibong pwersa na sisira sa momentum ng kabataan at ng masa, at ng pagbubuo ng organisadong pampulitikang sentro ng pakikibaka na igigiya ang isang bugso.
 
[Si Lenin ay nagsasalita na ang rebolusyonaryong sitwasyon ay mahihinog sa isang rebolusyon o matagumpay na pag-aalsa ng masa. Ang kailangan pang maitayo ay (1) isang nagkakaisang sentro ng pampulikang pakikibaka; (2) organisadong lider-ato na kayang isustina ang pakikiibaka; (3) pambansang koordinasyon sa pakikibaka ng iba’t ibang uri sa iba’t ibang rehiyon; at (4) isang abanteng uri na kayang hikayatin ang estadong hukbo na pumanig sa kanila o kaya’y maging isang nyutral na pwersa.]
 
IV. Paborableng senaryo para sa atin

1. Paglakas ng kilusang kabataan at estudyante na tutungo sa unos ng pangmasang pakikibaka.
 
2. Pagkilos ng mga manggagawa sa pulitika, hindi lamang sa economic o wage issues. Dapat pagsamahin, hindi pagbanggain, ang kilusang manggagawa at estudyante. Kailangang diskubrihin natin ang paraan para rito.
 
3. Pag-angat ng pakikibaka ng ating mga komunidad. Mula mga lokal na isyu tungo sa laban kontra korapsyon at dinastiya, pagtatayo ng PTC, at sa kalaunan, ang Gobyerno ng Masa na may tunay na bahagi ang mga maralita.
 
4. Pagpapalakas ng industrial action. Ang tangi pa lamang nakapapanawagan ngayon ng paralisis sa kalsada ay ang transaport organization na Manibela.  
 
5. Malawak na pagkakaisa sa pagsusulong o escalation ng class-based protests. Sa ating karanasan, ang lundo ng pagkilos ng malapad na uri ng manggagawa, urban at rural poor, magsasaka, estudyante, kababaihan, at iba pa, kasama ang mga panggitnang uri ay ang Welgang Bayan na isinulong ng kilusan noong panahon ng martial law. Napapanahon nang ipasilip sa masa ang ganitong tutunguhin ng pakikibaka para dumulo ito sa tagumpay.
 
6. Ang pagtulak ng substansyal na anti-dynasty reforms bilang kagyat na bunga ng malalakas na pagkilos.
 
VI. Ating mga Kagyat na Tungkulin
 
1. Palawakin ang ating base sa walang-tigil na pagtatayo ng PLM chapters. Hindi dapat limitado sa HOAs at POs lamang (homeowners associations, people’s organizations) na itinayo para sa mga lokal na isyu at laban.
 
Ang PLM chapter ay politikal at elektoral na makinarya. Ganito rin ang pagkakaorganisa ng mga kaliwa at progresibong partido politikal at elektoral sa maraming bansa, gaya ng Latin America, Brazil, at Europe na sumusulong para magkaroon ng malakas na pwersa sa kalsada aat significant na representasyon sa parlyamento.
 
Ang mga chapter ng PLM ay dapat agad na itayo pagkatapos ng mga mass meeting at asembliya na may mga pag-aaral (minimum ay GMC) para itaas ang kamalayan ng mga lider at kasapi sa mga pampulitikang layunin ng PLM.
 
2. Konsolidasyon at pagpapalawak ng PLM-Youth & Students (PLM-YS). Nabuo noong November 22 ang 22-member Steering Council pangunahin sa Metro Manila, Antipolo/Rizal, Southern Tagalog, at mga kinatawan sa Cebu, Tacloban, at Baguio City.
 
Ang PLM-YS ang magiging pundasyon ng organisasyong sosyalista ng kabataan at estudyante. Ihahanda ito sa pagtatayo ng PLM Socialist School na magkakaloob ng extensive education una sa hanay ng YS (mula GMC tungong Introduksyon sa Sosyalismo at Ekososyalismo).
 
3. Ilunsad ang Student Summit sa susunod na taon, preferably sa anibersaryo ng FQS sa January 31. Layunin nito na lumikha ng malapad na koalisyon laban sa korapsyon at dinastiya mula sa iba’t ibang pamantasan, student organizations, student councils, publications, at iba pa.
 
4. Pasiklabin ang local mass struggles (LMS) ng mga chapters ng PLM. Isulong ang laban sa housing, demolisyon, landgrabbing, pagtutol sa waste-to-energy project, at mga isyung pangkalikasan gaya ng paglaban sa Kaliwa Dam, seabed quarrying, Cancabato Bay, Cebu at Negros reclamation projects.
 
5. Itayo at palakasin ang iba’t ibang tipo at antas ng mga koalisyon:
 
May lumalawak na ugnayan sa Makabayan bloc sa Antipolo/Rizal, Southern Tagalog, Cebu, Tacloban, at Negros. Hindi lamang ito gaya nang dati na pagsasama-sama sa mga partikular na aksyon kundi naghahanda ng mahabang laban sa maraming mga isyu, kabilang ang barangay elections sa 2026. Salubungin natin ito sa pagtatayo ng koalisyon bilang sentro ng pakikibaka sa ating mga lugar.
 
Patibayin natin ang koalisyon laban sa korapsyon at dinastiya na kabibilangan ng PLM at ating blokeng organisasyon, ng mga alyado sa Artikulo Onse, ng ANIM coalition, Kontra-Dinastiya, at iba pang Kaliwa at progresibong indibidwal mula sa Laban sa Masa, at iba pa.
 
Kasama rin sa plano ang pagpapasikad ng Grand Alliance Against Political Dynasty, ang alyansa ng iba’t ibang political groups at parties, tungo sa 2028 elections at higit pa.
 
6. Ilunsad ang People’s Initiative (PI) signature campaign. Hindi tayo naniniwala na magkakaroon ng tunay at substansyal na pagbabawal sa dinastiya kung aasa lamang sa Kongreso. Kailangan ang masa mismo ang gumawa ng sariling batas.

Ang target ng PI campaign ay kumalap ng at least 3% signatures ng botante sa 254 districts. Laman ng ating panukala ang pagbabawal sa dinastiya hanggang 4th degree, at kasama rin ang pagbabawal sa mga party-list na manipulahin ito para sa mga dinastiya.
 
Ang minimum na layunin natin sa PI campaign ay palawakin ang ating network, mass base, electoral base, at itulak ang anti-dinastiyang pakikibaka sa buong bansa.
 
Gaya ng mga koalisyon sa pakikibaka, magtatayo rin tayo ng iba’t ibang antas ng koalisyon sa pagsusulong ng PI. Isang koalisyon na kasama ang mga piling personahe sa legal na larangan (former SC justices), Simbahan, kontra-dinastiyang politiko, iba’t ibang partido politikal, at mga kinatawan ng panggitnang uri.
 
Isa pang koalisyon na magsusulong nito ang mga koalisyon ng iba’t ibang uri at sektor ng masa na itatayo sa buong kapuluan.
 
Mabuhay tayong lahat. Sulong hanggang sa tagumpay! #
 

Leave a comment