Ating Tindig sa Pahayag ni PBBM na i-prioritize ang 4 na panukala sa Kongreso

1. Kamakailan, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Kongreso na i-prioritize sa lalong madaling panahon ang sumusunod na mga panukalang batas: (1) Anti-Dynasty Bill, (2) Independent People’s Commission Act, (3) Party-List System Reform Act, at (4) Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability Act (CADENA).
 
2. Para lang malinaw: prioritize o certified as urgent?
 
3. May pagkakaiba kung ‘prioritize’ lang kaysa “certified as urgent.” Kung prioritize, walang bago.        
 
4. May constitutional mandate kung “certified as urgent” ayon sa Article VI, Section 26(2): “xxx [T]he President certifies to the necessity of its immediate reenactment to meet a public calamity or emergency.”
 
5. Kung ganito, pwedeng (1) laktawan ng Kongreso ang mandatory na 3-day interval (walang hihintaying 3 araw sa pagitan ng readings ng panukala; (2) aprubahan ang second at third readings sa isang araw; at (3) ipasa ang batas sa loob lamang ng ilang oras o araw.
           
6. Ginamit ang certified as urgent ng mga nakaraang pangulo sa mga sumusunod: Anti-Terror Act, TRAIN Law, at ang Bayanihan Acts. Sinertify naman sa urgent ni Pangulong Marcos Jr. ang mga panukala kaugnay sa badyet, ang Maharlika Investment Fund, ang Public-Private Partnership Act, ang postponement ng BARMM parliamentary elections, at iba pa.
Ino-override ng certification ang regular na proseso ng lehislatura.
           
7. Samantala, ang ‘priority bills’ ay walang procedural force, hindi nagpapahintulot sa paglaktaw sa mga hakbang, at hindi awtomatikong nagpapabilis sa proseso. Hindi rin ito obligadong ipasa agad ng Kongreso.
 
8. Ibig sabihin, dadaan pa rin ang panukalang batas sa buong proseso ng first reading; committee hearings; second reading; 3-day rule; at third reading. Ito’y mga pamamaraan na paulit-ulit nang ginagawa pero napakabagal magkabisa. Ang Anti-Dynasty bills ay 38 taon nang nakabimbin sa Kongreso na hanggang ngayon ay tadtad pa rin ng dinastiya (80% ng district representatives at 67% ng party-lists sa Kamara; 80%+ sa Senado).
 
9. Kaya ang dapat na panawagan ay: I-certify ng Pangulo ang mga panukala sa Anti-Dynasty at iba pa, at hindi iwan lamang ito bilang ‘priority’ bills.
 
Limitado o Substansyal na Anti-Dynasty Bills?
 
1. May 14 na anti-dynasty bills ngayon: 11 sa Kamara at 3 sa Senado. Kabilang sa saklaw ng dinastiya ay mula first degree hanggang fourth degree ng consanguinity (by blood) at affinity (by marriage).
 
2. Sa Kamara, tatlong panukala lamang ang sumasaklaw hanggang 4th degree: (1) HB 209 ng Makayan bloc: authored by Antonio Tinio (ACT Teachers) at Renee Co (Kabataan); (2) HB 4784, authored by Sarah Elago (Gabriela); at (3) HB 5905 ng Akbayan at ni Kaka Bag-ao (Dinagat Islands).
 
3. Ang walo pang panukala ay hanggang 2nd degree lamang. May isa pang inihahabol na panukala si House Speaker Bodjie Dy.
 
4. Sa Senado, ang mga panukala ay hanggang 2nd degree lamang: ang (1) SB 35 ni Ping Lacson at Erwin Tulfo; (2) SB 285 ni Kiko Pangilinan; at ang SB 2730 na hindi malinaw kung nai-refile ni Robin Padillla (dahil panukala pa ito ito sa 19th Congress).
 
Degrees of consanguinity and affinity
 
1. Ang paghahari ng dinastiya ay batay sa dugo at pag-aasawahan. Heto ang simplified na kategorisasyon (tinanggal muna ang iba to simplify):
 
First degree: Mag-asawa, magulang, at anak.
Second degree: Kapatid, lolo/lola, at apo.
Third degree: Tiyuhin/tiyahin, pamangkin, lolo/lola sa tuhod, apo sa tuhod.
Fourth degree: Pinsang buo; at iba pa.
 
2. Mahalaga ang pagsaklaw sa 4th degree dahil sa malalaking dinastiya, saklaw nila ang first hanggang fourth degrees ng blood relations at relations by marriage. Halimbawa:
 
– Marcos-Romualdez Dynasty: may 25-35 active na trapo across 1st-4th degree
– Duterte-Carpio-Nograles Dynasty: may 20-30
– Arroyo-Macapagal Dynasty: 10-15
– Villar-Aguilar Dynasty: 15-20
– Dy Dynasty sa Isabela: 20-25
– Yap Dynasty sa Tarlac, Benguet, Antique: 8-12
– Ejercito-Estrada Dynasty: 10-15
– Singson Dynasty ng Ilocos Sur: 15-20
– Remulla Dynasty ng Cavite: 6-10
– Cojuangco ng Tarlac at Pangasinan: 10-15
– At marami pang iba.
           
3. Mahalaga rin na isama sa pagbabawal sa dinastiya ang mga kinatawan nito na hinayjak na ang party-list system. Pag-aaralan pa natin ang Party-List Reform Act na nakabimbin sa Kongreso at susuriin kung ayon ito sa ating hinahangad.
 
Tunay na Independent People’s Act
 
1. Ang ating paninindigan sa Independent People’s Act na ipapalit sa ICI (Independent Commission on Infrastructure) ay nakalahad sa artikulong The Problem With ICI na published sa Ang Masa Para sa Sosyalismo, ang online nating magazine:
 
https://angmasa.org/2025/12/08/the-problem-with-the-ici/
 
2. Ang kailangan ay hindi na ulit isang Malacañang-appointed commission kundi isang bago, independent at may-ngiping investigative body na involved ang civil society, people’s organizations, at mga stakeholders na komunidad sa kinorap na flood-control at iba pang infrastructure projects. Gaya nang South African Truth and Reconciliation Commission na pinamunuan ng mga anti-apartheid leaders gaya ni Bishop Desmond Tutu.
 
3. Ang mga panukala sa Kongreso para sa Independent People’s Commission (IPC) o Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICIAC) ay ang sumusunod: Sa Kamara: (1) HB 4453 nina Leila de Lima, Akbayan, Erice, at marami pang iba; (2) HB 5699 ni Toby Tiangco. Sa Senado: (3) SBN 1215 nina Tito Sotto, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at iba pa.
 
4. Lahat ito ay nagbibigay ng ngipin sa independent people’s commission. Gayunman, sa mga bubuo ng commission, nagkakaisa sila sa sumusunod: (1) retired justice ng SC; (2) CPA; (3) engineer; (4) mula sa academe; at (5) business sector o kinatawan ng NGO. Tanging ang HB 4453 sa Kamara nina de Lima at Akbayan ang nagbanggit sa partisipasyon ng ‘civil society’, bagamat hindi explicit dahil mamimili pa kung mula sa business sector o ‘civil society’.
 
5. Nalalayo ang lahat ng ito sa ating mungkahi na may partisipasyon ang people’s organizations at mga stakeholders sa kinorap na mga proyekto.
 
6. Naniniwala rin tayo na dapat iprioritize ang isang independent commission na tutugon sa panawagan ng masa na managot ang lahat ng korap at ikulong sila. Hindi dapat hati-hatiin tayo sa lehislasyon na gagawin pa sa hinaharap.

7. Dahil kung ang panawagan ng panahon na ikulong lahat ng korap ay hindi magawa, tiyak na sisilakbo pa ang panawagan na “Resign All, Itayo ang People’s Transition Council!”
 
Partido Lakas ng Masa (PLM)
December 10, 2025

Leave a comment