Pahayag sa Talumpati ni Cardinal Pablo Virgilio David

[Tagalog Version]
Pahayag sa Talumpati ni Cardinal Pablo Virgilio David:
Ito ang Pagkakataon Para Ipaliwanag Kung Bakit Kami Nasa Luneta, Hindi sa EDSA

Nakababahala at nakalulungkot ang mga pahayag ni Cardinal Ambo David. Malabo ang kanyang paliwanag sa pagpili ng EDSA Shrine kaysa Luneta at hindi nito tinumbok ang ubod ng krisis sa bansa.

Sa halip na kondenahin ang ugat ng problema—ang bilyon-bilyong ninakaw na pondo, mga ghost project, at sagadsarang katiwalian sa pinakamataas na antas ng gobyerno—mas pinili ng Cardinal na punahin ang panawagang Marcos–Duterte Resign, ang mas malawak na panawagang “Resign All,” at ang panukalang People’s Transition Council (PTC).

Pagsasademonyo ng PTC

Ang mga argumento ay nagpapalabo at kumukutya sa mga panawagang ito. Inilalarawan ang PTC na tila daan tungo sa kudeta o civilian-military junta. Ang Resign All naman ay pinaghalo-halo sa tangka ng kampong Duterte na palitan si Marcos Jr. ni Sara Duterte nang may suporta ng militar. Gaya ng sinabi ng Philippine Collegian, ang ganitong paghalo-halo ay nabubulid sa pagka- “malisyoso.”

Napakalawak ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tagapagtaguyod ng Resign All at ng desperadong maniobra ng mga Duterte para umagaw ng kapangyarihan. Ang umalingawngaw na sigaw sa Luneta, na “Marcos-Duterte, Walang Pinag-iba”, ay malinaw na hindi maaaring manggaling sa DDS.
Hindi kaguluhan ang panukalang PTC. Ito’y demokratikong panukala para ipatupad ang malinis, tunay, at walang-dayang halalan na tatapos sa paghahari ng mga dinastiya. Sa usapin ng paghahangad ng demokrasya, ito mismo ay isang hakbang tungo sa inclusive at participatory na proseso—hindi pamumuno ng iilan, lalong hindi ng mga dinastiya.

PTC sa Iba’t Ibang Bansang Hinagupit ng Katiwalian

Alam marahil ng Cardinal na may mga PTC-like transitions na naganap na sa Nepal at Bangladesh, kung saan napilitang magbitiw at nabuwag ang mga pamahalaan dahil sa malalaking kilos-protesta na pinangunahan ng mga kabataan at mga maralita. Naghahanda ngayon ang kanilang interim governments at councils para sa mga eleksyon (March 2026 sa Nepal at June 2026 sa Bangladesh).

Kung gayon, paano magiging daan sa kudeta ang PTC? Ang PTC mismo ang mekanismong maibabangga sa ganitong layunin. Binubuo ito bilang isang civilian-transitional body na walang trapo o mga dinastiyang elite, kundi mga kinatawan ng marginalized sectors at mga trusted na personalidad na nananawagan ng reporma—kabilang na ang mga dating chief justice at kahalintulad na indibidwal. Hindi ito maniobra sa itaas; bubuuin ito sa pamamagitan ng mga demokratikong konsultasyon at mga asembliya.

Ang pagsasabing “hindi magre-resign ang mga corrupt” ay lihis na argumento. Ang ating mga panawagan ay hindi simpleng apela. Ito ay pampulitikang pagkilos na pipiliting tumabi ang mga sangkot sa korapsyong nasa kapangyarihan, na walang tigil na isinusulong ng malawak na masa, laluna mula sa hanay ng pinakamahihirap at pinakaapi.

Ang Estratehiyang ‘Lesser Evil’

Ang pagtatangkang ihiwalay si Marcos Jr. sa pananagutan ay nagmumula sa oportunistang estratehiya ng “lesser evil”—isang linyang nagpapahina ng kritisismo sa kasalukuyang administrasyon kahit malinaw at dumarami na ang ebidensya ng direktang pagkakasangkot ng Pangulo at malaking bahagi ng kanyang makinarya sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Mantakin ninyo: Hanggang ngayon, wala ni isang mataas na opisyal ang nakukulong. Kaya ang mga kabataan at maralita ay nawawalan na ng tiwala sa sistema at nananawagan ng Resign All at PTC na siyang mag-aasikaso ng darating na halalan—maaga man ito o sa nakaiskedyul sa 2028—na walang dinastiya ang pahihintulutang tumakbo. Ito’y dahil dinastiya ang ugat ng katiwalian at kahirapan.

Ito mismo ang dahilan kung bakit may hiwalay na rally sa Luneta. Hindi ito taliwas sa panawagang pananagutan ng Cardinal na isinisigaw sa Luneta. Magkaiba lamang ang aming pamamaraan. Sa Luneta, buong-tapang na tinukoy ang pangalan ng mga sangkot sa korapsyon, mula Pangulong Marcos Jr, VP Sara, at iba pa, at hiniling ang kanilang kaparusahan. Ang nagtungo sa Luneta ay hindi na naniniwalang may hustisyang makakamit sa administrasyong Marcos Jr., gaya nang namalas sa mga nagdaang buwan.

Malinaw ang pagkakasangkot ni Marcos Jr. at ng kanyang mga alyado. Ang pagtatakip o pagsasawalang-kibo sa kanilang responsibilidad ay hindi solusyon. Ito’y pampulitikang kalasag para protektahan ang isang makitid na reporma na tumatarget lamang ng piling dinastiya habang isinasalba ang mga itinuturing na “lesser evil.”

Sa paggigiit na kailangan muna ng “airtight evidence” bago punahin ang Pangulo, nalalagay ang Simbahan o sinumang naggigiit nito sa posisyong para silang hukuman na kailangang kumpletong-kumpleto ang ebidensya. Pero kahit sa sistemang ito, si VP Sara Duterte at iba pang makapangyarihang opisyal ay hindi man lamang ma-impeach o mapanagot ng korte. Hindi dapat ikahon ang usapin ng pananagutan ng mga nasa kapangyarihan sa legalistang pamamaraan.

Ang tungkulin ng pinalayang Simbahan

May masidhing moral, teolohikal, sosyal, at institusyonal na tungkulin ang Simbahan na isulong ang ispiritwal at materyal na kapakanan ng masa. Nangangahulugan ito ng pagtindig laban sa kahirapan, pang-aapi, korapsyon, karahasan ng estado, dinastiyang pulitikal, at istruktural na hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Sa Pilipinas ngayon, nangangahulugan ito ng paninindigang papanagutin ang lahat ng nasa kapangyarihan—lalo na silang may pinakamalaking access sa batas at proteksyon—at ang pagtindig para sa makabuluhan at sistematikong pagbabago. Ibig sabihin, kailangang talikuran ang “lesser evil” na perspektiba at pagtatanggol ng status quo. Hindi dapat takutin ang taumbayan na isuko nila ang panawagan para sa tunay na pagbabago. Kung lilimiin, ang tunay na panganib ay ang pagpapanatili sa bulok na sistema sa pagsusulong ng selektibo at limitadong pananagutan ng mga nasa kapangyarihan.

Tulad ni Cardinal David, pagod na pagod na rin kami—pagod sa bulok na sistema, matinding kahirapan, at kawalang-hustisya na nililikha ng mga nasa kapangyarihan.
Iginagalang namin ang Simbahan sa lahat ng Kanyang denominasyon. Ngunit hindi namin matatanggap kapag ang liderato nito ay pumapanig sa isang paksyon ng naghaharing uri sa ngalan ng “lesser evil.”
Resign All.
Itayo ang People’s Transition Council.
Wakasan ang Dinastiyang Pulitikal.

Sonny Melencio
Tagapangulo, Partido Lakas ng Masa (PLM)

Leave a comment