Resign All, Itayo ang People’s Transition Council

Mensahe na binigkas sa Fight Inequality Assembly sa UP Diliman, November 21, 2025
 
RESIGN ALL, ITAYO ANG PEOPLE’S TRANSITION COUNCIL
 
I. Tatlong Senaryo
 
Ang sitwasyong pampulitika ngayon ay iginuguhit ng salpukan ng mga pangunahing paksyon ng naghaharing uri, ng dalawang magkaribal na dinastiya ng mga Marcos at Duterte.
 
Sa tindi ng kanilang salpukan, saan ito tutungo? May tatlong senaryong hinaharap:
(1) Marcos Remain; (2) Sara Takeover; at (3) isang Military Junta o kudeta na magtatayo ng military junta.
 
Maraming bersyon sa bawat senaryo. Marcos Remain, pero hihina ang base niya at makikipagkompromiso siya sa iba pang paksyon.
 
Sara Takeover, pero makikipaghatian siya ng kapangyarihan sa militar.
 
A military takeover supporting Sara o pagtatayo ng isang full-blown military junta.
 
Masalimuot ang mga kalagayan at mahirap itong basahin dahil mga galaw ito ng naghaharing uri. Pero sa tatlong senaryo na ito, talo ang mga progresibo, talo ang masa.
 
Ano ba ang alternatiba o independyenteng galaw ng mga progresibong pwersa at ng masa?
 
II. Marcos Resign o Sara Takeover
 
Kung ang panawagan lamang ay gaya ng Marcos Resign, ito ay tutungo sa Sara Takeover. Ito ang sinasabi ng ilang grupong liberal na dapat iwasan, kaya mas gusto nilang Marcos Remain na lamang. O kaya Sara Resign lamang.
 
At ang pakonswelo sa ganitong linya ay iginigiit nila na si Marcos Jr. naman ang nag-umpisa at maaaring magtapos ng laban sa korapsyon. Sa totoong laman, ang ganitong linya ay pagsuko ng pamumuno sa gobyernong korap.
 
Kung Sara Takeover naman, kailangan ang tulong ng militar, kaya ang mga nakaraang galaw ng pwersang Duterte ay desperadong pakikiusap sa suportang miitar. Ito ay isang kahibangan.
 
III. Resign All
 
Ang nasasangkot sa korapsyon ay hindi lamang si Pangulong Marcos, hindi lamang si Sara Duterte, kundi ang buong Kongreso, ang Kamara at Senado, pasaklaw pa sa local government units, at pababa sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng DPWH at COA, at mga kontraktor na pagmamay-ari ng politiko o mga cronies nila.
 
Kaya hindi na lamang maaaring ipanawagan ang pagbibitiw ni Pangulong Marcos Jr. o ni Vice President Sara Duterte. Ang buong gobyerno ay korap. Ang buong gobyerno ay bulok. At pinaghaharian ng dinastiya na siyang pinag-uugatan ng korapsyon, impunity, at ng lahat ng kasamaan sa gobyerno at lipunan.
 
Sa ganitong kalagayan, marapat na ibalik ang panawagan ng Resign All. Mas nababagay pa nga ito ngayon dahil hindi lamang ang nasa tuktok ng gobyerno ang korap kundi ang buong gobyerno mismo. Kasama sa Resign All, na pananagutin silang lahat. Dapat ikulong si Bongbong Marcos, si Sara Duterte, at ang lahat ng sangkot sa korapsyon, laluna ang mga politiko na namihasa na sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
 
IV. Pero kapag Resign All, sino ang papalit?
 
Kung constitutional succession ang susundin: Kapag napagresign si Marcos at Sara, si Senate president Tito Sotto ang papalit. At kapag napag-resign si Sotto, si House Speaker Bojie Dy ang papalit. Si Bojie Dy ay mula rin sa isang bundat na dinastiya sa Isabela, na inamin mismo na may 16 siyang kamag-anak na lahat ay namumuno sa gobyerno.
 
Kahit mapag-resign din si Bojie Dy, ang binabanggit sa 1987 Constitution ay kailangang gumawa ng ang buong Kongreso para hirangin ang acting president mula sa kanilang hanay o kaya’y sa Supreme Court.
 
Sa madaling sabi, kung succession ang susundin, maliwanag na hindi mababago ang kalagayan at mananatili pa rin ang korapsyon dahil mananatili ang pamumuno ng dinastiya.
 
V. People’s Transition Council
 
Ang ibig lang sabihin nito ay kailangang tambalan ang Resign All ng panawagan ng independyenteng alternatiba ng masa.
 
At ang alternatiba na ito ay ang pagtatayo ng People’s Transition Council (PTC).
 
People, sapagkat itatayo ito ng mamamayan at hindi ng mga dinastiya at trapo, o kahit ng militar.
Transition, sapagkat ito ay pansamantala lamang hanggang sa magkaroon ng tunay na eleksyon.
 
Ang papel ng People’s Transition Council ay interim leadership para pangunahan ang pagtatawag ng eleksyon makapalipas ang ilang buwan, o mga anim na buwan, pagkatayo nito.
 
Pero para magkaroon ng tunay na eleksyon, kailangan ang pagpapatupad ng kongresyonal na pagbabawal sa political dynasty na hanggang ngayon ay hindi maisulong ng kongresong tadtad ng dinastiya.
Kung constitutional process – matapos mapag-resign sina Marcos, Duterte, Sotto, at Dy – maaaring pilitin ng PTC, sa lakas ng nagkakaisang pagkilos ng mamamayan, na itulak ang Kongreso na gumawa ng batas na mag-iimplement ng ban sa dynasty at magpapatawag ng malayang halalan.
 
Maaari ring extra-constitutional ang paraan ng PTC: pagdeklara ng rebolusyonaryong karakter ng interim government para maipatupad ang rebolusyonaryong Konstitusyon, gaya nang ginawa ni Cory Aquino. Sa ganitong senaryo, marami pang mga probisyon ng Konstitusyon na kontra-masa ang maaaring baguhin.
 
VI. Sino ang bubuo sa PTC?
 
Una, batid natin kung sino ang hindi dapat nakapaloob dito – ang dinastiya o sinuman sa kanila na matagal nang nagsasamantala sa masa. Sila ang kaaway ng masa. Sa ngayon, pipiliin pa kung sino ang maaaring mapabilang sa People’s Transition Council.
 
Ikalawa, ang pundasyon nito ay ang pagsasama-sama ng kinatawan ng ibat-ibang grupo, ng iba’t-ibang people’s organizations, civil society, religious groups, political blocs, at sectoral/ issue movements na maaaring humirang kung sinu-sino sa hanay nila o sa iba pang mapagkakatiwalang myembro ng lipunan ang dapat bumuo nito.
 
Ang asembliyang ito na magpapasya sa bubuo sa PTC ay maaari ring tumayong sentro ng malawak na pagkilos laban sa korapsyon at dinastiya hanggang hindi pa nagaganap ang mga pagbabago.
 
Isang kolatilya na ang mamumuno sa PTC ay hindi tatakbo sa magaganap na eleksyon. Pagtiyak ito na hindi makukubabawan ng PTC ang direksyon ng pagbabago.
 
Kaya dalawa ang tungkulin ng PTC: pagtiyak na pagbabago ng Konstitusyon na magwawakas sa dinastiya at pagpapatawag ng eleksyon na wala nang dinastiya. Kasama rito ang mga repormang elektoral para sa malinis, walang-daya at transparent na eleksyon. 
 
VII. Hindi lamang sa Pilipinas
 
Sabi ng iba, suntok ito sa buwan. Subalit tingnan natin ang nagaganap ngayon sa maraming panig ng mundo na ibinunga ng pag-aalsa, laluna ng kabataan o ng GenZ.
 
Sa Nepal, bumagsak ang gobyerno noong September at nagtatag ng Interim Council sa pamumuno ng chief justice ng Nepal. Ang interim council ay magtatawag ng eleksyon sa Marso 2026.
 
Sa Bangladesh, pinalitan ang gobyerno ng interim government na pinamunuan ni Muhammad Yanus, isang Nobel peace prize winner sa Grameen Bank na nagpasimuno ng microcredit at microfinance sa mga komunidad ng mahihirap. Ang eleksyon doon ay gaganapin sa June 2026.
Sa Morocco, patuloy ang pag-aalsa ng GenZ na nananawagan ng pagresign ng buong gobyerno.
Sa Kenya, nagkaroon ng pag-aalsa na nanawagan din ng People’s Transition Council, kasabay ng pagtatayo ng National Youth Council.
 
Kaya naiiba pa ba ang Pilipinas sa mga pagbabagong ekstra-konstitusyonal mula sa paglusaw sa nakatayong gobyerno at pagtatayo ng bago sa pamamagitan ng eleksyon? Hindi ito suntok sa buwan lamang. Nangyayari ito sa maraming bansa sa pangunguna ng mga kabataan.
 
VII. Panawagan
 
Bilang panghuli, bigyan natin ng pagpupugay ang mga kabataan at estudyante na nangunguna at hindi tumitigil sa laban sa korapsyon at dinastiya. Nagpapatuloy ang mga walkout, martsa sa kalsada, pagsugod sa Mendiola, at iba pa. Salubungin natin ang siglang ito ng pag-oorganisa at pagpapalakas ng kanilang hanay.
 
Para sa PLM, magaganap bukas ang pagbubuo ng PLM-YS (Youth & Students) dito rin sa UP. Bubuuin ito ngayon ng kinatawan sa higit 20 high schools sa Metro Manila at kanugnog na bayan.
 
At batid ko na pagkatapos ng Forum na ito, lalahok tayo sa mass walk-out ng mga estudyante ng UP. Mabuhay kayong lahat! Ipagtagumpay ang laban!
Resign all, itayo ang People’s Transition Council!
 
Sonny Melencio, Tagapangulo
Partido Lakas ng Masa (PLM)
 

Leave a comment