
POLITICAL SITUATION TODAY:
Ito ay updated statement ngayong November 13, 2025.
HINDI KARANIWAN – o ekstra-ordinaryo – ang kalagayang pampulitika ngayon. May dalawang krisis pampulitika sa bansa:
A. Una, ang krisis sa hanay ng naghaharing uri na umakyat na sa krisis ng legitimacy ng kanilang paghahari.
1. Likha ito at pinapaypayan ng tumitinding hidwaan ng mga naghaharing dinastiya na kumakatawan sa kampo ng mga Marcos at mga Duterte.
2. May implosyon na umaagnas sa kanilang hanay. Pinamamalas ito ng walang tigil na rigodon ng nagbabanggaang dinastiya sa mahahalagang pwesto sa Kamara at Senado.
3. Sumambulat sa televised hearing ang walang hanggang-korapsyon ng mga kongresista at senador. Nangunguna sa mandarambong sina Kongresman Zaldy Co (na nagtatago na), Martin Romualdez, Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Chiz Escudero, marami pa. Subalit hanggang ngayon, WALA ni isa mang nakukulong sa kanila.
4. Hindi makaliligtas sa pag-uusig sina pangulong Ferdinand Marcos Jr., bise-presidente Sara Duterte at ang buong ehekutibo. Kahit na mga pangkat ng grupong socdem at liberal sa Kongreso ay dinedepensahan si Marcos Jr. sa mapanubang alyansa sa “lesser evil” laban sa mga pangunahing demonyo sa gobyerno.
5. Systemic at sistematiko ang korapsyon sa bansa. Hindi lamang ito gawa ng ilang indibidwal, bahagi ang korapsyon ng sistema ng paghaharing dinastiya, trapo, at oligarkiya. Ginawang negosyo ng mga mandurugas ang buong gobyerno.
6. Umabot na sa krisis ng legitimacy ang kanilang paghahari. Ang krisis na ito ay hindi lamang sa Kongreso, ehekutibo, at mga lokal na gobyerno. Pati ang hudikatura, sa ilalim ng Korte Suprema, ay pinalusot ang mandarambong na si Sara Duterte sa kaso ng impeachment. Inalisan nito ng pag-asa ang bayan na magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang sistema.
7. Batid ito ng mga nasa poder. Sa gitna ng krisis ng legitimacy, ipinanukala ng dinastiyang senador na si Alan Peter Cayetano ang pagpapatawag ng snap election para bawiin ang legitimacy ng kanilang pamumuno at makalusot sa accountability.
Extra-constitutional na aksyon
1. Nauulinigan din ang pag-alagwa ng away sa pagitan ng mga dinastiya tungo sa ekstra-konstitusyonal na paraan. Gaya nang kudeta o paghikayat ng withdrawal of support ng mga grupo ng mlitar laban sa rehimeng Marcos. Hindi magkasundo kung ang kapalit nito ay pagluklok kay VP Sara Duterte bilang presidente. Ibinunyag ito sa mga pahayag ng Pulitzer-winner journalist na si Manny Mogato. Ibinulgar niya na noong September 21, nakatanda sanang kumasa ng ng withdrawal ang support ang ilang opisyal ng militar.
2. Sasalubungin daw ito ng ‘pinakamalaking simbahan’ sa bansa (INK) na maka-Duterte at magpapakilos ng 500,000 katao sa Luneta at tig-50,000 sa bahay nina Zaldy Co, Romualdez, at Discaya para isulong ang destabilisasyon. Pero nang iginiit ng simbahang ito na dapat ihalili sa pwesto si Sara Duterte, tumanggi ang grupo ng militar at hindi natuloy ang balak.
3. Nauwi ang protesta ng mga Duterte sa “isang platitong mani” sa Liwasang Bonifacio at sa tarangkahan ng Gate 4 sa Camp Aguinaldo noong September 21.
4. Hindi pa natatapos ang pagku-conspire ng mga Duterte at mga bataan nila. Magdadaos ng tatlong araw na protesta mula November 16-18 (Linggo-Martes) ang INK ni Manalo, Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ni Quiboloy, at ang Jesus is Lord (JIL) ni Villanueva. Nagsanib-sanib para suportahan si Sara Dutere, Quiboloy, at Joel Villanueva na inuusig ngayon ng korapsyon. Katulad nang naunang balak, pinupuntirya rin nito ang suporta ng militar para mag-withdraw ng support kay Marcos Jr.
Hindi malulutas ang krisis
1. Hindi malulutas ng naghaharing uri ang krisis sa legitimacy na pinaputok rin nila sa ilalim ng bangayang dinastiya. Pinukpok ni Marcos Jr. ang kanyang paa sa isang kampanya na akala niya ay titigil lamang sa mga Duterte. Hinahabol na siya ngayon ng kampanyang ito.
2. Isa sa pwedeng magpatigil sa isyu ang pagpapakulong ngayon sa mga sagadsarang korap, gaya nang hinihingi ng masa. Hindi pa nagaganap ito, dahil nagnenegosasyon ang mga mandarambong kung sino-sino ang ilalaglag nila para payapain ang mga tao.
3. Ang pagpapakulong sa mga kawatang sina Johnny Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla ang nagpatigil sa momentum ng kontra-korapsyong kilusan noong 2013. Ipinatigil ng Korte Suprema ang PDAF na pinagmumulan ng korapsyon, pero ilan taon lamang, nakagawa ng paraan ang mga mandurugas sa Kongreso na kumamal pa rin ng yaman sa ilalim ng sistem
ang “insertion”.
B. Ikalawang anyo ng krisis sa pulitika ang hindi humuhupay, at lumalawak at lumalaki pang protesta ng masa
1. Sa matagal na pagkakahimbing, parang Phoenix na nagbangon mula sa abo ang malawak na kilusang protesta. Ipinakita ito sa dalawang malaking rali sa Luneta at sa EDSA Shrine noong September 21.
2. Bagamat ang Luneta rally ay pinangunahan ng mga Kaliwang pwersa, kabilang rito ang maraming organisasyon ng mga estudyante, community youth, religious groups, local NGOs, at mga ordinaryong mamamayan.
3. Ang saklaw ng panawagan ay panagutin ang lahat – mula sa kampong Marcos at Duterte, at mga dinastiyang nangungurakot sa pwesto. Umalingawngaw sa rali ang sigaw na “Marcos, Duterte, walang pinag-iba” at “Mga Korap, Ikulong na Yan”.
4. Ang naganap na martsa sa Mendiola noong araw na iyon ay hudyat ng mapangahas na pagkilos ng kabataan, hindi lamang para magmakaawa, kundi ulusin ang poder ng kapangyarihan na simbolo ng pagsasamantala at pang-aapi sa kanila. Sumiklab ang makatarungang pag-aalsa ng mga kabataan sa harap ng mga pagharang, pamamaril, at pamamasista ng mga pulis sa di-armadong kabataan.
5. Hindi natapos ang mga mobilisasyon sa kalsada. Nagpatuloy ang pagkilos ng mga kabataan sa iba’t ibang eskwelahan, sa anyo ng mass walkout at pagbaha sa kalsada. Umarangkada rin ang mga localized na aksyon, gaya nang naganap sa maraming bayan sa Bulacan. Namalas rin natin ito sa masigasig na pagsuporta ng masa sa localized synchronized action ng PLM noong September 12 at October 3 (Black Friday).
6. Dapat salubungin ng lahat ng sektor at organisasyon ng masa ang mga nagaganap na protesta laluna sa hanay ng estudante at kabataan. May espontanyong katangian ang mga protestang ito na nagbabadya ng namumuong bugso. Napakainam na kalagayan para pakawalan ang bugso na magluluwal ng makapangyarihang sigwa.
C. Panawagan at Hamon
Mga kasama:
1. Matagal na tayong nananawagan ng pagpapalawak at pag-oorganisa. Halos paulit-ulit na lamang. Pero naririto na ang oportunidad na pagpapalawak ng ibayong ulit, at pag-oorganisa ng ibayong saklaw. Hindi painut-inot, kundi bugsu-bugso hanggang sumambulat ang sigwa ng mga pakikibaka.
2. Ang espontanyong karakter ng bugso ay nasa hanay ng mga estudyante. Nananawagan kami na ihanda natin ang ating hanay para galugarin ang mga eskwelahan mula sa mga tampok na unibersidad tungo sa mga high-school public at private schools na nakapalibot sa ating mga komunidad.
3. Manawagan tayo ng malawakang rekrutment sa PLM sa kanilang hanay. Gawin ito sa mga komunidad at sa social media.
4. Bumuo tayo ng mga organizing team na kabataan din ang magpapatakbo. Sa paggalugad, maangahas na magpakilala at imbitahan ang mga mag-aaral sa mga pagkilos. Imbitahan din sila sa diskusyon sa ating mga komunidad ukol sa korapsyon at isyu ng bayan.
5. Sa bawat nabuksang paaralan, kumuha ng mga dadalo sa Student Assembly Laban sa Korapsyon at Dinastiya na ilulunsad natin sa November 22, ilang araw bago ang malaking mobilisasyon sa November 30. Bubuuin natin dito ang tatayong panandaliang liderato para sa mas malaki at malawak na Student Summit na ipatatawag natin sa Enero 2026.
6. Nananawagan din kami na ipagpatuloy ang Black Friday rallies sa ating mga lokalidad na pinakikilos ang lumalaking bilang ng mga estudyante sa mga paaralang malapit sa ating komunidad. Ang karakter ng protesta ay hindi na lamang sentralisado sa EDSA o iba pang syudad. Paputukin ito sa kasuluk-sulukan ng bansa na ating maaabot.
7. Krusyal ang pagbubuo ng isang pangmasang samahan ng mga estudyante na nangangampanya ng sumusunod: (1) Lahat ng korap, ikulong; (2) wakasan ang dinastiya, (3) itayo ang Gobyerno ng Masa; at (4) isulong ang alternatibang sistema ng Sosyalismo sa bansa.
SUNGGABAN ANG MAINAM NA KALAGAYAN NGAYON!
KUNIN ANG PAMPULITIKANG PAMUMUNO!
MANGAHAS MAKIBAKA! MANGAHAS MAGTAGUMPAY!
Sonny Melencio
Tagapangulo, Partido Lakas ng Masa (PLM)
October 7, 2025
