ni Ka Leody de Guzman, Pangulo ng Partido Lakas ng MAsa
Ika 5 ng Hulyo, 2024
Sinasabi ng datos ng gobyerno na bahagya daw na humina ang inflation rate o pagtaas sa presyo ng mga bilihin. Mula sa 3.9% noong Mayo ay naging 3.7% noong nakaraang buwan. Hindi ito ramdam ng taumbayan.
Sapagkat: (1) Hindi naman tumataas ang kanilang kita. Ang pagtaas sa minimum wage ay sa NCR lamang. Maraming manggagawa ang hindi nakinabang sa Wage Order 25 dahil tadtad ito ng exemptions. Hindi rin gumagana ang “wage distortion” para mag-adjust ang sweldo ng mga tumatanggap ng above minimum. Ang wage hike ay hindi across-the-board at hindi nationwide, at, (2) Mas mataas sa 3.9% “headline inflation” ang itinaas ng presyo ng pagkain. Apektado ito ng pagbagsak ng piso kada dolyar. Malaking bahagi kasi sa food supply ng Pilipinas ang inaangkat na mula sa ibang bansa. Sa bawat pagmahal ng dolyar, apektado rin ang presyo ng langis at kuryente na parehong karaniwang input sa produksyon at distribusyon ng ating mga pangangailangan.
Para tugunan ang pagsirit sa presyo ng bilihin, kailangang ipatupad ang sumunod:
1. ACROSS-THE-BOARD LEGISLATED WAGE INCREASE.
Across-the-board ang inflation, dapat na ganundin ang wage increase o umento sa buong bansa at hindi lang para sa minimum wage earner. Nakahain ngayon sa kongreso’t senado ang panukala ng legislated wage increase. Ito ang unang hakbang tungo sa national wage at sa pagbubuwag ng provincial rates.
2. PRICE CONTROL. Ibalik sa regulasyon, hindi deregulasyon, ang patakaran sa pagratakda ng mga presyo. Walang ipin ang suhestyon ng DTI sa kanilang “suggested retail price”. Kontrolin ang presyo upang matigil ang paiikot-ikot na argumento sa “wage recovery”. Kapag tumataas ang mga presyo, hihingi ang manggagawa ng dagdag-sahod. Sa bawat umento, sinasabi ng mga kapitalista na sila ay magtataas ng presyo. Karugtong ng “sahod itaas” ang “presyo ibaba”.
3. SUSPENSYON NG VALUE ADDED TAX (VAT) SA LANGIS. Magsakripisyo ang gobyerno sa pagsususpinde ng koleksyon ng VAT sa presyo ng produktong petrolyo. Imoral na makinabang pa ang estado sa paghihirap ng publiko dahil lalong tumataas ang VAT kasabay ng pagtaas sa oil prices.
4. PAGTITIYAK SA LOCAL AGRICULTURAL PRODUCTION, HINDI FOOD IMPORTATION. Ang pinakamalaking gastusin ng ordinaryong mamamayan ay nasa pagkain (kasunod ang utilities gaya ng kuryente’t tubig). Para ibaba ang presyo ng pagkain, tiyakin ang ayuda at subsidyo sa mga magbubukid.
Ang pagsandig sa importasyon ng pagkain ay pagpapatiwakal. Lalo sa konteksto na ang mundo ay nasa bingit ng gyera at kaguluhan sa “supply chain”. Itaguyod ang “food sovereignty”.
Hinahamon namin si Marcos Junior na ideklara ang mga patakarang ito sa parating na SONA upang kagyat na tugunan ang pagsirit sa mga presyo, na mas ramdam ang paghagupit sa manggagawa’t mamamayang Pilipino sa dalawang taon ng kanyang termino.
