BADYET 2025: Para sa Patronage Politics, Mula sa Pangungutang

May dalawang tanong ang nais nating mapansin ng taumbayan sa panukalang badyet. Una, saan ito kukunin? Ikalawa, saan ito gagastusin?

September 22, 2022 – Pagkilos sa harap ng Department of Finance noong Biyernes upang igiit ang pagpataw ng wealth tax at pagbasura sa kontra-mamamayang pagbubuwis:

SAAN ITO KUKUNIN? Noong Mayo, ang fiscal position ng gobyerno ay nanumbalik sa deficit. Ibig sabihin, sobra ang gastos at kulang ang koleksyon. Nasa P174.9 bilyon ang deficit noong Mayo. Ang buwis ng gobyerno ay mas consumption taxes kaysa sa buwis sa kita at pag-aari. Sa panahong tumataas ang mga presyo, ang mga mamimili ay naghihigpit ng sinturon. Ang tendensya ay lumiit ang koleksyon. Dagdag pa rito, ang iba’t ibang mga tax incentives na binibigay ng gobyerno sa layong maghikayat ng namumuhunan; isa na ang pagbaba ng corporate income taxes na ginawa noong Marso 2021.

Ano ang kanilang solusyon? Magbenta ng treasury bills at bonds. Sabi ng Bureau of Treasury (BTr), nagkakahalagang P630 bilyon ang kanilang ibebenta sa third quarter (July to August) ngayong 2024. Ito ay pangungutang na nasa ibang porma. Ang tawag dito ng mga NGO (gaya ng Freedom from Debt Coalition – FDC) ay pinansyalisasyon ng pangungutang. Imbes na umutang sa mga bangko, kinukuha ang kinakailangang pondo mula sa publiko. May interes na babayaran sa isang takdang panahon. Mga bonds na maari namang ibenta ng imbestor sa iba pang imbestor. Sa ganitong iskema pumapasok ang mga “sovereign wealth fund” gaya ng Maharlika Investment Fund.

Ang aking panukala noong eleksyon ay maging mapanlikha at mapangahas ang gobyerno sa paglikha ng pondo, ang aking proposal ay “wealth tax”. Buwisan ang mga bilyonaryo. Sila lamang ang nakikinabang sa paglago ng ekonomya ng bansa. Sila ang totoong pinagsisilbihan ng gobyerno. Sila ang may-kapasidad na pumasan ng tax burden. Sila ang dapat pangunahing kunan ng buwis ng estado. Sa ganitong paraan, hindi tumataas ang utang ng gobyerno, direkta man o indirekta sa anyo ng bonds) dahil ang lumaki ay ang kita’t koleksyon ng gobyerno.

SAAN ITO GAGASTUSIN? Kapag tiningnan ang mga ahensyang makakakuha ng mas malaking porsyon ng edukasyon, public works, health, interior and local government, at defense. Mukha namang pampublikong serbisyo sa biglaang tingin. Laluna ang edukasyon, imprastraktura, at kalusugan. Subalit hindi ganoong kasimple ang katotohanan.

Ang badyet para sa mga ahensya, na inilaan ng Malakanyang, ay dadaan sa mga kongresista. Sa alokasyon nito, titiyakin ng mga kongresista (hindi lang mula sa distrito kundi maging nasa partylist), na dadaloy ito sa mga pamahalaang lokal na kanilang inaalagaan para sa boto. Ito ang sistema ng “patronage politics”, na kabisado na ng mga dinastiyang naghahari sa mga local government units (LGU).

Ang pag-andar ng “patronage politics” ang dahilan kung bakit mas mataas ang badyet tuwing election year. Ito ay electioneering na ligtas at lagpas sa kapangyarihan ng Comelec dahil nagaganap ito bago pa man ang panahon ng kampanyahan. Ito ay “serbisyo” na mas consumption-driven kaysa public investment dahil nakadisenyo bilang dole-out sa mga botanteng inaasahang magdeliver sa mga dinastiya sa darating na halalan, at nasa anyo ng educational assistance at ayuda (marami nang anyo, TUPAD, 4Ps, AKAP, atbp.). Habang hostage ng mga dinastiya ang badyet ng bansa, imposibleng mapupuhunan ng gobyerno ang totoong pambansang pag-unlad, lalo ang pagpapalakas ng lokal na industriya’t agrikultura na lilikha ng hanapbuhay at pangangailangan ng mamamayang Pilipino.

Leave a comment